Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang RH Factor at Ikaw

Ang RH Factor at Ikaw

Ang RH Factor at Ikaw

ANG nagmamalaking ama ay maligayang nakatingin sa kaniyang bagong silang na anak na payapang natutulog sa mga bisig ng ina nito. Tila napakahaba ng gabing iyon sa silid-panganakan, subalit ngayon lahat ng ito ay nakalipas na. Sa darating ang doktor upang suriin ang kaniyang mga pasyente at batiin ang lahat. “May isang bagay lamang na ibig kong sabihin, dati na itong ginagawa,” ang sabi niya.

Ang dugo ng ina ay Rh-negative, at ipinakita ng pagsusuri na ang sanggol ay Rh-positive, kaya ang ina ay kailangang iniksiyunan para sa imyunidad. “Kaunti lamang ang isasaksak na ito na binubuo ng mga antibody ng tao subalit talagang mahalaga,” ang pagtitiyak ng doktor sa kanila, “upang maiwasan ang mga komplikasyon sa susunod na mga pagdadalang-tao.”

Bagaman ipinalalagay ng doktor na ito’y pangkaraniwang iniksiyon, ang pagbanggit dito at ang posibleng “mga komplikasyon” ay nagbabangon ng maraming katanungan sa isipan ng nababahalang mga magulang. Ano ba talaga ang ginagawa ng iniksiyong ito? Gaano ito kahalaga? Ano ang maaaring mangyari kung ang mga magulang ay tumanggi rito? Para sa Kristiyano ay may isa pang katanungang bumabangon. Yamang sinasabi ng Bibliya na, ‘Umiwas sa dugo,’ matatanggap ba ng Kristiyano ang iniksiyon na ito taglay ang mabuting budhi kung ito’y nagtataglay ng mga antibody ng tao na mula sa dugo ng ibang tao?​—Gawa 15:20, 29.

Ang Kasaysayan ng Problema sa Rh

Mga dekada na ang nakalipas ay natuklasan ng mga siyentipiko na ang dugo ng tao ay nagtataglay ng maraming factor, o mga antigen, na nagpapangyari sa dugo ng bawat tao na naiiba. Sa paglipas ng panahon nalaman nila na dalawa sa mga sistema ng antigen sa pulang selula ng dugo ang sanhi ng karamihan ng mga suliranin sa paggamot kung ang dugo ng isang tao ay naisama sa iba. Ang isa sa mga antigen na ito ay tinaguriang “ABO”; ang isa ay tinaguriang “Rh.” Ang maikling pagrerepaso sa sistemang Rh ay makatutulong sa atin upang masagot ang mahahalagang katanungan na itinatanong ng nababahalang mga magulang na ito at na maaaring naitanong din ninyo.

Noong 1939, inilathala ng mga doktor ang palaisipang kaso ng isang 25-taóng-gulang na babae na namatayan ng ikalawang sanggol sa panahon ng pagdadalang-tao. Pagkatapos na mailabas ang patay na sanggol, ang babae ay sinalinan ng dugo at nagkaroon ng malubhang mga reaksiyon bagaman ang dugo ay nagmula sa kaniyang asawa at waring katugma ito ng kaniyang dugo kung may kinalaman sa mga antigen na ABO. Di-nagtagal ipinalagay ng mga doktor na ang isang di-kilalang factor mula sa dugo ng kaniyang panganay na sanggol ay nahalo sa kaniyang dugo at nagpangyaring maging “sensitized” (sensitibo) ang kaniyang dugo, naging sanhi kapuwa ng kaniyang reaksiyon sa dugo ng kaniyang asawa at humantong sa pagkamatay ng kaniyang ikalawang sanggol.

Ang di-kilalang factor na ito ay nakilala di-nagtagal sa pamamagitan ng mga eksperimento na naglalakip sa mga unggoy na rhesus, kaya ito’y pinangalanang “Rh factor.” Ang factor na ito ng dugo ay paksa ng masidhing interes sa paggamot noong dekada ng 1960 sapagkat natuklasang ito ang sanhi ng halos karaniwan at kalimitang kalunus-lunos na sakit ng mga sanggol na tinatawag na erythroblastosis fetalis. Habang pinag-aaralan ng mga doktor ang Rh factor at ang sakit, isang kawili-wiling medikal na salaysay ang naisiwalat.

