Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kausuhan—Dapat ba Akong Sumunod?

Mga Kausuhan—Dapat ba Akong Sumunod?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mga Kausuhan​—Dapat ba Akong Sumunod?

‘COOL na cool ito!’ ‘Bigat ng dating niyan!’ Mga papuri ang iyong maririnig kapag nakita ka ng iyong mga kaedad na sumusunod sa pinakahuling uso. Oo, ang mga kausuhan ay may paraan upang makuha ang atensiyon at mapukaw ang matinding mga reaksiyon.

Gayunman, ang mga kausuhan ay napakadaling magbago at totoong panandalian lamang. Ayon sa isang pagsusuri sa pamimili, ang kausuhan ay unang umuunlad sa gitna ng maliliit na grupo ng malalakas ang loob, kakaibang mga kabataan. Habang ito’y lumalaganap, ang mga may pagawaan at mga nag-aanunsiyo ang nagpapaunlad nito sa pamamagitan ng magasin, TV, at mga anunsiyo sa radyo. Ang mga musikero at sikat na mga artista ay binabayaran upang gawin nila itong magtinging disente at natatangi sa pamamagitan ng pagrerekomenda rito. Ang mga kabataan mismo ay maaaring magpalaganap nito taglay ang matinding interes. Kung ito’y naging popular na, ito’y maaaring kahumalingan ng “napakaraming bilang ng mga tin-edyer.”

Subalit, sa wakas ay mawawala ang pang-akit ng kausuhan at ito’y lumilipas din. (American Demographics) Subalit habang ang bagong istilo, sayaw, o kagamitan ay kinahuhumalingan, maaaring nakadarama ka ng matinding panggigipit na sumunod. Marami ang nakadarama ng gaya ng 15-taóng-gulang na si Kim: “Ipinadarama nito sa iyo na para kang itinakwil kapag ikaw ay naiiba.”

Ang pagsunod sa uso ay maaaring maging magastos na gawain. Halimbawa, isip-isipin na lamang ang arpiler (pin) na nauso sa gitna ng mga kabataang Pranses mga ilang taon na ang nakalipas. Ayon sa 1991 na artikulo ng The New York Times, “ito’y naging de rigueur [isang pangangailangan] na ang iyong mga kap para sa baseball o sa mga sulapa ng iyong jacket ay mapunô ng makukulay, sinliliit ng tuldok ng domino na makikintab na mga tack pin.” Ang kausuhan ay waring hindi naman masama​—subalit kailangan mong magbayad ng napakamahal na $12 para sa isang pin na dinisenyo ng isang kilalang tao.

Masusumpungan din ng isang kabataan na ang pagiging “cool” ay nangangahulugan ng higit pa sa paggasta lamang ng malaking salapi. Para sa ilang grupo, kung saan nasa uso na magsuot ng kap ng baseball, kailangang piliin mo ang kap na may tamang kulay, kumakatawan sa tamang koponan, at bahagi ng kausuhan ay ang paraan ng pagsusuot mo ng kap.

Para sa maraming kabataan ito ay napakahalaga. Itinuturing nila ang pagsunod sa pantanging kausuhan bilang pinakasusi sa pagtatamo ng kabantugan o pagtanggap. Magkagayon man, mauunawaan natin na ang pagsunod sa kausuhan ay hindi laging ang matalinong bagay na dapat gawin.

Pag-isipan ang Iyong mga Hakbang

Hindi naman sa lubusang hinahatulan ng Bibliya ang kausuhan mismo. Ang ilang kilalang gawain ay maaaring wasto naman sa kabila ng pagiging nasa uso nito. Halimbawa, ang pagjo-jogging ay itinuring na isang kausuhan ng ilan nang ito’y maging popular mga ilang taon na ang nakalipas. Subalit sino ang makapagkakaila sa mga kapakinabangan ng mabuti, katamtamang ehersisyo?​—Ihambing ang 1 Timoteo 4:8.

Gayunman, ang ilang kausuhan ay sumasaklaw mula sa may kahangalang paraan hanggang sa talagang mapanganib. Kaya naman ang babala ng sinaunang kawikaan ay angkop: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.” (Kawikaan 14:15) Ang isang taong matalino ay pantas, nakauunawa. Hindi siya parang bulag na sumusunod sa mga bagong kausuhan dahil lamang sa ito’y popular. May katalinuhan, kaniyang tinitimbang-timbang ang mga kahihinatnan ng kaniyang mga kilos.

