Ang Diyos ba’y Nagbibigay ng mga Gantimpala?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Diyos ba’y Nagbibigay ng mga Gantimpala?
OO, SIYA’Y nagbibigay ng gantimpala. Samakatuwid, kasakiman bang maglingkod sa Diyos na tumatanaw ng gantimpala? Hindi, sapagkat siya mismo ang nagtatakda ng mga gantimpala sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa katunayan, bilang isang Diyos ng katarungan at pag-ibig, inoobliga ni Jehova ang kaniyang sarili na gantimpalaan ang mga naglilingkod sa kaniya. Ang kaniyang Salita, sa Hebreo 11:6, ay nagsasabi sa bahagi: “Ang taong lumalapit sa Diyos ay dapat na magkaroon ng pananampalataya sa dalawang bagay, una na ang Diyos ay umiiral at ikalawa na ginagantimpalaan ng Diyos yaong mga humahanap sa kaniya.”—Phillips.
Ang pagpapakita ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay nagkakamit ng kaniyang pakikipagkaibigan, at ang pakikipagkaibigang ito ay humahantong sa isang gantimpala. Pinagpapala ng Diyos ang mga masikap na naghahanap ng kaniyang pagsang-ayon.
Ang mga Gantimpala ay mga Gawa ng Pag-ibig
Nais ni Jehova na malaman natin na siya ang uri ng Diyos na nagbibigay ng mga gantimpala sa mga umiibig sa kaniya. Halimbawa, ang makonsiderasyong mga magulang ay humahanap ng mga paraan upang gantimpalaan ang kanilang anak na kusang gumagawa ng mga gawain sa bahay udyok ng pag-ibig sa mga magulang. Ang mga magulang ay maaaring maglaan ng higit pa sa basta mga pangangailangan sa buhay, ginagantimpalaan ang bata ng isang pantanging regalo. Kung minsan ang regalo ay pera pa nga upang ihulog sa bangko upang paglaanan ang kinabukasan ng bata. Sa gayon, ang Diyos ay hindi katulad ng mga tao na walang pagpapahalaga o konsiderasyon sa mga gumagawa ng mga bagay dahil sa pag-ibig o katapatan. Si Jehova ay maibigin at lumalapit sa kaniyang mga kaibigan. Kung maninindigan kang matatag sa pananampalataya sa kaniya, “hindi ka [niya] sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
Pinahahalagahan at sinasang-ayunan ng Diyos lahat niyaong gumagawa kahit ng pinakakaunting paglilingkod sa kaniya, binibigyan sila ng higit pang mga pagkakataon upang makilala siya. Inilalarawan ng mga salita ni Jesus sa Mateo 10:40-42 ang puntong ito: “Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. Siya na tumatanggap sa isang propeta sapagkat siya ay propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta, at siya na tumatanggap sa isang taong matuwid sapagkat siya ay taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. At sinumang nagbibigay sa isa sa maliliit na ito ng isang kopa lamang ng malamig na tubig na maiinom sapagkat siya ay isang alagad, sinasabi ko sa inyo sa katotohanan, siya sa anumang paraan ay hindi mawawalan ng kaniyang gantimpala.”
Si Jesus ay isinugo ng kaniyang Ama, si Jehova. Kaya naman, ang isang tao na malugod na tumatanggap sa mga alagad ni Kristo—sila man ay mga propeta, taong matuwid, o maliit—ay tinatanggap niya si Kristo gayundin ang Diyos, na nagsugo kay Kristo. Tiyak na ang taong iyon ay pagpapalain; at ang gawang iyon ayHebreo 6:10.
gagantimpalain. Ang kaniyang kaban-yaman ng espirituwal na mga pag-aari ay mapupuno. Bakit? Sapagkat natatandaan ni Jehova kahit na ang pinakamaliit na paglilingkod na ginawa bilang pagtaguyod sa kaniyang Kaharian, at ang gawang iyon ay gagantimpalain.—Kapansin-pansin, si Pedro, isang alagad ni Jesus, ay tuwirang nagtanong kay Jesus kung may gantimpala ba para sa kaniya at sa kaniyang kapuwa mga apostol: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” (Mateo 19:27) Hindi itinuring ni Jesus ang tanong na hindi angkop kundi siya’y nagbigay ng isang positibong sagot, na sinasabi: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang-hanggan.”—Mateo 19:29.