Rh, mga Henetiko, at may Sakit na mga Sanggol

Karamihan ng mga tao ay nababagbag ang damdamin kapag ang isang bagong silang na sanggol ay malubhang nagkasakit o namatay. Maging ang pagkakita ng isang sanggol na may sakit o naliligalig ay nakababalisa sa marami, at ang mga doktor ay hindi naman naiiba sa bagay na ito. Dalawa pang dahilan ang nagpangyari sa pumapatay-sanggol na Rh factor na ito na lalong ikinabahala ng mga manggagamot.

Ang una ay na nakita ng mga doktor ang pantanging anyo ng sakit at naunawaan kung paano ang Rh factor ay nasasangkot sa sakit at kamatayan. Ang Rh factor ay nasa pulang mga selula ng dugo sa halos 85 hanggang 95 porsiyento ng mga tao, kapuwa mga lalaki at babae. Ang mga ito ay tinaguriang “Rh-positive.” Ang 5 hanggang 15 porsiyento na wala nito ay tinaguriang “Rh-negative.” Kung ang isang Rh-negative na tao ay malantad sa dugo ng taong Rh-positive, siya ay maaaring makabuo ng mga molekula na tinatawag na mga antibody na sumisira sa dugong Rh-positive.

Ito’y totoong pangkaraniwan, normal na pagtugon ng sistemang imyunidad ng katawan habang lumalaban ito sa mga bagay na mula sa labas ng katawan. Ang problema ay, ang isang Rh-negative na ina ay maaaring magkasanggol na nakamana ng Rh-positive na dugo mula sa ama nito. Walang problema sa bagay na ito kapag ang inunan ay ganap na maayos at ang dugo ng sanggol ay napananatiling hiwalay mula sa ina. (Ihambing ang Awit 139:13.) Subalit dahil sa ang ating katawan ay di-sakdal, ang kaunting dugo ng sanggol ay maaari kung minsang tumagas at sumama sa dugo ng ina. Paminsan-minsan, ito’y nangyayari dahil sa ilang paraan sa paggamot, gaya ng amniocentesis (pagkuha ng sampol ng likido sa inunan na siyang bumabalot sa lumalaking sanggol). O ang dugo ng sanggol ay maaaring mahalo sa ina sa panahon ng panganganak. Anuman ang dahilan, ang ina ay maaaring maging sensitibo at makagawa ng mga antibody na laban sa Rh-positive na dugo.

Gunigunihin ang problema: Minsang magkaroon ng gayong mga antibody ang ina, ang lahat ng susunod na mga sanggol ay nanganganib kung mamana nila ang Rh-positive na dugo mula sa kanilang ama. Ito’y sa dahilang ang ina ay mayroon na ngayong mga antibody para sa Rh-positive na dugo.

Alam mo, ang ilang antibody ay karaniwang nakadadaloy sa inunan. Isa itong mabuting bagay, nagpapangyari sa lahat ng sanggol na isilang na may antas ng pansamantalang likas na imyunidad sa pamamagitan ng kanilang mga ina. Gayunman, taglay ang sakit na Rh ang sensitibong mga Rh antibody ng ina ay dumadaloy sa inunan at pumipinsala sa Rh-positive na dugo ng sanggol. Bihirang maapektuhan nito ang panganay na sanggol, higit na pangkaraniwan sa sumusunod na mga sanggol. Ito’y sanhi ng mga sakit, tinatawag na Rh hemolytic disease sa bagong silang (erythroblastosis fetalis kung ang pinsala ay malubha).

Maraming paraan upang mapangalagaan ang sakit na ito, bagaman kalimitang may limitadong tagumpay lamang, gaya ng ating makikita. Atin ngayong ituon ang pansin sa isang medikal na aspekto ng problema​—isang posibleng paraan ng pag-iwas.

Isang Pagsulong sa Pag-iwas

Matatandaan mo na may dalawang dahilan kung bakit ang sakit na ito ay nakagulo sa mga doktor. Ang una ay na ang kayarian ng sakit ay nakilala at naunawaan. Ano ang ikalawang dahilan?