Ang halaga ay maaaring isang salik na dapat isaalang-alang. Binabanggit ng isang magasin sa Canada ang tungkol sa isang tin-edyer na babae na nagtatrabaho sa isang fast-food restauran. Mahigit sa kalahati ng kaniyang pinagpagurang kita ay nauuwi sa pagbili ng pinakahuling uso ng damit. “Ang salapi ay pananggalang,” sabi ng Bibliya, iyon ay, ito’y kailangan, mahalagang kasangkapan. (Eclesiastes 7:12) Maaatim mo ba na lustayin ito sa mga bagay na, gaya ng sinabi ng isang manunulat, “dinisenyo upang maging luma sa loob ng isa o ilang panahon”?

Ang pisikal na panganib ay isa pang salik na dapat isaalang-alang. Ang break dancing ay nauso kamakailan. Subalit idinulot nito ang napakaraming kapinsalaan sa likod. Kumusta naman sa ngayon? Tinalakay ng isang artikulo sa magasing Rolling Stone ang tungkol sa magugulo’t katawa-tawang pag-indak sa mga sayawan at sa mga rock concert, gaya ng “stage-diving” (pagtalon mula sa entablado tungo sa mga bisig ng naghihiyawang tagahanga), “slamming” (punk na sayaw na nagbubungguan at naghahampasan ang mga tao), at “moshing” (katulad ng slamming subalit mas siksikan ang mga tao)​—mga “sayaw” na wala kundi karahasan na sinabayan ng musika. “Ang bagay na ito ay totoong hindi mapigilan. Ibig kong sabihin, talagang hindi mapigilan,” reklamo ng isang kabataan. Inilarawan niya kung paano may kaguluhang “inaagaw [ng mga nagsasayaw ng ‘moshing’] ang dance floor at walang taros na nagsasasayaw, nagkikikislot na paikut-ikot sa pagsasayaw, walang pakialam na binubunggo ang sinuman na sinamang-palad na nakatayo sa paligid.” Ang gayong paggawi ay baka hangaan ng ilang kaedad mo. Subalit ang pagiging nasa gayong mga lugar ba o paggawa ng gayong mga bagay ay magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos, na nag-uutos sa mga Kristiyano na “itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip”?​—Tito 2:12.

Kumusta naman ang mga panganib sa kalusugan ng pagpapabutas ng katawan at pagpapatatú​—na nagiging popular din sa mga kabataan? Sinasabi ng mga doktor na ang pagpapatatú ay maaaring magdulot ng mga panganib sa sakit, gaya ng hepatitis at marahil ay AIDS, kung ang mga pamamaraang pangkalinisan ay hindi isinasagawa. Gayundin may posibilidad ng pagiging permanenteng madekorasyunan pagkatapos na ang kausuhan ay lumipas na. Totoo, ang ilang tatú ay maaaring maalis sa pamamagitan ng laser. Subalit ang paggamot sa pamamagitan ng laser ay nagsasangkot ng makikirot na sesyon, nagkakahalaga ng daan-daang dolyar bawat sesyon.

Ang pinakamapanganib sa lahat ay ang espirituwal na pinsala na maaaring ibunga mula sa pagsunod sa mga kausuhan. Karamihan sa mga ito ay nakasentro sa sikat na mga tao​—mga aktor, atleta, musikero, at iba pang gaya nila. Nagiging “cool” (nasa uso) na magdamit at gumawi na gaya ninuman na sikat sa kasalukuyan. Subalit paano minamalas ng Diyos na Jehova ang gayong pagsamba sa hinahangaan? Bilang isang anyo ng idolatriya. Kaya naman ang Bibliya ay nagbabala: “Tumakas kayo mula sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14) Maraming sikat na tao ang nagwawalang-bahala sa mga pamantayang moral ng Bibliya. (1 Corinto 6:9-11) Dahil sa gayong kalagayan, ang Diyos ba ay masisiyahan kung ikaw, sa paano man, ay gagawi o magdaramit sa paraan na nagbibigay-dangal sa gayong mga tao?

Ang Impresyon na Ibinibigay Mo sa Iba

Ang Bibliya ay nag-uutos din sa mga kabataan na igalang ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:2) Hindi ba kawalang-galang sa kanila kung ikaw ay uuwi na naglawitan ang mga palamuti sa iyong katawan at nababalutan ng mga tatú? At kumusta naman ang iba, gaya ng iyong mga kaklase? Kung ikaw ay isang Kristiyano, hindi ba’t mahihirapan sila na maniwala sa iyo kung pagkatapos ay magpapatotoo ka sa kanila?​—Ihambing ang 2 Corinto 6:3.

