Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw ba’y Isang Madamaying Tagapakinig?

Ikaw ba’y Isang Madamaying Tagapakinig?

Ikaw ba’y Isang Madamaying Tagapakinig?

GUNIGUNIHIN na ikaw ay may kayamanang ibibigay sa bawat tao sa buhay mo na isang mamahaling regalo. Anong laking ligaya at pagpapahalaga nga nila! Sa katunayan, ikaw ay maaaring magbigay sa iba ng isang pantanging regalo, isang bagay na talagang kailangan nila. Hindi ka gagastos ng anumang salapi. Ano ba ito? Ang iyong matamang pakikinig. Nais ng karamihan ng mga tao ang may matamang makinig sa kanila at pinahahalagahan nila ito kapag tinatanggap nila ito. Gayunman, upang matamang makinig, ikaw ay dapat na maging isang madamaying tagapakinig.

Kung ikaw ay isang magulang o isang amo o naglilingkod sa anumang katungkulan kung saan ang mga tao ay lumalapit sa iyo para sa payo at patnubay, kailangan mong makinig nang may pakikiramay. Kung hindi, malalaman ng mga tao ang kakulangan mo ng empatiya, at ang iyong kredibilidad bilang isa na mapagtatapatan ay masisira.

Kahit na kung ikaw ay hindi madalas hingan ng payo, kailangan mo pa ring madamaying makinig sa mga tao, gaya kung ang isang kaibigan ay lumapit sa iyo para sa kaaliwan. Gaya ng binabanggit ng isang kawikaan sa Bibliya, ang hindi pakikinig bago magsalita ay maaaring magbunga ng kahihiyan. (Kawikaan 18:13) Ano, kung gayon, ang ilan sa mga paraan kung saan maipakikita mo ang iyong sarili bilang isang madamaying tagapakinig?

Magbigay Pansin

Ano ba ang isang madamaying tagapakinig? Ganito binibigyan-kahulugan ng Webster’s New Collegiate Dictionary ang “empatiya”: “Ang kakayahang makibahagi sa mga damdamin o mga idea ng iba.” Ang diksyunaryo ring iyon ay nagbibigay-kahulugan sa “makinig” na: “Makinig taglay ang matamang pansin.” Kaya ang isang madamaying tagapakinig ay higit pa ang ginagawa kaysa pakinggan lamang ang sinasabi ng isa. Siya’y matamang nakikinig at nakikibahagi sa mga kaisipan at mga damdamin ng isang iyon.

Ito’y humihiling ng pagbibigay pansin sa kung ano ang iyong napakikinggan, hindi hinahayaan ang iyong isip na gumala. Kahit na ang pag-iisip kung paano ka sasagot ay nakababawas sa iyong pakikinig. Disiplinahin ang iyong sarili na magtuon ng pansin sa kung ano ang sinasabi ng isang tao.

Tumingin nang tuwiran sa taong nakikipag-usap sa iyo. Kung gumagala ang mga mata mo, ikaw ay magtitinging hindi interesado. Masdan mo ang kaniyang mga kumpas at galaw ng katawan. Siya ba’y nakangiti o nakasimangot? Ang kaniya bang mga mata ay nagbabadya ng katatawanan, kalungkutan, o pangamba? Mahalaga ba ang mga bagay na hindi niya nasabi? Huwag kang mag-alala tungkol sa iyong tugon; darating ito nang natural bunga ng iyong matamang pakikinig.

Samantalang nakikinig, malamang na ikaw ay tumango at gumamit ng mga pananalita ng pagsang-ayon, gaya ng ‘Siyanga’ at ‘Gayon pala.’ Ito’y maaaring magpakita na ikaw ay matamang nakikinig. Gayunman, huwag mong akalain na ang pagtango ng ulo at ang mga pagpapahayag ay gagawa sa mga tao na mag-isip na ikaw ay nakikinig samantalang ikaw ay talagang hindi nakikinig. Sa katunayan, ang patuloy at mabilis na pagtango ng ulo ay maaaring magsiwalat ng pagkainip. Para bang sinasabi mo, ‘Bilisan mo. Sabihin mo na ang nais mong sabihin nang madali. Tapusin mo na.’

Sa paano man, hindi mo kailangang maging labis na nababahala tungkol sa paraan ng pakikinig. Basta gawin mo lamang tunay ang iyong pakikinig, at ang iyong mga pagtugon ay magpapabanaag ng iyong kataimtiman.

Ang mabubuting tanong ay nagpapakita rin na ikaw ay nagbibigay pansin at matamang nakikinig. Ito’y nagpapakita na ikaw ay interesado. Humingi ng paliwanag sa mga punto na hindi nasabi o hindi malinaw. Magtanong ng mga tanong na nag-aanyaya sa isang tao na palawakin at higit pang ipahayag ang kaniyang sarili. Huwag kang mag-alala na maaaring ikaw ay sumabad paminsan-minsan, subalit huwag mo namang gawin ito nang labis. Ang paglilinaw ng mga bagay-bagay ay bahagi ng paraan ng pakikinig. Kung ang pagsabad ay hindi naman labis, pahahalagahan ng isang tao ang iyong pagnanais na maunawaan nang lubos ang lahat ng sinasabi niya.