Ito ay lumitaw noong 1968. Pagkatapos ng mga taon ng pananaliksik at bigong mga pagtatangka ng mga doktor na gamutin ang may sakit na mga sanggol na ito, na may limitadong tagumpay, isang paraan ng imyunidad ang napaunlad na naging mabisa upang maiwasan ang problema ng pagkakaroon ng “mga sanggol na Rh.” Ito’y isang mabuting balita. Subalit ano ba ang ginagawa nito?

Tandaan na ang problema sa Rh (para sa ikalawa at susunod na mga Rh na sanggol) ay nangyayari kapag ang dugo ng unang sanggol na Rh-positive ay “tumagas” sa Rh-negative na daluyan ng dugo ng ina at nagpangyari sa kaniya na maglabas ng mga antibody. May paraan ba upang sugpuin ang pulang mga selula ng dugo ng sanggol sa sistema ng ina bago ito magkaroon ng pagkakataon na gawin ang ina na sensitibo?

Ang paraan na ginawa ay ang iniksiyong para sa imyunidad sa ina na tinatawag na Rh immune globulin, o RhIG, kilala sa ibang bansa sa ibang pangalan, gaya ng RhoGAM at Rhesonativ. Ito’y binubuo ng mga antibody laban sa Rh-positive antigen. Kung paano ito talaga nakagagamot ay masalimuot, at hindi pa nga maliwanag, subalit pangunahin na waring ito’y kumikilos sa sumusunod na paraan.

Kapag ang Rh-negative na ina ay inaakalang napalantad sa dugong Rh-positive, gaya pagkatapos na isilang ang isang Rh-positive na sanggol, ang ina ay sinasaksakan ng RhIG. Ang mga antibody na ito ay mabilis na sumasalakay sa anumang nakadaloy na Rh-positive na pulang mga selula ng dugo mula sa sanggol at lumilipol sa mga ito bago nito gawing sensitibo ang ina. Mabisa nitong inaalis ang panganib sa susunod na sanggol, yamang walang mga antibody laban sa Rh-positive na dugo ang nagagawa ng ina. Ang tunay na bentaha na nakikita ng mga doktor sa bagay na ito ay na ito’y nagsisilbi upang maiwasan ang sakit sa halip na gamutin ito paglitaw nito.

Waring ito’y mabuting pakinggan kung teoriya ang pag-uusapan, subalit naging mabisa ba ito? Wari ngang oo. Sa isang bansa, ang Estados Unidos, ang paglitaw ng Rh hemolytic disease ay bumaba nang 65 porsiyento noong dekada ng 1970. Bagaman maraming bagay ang maaaring naging sanhi nito, 60 hanggang 70 porsiyento ng pagbaba na ito ay dahil sa paggamit ng RhIG. Sa isang lalawigan sa Canada, ang bilang ng mga sanggol na namamatay sa Rh hemolytic disease ay bumaba mula 29 noong 1964 hanggang sa 1 sa pagitan ng 1974 at 1975. Minalas ito ng mga dalubhasa sa paggamot bilang pagpapatunay sa simulain na “ang isang onsa ng pag-iwas ay mas mahalaga kaysa isang libra ng paggamot.” Taglay ang saligang kaalamang ito, ating maisasaalang-alang ang ilang espesipikong mga katanungan na kalimitang bumabangon may kinalaman sa sakit na Rh.

Ano ang mga panganib ng pagkakaroon ng problema sa sakit na Rh sa panahon ng aking pagdadalang-tao?

Ang isang simpleng pagpapasuri ng dugo ang makatitiyak sa uri ng dugong Rh ng ina at ama; humigit-kumulang 1 sa bawat 7 pag-aasawa ay isang Rh-negative na babae na nakapangasawa ng isang Rh-positive na lalaki. Ang mga aspekto ng henetikong kayarian ng ama ang makababawas sa pangkalahatang panganib ng halos 10 porsiyento. a

Gayunman, ang mga ito ay pangkalahatang estadistika sa populasyon. Kung ikaw ay isang Rh-negative na babae na nakapangasawa ng isang Rh-positive na lalaki, ang iyong mga pagkakataon ay alin sa 50 porsiyento o 100 porsiyento na magkaroon ng Rh-positive na sanggol, depende sa henetikong kayarian ng iyong asawang lalaki. b (Walang siguradong paraan upang matiyak ang mga henetiko ng asawang lalaki, kung paanong wala ring simpleng paraan upang matiyak kung ang sanggol sa sinapupunan ay Rh-positive.)

