Sarajevo—Mula 1914 Hanggang 1994
Sarajevo—Mula 1914 Hanggang 1994
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN
Walumpung taon na ang nakalipas mula nang kapaha-pahamak na mga putok ng baril na iyon noong Hunyo 28, 1914, sa Sarajevo. Ang mga putok na iyon ang pumatay kay Arkiduke Francis Ferdinand at sa kaniyang asawa, si Arkidukesa Sophie, at sa gayon ang alitan sa pagitan ng Austria-Hungary at Serbia ay tumindi tungo sa Digmaang Pandaigdig I. Sa 65 milyong binata na ipinadala sa larangan ng digmaan, humigit-kumulang 9 na milyon ang hindi na kailanman bumalik. Kasama ang mga nasawing sibilyan, isang kabuuang 21 milyon katao ang namatay. Pinag-uusapan pa rin ng ilan ang pagsiklab ng digmaang iyon noong Agosto 1914 bilang ang panahon nang “ang daigdig ay mabaliw.”
MINSAN pa ang mga putok ay umaalingawngaw sa buong Sarajevo. At hindi lamang sa Sarajevo kundi sa ilan din sa anim na republika ng dating pederasyon ng Yugoslavia. a Ang aklat na Jugoslavien—Ett land i upplösning (Yugoslavia—Isang Bansang Nalalansag) ay nagsasabi: “Ito’y isang gera sibil kung saan ang kapitbahay ay nakikipagbaka sa kapitbahay. Ang malaon nang mga sama ng loob at mapaghinalang mga saloobin ay naging poot. Ang poot na ito ay humantong sa labanan at ang labanan ay humantong sa higit pang pagpapatayan at higit pang pagwasak. Para itong isang masamang siklo o, bagkus, ito’y tulad ng isang tumitinding poot, paghihinala, at pagpatay.”
Nang sumiklab ang mga digmaan sa Yugoslavia noong Hunyo 1991, hindi kataka-taka na nagunita ng maraming tao ang mga pagbaril sa Sarajevo noong Hunyo 1914. Ang bagong labanan kayang
ito ay humantong sa gayunding kapaha-pahamak na mga resulta? Isapanganib kaya nito ang kapayapaan sa Europa? Maaari kayang lumaganap ang programa ng “etnikong paglilinis” (sadyang pagpatay at pagpapalayas ng isang pangkat na panlahi, pampulitika, o pangkultura) sa ibang bahagi ng daigdig? Ang internasyonal na panggigipit ay isinasagawa upang sikaping wakasan ang labanan. Subalit ano nga ba ang tunay na dahilan ng mga kaguluhan sa dating Yugoslavia? Ang mga pangyayari ba kamakailan sa Sarajevo ay may anumang kaugnayan sa pataksil na pagpatay noong 1914?Yugoslavia at ang Digmaang Pandaigdig I
Ang mga labanan ay hindi bago. Sa simula pa lamang ng dantaon, ang Balkan Peninsula ay binabanggit bilang “ang magulong rehiyon ng Europa.” Ang Jugoslavien—Ett land i upplösning ay nagsasabi: “Tayo’y nakikitungo sa pagkalansag ng isang pagsasama kung saan ang kaigtingan ay tumitindi sa loob ng napakahabang panahon. Sa katunayan, ang mga alitan ay naroon na nang ang Kaharian ng Serbia, Croatia at Slovenia [dating pangalan ng Yugoslavia] ay itatag sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I.” Ang ilang makasaysayang pinagmulan ay tutulong sa atin na maunawaan kung paanong ang kasalukuyang-panahong mga alitan ay nauugnay sa Digmaang Pandaigdig I.
Ayon sa kasaysayan noong panahon ng pataksil na pagpatay kay Francis Ferdinand noong 1914, ang Timog Slavik na mga bansa ng Slovenia, Croatia, at Bosnia at Herzegovina ay mga lalawigan sa Imperyo ng Austria-Hungary. Ang Serbia, sa kabilang dako, ay isang independiyenteng kaharian at gayon ito mula noong 1878, malakas na suportado ng Russia. Gayunman, maraming Serbiano ang nakatira sa mga lalawigang sakop ng Austria-Hungary, at sa gayon nais ng Serbia na isuko ng Austria-Hungary ang lahat ng okupadong dako sa Balkan Peninsula. Bagaman ang mga alitan ay umiiral sa pagitan ng Croatia at Serbia, sila’y nagkaisa sa iisang naisin: paalisin ang kinamumuhiang dayuhang tagapamahala. Pinangarap ng mga makabayan ang pag-iisa ng lahat ng mga Slav sa Timog sa isang kaharian. Ang mga Serbiano ang pinakamalakas na puwersang nag-udyok sa pagbuo ng gayong independiyenteng estado.
