Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinitiyak ba ng Materyal na Kasaganaan ang Kaligayahan?

Tinitiyak ba ng Materyal na Kasaganaan ang Kaligayahan?

Tinitiyak ba ng Materyal na Kasaganaan ang Kaligayahan?

“MULA sa halos 50 estudyante sa aming paaralan, 1 o 2 lamang ang nagsasapatos,” gunita ng 45-taóng-gulang na si Poching, na lumaki sa gawing timog ng Taiwan noong dekada ng 1950. “Hindi namin kayang bumili nito. Gayunman, hindi namin kailanman itinuturing ang aming sarili na mahirap. Mayroon kami ng lahat ng kailangan namin.”

Iyan ay humigit-kumulang 40 taon na ang nakalipas. Mula noon, malaki na ang ipinagbago ng buhay para kay Poching at sa iba pang 20 milyong naninirahan sa islang iyan. Gaya ng ipinaliliwanag ng aklat na Facts and Figures​—The Republic of China on Taiwan, ang “Taiwan [ay] nagbago mula sa isang agrikultural na lipunan tungo sa isang maunlad na industriyal na lipunan.” Noong dakong huli ng dekada ng 1970, ang Taiwan ay itinuturing bilang “isang matatag, maunlad na lipunan.”

Tunay, ang katibayan ng kasaganaan ay makikita saanman sa Taiwan. Mula sa totoong modernong pagkatataas na mga gusaling pang-opisina na mabilis na naitayo sa buong isla hanggang sa mga haywey na siksikan ng mamahaling inangkat na mga kotse, ang materyal na kasaganaan ng Taiwan ay kinaiinggitan ng ibang nagpapaunlad na mga bansa. Ang China Post, ang nangungunang wikang-Ingles na pahayagan ng Taiwan, ay nagmamalaki na sa ngayon “ang mga tao sa Taiwan ay nagtatamasa ng pinakamataas na pamantayan ng pamumuhay sa kasaysayang Intsik.”

‘Napakaraming Mabibigat na Problema’

Ang lahat ba ng materyal na kasaganaang ito ay nagdala ng tunay na kaligayahan at kasiyahan sa mga tao? Bagaman tiyak na maraming ipinagmamalaki ang mga tao sa Taiwan, may ibang panig naman sa matagumpay na kuwentong ito. Patuloy na binabanggit ng China Post ang ganito: “Kasama ng mataas na antas ng kasaganaan ay dumating din ang napakaraming masalimuot at mabibigat na problema.” Ang materyal na kasaganaan ng Taiwan ay may kabayaran.

Tungkol sa “masalimuot at mabibigat na problema” na dumaragsa sa dating walang-krimen na islang ito, ganito ang sabi ng China Post: “Nitong nakalipas na mga taon ang krimen at kaguluhan ay nakatatakot na dumami sa ating masaganang lipunan, na nagbabanta ng isang lumulubhang panganib sa buhay at pag-aari ng lahat ng mga mamamayang masunurin sa batas.” Sa isang artikulong pinamagatang “Ang Kayamanan ang Gumagawa sa Taiwan na Isang Bayan ng Kasakiman,” pinupulaan ng Post ang mga problema ng mabilis na dumaraming “restauran at bar na nagtatampok ng malalaswang babae” at ng ilegal na mga bahay ng prostitusyon na nagkukunwang mga barberiya. Ang pangingikil at pagkidnap na may layong ipatubos ay naging isa pang problema. Binabanggit ng isang report ang tungkol sa pagkidnap sa mga bata bilang “bagong nagiging popular na negosyo sa Taiwan.” Marami ang bumabaling sa gayong mga krimen bilang isang paraan upang bayaran ang mga pagkakautang sa sugal o sa iba pang pinansiyal na mga kalugihan.

Ang mga bata ay hindi lamang walang-malay na mga biktima ng krimen. Sila’y higit at higit na nasasangkot sa paggawa ng mga krimen. Ipinakikita ng mga report na noon lamang 1989, ang bilang ng mga krimen na nagawa ng mga kabataan ay dumami ng 30 porsiyento. Tinutunton ng ilan ang pagdaming ito sa pagkasira ng pamilya, at waring sinusuhayan ito ng mga estadistika. Halimbawa, mula noong 1977 hanggang 1987, ang bilang ng mga lalaki’t babaing taga-Taiwan na nag-asawa ay umunti, subalit ang dami ng nagdiborsiyo ay mahigit na doble. Yamang karaniwan nang idiniriin ng kulturang Intsik ang kahalagahan ng pamilya sa isang matatag na lipunan, hindi kataka-taka na marami ang nababahala tungkol sa lumalalang mga kalagayan.