Para sa inang Rh-negative na nagdadalang-tao sa sanggol na Rh-positive, may 16 na porsiyentong pagkakataon sa bawat pagdadalang-tao na siya’y magiging sensitibo, kaya malalagay sa panganib ang mga susunod na pagdadalang-tao. Mangyari pa, ito’y sa katamtamang pagtaya lamang. Malibang nagkaroon na ng pagsasalin ng dugo o pagkahantad sa ibang bagay ang dugo ng ina, ang panganay na sanggol sa isang pag-aasawa ay karaniwang ligtas mula sa sakit na Rh. Pagkasilang ng unang sanggol, ang panganib ay karaniwang tila mahirap mahulaan sa anumang kalagayan. Ang isang babae ay maaaring sensitibo sa kaniyang unang-unang sanggol na Rh-positive. Ang iba naman ay maaaring magkaanak ng lima o higit pa na may Rh-positive at hindi kailanman nagiging sensitibo. Kung ang ina ay naging sensitibo, ang panganib na mamatay sa bawat sumusunod na Rh-positive na di pa naisisilang na sanggol ay 30 porsiyento, at hindi ito nababago ng agwat sa pagitan ng mga pagdadalang-tao. Kaya hindi ito dapat na ipagwalang-bahala.

Ang pagsusuri ba sa laboratoryo ay makapagsisiwalat sa akin kung ang aking lumalaking sanggol ay nanganganib?

Oo, depende sa kalagayan. Ang mga antas ng antibody sa dugo ng ina ay masusukat sa panahon ng pagdadalang-tao upang masabi kung ang ina ay gumagawa ng mga antibody na laban sa dugo ng sanggol. Gayundin, ang amniocentesis ay makatutulong para masabi kung ang dugo ng sanggol ay napipinsala at kung ang sanggol ay nanganganib. Gayunman, ang amniocentesis kung minsan ay naghaharap ng sarili nitong mga komplikasyon, kaya kailangan ang pag-iingat tungkol sa pagpapasuring ito.

May masasamang epekto ba ang pagpapainiksiyon ng RhIG?

May ilan pa ring pagtatalo tungkol sa paggamit nito sa panahon ng pagdadalang-tao dahil sa posibleng pinsala sa imyunidad ng lumalaking binhi. Gayunman, ipinalalagay ng karamihan ng mga dalubhasa na ang pagpapainiksiyon para maligtas sa sakit ay tila ligtas kapuwa sa ina at sa lumalaking sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Ayon sa mga doktor, gaano kalimit ako dapat magpainiksiyon?

Sinasabi ng mga dalubhasa na ang iniksiyon ay dapat na ibigay karaka-raka pagkatapos mangyari ang anuman na magpapangyari na ang dugong Rh-positive ay pumasok sa daluyan ng dugo ng isang babaing Rh-negative. Sa gayon, ang pinakahuling mga mungkahi ay na ibigay ang iniksiyon sa loob ng 72 oras pagkatapos isilang ang sanggol kung ang dugo ng sanggol ay natuklasang Rh-positive. Ang gayunding mungkahi ay angkop para sa amniocentesis o pagkalaglag.

Higit pa, yamang ipinakita ng mga pagsusuri na ang kaunting dugo ng sanggol ay maaaring pumasok sa daluyan ng dugo ng ina sa panahon ng normal na pagdadalang-tao, iminumungkahi ng ilang doktor na iniksiyunan sa ika-28 linggo sa panahon ng pagdadalang-tao upang maiwasan ang pagkasensitibo. Sa kasong iyan ang iniksiyon ay muli pa ring maimumungkahi pagkatapos na isilang ang sanggol.