Nang panahong iyon ang nagpupunong emperador, si Francis Joseph, ay 84 na taóng gulang. Di-magtatagal si Arkiduke Francis Ferdinand ang magiging bagong emperador. Nakita ng makabayang mga Serbiano si Francis Ferdinand bilang isang hadlang sa katuparan ng kanilang pangarap ng isang Timog Slavik na kaharian.
Ang ilang kabataang mga estudyante sa Serbia ay wala nang nasa isip kundi ang idea ng isang malayang estado ng Timog Slavik at handa silang mamatay para sa kanilang kilusan. Ilang kabataan ang napili upang isagawa ang pataksil na pagpatay sa Arkiduke. Sila’y binigyan ng mga sandata at sinanay ng isang lihim na makabayang pangkat ng mga Serbiano na tinatawag na Itim na Kamay. Dalawa sa mga kabataang ito ang nagtangka sa pataksil na pagpatay, at isa sa kanila ang nagtagumpay. Ang pangalan niya ay Gavrilo Princip. Siya’y 19 anyos.
Ang pataksil na pagpatay na ito ay nakatulong upang maisagawa ang hinahangad na layunin ng mga gumawa ng masama. Nang matapos ang unang digmaang pandaigdig, ang monarkiya ng Austria-Hungary ay naglaho, at ang Serbia ay maaari nang manguna na pagkaisahin ang mga Slav upang bumuo ng isang kaharian. Noong 1918 ang kahariang iyon ay nakilala bilang ang kaharian ng mga Serb, Croats, at Slovenes. Ang pangalan ay binago tungo sa Yugoslavia noong 1929. Gayunman,
nang ang iba’t ibang pangkat ay hindi na kailangang pagkaisahin sa kanilang iisang pagkapoot sa Austria-Hungary, naging maliwanag na may mga pagkakaiba sa gitna ng mga pangkat mismo. Mayroong halos 20 iba’t ibang pangkat ng populasyon, apat na opisyal na mga wika at ilang wika pa na sinasalita ng iilan, dalawang magkaibang abakada (Romano at Cyrillic), at tatlong pangunahing relihiyon—Katoliko, Muslim, at Ortodoxong Serbiano. Ang relihiyon ay patuloy na naging isang pangunahing bumabahaging salik. Sa ibang salita, may napakaraming malaon nang bumabahaging mga salik sa bagong Estado.Yugoslavia at ang Digmaang Pandaigdig II
Noong Digmaang Pandaigdig II, sinakop ng Alemanya ang Yugoslavia, at, ayon sa aklat na The Yugoslav Auschwitz and the Vatican, “mahigit sa 200,000 katao, karamiha’y Ortodoxong mga Serb, ang sistematikong pinatay” ng mga Croatianong Katoliko na nakipagtulungan sa mga Nazi. Gayunman, napuwersa ng Croatianong si Josip Tito, kasama ng kaniyang mga kapanig na Komunista at sa pakikipagtulungan sa mga Britano at mga Amerikano, ang mga Aleman na umurong mula sa Yugoslavia. Nang matapos ang digmaan, siya ang lumitaw bilang ang di-mapag-aalinlanganang lider ng bansa at nagsimulang mamahala rito na may kamay na bakal. Siya’y isang independiyenteng tao. Hindi siya mapilit kahit ni Stalin na gawin ang Yugoslavia na maging kasuwato ng iba pang Komunistang bloke.
Marami na mula sa dating Yugoslavia ang nagsabi: ‘Kung hindi dahil kay Tito, ang pagkakaisa ay malaon nang nalansag. Siya lamang ang may determinasyon at ang kinakailangang awtoridad upang pagkaisahin ito.’ Ito ay napatunayang totoo. Pagkamatay ni Tito noong 1980 ay muling nag-alab ang mga alitan, sumisidhi hanggang sa sumiklab ang isang gera sibil noong 1991.
Ang mga Bala na Bumago sa Daigdig
Sa kaniyang aklat na Thunder at Twilight—Vienna 1913/1914, ang awtor na si Frederic Morton ay sumulat tungkol sa pagpatay kay Francis Ferdinand: “Ang bala na marahas na tumama sa kaniyang leeg ang panimulang putok sa pinakamapangwasak na pagpatay na nakilala ng tao hanggang nang panahong iyon. Pinasimulan nito ang anyo ng pagbabago na humantong sa Digmaang Pandaigdig II. . . . Marami sa mga salik na naging sanhi ng kalagayan ng daigdig sa kasalukuyan ay nalikha sa mga bansang nasa hangganan ng Danube sa loob ng isa at kalahating taon bago pa nangyari ang pataksil na pagpatay sa Arkiduke.”—Amin ang italiko.