Ugat ng Problema

Iba’t ibang paliwanag ang ibinigay sa isang pagsisikap na matiyak ang dahilan ng pagkasira ng kaayusang panlipunan sa gitna ng isang masaganang lipunan. Ang ilang tao, palibhasa’y mahinahon, ay nagsasabi na ito’y kabayaran lamang ng tagumpay. Subalit ang pagsisi sa tagumpay o kasaganaan ay tulad ng pagsisi sa katakawan dahil sa pagkain. Hindi lahat ng kumakain ay matatakaw, ni ang sinuman na abala sa pagkakamal ng pera at ari-arian o isang kriminal. Hindi, ang materyal na kasaganaan ay hindi naman siyang sanhi ng krimen at kaguluhang panlipunan.

Binanggit ng editoryal ng China Post ang isang pangunahing salik. Sabi nito: “Sa nakalipas na mga dekada, labis nating idiniin ang tungkol sa materyal na pag-unlad. Ito ang dahilan ng paghina ng moral at espirituwal na mga pagpapahalaga sa ating lipunan ngayon.” (Amin ang italiko.) Oo, ang labis-labis na pagdiriin sa paghahanap ng materyal na mga bagay ay umaakay sa isang saloobin ng materyalismo at kasakiman. Itinataguyod nito ang pagkamaka-ako. Ang gayong saloobin ang umaakay sa pagkasira ng pamilya at sa pagdami ng mga bagay na may negatibong epekto sa lipunan. Kung ano ang sinabi ng Bibliya 2,000 taon na ang nakalipas ay totoo pa rin: “Ang pag-ibig sa salapi [hindi ang salapi mismo] ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”​—1 Timoteo 6:10.

Isang Pambuong Daigdig na Problema

Sa paghahanap ng kapayapaan at katahimikan​—at kaligtasan​—libu-libo ay nandayuhan mula sa Taiwan tungo sa ibang bansa. Subalit ang mga problema na nararanasan ng Taiwan ay hindi natatangi sa Taiwan. Palasak ito sa buong daigdig.

Mga ilang taon na ang nakalipas ipinakita ng isang pag-aaral na ang pinakamayamang rehiyon sa California, E.U.A., ang may pinakamaraming diborsiyo sa bansa. Halos 90 porsiyento ng lahat ng mga bentahan ng bahay at lupa sa ilang dako ng rehiyon ay bunga ng nasirang pag-aasawa. Doble niyan na mga pagpapakamatay ang iniulat bilang pambansang katamtamang bilang. Ang dami ng alkoholismo ay isa sa pinakamataas sa buong bansa, at sinasabing mayroong mas maraming saykayatris at iba pang espesyalista sa sakit sa isip sa bansa sa bawat tao kaysa saanmang dako sa Estados Unidos.

Binanggit ni Jesu-Kristo ang isang mahalagang katotohanan nang sabihin niya: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ang materyal na mga ari-arian, gaano man karami, ay hindi nakasasapat sa lahat ng pangangailangan ng tao, ni tinitiyak man nito ang kaligayahan. Sa kabaligtaran, kadalasang ito’y gaya ng pagkakasabi rito ng isang kasabihang Intsik: “Kapag ang isa ay busog at maalwan, ang mga kaisipan ng isa ay bumabaling sa mga kalabisan at makalamang mga pita.” Ito’y gaya ng ipinakikita ng kung ano ang nangyayari sa Taiwan at sa iba pang dako​—ang materyal na kasaganaan lamang ay kadalasang nagiging simula ng pagkabulok sa moral at sa lipunan at sa kasama nitong mga problema.

Ano, kung gayon, ang kinakailangan upang ang materyal na kasaganaan ay maging bahagi ng tunay at nagtatagal na kaligayahan? Para sa sagot, pakisuyong basahin ang sumusunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 6]

“Kapag ang isa ay busog at maalwan, ang mga kaisipan ng isa ay bumabaling sa mga kalabisan at makalamang mga pita.”​—Kasabihang Intsik

[Larawan sa pahina 5]

Binabago ng materyal na kayamanan ang maliliit na bayan tungo sa abala, naiilawang mga lungsod