Isang Bagong Mensahe Para sa Isang Bagong Daigdig
Mga Misyonero Mga Ahente ng Liwanag o ng Kadiliman?—Bahagi 5
Isang Bagong Mensahe Para sa Isang Bagong Daigdig
ANG Kanlurang Hemispero ay unang tinawag na ang Bagong Daigdig noong 1516. Nang “matuklasan” ito ni Columbus noong 1492, natuklasan din niya na may mga taong nakatira na roon at nakatira roon sa loob ng daan-daang taon. Subalit sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ng mga Katutubong Amerikano ang Kristiyanismo sa pangalan lamang. Ano kaya ang magiging kahulugan nito para sa Bagong Daigdig?
Sa loob ng mga dantaon ang Iglesya Katolika ay nagsagawa ng halos ganap na pagsupil sa buhay ng mga Europeo. Ito’y nagtakda ng mga pamantayan at nagdikta ng mga tuntunin sa halos lahat ng larangan ng pagsisikap ng tao, pati na sa pamahalaan. Ang pagtutulungang iyon ng Simbahan at ng Estado, ang pag-aanib-anib na pinagmulan ng mga Krusada, ang nangibabaw rin sa Bagong Daigdig.
Si Sidney H. Rooy ng Educación Teológica sa Buenos Aires ay sumusulat na sa pagtatapos ng ika-15 siglo, ang mga haring Kastila ay nakumbinsi na “ang monarkiyang Kastila ang instrumentong pinili ng Diyos para sa kaligtasan ng Bagong Daigdig.” Ang papado ang gumuhit ng isang guniguning hilaga-timog na linya sa Atlantiko na humahati sa mga karapatan ng pagtuklas sa pagitan ng Espanya at Portugal. Noong 1494 ang dalawang pamahalaan ay lumagda ng isang kasunduan na inililipat ang linya nang higit pakanluran. Kaya, samantalang ang Espanya ay nanirahan sa karamihan ng bahagi ng Sentral at Timog Amerika, ang Portugal naman ay nagtungo sa Brazil, na ang silangang baybayin ngayon ang nasa silangan ng kanilang hangganang linya. Ayon kay Rooy, binigyan-kahulugan ng dalawang bansa ang utos ng papa na mangahulugan na “ang karapatan sa mga lupain ay kaakibat ng pananagutang kombertihin ang mga katutubong tao.”
Pagsakop sa Bagong Daigdig
Si Columbus ay sinamahan sa kaniyang ikalawang paglalakbay noong 1493 ng isang pangkat ng mga prayle na pantanging pinili upang kombertihin ang mga katutubo. Mula noon, ang Europeong mga konkistadores at mga paring misyonero ay gumawang magkasama sa pagsakop sa Bagong Daigdig.
Noong 1519, si Hernán Cortés ay nakarating sa ngayo’y nakikilala bilang Mexico kasama ng isang kapelyan at iba pang mga pari. Sa loob ng 50 taon, ang bilang ng mga misyonero ay dumami tungo sa 800. Ang 350 pa ay nasa Peru, na narating naman ni Francisco Pizarro noong 1531.
Ang mga utos ng papa na inilabas noong 1493 ay nagbigay sa sekular na mga awtoridad ng moral na pagsang-ayon na gusto nila para sa kanilang kampaniya ng pananakop. Inaakala nila na maaasahan nila ang tulong ng Diyos sapagkat inaakala nilang kalooban niya ang kolonyalismo. Sabik na makalugod, ang mga opisyal ng Simbahan ay nakipagtulungan upang bigyang matuwid ang kolonyal na sistema. Sa katunayan, pinuri ng isang Jesuita noong ika-17 siglo na nagngangalang António Vieira, isinilang sa Portugal subalit lumaki sa Brazil, ang pananakop, sinasabing kung wala ito imposible ang pag-eebanghelyo.
Ang mga misyonero ay walang nakitang mali saJuan 17:16.
paggamit ng kolonyalismo bilang isang instrumento sa pagpapalaganap ng kanilang relihiyon. Gayunman, ito ang gumawa sa kanila na isang mahalagang bahagi ng sanlibutan ng sinabi ni Jesus na kaniyang mga alagad ay hindi dapat na bahagi nito.—Paggawa ng mga Komberti
Ayon kay Rooy, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagsimula munang “alisin ang dating mga ritwal at ang karamihan ng panlabas na mga palatandaan ng relihiyon ng mga Amerikanong Indian.” Susog pa niya: “Bagaman ginagamit pa rin ang pamumuwersa kung kinakailangan, maraming Indian ang nakomberti sa mapayapang paraan sa pamamagitan ng tuwirang paraan ng paglapit ng mga pari.”