May anuman bang paggamot para sa sanggol minsang ito’y nagkaroon ng sakit na Rh?

Oo. Bagaman ang hemolytic disease ng bagong silang ay malubhang karamdaman, may mabuting katibayan na sumusuporta sa paggamot na hindi nagsasangkot ng pagpapalit na mga pagsasalin ng dugo (exchange blood transfusions) para sa sanggol. Ang lubhang kinatatakutang komplikasyon sa sakit na ito ay nagsasangkot ng pagdami ng kimikal na tinatawag na bilirubin, na bunga ng pagkapinsala ng pulang mga selula ng dugo. Ito’y nagdudulot ng sakit sa atay at apdo at maaaring sa ilang kalagayan ay maging sanhi ng pagkapinsala ng mga sangkap sa katawan ng sanggol. (Di-sinasadya, ang bahagyang sakit sa atay at apdo ay maaaring maganap kapag may di-pagkatugma sa ABO sa pagitan ng dugo ng ina at ng dugo ng sanggol, subalit ito’y karaniwan nang hindi gayong kalala.)

Sa loob ng ilang taon inakala ng mga doktor na ang espesipikong antas ng sakit sa atay at apdo ay isang pahiwatig sa pagpapalit na pagsasalin ng dugo sa mga sanggol na ito, subalit isiniwalat ng higit pang pananaliksik ang iba’t ibang mapagpipiliang paggamot. Ang maagang panganganak o pagpapa-cesarean, phototherapy (blue light), at mga paggamot na gaya ng phenobarbital, activated charcoal, at iba pang paggamot ay nagpatunay na kapaki-pakinabang at totoong nakabawas nang malaki sa panggigipit na bumaling sa pagsasalin. Sa katunayan, itinampok ng ilang kamakailang mga ulat ang kawalang-saysay at panganib pa nga sa pagpapalit na mga pagsasalin sa mga sanggol na may sakit na Rh.​—Tingnan ang kahon, pahina 26.

Gayunman, may malulubhang kaso kung saan iginigiit pa rin ng mga doktor na ang pagpapalit na pagsasalin ang tanging angkop na paggamot. Samakatuwid, inaakala ng ilang magulang na mas makabubuti na iwasan ang buong problema sa pamamagitan ng iniksiyon na makahahadlang sa sakit at gayundin sa sakit sa atay at apdo.

Ang iniksiyon bang RhIG ay mula sa dugo?

Oo. Ang mga antibody na bumubuo sa iniksiyon ay kinuha mula sa dugo ng mga indibiduwal na nasaksakan na ng panlaban sa Rh factor. Ang RhIG na ginawa mula sa gene na hindi mula sa dugo ay maaaring makuha sa hinaharap.

Makatuwiran bang magpainiksiyon ang Kristiyano ng RhIG?

Ang usaping nasasangkot ay ang posibleng maling paggamit ng dugo. Ang Kasulatan ay mariing nagbabawal sa pagkain o iba pang maling gamit ng dugo. (Levitico 17:11, 12; Gawa 15:28, 29) Yamang ang RhIG ay mula sa dugo, hindi ba isang paglabag sa kautusan ng Bibliya na umiwas sa dugo kung ang isang Kristiyanong babae ay magpapainiksiyon?

Ang magasing ito at ang kasamahan nito, Ang Bantayan, ay walang pagbabagong nagkokomento hinggil sa bagay na ito. c Napansin namin na sa lahat ng mga pagdadalang-tao ang mga antibody ay malayang nakapapasok sa inunan sa pagitan ng ina at ng sanggol. Kaya ipinalagay ng ilang Kristiyano na para sa kanila ito’y waring hindi paglabag sa kautusan ng Bibliya na magpainiksiyon na naglalaman ng mga antibody, gaya ng RhIG, yamang ang proseso ay totoong katulad ng karaniwang nagaganap.