Ang mga pangyayari kamakailan sa dating Yugoslavia na hindi lamang “mga salik na naging sanhi ng kalagayan ng daigdig sa kasalukuyan” ay matutunton pabalik sa 1914. Ang mananalaysay na si Edmond Taylor ay nagpapahayag ng isang
bagay na sinasang-ayunan ng maraming mananalaysay: “Ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I ang nagdala sa ikadalawampung-siglo ng ‘Panahon ng Kabagabagan’ . . . Maging sa tuwiran o di-tuwirang paraan ang lahat ng mga kaligaligan ng nakaraang kalahating siglo ay nagsimula noong 1914.”Gumawa ng mga pagsisikap na ipaliwanag kung bakit ang mga pagbaril sa Sarajevo ay nagkaroon ng gayong katakut-takot na resulta. Paanong ang dalawang putok ng baril mula sa isang “kabataang mag-aaral” ang nagpaalab sa espiritu ng digmaan sa buong mundo at nagdala ng isang panahon ng karahasan, kalituhan, at pagkabigo ng pangarap na nagpatuloy hanggang sa ating panahon?
Mga Pagsisikap na Ipaliwanag ang mga Pangyayari Noong 1914
Sa kaniyang aklat na Thunder at Twilight—Vienna 1913/1914, sinikap ipaliwanag ng awtor kung ano ang pinagmulan ng digmaan sa pagbanggit sa tinatawag niyang “ang bagong kapangyarihan” na nakaimpluwensiya sa mga bansa noong 1914. Ang “kapangyarihan” na ito, aniya, sa katunayan ay ilang salik na sama-samang gumagawa. Ang ilang matinong-isip na mga opinyon na ipinahayag ay nadaig ng patuloy na pagsigaw para sa digmaan. Ang paghahanda sa digmaan ng isang bansa ang nagpabilis sa paghahanda sa digmaan ng lahat ng iba pang bansa. Ang awtoridad ay nailipat mula sa uring namamahala tungo sa mga heneral. Nakita rin ng maraming tao sa digmaan ang isang kasiya-siyang pagkakataon upang maranasan ang isang “malaking pambansang abentura” at sa gayo’y takasan ang nakababagot na araw-araw na buhay. Nang maglaon, isang opisyal ang sumulat: “Tulad ng mga lalaking nananabik sa bagyong may kulog at kidlat upang sila’y mapaginhawa sa alinsangan ng tag-init, gayundin naniniwala ang salinlahi ng 1914 sa ginhawa na maaaring idulot ng digmaan.” Ang Alemang awtor na si Hermann Hesse ay nagsabi na makabubuti sa maraming tao na bulabugin mula sa “isang nakababagot na buhay sa isang kapitalistang lipunan.” Ang kasabihan na ang digmaan ay “isang paglilinis, isang pagpapalaya, isang pagkalaki-laking pag-asa” ay ipinalalagay na mula sa Alemang awtor na nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Thomas Mann. Kahit na si Winston Churchill, na tuwang-tuwa sa kaisipan ng digmaan, ay sumulat: “Ang mga paghahanda sa digmaan ay may nakasisindak na panghalina sa
akin. Ako’y nanalangin sa Diyos na patawarin ako sa gayong nakatatakot na labis na kahangalan.”Dahilan sa “bagong kapangyarihan” na ito na ang masiglang mga tanawin ay isinagawa sa buong Europa habang ang mga sundalo ay nagmamartsa patungo sa digmaan. Ang berdeng maliliit na sanga ay ikinabit sa kanilang mga gora, ang mga kuwintas ng bulaklak na rosas ay isinabit sa mga kanyon, ang mga orkestra ay tumugtog, ikinaway ng mga maybahay ang mga panyo mula sa kanilang mga bintana, at ang masayang mga bata ay tumatakbong kaagapay ng mga sundalo. Wari bang ang mga tao’y nagdiriwang at nagsasaya sa pagdating ng digmaan. Ang digmaang pandaigdig ay minalas bilang isang masayang okasyon.
Ito ang buod ng sinipi ni Morton kanina, na tinatawag na “bagong kapangyarihan” na ipinalalagay na tutulong sa atin na maunawaan ang sanhi ng unang digmaang pandaigdig. Subalit saan nanggaling ang “kapangyarihan” na ito? Ang mananalaysay na si Barbara Tuchman ay sumulat na ang industriyal na lipunan ay nagbigay sa tao ng bagong mga kapangyarihan at bagong mga panggigipit. Sa katunayan, “ang lipunan . . . ay . . . nagpuputok dahil sa bagong mga kaigtingan at natipong lakas.” Si Stefan Zweig, isang matalinong kabataan mula sa Vienna nang panahong iyon, ay sumulat: “Hindi ko maipaliwanag ito maliban na sa pamamagitan ng natipong lakas na ito, isang kalunus-lunos na bunga ng panloob na lakas na natipon sa loob ng apatnapung taon ng kapayapaan at ngayo’y humanap ng marahas na paglaya.” Ang katagang “hindi ko maipaliliwanag ito maliban na” ay nagmumungkahi na siya mismo ay nahihirapang ipaliwanag ito. Sa paunang-salita sa kaniyang aklat na Thunder at Twilight, si Morton ay sumulat: “Bakit nangyari iyon sa partikular na panahon at dakong iyon? At paano? . . . Mayroon bang himaton upang maunawaan ang lahat ng nakalilitong mga pangyayaring ito?”
