Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pag-unlad sa Basura
Minamatyagan ng mga sundalo na nagbabantay sa mga hangganan ng Poland ang isang bagong uri ng paglusob sa panahong ito—ang banyagang basura. Ayon sa The Washington Post, noong 1992, hinarang ng mga awtoridad ng Poland ang halos 1,332 di-naiibigang mga kargada ng basura sa pagpasok sa bansa mula sa Kanlurang Europa lamang. Sa unang kalahati ng 1993, ang dami ng gayong mga kargada ay tumaas nang 35 porsiyento. Sa maraming bansa sa Kanluran, ang mapanganib na basura ay nagiging napakamahal upang itapon anupat ang paglululan ng basura sa di gaanong maunlad na mga bansa kung saan ang mga batas pangkapaligiran ay maaaring mas mahirap ipatupad ang naging mapagkakakitaang mapagpipilian. Halimbawa, dalawang kompaniya ng metal sa E.U. ay nasumpungang nagkasala ng paghahalo ng 1,000 toneladang nakalalasong alikabok mula sa tunawan tungo sa kargada ng abono na ipinadala sa Bangladesh. Ang ilan sa basura ay kunwaring donasyon pa nga para sa kawanggawa. Ang mga opisyal ng adwana sa Poland ay nag-uulat na karaniwan nilang natatanggap ang mga kargada na di-umano’y medikal na tulong mula sa Australia, Europa, at Estados Unidos na sa halip ay lumabas na naglalaman ng basura na gaya ng heringgilya, damit na panloob, at mga gamit sa palikuran—lahat ng ito’y gamit na at marumi.
Magasing Tungkol sa Diborsiyo
Natanto ang isang komersiyal na pagkakataon dahil sa tumataas na bilang ng diborsiyo, ang isang tagapaglathala ng magasin sa Pransiya ay naglabas ng isang magasin na tinatawag na Divorce. Nagkomento ang isang kolumnista ng Bulletin ng Sydney, Australia, na itinatampok ng magasin ang “mga tudling na may payo mula sa mga abugado at sikologo, mungkahi para sa mga babae na nagsisikap makasumpong ng kanilang unang trabaho pagkatapos ng pagsasama, at—para sa malalakas ang loob—kung paano makikipag-date muli.” Subalit, ang isang paksa na maliwanag na hindi tinatalakay ng magasin ay ang pakikipagbalikan sa asawa. Ganito ang sabi ng kolumnista: “Ang sinuman na naghahanap ng payo kung paano aayusin ang isang magulong relasyon ay dapat na maghanap nito sa ibang lugar.” Oo, hanapin ang payo mula sa di-nagkakamaling Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Nanganganib na Hummingbird ng Venezuela
Ang dalawampu’t walong iba’t ibang uring hummingbird ay nanganganib na malipol sa Venezuela. Ang ilan sa mga ito ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig. Ang hummingbird ay nanggaling sa mga bansa sa Amerika, mula sa Alaska hanggang sa Argentina at Chile. Ito’y tumitimbang sa pagitan ng 2 at 9 na gramo, ang pinakamaliit ang bee hummingbird, na sumusukat ng halos 5 centimetro at ang pinakamalaki ang giant hummingbird, na sumusukat ng 21 centimetro. Ano ang lumilipol sa hummingbird ng Venezuela? Ito ba’y isang sakit o isang maninila? Hindi. Isiniwalat ng Carta Ecológica, isang newsletter na inilathala ng kompaniya ng langis na Lagovén, na ang maysala ay ang pagkalbo sa kagubatan—ang sistematikong pagwasak ng tirahan ng ibon. Ang maliit, kahanga-hanga, makulay na nilikhang ito ay isa lamang sa maraming biktima ng malupit na pagsira ng tao sa makakapal na kagubatan.
Ipinagbawal ng Batas ang Nakapipinsalang Bisyo
Ipinag-utos ng pamahalaan ng Pakistan na ang mga pakete ng bunga o nganga ay dapat na magtaglay ng mga babala sa kalusugan na tulad sa mga pakete ng sigarilyo, ulat ng magasing Asiaweek. Sinabi ng magasin na milyun-milyong tao sa katimugan ng Asia ang sugapa sa pan masala, isang halo ng bunga at iba’t ibang langis at iba pang sangkap na binalot sa dahon ng ikmo. Ito’y nilayon na nguyain. Ang India ay naglagay na ng mga babala sa mga pakete ng bunga dahil sa iniulat na kaugnayan nito sa kanser sa bibig. At ang mga bata ay napag-alaman na nabubulunan hanggang sa mamatay dahil sa bunga. Ang bagong mga batas ng Pakistan ay nagbabawal sa pagbibili ng bunga sa mga bata na wala pang limang taóng gulang.