Magpakita ng Pag-unawa

Maaaring ito ang maging pinakamahirap na bahagi, kahit na kung talagang nakikiramay ka sa taong nakikipag-usap sa iyo. Kapag ang isa na nanlulumo ay lumalapit sa iyo, agad ka bang naghaharap ng mga mungkahi at mga lunas na punô ng pag-asa? Agad mo bang sinasabi sa tao na hindi naman gayon kasama ang kalagayan kung ihahambing sa paghihirap ng iba? Ito ay maaaring magtinging nakatutulong, subalit ito ay maaaring magkaroon ng isang negatibong epekto.

Maraming dahilan kung bakit ikaw ay maaaring huminto sa pakikinig at magsimula sa paglutas sa problema. Maaaring isipin mo na ang iyong masiglang mga mungkahi ang siyang kinakailangan upang bumuti ang pakiramdam niya. O baka akalain mo na tungkulin mong “ayusin” ang anumang “mali” at na kung hindi mo gagawin ito, ikaw ay hindi matulungin o hindi mo “ginagawa ang iyong obligasyong tumulong.”

Gayunman, ang napakaraming lunas sa simula ay karaniwang naghahatid ng nakapanghihinang-loob na mga mensahe, gaya ng, ‘Sa palagay ko ang problema mo ay mas simple kaysa sinasabi mo.’ O, ‘Mas interesado ako sa aking sariling reputasyon bilang isang tagalutas ng problema kaysa kapakanan mo.’ O, marahil, ‘Talagang hindi ko maunawaan​—at ayaw kong unawain.’ Ang paghahambing ng problema ng isa na nagdurusa doon sa iba ay karaniwang nagsasabi, ‘Dapat kang mahiya sa sarili mo na ikaw ay napoproblema samantalang ang ibang tao ay higit na nagdurusa kaysa iyo.’

Kung walang-malay na ipinahahatid mo ang gayong nakapanghihinang-loob na mga mensahe, aakalain ng kaibigan mo na talagang hindi mo siya naririnig, na hindi mo siya maunawaan. Maaari pa nga siyang maghinuha na iniisip mong ikaw ay nakahihigit sa kaniya. Sa susunod na pagkakataon, ibabaling niya ang kaniyang pansin sa iba para sa kaaliwan.​—Filipos 2:3, 4.

Kumusta naman kung ang iyong kaibigan ay nababalisa nang hindi naman kinakailangan? Halimbawa, maaaring makonsensiya siya nang walang dahilan. Agad mo bang sasabihin iyan sa kaniya upang bumuti ang kaniyang pakiramdam? Hindi, sapagkat kung hindi mo muna siya pakikinggan, ang iyong mga pagtiyak sa kaniya ay hindi gaanong makaaaliw. Sa halip na makadama ng ginhawa, madarama niya na mabigat pa rin ang pasan niya, na dala pa rin niya ang kaniyang pagkadama ng pagkakasala. Gaya ng pagkakasabi rito ng pilosopo noong ika-19 na siglong si Henry David Thoreau, “nangangailangan ng dalawa upang magsabi ng katotohanan: isa na magsasabi nito at isa na makikinig dito.”

Anong pagkaangkop nga ng payo ng Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) At napakahalaga rin na makinig na may empatiya! Makibahagi sa mga damdamin ng isa na nagtatapat sa iyo. Kilalanin ang hirap ng kaniyang problema, ang tindi ng kaniyang kabagabagan. Huwag maliitin ang kaniyang problema sa mga pananalitang gaya ng, ‘Oh, hindi lang mabuti ang araw mo’ o, ‘Ang mga bagay ay hindi naman ganiyan kasama.’ Balintuna, maaari pa ngang tumindi ang kaniyang bagabag na damdamin kung mamaliitin mo nang gayon ang kaniyang problema. Manghihina ang loob niya sapagkat hindi mo itinuturing na seryoso ang kaniyang mensahe. Kaya hayaan mong ipakita ng iyong mga pagtugon na naririnig mo kung ano ang sinasabi at na tinatanggap mo na ganito ang nadarama niya tungkol sa mga bagay sa ngayon.