Oo, marami na nagsisikap ipaliwanag ang mga pangyayari noong 1914 ay nakadarama na ang pangunahing mga dahilan ay talagang mahirap unawain. Bakit ang digmaan ay hindi natatakdaan sa mga pangkat na tuwirang kasangkot? Bakit ito lumaki tungo sa isang pandaigdig na digmaan? Bakit ito lubhang tumagal at mapangwasak? Ano nga ba ang kakaibang kapangyarihan na ito na sumupil sa sangkatauhan noong taglagas ng 1914? Tatalakayin ng aming susunod na artikulo, pahina 10, ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang Yugoslavia ay nangangahulugang “Lupain ng mga Slav sa Timog.” Ang mga republika ay ang Bosnia at Herzegovina, Croatia, Macedonia, Montenegro, Serbia, at Slovenia.
[Blurb sa pahina 6]
“Tulad ng mga lalaking nananabik sa bagyong may kulog at kidlat upang sila’y mapaginhawa sa alinsangan ng tag-init, gayundin naniniwala ang salinlahi ng 1914 sa ginhawa na maaaring idulot ng digmaan.”—Ernest U. Cormons, diplomat ng Austria
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
1914
Inihula ng Bibliya ang kapaha-pahamak na mga pangyayari na naganap mula noong 1914
“At may iba pa na lumabas, isang kabayong kulay-apoy; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya. At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy na nagsabi: ‘Halika!’ At nakita ko, at, narito! isang kabayong itim; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang pares ng timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na para bang nasa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsabi: ‘Isang quarto ng trigo para sa isang denario, at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario; at huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak.’ At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsabi: ‘Halika!’ At nakita ko, at, narito! isang kabayong maputla; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may pangalang Kamatayan. At ang Hades ay sumusunod kaagad sa kaniya. At binigyan sila ng awtoridad sa ikaapat na bahagi ng lupa, upang pumatay sa pamamagitan ng mahabang tabak at ng kakapusan sa pagkain at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”—Apocalipsis 6:4-8 (Tingnan din ang Lucas 21:10-24; 2 Timoteo 3:1-5.)
“Ang Dakilang Digmaan ng 1914-18 ay nakalatag na mistulang isang lugar na natupok na humahati sa panahong iyon at sa panahon natin. Sa paglipol sa napakaraming buhay na maaari sanang pakinabangan sa sumunod na mga taon, sa pagwasak sa mga paniniwala, pagbabago ng mga idea, at pag-iiwan ng mga sugat ng nasirang pangarap na di na gagaling, iyon ay lumikha ng isang pisikal gayundin ng agwat sa kaisipan sa pagitan ng dalawang yugto ng panahon.”—Ang paunang salita sa The Proud Tower, ni Barbara W. Tuchman.
“Ang apat na taon na sumunod [pagkatapos ng 1914] ay, gaya ng isinulat ni Graham Wallas, ‘apat na taon ng pinakamatindi at pinakadakilang pagsisikap na kailanma’y nagawa ng lahi ng tao.’ Nang matapos ang pagsisikap, ang mga pangarap at kasiglahan na posible hanggang noong 1914 ay unti-unting lumubog sa ilalim ng dagat ng lansakang pagkasira ng pangarap. Para sa halagang ibinayad nito, ang pangunahing pakinabang ng tao ay ang masaklap na kabatiran ng sarili nitong mga limitasyon.”—Ang panapos-salita sa aklat ding iyon.
[Credit Lines]
The Bettmann Archive
The Trustees of the Imperial War Museum, London
National Archives of Canada, P.A. 40136
[Mapa sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Europa Kung Ano Ito Noon—Agosto 1914
1. Gran Britaniya at Ireland 2. Pransiya 3. Espanya 4. Imperyong Aleman 5. Switzerland 6. Italya 7. Russia 8. Austria-Hungary 9. Romania 10. Bulgaria 11. Serbia 12. Montenegro 13. Albania 14. Gresya
[Larawan sa pahina 5]
Gavrilo Princip
[Larawan sa pahina 6]
Mga Alemang patungo sa digmaan na tumatanggap ng mga bulaklak
[Credit Line]
The Bettmann Archive
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Culver Pictures