Nadaragdagang Tungkulin ng mga Nuno
Ipinakikita ng mga pagsusuri sa Estados Unidos na ang mga nuno, lalo na ang mga lola, ay nagkakaroon ng karagdagang ginagampanang tungkulin sa buhay ng kanilang mga apo. Natuklasan ng patuloy na pagsusuri ng Pambansang Institusyon sa Pagtanda na 69 na porsiyento ng mga isinilang sa pagitan ng 1931 at 1941 ay mga nuno; ang halos 44 na porsiyento sa kanila ay gumugol ng mahigit na 100 oras isang taon sa pag-aalaga sa isa o higit pang mga apo nila. Sa katamtaman, ang mga nunong ito ay gumugol ng 659 na oras sa kanilang mga anak, ang katumbas ng 82 tig-wawalong oras sa isang araw, sabi ng The Wall Street Journal. Ang mga babae, natuklasan ng pagsusuri, ay gumugol sa katamtaman ng 15 hanggang 20 oras sa isang linggo sa pag-aalaga ng mga apo at 2.5 ulit na mas malamang na maging mga tagapangalaga kaysa mga lalaki.
Malayo na mga Ama
Gaya sa kalakhang bahagi ng daigdig, ang mga ugnayang pampamilya sa Hapón ay hindi na gaya ng dati. Iniulat ng The Daily Yomiuri kamakailan na halos 481,000 lalaking Hapones ang napilitang mamuhay nang malayo sa kanilang mga pamilya dahil sa mga paglipat ng mga trabaho. Ang bilang na iyan ay 15-porsiyento ang kahigitan kaysa nakalipas na limang taon at inaasahan na patuloy pang tataas habang ang mga problema sa paghahanap ng matitirahan at mapapasukang paaralan ay lumalala. Tungkol pa rin sa usaping iyan, iniulat ng pahayagan ang
isang surbey sa mga estudyante na nasa primarya at sekundarya kung saan ang 43 porsiyento ng mga kabataan ay nagsabi na hindi nila nakakausap ang kanilang mga ama sa paano man. Ang marami, 18.4 na porsiyento, ay nagsabi na hindi nila nakakausap ang kanilang mga ina.Mga Pagbabago sa mga Pamilya sa Argentina
Isiniwalat ng kamakailang mga pagsusuri ang napakalaking mga pagbabago sa kaayusan at mga pag-uugali sa buhay pampamilya sa Argentina, ayon sa pahayagang Clarín ng Buenos Aires. Nagkokomento tungkol sa huwarang pamilya—ang isa na malaki, ay nagkakaisa, at sama-samang kumakain kung mga araw na walang trabaho o sa gabi—ang sabi ng pahayagan: “Marami sa ngayon ang makapagsasabi na ang gayong huwarang mga pamilya ay nasa lumang mga larawan na lamang, isang nakalipas na huwarang buhay na mababanaag sa mga larawan.” Ipinakita ng isang estadistika mula sa aklat na La familia en la Argentina (Ang Pamilya sa Argentina), ni Susana Torrado, na sa nakalipas na dekada, ang mga pamilyang may nagsosolong magulang, na may bilang ngayon na halos 1,200,000 ay dumami sa Argentina ng halos 60 hanggang 80 porsiyento. Ang mga batang anak sa pagkakasala ay umaabot na ngayon sa mahigit na 36 na porsiyento ng lahat ng mga isinisilang—isang pagtaas na halos 30 porsiyento sapol noong 1960. Higit pa, ipinakita ng mga panayam na sangkatlo ng mga kinapanayam sa pagitan ng edad na 20 at 34 ay hindi naniniwala na ang buklod ng pag-aasawa ay panghabambuhay.
Talasalitaan ng mga Bata
Higit na nalalaman ng mga bata ang tungkol sa kasuklam-suklam na mga katotohanan ng makabagong daigdig kaysa pangkaraniwang pagkilala ng mga adulto, ang isiniwalat ng isang pagsusuri sa Italya. Sinuri ng isang pangkat mula sa National Research Center sa Italya ang mahigit sa 5,000 sanaysay na isinulat ng mga batang nag-aaral na nasa edad na anim hanggang sampu. Ayon sa pahayagang La Repubblica, isiniwalat ng isang paghahambing ng kanilang 6,000 talasalitaan sa binabasa ng mga bata na isinulat ng mga adulto na “halos di-makatotohanan, mapayapang daigdig na walang mga suliranin” na iniharap sa mga bata ay “hindi nakadaya sa kanila.” Ganito pa ang sabi ng pahayagan: “Alam na alam nila kung ano ang ibig sabihin ng mga ‘droga,’ ‘AIDS’ at ‘panghahalay.’ ” Sinasabi ng mga mananaliksik na “ang sistema ng mga bata sa pagsulat ay waring higit na nakauungos at higit na sunod sa panahon kaysa kanilang babasahin” na isinulat ng mga adulto, ang sabi ng Corriere della Sera.