Maaaring gayundin ang masabi tungkol sa pagsusuot ng ilang istilo na pinasikat ng mga mang-aawit ng rap. Ipagpalagay na, sa maraming lugar ang isang kap ng baseball ay sumbrero lamang. Subalit sa ilang kalapit na lugar, “ang karamihan ng tao ay may malaking bahaging ginagampanan ngayon sa popularidad ng pantanging sumbrero na iyan.” (Entertainment Weekly) Hindi ba ang pagsusuot ng pantanging mga kap, jacket, sapatos na de-goma, o iba pang gamit na panghip-hop ay pagbibigay ng impresyon na sumusunod ka sa rap na istilo ng buhay? Tandaan, ang Kristiyanong pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente” o sa nakagigitlang paraan.​—1 Corinto 13:5.

Isaalang-alang ang nangyari sa isang grupo ng mga tin-edyer na babae sa isang makalumang nayon na, ayon sa magasing People, nagpawalang-kabuluhan sa damdamin ng mga tagaroon sa pamamagitan ng pagpasok sa paaralan na nakagayak “ng mga damit na istilong hip-hop.” Ganito ang paliwanag ng isang babae: “Nakikita namin ang mga damit na ito sa MTV [isang cable TV station na nagtatampok ng mga video ng musika]. Akala ko magandang tingnan ang mga ito.” Gayunman, ang usong damit ay nagpasiklab ng usapin​—at panlahing karahasan.

Kaya naman bilang mga Kristiyano ibig nating ‘gumayak sa ating mga sarili na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.’ (1 Timoteo 2:9) Kalakip dito ang pagsasaalang-alang sa damdamin at saloobin ng iba at hindi ang paggiit ng personal na kagustuhan ng isa. Nangangahulugan din ito ng pag-iwas sa mga istilo ng damit at paggawi na maaaring malasin ng iba bilang kalabisan.

Ang Pangangailangan Para sa Pag-iingat

Mangyari pa, ang bawat kausuhan ay dapat timbangin ayon sa sarili nitong merito. Tandaan din naman na si Satanas na Diyablo ang tagapamahala ng sanlibutang ito at ang kaniyang tunguhin ay ‘silain ang sinuman.’ (1 Pedro 5:8; Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Walang alinlangan ang ilang popular na mga kausuhan ay ginamit ni Satanas upang guluhin at ilayo ang mga kabataan mula sa Diyos. Kaya ang pag-iingat ay angkop lamang.

Karaniwang hindi katalinuhan na manguna sa pagsunod sa bagong kausuhan; mas makabubuti na bahagyang bumaling sa pagkakatamtaman lamang. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay nagbababala rin laban sa ‘lubhang pagkamatuwid.’ (Eclesiastes 7:16) Tiyak na hindi mo naman kailangang tanggihan ang pagbabago ng istilo hanggang sa punto na magtingin kang labis na makaluma, kakatuwa, o kakaiba.

Kapag ang isang kausuhan ay maliwanag na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya o sa pagkamakatuwiran, kung gayon ang pinakamatalinong gawin ay iwasan ito. Totoo naman, hindi madali na mapaiba sa iyong mga kaedad. Subalit sa kaniyang aklat na How to Say No and Keep Your Friends, ang manunulat na si Sharon Scott ay nagtanong: “May mga kaibigan ka ba na lubhang napakatalino at kilalang-kilala ka anupat sila ang dapat na magpasiya para sa iyo? Marahil ay wala!” Hindi ba makabubuti na mapatnubayan ng mga kagustuhan ng iyong mga magulang at ng iyong budhing sinanay ng Bibliya? Ang paggawa ng gayon ay maaaring hindi magdudulot ng pagsang-ayon ng lahat ng iyong mga kaedad, ngunit ito’y magdudulot ng pagsang-ayon ni Jehova, na, di-tulad sa lumilipas na kausuhan, maaaring maging walang-hanggan!​—Awit 41:12; Kawikaan 12:2.

[Larawan sa pahina 16]

Paano maaaring tumugon ang iyong mga magulang kung ikaw ay sumusunod sa isang kausuhan?