Mangyari pa, ang ilang misyonero ay naniniwala na ang pamumuwersa ay hindi kailanman mabibigyan-matuwid. Halimbawa, isang Kastilang misyonerong Dominicano at paring nagngangalang Bartolomé de Las Casas ang hindi sumang-ayon sa malupit na mga paraang ginamit. Paulit-ulit siyang nagsumamo sa pamahalaan sa Espanya alang-alang sa mga Indian, na dahil dito siya ay binigyan ng pamahalaan ng titulong “Tagapagtanggol ng mga Indian.” Gayunman, iba-iba ang naging reaksiyon sa kaniyang mga pagsisikap. Tinawag siya ng ilan na isang pinuno ng krusada, isang propeta, isang lingkod ng Diyos, at isang taong nagkakaroon ng pangitain; tinawag naman siya ng iba na traidor, isang labis na mapaghinala, isang anarkista, at isang pre-Marxist.
Ang tunguhin na alisin ang dating mga ritwal nang maglaon ay hindi ipinagpatuloy. Minsang ang mga katutubo ay mapilit na tanggapin ang pagiging Kristiyano sa pangalan, sila ay pinapayagang panatilihin ang kanilang paganong mga paniwala at mga gawain. Kaya, “maraming Kristiyanong kapistahan sa gitna ng mga Sierra Indian ng Peru,” sabi ng Man, Myth & Magic, “ang nagtataglay ng mga gawain na mga labí ng nakalimutang mga paniwala ng mga Inca.” Ang The Cambridge History of Latin America ay nagpapaliwanag na kinuha ng mga Mexicanong Indian mula sa Kristiyanismo “yaong mga salik na angkop sa kanilang sariling espirituwal at ritwalistikong mga pangangailangan at isinama ito sa mga salik ng pananampalataya ng kanilang mga ninuno.”
Totoo, daan-daang libong Katutubong Amerikano ang nabautismuhan. Subalit ang “Kristiyanismo” na ipinilit sa kanila ay panlabas lamang. Kaunting panahon ang ginugol sa pagtuturo sa kanila ng mga saligan ng Kristiyanismo kung saan magtatayo ng isang matibay na pananampalataya. Ang The Cambridge History of Latin America ay nagsasabi: “May nakababagabag na mga pahiwatig na ang mga Indian na tumanggap sa bagong pananampalataya na may taglay na kasigasigan ay sumasamba pa rin nang lihim sa kanilang dating mga idolo.” Sa katunayan, ang ilang Indian ay iniulat na naglagay ng paganong mga idolo sa likuran ng “Kristiyanong” mga dambana sakaling hindi tumugon ang “Kristiyanong Diyos”. Hindi rin nila agad iniwan ang malaon nang tatag na mga kaugalian na gaya ng poligamya.
Ang mga miyembro ng mga ordeng Romano Katoliko sa tuwina’y hindi kumikilos sa paraan na inaasahan ng isa na ikikilos ng mga misyonerong “Kristiyano.” Ang mga away sa pagitan ng mga orden ay madalas. Ang mga Jesuita lalo na ay madalas napupulaan dahil sa kanilang mga patakaran at mga pagkilos. Sa katunayan, noong 1759 sila ay pinaalis sa Brazil.
Ang pagdating ng mga misyonerong Protestante ay hindi lubhang nagpabago sa mga bagay-bagay. Habang dumarami ang ranggo ng
mga misyonero, dumami rin ang di-pagkakaisa na karaniwan sa Kristiyanismo sa pangalan lamang. Pinaratangan ng mga Katoliko ang mga Protestante na nagpapaunlad ng imperyalismo; pinaratangan naman ng mga Protestante ang mga Katoliko ng pagpapalaganap ng mga paniwalang pagano at ng pagiging may pananagutan sa pagpapanatili sa mga tao sa karukhaan. Lahat ng mga paratang na ito ay naglalaman ng maraming katotohanan. Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, kapuwa Katoliko at Protestante, ay hindi sumunod sa halimbawa ni Jesus.Sa buong Bagong Daigdig, ayon sa The Encyclopedia of Religion, “ang pagkomberti ay nagpatuloy bilang isang bahagi ng kolonyal na pakikipagsapalaran ng mga pamahalaang Kastila, Pranses, at Ingles.” Samantalang ang Espanya at Portugal ay nagtuon ng pansin sa Latin Amerika, ang Pransiya at Britaniya naman ay higit na nasangkot sa kung ano nang maglaon ay naging ang Estados Unidos at Canada. a
Tulad ng mga misyonerong iyon na nasa Latin-Amerika, ang mga misyonerong Pranses at Britano ay nagtatag ng maling mga prayoridad at nasangkot sa pulitikal na mga bagay. Kaya, ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion, “sa pagtatapos ng panahong Pranses sa Canada, ang mga misyonero ay naging mas matagumpay sa paggawa sa mga Indian na matapat sa Pransiya kaysa kombertihin sila sa kanilang relihiyon.”