Gayunman, ang pagpapasiya kung magpapainiksiyon ng RhIG ay mananatili sa wakas, isang bagay na maingat na pagpapasiyahan ng bawat mag-asawang Kristiyano. Gayunman, kung ang mag-asawa na napapaharap sa usapin ng Rh ay nagpasiyang huwag magpainiksiyon ng RhIG bagaman iminungkahi sa paggamot, dapat na handa sila na tanggapin ang panganib ng pagkakaroon ng anak na malubhang naapektuhan ng sakit na maaari sanang naiwasan. Sa kalagayang ito maaaring ipasiya nila na ang landas ng karunungan ay higit na pag-iingat upang sila’y hindi magkaroon ng mas maraming anak at malantad ang kanilang mga sarili sa posibilidad ng gayong kalunus-lunos na kalagayan. Ang nababahalang Kristiyanong mga magulang ay dapat na may pananalanging magsaalang-alang sa lahat ng aspekto bago gumawa ng gayong mabibigat na pagpapasiya.

[Mga talababa]

a Ang mga estadistikang ito ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang lahi. Sa karamihan ng mga puti ang paglitaw ng pagiging Rh-negative ay 15 porsiyento; sa mga Amerikanong itim, 7 hanggang 8 porsiyento; sa mga Indo-Eurasian, halos 2 porsiyento; mga Asianong Intsik at Hapones, halos wala.​—Transfusion Medicine Reviews, Setyembre 1988, pahina 130.

b Ang ilang babae sa kalagayang ito ay nagkaanak ng marami, at ang lahat ay lumabas na Rh-negative, kaya ang ina ay hindi naging sensitibo. Subalit sa ibang mga kaso, ang panganay na anak mismo ay Rh-positive, at ang ina ay naging sensitibo.

c Tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1990, mga pahina 30, 31; Disyembre 15, 1978, mga pahina 29-31; at Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 26]

Tumaas na Bilirubin​—Dahilan Para sa Pagpapasalin?

Matagal nang kinatatakutan ng mga doktor ang kahihinatnan ng pagtaas ng bilirubin sa mga sanggol, anupat kapag ang bilirubin ay nagsimulang tumaas​—lalo sa bilang na 20 mg/100 ml​—kalimitang iginigiit ng mga doktor ang pagpapalit na pagsasalin “upang maiwasan ang pinsala sa utak” (kernicterus). Mabibigyang-katuwiran ba ang kanilang kinatatakutan, at ang kahalagahan ng pagsasalin ng dugo?

Ganito ang sabi ni Dr. Anthony Dixon: “Hindi natuklasan ng ilang pagsusuri sa gayong mga sanggol ang anumang mga kahihinatnan, ito man ay panandalian o pangmatagalan, ng mga antas ng bilirubin sa pagitan ng 18 mg-51 mg sa bawat 100 ml.” Ganito pa ang sabi ni Dr. Dixon hinggil sa “vigintiphobia: ang pagkatakot sa 20.” Bagaman wala pang bentaha ang napatunayan mula sa paggamot ng ganitong tumaas na mga antas ng bilirubin, ganito ang hinuha ni Dr. Dixon: “Ang suliranin ay maliwanag. Ang iginigiit na paggamot sa tumaas na mga antas ng serum bilirubin ay pangkaraniwang gawain na ngayon. Ang karaniwang gawain ay hindi dapat na hamunin hanggang sa ito’y napatunayang mali, subalit ang anumang pagsisikap na patunayang ito’y mali ay laban sa etika!”​—Canadian Family Physician, Oktubre 1984, pahina 1981.

Sa kabilang dako, ang Italyanong dalubhasa, si Dr. Ersilia Garbagnati, ay sumulat tungkol sa nakapag-iingat na bahaging ginagampanan ng bilirubin at sa “posibleng di-inaasahang mga panganib mula sa di-angkop na mababang mga antas ng serum bilirubin.” (Amin ang italiko.) (Pediatrics, Marso 1990, pahina 380) Nagpaliwanag pa ng higit hinggil dito, ganito ang isinulat ni Dr. Joan Hodgman sa Western Journal of Medicine: “Ang pagpapalit na pagsasalin ay hindi makahahadlang sa pagbahid ng bilirubin sa utak sa mababang antas ng bilirubin at, may kinalaman sa eksperimental na gawain na sinipi sa itaas, ay maaaring totoong maging mapanganib.”​—Hunyo 1984, pahina 933.