Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaligayahan—Tiyak!

Kaligayahan—Tiyak!

Kaligayahan​—Tiyak!

“MALIGAYA yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 5:3) Salungat sa karaniwang karunungan, tinukoy ni Jesus ang pagsapat sa espirituwal na pangangailangan ng isa sa halip na ang pagsapat sa materyal na mga naisin bilang ang isang mahalagang sangkap upang magtagumpay sa paghahanap ng kaligayahan. Ang mga salitang iyon ni Jesus, kung susundin, ay katumbas ng tiyak na kaligayahan.

Gayunman, ang pagiging palaisip sa espirituwal na pangangailangan ay nangangahulugan ng higit pa kaysa kabatiran lamang na umiiral ang gayong pangangailangan. Kadalasan na, ang isang pangangailangan na hindi nasasapatan ay isang pinagmumulan ng kabalisahan at paghihinanakit sa halip ng kaligayahan. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Kaya, ang kaligayahan ay namumukadkad habang ang isa’y kumukuha ng mga hakbang upang makilala at pagkatapos ay sapatan ang espirituwal na pangangailangan ng isa. Paano magagawa ito?

Dito pumapasok ang Bibliya. Bakit? Sapagkat ito lamang ang makapaglalaan ng mga kasagutan sa mga tanong na malaon nang pinag-isipan ng marami nang hindi nasusumpungan ang kasiya-siyang mga kasagutan. Halimbawa, naisip mo na ba, ‘Ano ang layunin ng buhay? Bakit ang tao ay nasa lupa? Ano ang inilalaan ng kinabukasan?’ Bukod sa pagbibigay ng kasiya-siyang mga kasagutan sa mga ito at sa maraming iba pang mga tanong, ang Bibliya ay nagbibigay rin ng patnubay sa pamumuhay na nakatulong sa angaw-angaw na mapagtagumpayan ang masalimuot na mga problema na nakakaharap nating lahat sa ngayon at na kadalasa’y humahadlang sa ating paghahanap ng kaligayahan. “Ang salita [ng Diyos] ay ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas,” sabi ng salmista. (Awit 119:105) Oo, ang Bibliya ay isang tiyak na patnubay na makatutulong sa iyo na magtagumpay sa paghahanap ng kaligayahan. Isaalang-alang ang dalawang tunay-sa-buhay na mga halimbawang ito.

Mula sa Paghihinanakit Tungo sa Kaligayahan sa Pag-aasawa

Ang pag-aasawa ay maaaring maging isang pinagmumulan ng kaligayahan o ng kalungkutan. Nakalulungkot sabihin, para sa marami ito’y ang huling banggit. Gayunman, ang payo ng Bibliya, kapag ikinapit, ay nakatulong sa marami na masumpungan ang kaligayahan sa isang dating di-maligayang pag-aasawa.

Gayon ang naranasan nina Yungk’un at Meihsiu. “Ang unang pitong taon ng aming pag-aasawa ay hindi maliligayang taon,” pagtatapat ni Yungk’un. “Kakaunting panahon ang ginugol ko kasama ng aking maybahay at dalawang anak na babae. Sa katunayan, madalas akong matulog sa aking dako ng trabaho.” Bagaman mayroon ng lahat ng kailangan nila sa materyal, hindi sila maligaya. Ganito pa ang susog ng kaniyang maybahay: “Bukod sa paglalaan sa amin sa materyal, iniwan ng aking asawa ang lahat ng mga bagay tungkol sa pamilya sa aking pangangasiwa. Talagang ikinagalit ko ito.” Naisip pa nga nila ang paghihiwalay.

Si Yungk’un ay may iba pang suliraning pampamilya. Dahil sa dating mga problema sa pamilya, hindi niya kinausap ang ate niya sa loob ng pitong taon. Ito’y sa kabila ng bagay na sila’y nakatira na wala pang isang daang metro ang layo sa isa’t isa. Gayunman, sa ngayon siya’y nagtatamasa ng isang maligayang pag-aasawa at isang mahusay na kaugnayan sa kaniyang ate. Bakit nangyari ang malaking pagbabagong ito?