Sa Diyos o sa Ginto?
Maaaring sinasabi ng ilan na “ang pagpapalawak ng kaharian ng Diyos ang tunguhin” na itinataguyod ng unang mga konkistadores. Subalit higit na makatotohanan, ang The Cambridge History of Latin America ay nagsasabi: “Higit sa lahat, nais nila ng ginto.” Inaakala nila na minsang makomberti, ang mga Indian ay “mapakumbabang magdedeposito ng maraming ginto.”
Sa gayon hinayaan ng ilang misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang sarili na maging kusang mga instrumento niyaong may masamang mga motibo. Ang isa sa unang Europeo na nakahalata nito ay si Bartolomé de Las Casas, nabanggit kanina. Ang The New Encyclopædia Britannica ay sumisipi sa kaniya sa pagsulat noong 1542: “Ang dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay pumatay at nagwasak ng gayon karaming kaluluwa ay sapagkat sila’y naudyukan ng kanilang paghahangad ng ginto at ng kanilang pagnanais na payamanin ang kanilang sarili sa loob ng napakaikling panahon.”
Kaunti lamang espirituwal na kaliwanagan ang dinala ng mga mananakop na Europeo. Sa kaniyang aklat na Mexico, si James A. Michener ay nagsasabi na sinasabi ng mga apologistang Kristiyano na nang sakupin ni Cortés ang Mexico, “nasumpungan niya na ito’y okupado ng mga barbaro na dinalhan niya kapuwa ng kabihasnan at Kristiyanismo.” Gayunman, sinasabi ni Michener na ang mga Mexicanong Indian, kahit na noong 900 C.E., “ay hindi mga barbaro, subalit sila’y naging maluwag sa pagbabantay sa kanilang kahanga-hangang kabihasnan anupat hinayaan nila ang tunay na mga barbaro na sumakop sa kanila.” Ang “tunay na mga barbarong” ito ay ilan sa tinatawag na mga Kristiyano.
Isang Gawain ng Paghahanda
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi sumunod sa mga tagubilin ni Jesus na “gumawa ng mga alagad . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay” na iniutos niya. (Mateo 28:19, 20) Ang bagong mga kombertido ay hindi tinuruan na magpakita ng bunga ng espiritu ng Diyos. Sila’y hindi nagkakaisa sa iisang pananampalataya.
Kahit na yaong mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan na taimtim ay walang magawa kundi ang ipalaganap ang isang apostatang anyo ng Kristiyanismo. Ang “liwanag” na ipinasikat sa Bagong Daigdig ay madilim nga. Gayunman, sa pagpapakilala ng Bibliya sa ilang lawak, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay gumawa ng isang gawaing paghahanda para sa mahalagang kampaniyang misyonero na inihula ni Jesus na mangyayari sa panahon ng kawakasan. (Mateo 24:14) Magiging isang pambihirang kampaniya ito, ang pinakamatagumpay na kailanma’y naisagawa ng kasaysayang Kristiyano, nagdudulot ng pakinabang sa mga tao ng lahat ng bansa. Basahin ang tungkol dito sa susunod na labas sa artikulong “Paggawa ng Tunay na mga Alagad Ngayon.”
[Talababa]
a Mangyari pa, ang impluwensiyang Kastila ay nadama sa Florida at sa timog-kanluran at sa dulong kanlurang bahagi ng ngayo’y Estados Unidos, lalo na sa California.
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga misyonero ay dumating sa Amerika kasama ng Europeong mga konkistadores
[Credit Line]
Mula sa aklat na Die Helden der christlichen Kirche