Ang madamaying pakikinig ay hindi humihiling na ikaw ay sumang-ayon sa taong nagtatapat sa iyo. Maaaring paniwalaan mo na ang isang tao ay walang dahilang magsabing, “Naiinis ako sa trabaho ko!” Subalit kung hindi ka sasang-ayon (‘Hindi ka dapat makadama ng ganiyan’) o magkakaila (‘Hindi iyan ang ibig mong sabihin’), siya’y maghihinuha na hindi mo nauunawaan. Ang iyong mga komento ay dapat magpabanaag ng iyong pang-unawa. Sa tao na naiinis sa kaniyang trabaho, maaari mong sabihin, ‘Marahil ito ay maigting.’ Pagkatapos ay humiling ng pagpapaliwanag ng mga detalye. Sa gayon ikaw ay hindi sumasang-ayon na dapat siyang mainis sa kaniyang trabaho kundi kinikilala mo lamang na ganito ang nadarama niya sa kasalukuyan. Sa gayon ay binibigyan mo siya ng kasiyahan na siya ay pinakikinggan, na lubusang naihatid niya ang kaniyang mga damdamin. Kadalasan, ang pagsasabi ng problema sa isa ay maaaring nakababawas dito.

Sa gayunding paraan, ang taong nagsasabing, “Ang maybahay ko ay magpapatingin ngayon,” ay maaaring mangahulugan, “Ako’y nag-aalala.” Hayaang kilalanin ito ng iyong pagtugon. Ipinakikita nito na pinakinggan mo ang ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita, na higit na nakaaaliw kaysa kung hindi mo pinansin ang kaniyang ibig sabihin, ikaila ito, o sikaping baguhin siya sa pagsasabi sa kaniya na hindi siya dapat mag-alala.​—Roma 12:15.

Ang Mabubuting Tagapakinig ay Nagsasalita Rin!

Ang The Art of Conversation ay bumabanggit sa mga nakikinig subalit bihirang magsalita, “nag-aakalang sila’y nagtitinging marangal.” Ito naman ay pumupuwersa sa isang tao na gawin ang lahat ng pagsasalita, na hindi naman maganda. Sa kabilang dako naman, hindi rin maganda, at nakapapagod, kung ang taong pinakikinggan mo ay walang tigil sa kasasalita na hindi ka hinahayaang ipahayag ang iyong sarili. Kaya, kung paanong kailangan mong maging isang mahusay na tagapakinig, nanaisin mo rin na malaman ng kausap mo na mayroon ka ring kapaki-pakinabang na sasabihin.

Ano ang maaari mong sabihin? Palibhasa’y magalang kang nakinig sa mga kapahayagan ng iyong kaibigan, dapat ka na ba ngayong magpayo? Kung ikaw ay kuwalipikadong magbigay nito, marahil. Kung taglay mo ang lunas sa problema ng iyong kaibigan, tiyak na dapat mong ibahagi ito sa kaniya. Ang iyong mga salita ay magkakaroon ng impluwensiya, yamang ginamit mo ang panahon sa pakikinig muna. Kung wala ka ng kinakailangang mga kredensiyal upang ibigay sa iyong kaibigan ang uri ng patnubay o tulong na kailangan niya, tulungan siyang lumapit sa isa na nasa kalagayang magbigay ng tulong na kailangan niya.

Gayunman, sa ilang kaso ang payo ay hindi kinakailangan ni hinihiling. Kaya mag-ingat na panghinain ang mabuting epekto ng iyong pakikinig sa pamamagitan ng pagdaragdag ng maraming salita. Baka kailangan lamang tiisin ng iyong kaibigan ang isang hindi masupil na kalagayan o sa wakas ay pagtagumpayan ang kaniyang negatibong mga damdamin. Lumapit siya sa iyo upang idulog ang kaniyang problema. Nakinig ka. Nakiramay ka sa kaniyang mga damdamin, tiniyak mo sa kaniya na ikaw ay nababahala at na lagi mo siyang aalalahanin at isasama sa iyong mga panalangin. Ipaalam mo sa kaniya na siya ay malayang lumapit muli sa iyo at na hindi mo sasabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang problema. Malamang na kailangan niya ang gayong kaaliwan higit kaysa paghiling na lutasin mo ang kaniyang problema.​—Kawikaan 10:19; 17:17; 1 Tesalonica 5:14.

Ang pakikinig man ay may kasamang payo o wala, ito’y kapaki-pakinabang sa dalawang kasangkot. Ang isa na nagsasalita ay nagkakaroon ng kasiyahan na siya ay pinakikinggan at nauunawaan. Siya’y naaaliw sa pagkaalam na may nagmamalasakit sa kaniya upang pakinggan ang lahat ng nais niyang sabihin. Ang nakikinig ay nakikinabang din naman. Pinahahalagahan ng iba ang kaniyang pagmamalasakit. Kung siya ay magpapayo, lalo nang kapani-paniwala sapagkat hindi siya nagsasalita hanggang hindi niya lubusang nauunawaan ang kalagayan na itinawag sa kaniya ng pansin. Totoo na ang madamaying pakikinig ay nangangailangan ng panahon. Subalit anong kapaki-pakinabang na puhunan! Oo, sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa mga tao, ikaw ay nagbibigay sa kanila ng isang pantanging regalo.