“Kaming mag-asawa ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo sa kanilang lingguhang mga pulong sa Bibliya,” paliwanag ni Yungk’un. Gayundin ang ginawa ng kaniyang ate. Sinimulan nilang ikapit ang mga bagay na kanilang natututuhan at nagulat sila sa mga resulta. Si Yungk’un ay nakakuha ng trabaho na nagpapahintulot sa kaniya na pangalagaan hindi lamang ang materyal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya kundi ang kanila rin namang espirituwal at emosyonal na mga pangangailangan. Sila ngayon ay nagtatamasa ng isang maligaya, nagkakaisang buhay pampamilya.

Siya’y Nakasumpong ng Isang Layunin sa Buhay

Yaong mga nag-aaral sa kalikasan ng tao ay nagsabi na upang maging maligaya kailangan natin ang dahilan upang mabuhay, isang layunin sa buhay. Ang buhay na nakasentro sa masakim na paghahanap ng materyal na mga bagay ay hindi nakasasapat sa pangangailangang ito. Totoo ito gaya ng nasumpungan ng beinte-seis-anyos na si Lini.

“Ako’y dating nagtatrabaho ng 12 oras isang araw, pitong araw sa isang linggo,” aniya. “Ang tunguhin ko ay magbukas ng isang malaking beauty salon.” Bagaman malapit na niyang matupad ang kaniyang pangarap, nadama niyang may kulang sa kaniyang buhay. “Naiisip ko ang tungkol sa layunin ng buhay. Ito ba’y magtrabaho lamang at kumita ng salapi?”

Pagkatapos isang araw ay may dumalaw sa kaniyang parlor at itinanong sa kaniya ang mismong tanong na naitanong niya sa kaniyang sarili. Sinabi sa kaniya na masasagot ng Bibliya ang tanong na iyon. Bagaman hindi pa siya kailanman nakabasa ng Bibliya noon, siya’y sumang-ayon na maglaan ng isang oras sa bawat linggo upang suriin ito.

Mula sa kaniyang lingguhang pag-aaral, nalaman ni Lini na inihula ng Bibliya ang maraming bagay na nakikita niya araw-araw. Nagulat siya sa kung gaano katumpak inilarawan ng Bibliya nang patiuna ang mga saloobin na umiiral sa paligid niya, inihuhula, na “ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Pinag-aralan niya ang iba pang mga hula na tumutukoy sa walang-katulad na mga paghihirap na dulot ng mga digmaan, gutom, at likas na mga kasakunaan na nakikita sa buong daigdig.​—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:7, 12.

Saka natutuhan ni Lini ang isang bagay na labis na nakapagpaligaya sa kaniya​—na ang mga kalagayang ito sa daigdig na kadalasang nag-aalis ng kaligayahan sa mga tao ay isang pahiwatig na malapit na ang isang bagong panahon sa kasaysayan ng tao. (Mateo 24:3-14) Nabasa rin niya sa Bibliya na nilalayon ng Maylikha ng sangkatauhan na magtatag ng isang bagong sanlibutan dito sa lupa, kung saan ang materyal na kasaganaan sa antas na hindi pa nakikilala ng di-sakdal na tao ay iiral sa buong daigdig. (Awit 72:16; Isaias 65:17, 18, 21, 22) Ang hinaharap na masaganang lipunang ito ay hindi sisirain ng pag-iral ng kasakiman, kaimbutan, at materyalismo, kasama na ang lahat ng mga bunga nito. (Awit 37:9-11, 29; 1 Corinto 6:9, 10) Tuwang-tuwa siya nang mabasa niya ang mga salitang ito sa Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​—2 Pedro 3:13.

Kaligayahan ang Naghihintay sa Iyo

Sa halip na gugulin ang lahat ng kaniyang panahon sa paghahanap ng materyal na mga tunguhin, ginugugol ni Lini ngayon ang karamihan ng kaniyang panahon sa pagsasabi sa iba tungkol sa mga bagay na kaniyang natutuhan. Nais mo bang malaman ang higit tungkol sa kahanga-hangang mga pangakong ito? Nais mo bang matuklasan kung paano makatutulong sa iyo ang Bibliya upang masumpungan ang kaligayahan na nasumpungan nina Lini, Yungk’un, Meihsiu, at ng angaw-angaw pang iba? Ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tutulong sa iyo.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang ating Maylikha ay naglalayon na magtatag ng isang makalupang paraiso