Mga Gantimpala sa Kasalukuyan at sa Hinaharap
Ang tugon na ibinigay ni Jesus ay nagpapakita na ang kaniyang mga tagasunod ay binibigyan ng gantimpala kapuwa ngayon at sa hinaharap. Ang isang kasalukuyang gantimpala ay ang kanilang pagiging bahagi ng isang lumalawak na internasyonal na sambahayan ng espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. Samantalang ang mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay dumaraing tungkol sa umuunting miyembro at kawalan ng suporta, ang mga bulwagan para sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay umaapaw. Daan-daang libong bagong mga Saksi ang nababautismuhan sa bawat taon.
Ang isa pang gantimpala ay ang kapayapaan ng isip taglay ang pagkakontento at kaligayahan na dulot ng pakikipagkaibigan sa Diyos at kaalaman tungkol sa kaniya. Oo, “ang maka-Diyos na debosyon kasama ng pagka-nasisiyahan-sa-sarili” ay malaking pakinabang. (1 Timoteo 6:6) Ipinababanaag nga nito ang isang maligayang kaisipan kapag ang isa ay makapagsasabi, gaya ng nasabi ni apostol Pablo: “Natutuhan ko, anumang mga kalagayan ang kinaroroonan ko, na masiyahan-sa-sarili,” yaon ay, kontento.—Filipos 4:11.
Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan, si Pablo ay sumulat tungkol sa isang hinaharap na gantimpala para sa “munting kawan” ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus—ang gantimpala ng pagkabuhay-muli sa isang makalangit na buhay: “Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa paghahayag sa kaniya.”—Lucas 12:32; 2 Timoteo 4:7, 8.
Ang angaw-angaw na mga tagasunod ni Jesus na “ibang tupa” niya ay tumitingin sa hinaharap na gantimpala ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang binago tungo sa isang paraiso. (Juan 10:16) At tiniyak ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod na namatay ay “gagantihin sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid.”—Lucas 14:14.
Ilarawan sa Isipan ang Gantimpala
Angkop na subuking ilarawan sa isipan ang gayong mga pagpapala, bagaman walang nakaaalam nang eksakto kung ano ang magiging katulad nito. Hindi mo ba nadarama ang kaligayahan na inilalarawan sa Isaias 25:8: “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha”? Gunigunihin ang mga salita ng Isaias 32:17: “Ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” Oo, lahat ng tao ay gagawang magkakasama sa tunay na pagkakaibigan. (Isaias 65:21-25) Kahit na sa ngayon, ang masikap na paggawa ay nagbubunga ng magagandang tahanan at mga produkto na ekselente ang uri. Pagkatapos, sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang malulusog na tao sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan ay makagagawa ng anumang kailangan upang gawing kasiya-siya ang buhay.—Awit 37:4.
Ang mga gantimpalang ibinibigay ng Diyos ay hindi dahilan sa anumang mahalagang paglilingkod sa ating bahagi kundi dahil sa kaniyang pag-ibig bilang isang kaloob sa kabila ng ating minanang makasalanang kalagayan. (Roma 5:8-10) Gayunpaman, may kaugnayan sa pagitan ng inaasam na gantimpala at sa ating paggawi. Dapat nating masikap na hanapin si Jehova taglay ang matinding pananampalataya at pagbabata. (Hebreo 10:35-39) Sa ibang pananalita, “anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao, sapagkat nalalaman ninyo na tatanggap kayo mula kay Jehova ng kaukulang gantimpala ng mana.” Oo, siya’y nagbibigay ng gantimpala.—Colosas 3:23, 24.