Ang Paghahanap ng Materyal na Kasaganaan
Ang Paghahanap ng Materyal na Kasaganaan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TAIWAN
‘HINDI mabibili ng pera ang kaligayahan!’ Bagaman karamihan ng mga tao ay humigit-kumulang sumasang-ayon sa pangungusap na iyan, marami sa kanila ang walang-lubag pa rin na naghahanap ng materyal na kayamanan bilang isang paraan tungo sa isang mas maligayang buhay. At bakit hindi? Sa paano man, wari bang ang lunas sa napakaraming problema ng tao ay nasa materyal na tagumpay at kasaganaan.
Isip-isipin lamang anong kakaibang daigdig nga ito kung ang bawat lalaki, babae, at bata ay nagtatamasa ng isang buhay na sagana sa materyal! Mawawala na ang mga paghamak at mga paghihirap ng angaw-angaw na nakatira sa magulo at maruming mga lugar. Mawawala na rin ang mga problema ng kawalan ng tahanan na ngayo’y sumasalot sa bawat bansa, mayaman at mahirap.
At kumusta naman ang tungkol sa mabuting kalusugan, na napakahalaga sa kaligayahan? Bagaman ang siyensiya ng medisina ay gumagawa ng mabilis na pagsulong, parami nang paraming tao ang nakasusumpong na hindi nila kayang bayaran ang medikal na pangangalaga. Sa kabilang panig naman, ang gutom at malnutrisyon ay nararanasan pa rin ng angaw-angaw. Kung ang kasaganaan ay umiral sa buong daigdig, ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na mabuhay nang mas malusog, at sa gayo’y mas maligaya, na buhay—hindi ba?
Kahit na ang lupa mismo ay makikinabang. Paano? Ang kapaligiran ng lupa ay sinisira ngayon ng nakamamatay na mga pamparumi, na bahagyang dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuel. Gayunman, ang isang dahilan na binanggit sa hindi pagtataguyod sa teknolohiya na kinakailangan upang gamitin ang mas malinis na mga anyo ng enerhiya ay sapagkat ang teknolohiya ay napakamahal. Ang pagkasira ng mga kagubatan, isa pang malubhang banta sa ekolohiya, ay lubhang isinisisi rin sa mga salik na pangkabuhayan.
Yamang tila maaaring lutasin ng materyal na kasaganaan ang napakarami sa ating mga problema at mapaginhawa ang napakaraming kahirapan, hindi kataka-taka na malaon nang iniuugnay ng mga tao ang kayamanan sa kaligayahan. Halimbawa, karaniwan nang binabati ng mga taga-Kanluran ang isa’t isa ng “Happy New Year!” kung Bagong Taon, ang mga Intsik naman, kung lunar na Bagong Taon, ay karaniwang nagsasabi ng “Kung hsi fa tsai” sa isa’t isa, umaasang sila ay ‘magkakamit ng kayamanan!’ Oo, hindi maikakaila na tayo’y nabubuhay sa isang daigdig kung saan binibigyan ng mga tao ang paghahanap ng materyal na kasaganaan ng napakataas, kung hindi man ang pinakamataas, na prayoridad. Ang tagumpay o kabiguan ay kadalasang sinusukat sa dami ng materyal na kayamanan.
Bagaman ang pagtatamo at pagkakaroon ng kasiyahan sa materyal na mga bagay ay hindi naman masama sa ganang sarili, matitiyak ba nito ang kaligayahan? Gaanong pagpapahalaga ang dapat ipakita rito? Tunay nga bang ang materyal na kasaganaan ang susi sa isang mas mabuting daigdig?