Pagpapain sa Tagâ
Natuklasan ng isang iglesya na nagtuturo ng ebanghelyo sa Maryland, E.U.A., ang isang bagong paraan upang akitin ang mga tao na pumasok. Nito lamang nakaraang Linggo, ang unang 125 tao na dumating sa simbahan ay binigyan bawat isa ng $10. Sila’y kailangan lamang maupo sa buong 75-minutong serbisyo, na nagtampok ng isang maikling dula at awitan na sinaliwan ng bandang “light rock.” Ayon sa Associated Press, ang ikalawang direktor ng mga ministeryo ay nagsabi: “Maraming tao ang nagrereklamo na sila’y hindi nagsisimba sapagkat ang mga simbahan ay laging nanghihingi ng salapi. Inisip namin, ‘Bakit hindi natin gawing kakaiba at bigyan sila ng pera?’ ” Tinanggap ng karamihan ng tao, sabi ng ulat, ang pera, bagaman sinabi ng marami na kanilang isinauli ito. Tatlumpu’t-dalawa ang nagtabi ng pera.
Kapaki-pakinabang na Lumang mga Container
Sa halip na itapon ang malalaking container ng kargada bilang mga scrap metal, natuklasan ng isang kompaniya ng pagkakarga sa Timog Aprika ang ilang mapanlikhang gamit ng mga ito kapag ito’y sirang-sira na para pagkargahan pa ng mabibigat na kargada. Ang dalawa sa malalaking metal na bahagi nito, kapag pinagsama, ay makagagawa ng malaki-laking silid-aralan. Mangyari pa, ang isa sa tagiliran ng bawat mga container ay dapat na tanggalin, at ang mga bintana at mga pinto ay dapat na idagdag sa natitirang mga tabi. Ang lumang mga container ay maaari ring magsilbi bilang mga bahay, tindahan, klinika, at mga aklatan. Sa isang kaso, ayon sa magasing African Panorama, “16 na binagong mga container ang nakapaglaan ng 8 maluluwang na silid-aralan para sa mahigit na 1,000 mag-aaral.” Sa gayon, mahigit na 1,000 container ang handang naipagamit sa nangangailangan sa mga pamayanan sa Timog Aprika. Subalit ang kompaniya na gumagawa nito ay nauubusan ng lumang mga container at nananawagan para sa tulong ng iba pang internasyonal na mga kompaniya ng pagkakarga para sa karagdagan pang lumang mga container.
Pagkatuyot ng Utak
Ang paggamit ng sobrang alkohol at taba sa loob ng mga taon ay hindi lamang labis na nakapagpapaluyloy ng laman subalit nakapagpapaliit din ng utak, ayon sa isang pagsusuri ng isang grupo ng mananaliksik ng Akita University Medical College sa Hapón. Sa loob ng nakalipas na pitong taon, isinagawa ng grupo ang isang surbey sa 960 tao, na gumagamit ng MRI (Magnetic Resonance Imaging), at natuklasan na 58 porsiyento ng mga dumidepende sa alkohol ay nagkaroon ng pagkatuyot ng utak. Kabilang sa mga may hyperlipemia, isang mataas na antas ng taba sa dugo, 41 porsiyento para sa mga nasa kanilang edad na 40 at 50 at 55 porsiyento para sa mga nasa edad na mahigit 60 ay nakitaan ng gayong pagkatuyot. Sa kabaligtaran, tanging 4 na porsiyento ng mga hindi dumidepende sa alkohol o walang hyperlipemia ang nakitaan ng mga tanda ng pagkatuyot. Ang mga sintoma ng gayong nasisiraan ng bait ay napansing nasa gitna ng 80 porsiyento ng mga may pagkatuyot, ulat ng pahayagang Yomiuri Shimbun. Ang Ikalawang Propesor na si Ikuo Naemura ng grupo ng pananaliksik ay nagpapayo: “Ang pagkatuyot ng utak ay nagaganap nang unti-unti subalit tiyak. Mahalaga na iwasan ang labis na pag-inom ng alkohol at labis na pagkain ng matatabang pagkain.”