Ang Ating Mahalagang Atmospera
Ang Ating Mahalagang Atmospera
NOONG Mayo 4, 1961, si Malcolm Ross at si Vic Prather ay pumailanglang sa taas na 34.6 na kilometro. Nang panahong iyon, ang pagtatakda ng isang bagong rekord ay hindi gaanong hinangaan ni Ross. Ang hinangaan niya ay ang tanawin habang maingat na itinataas niya ang tabing at tumitingin sa labas ng gondola sa kauna-unahang pagkakataon.
“Ang tanawin nang marating namin ang taas na 30,500 metro,” gunita niya, “ay talagang napakaganda.” Si Ross ay namangha sa mga kulay na nagtatanda sa iba’t ibang suson ng atmospera. Una, nariyan ang “matingkad at maputi-puting asul” ng troposphere, na umaabot ng labing-anim na kilometro sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos ang magulang na asul na kulay ng stratosphere ay dumidilim nang dumidilim hanggang sa wakas ay nariyan ang kadiliman ng kalawakan. “Sa tahimik na pagkasindak ay aming pinagmasdang mabuti ang makalangit na kagandahan ng atmospera,” sulat ni Ross sa National Geographic.
Tunay, ang ating magandang atmospera ay karapat-dapat pagmasdang mabuti.
Sumusustini ng Buhay
Sa katunayan, ang ating atmospera ay isang kalawakan ng hangin na pumapaligid sa lupa sa taas na halos 80 kilometro. Ito’y tumitimbang ng mahigit na 5 kuwadrilyong tonelada at may lakas na 1.03 kilo sa bawat centimetro kudrado sa antas ng dagat. Kung wala ang presyong iyon ng hangin, hindi tayo maaaring mabuhay, yamang hinahadlangan nito ang mga likido sa ating katawan na sumingaw. Ang gawing itaas ng atmospera ay walang sapat na presyon ng hangin upang sumustini sa buhay ng tao. Sa dahilang iyan sina Ross at Prather ay kailangang magsuot ng pressurized na kasuotang pangkalawakan. “Kung walang artipisyal na presyon,” paliwanag ni Ross, “ang ating dugo ay kukulo, ang ating mga daluyan ng dugo at mga sangkap ng katawan ay puputok.”
Mangyari pa, kailangan din natin ang kalawakang ito ng hangin upang manatiling humihinga. Gayunman, karamihan sa atin ay ipinagwawalang-bahala ito dahil sa hindi natin ito nakikita. Isang relihiyosong tao noong sinaunang panahon ang may pagpapahalagang nagsabi: “Ang [Diyos] ang nagbibigay sa lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.”—Gawa 17:24, 25.
Kung wala ang ating atmospera, walang tagapamagitan na hahawak sa alabok sa itaas kung saan nabubuo ang mga patak ng tubig. Kaya walang ulan. Kung hindi dahil sa ating atmospera, tayo’y masusunog ng tuwirang mga sinag ng araw, at tayo naman ay magyeyelo sa gabi. Mabuti na lamang, ang atmospera ay kumikilos na parang kumot,
sinisilo ang init ng araw upang ang mga gabi ay hindi masyadong malamig.Isa pa, ang atmospera ay nagbibigay ng proteksiyon mula sa dumarating na mga bulalakaw na makapipinsala sa mga naninirahan sa lupa. “Ang matitigas na bagay mula sa kalawakan,” sabi ni Herbert Riehl sa kaniyang aklat na Introduction to the Atmosphere, “ay dumarating sa panlabas na takda ng atmospera taglay ang tinatayang kabuuang timbang na ilang libong tonelada sa isang araw.” Gayunman, karamihan ng mga bulalakaw ay nagkakapira-piraso sa atmospera bago makarating sa ibabaw ng lupa.
Ang atmospera ay nakadaragdag sa ating kasiyahan sa buhay. Ito’y nagbibigay sa atin ng ating magandang bughaw na mga langit, maumbok na puting mga ulap, nakapananariwang ulan, at pagkagagandang mga pagsikat at paglubog ng araw. Higit pa riyan, kung walang atmospera ay hindi natin maririnig ang mga tinig ng mga mahal natin; ni maririnig man natin ang ating paboritong musika. Bakit? Sapagkat ang mga alon ng tunog ay nangangailangan ng isang bagay na paglalakbayan. Ang hangin ay isang magaling na tagapaghatid ng tunog, samantalang walang tunog na naririnig sa ating panlabas na kalawakan.
Isang Kahanga-hangang Halo
Noong sinaunang panahon minamalas ng mga tao ang atmospera bilang iisang elemento. Pagkatapos, noong ika-18 siglo, natuklasan ng mga siyentipiko na ito’y pangunahin nang binubuo ng dalawang magkatugmang gas, ang nitroheno at oksiheno. Halos 78 porsiyento ng atmospera ay nitroheno at 21 porsiyentong oksiheno; ang natitirang 1 porsiyento ay binubuo ng mga gas na gaya ng argon, singaw ng tubig, carbon dioxide, neon, helium, krypton, hidroheno, xenon, at ozone.
Mangyari pa, ang oksiheno ang sumusustini-buhay na gas na tinatanggap ng ating mga katawan sa pamamagitan ng paghinga. Ang antas ng oksiheno sa ating atmospera ay tamang-tama para sa buhay sa lupa. Kung ito ay lubhang bababa, tayo’y aantukin at sa wakas ay mawawalan ng malay. Kung ito naman ay lalabis, sinasabing kahit na ang mamasa-masang maliliit na sanga at damo sa gubat ay magdiringas.
Ang nitroheno ang tamang kahalo ng oksiheno, gayunman ito’y gumaganap ng mahalagang papel sa pagsusustini ng buhay. Lahat ng organismo ay kailangang mayroon nito upang mabuhay. Ang mga halaman ay kumukuha ng nitroheno sa atmospera sa tulong ng kidlat at ng isang pantanging uri ng baktirya. Tayo naman, ay kumukuha ng nitroheno mula sa pagkaing ating kinakain.
Ang bagay na pinananatili ng ating atmospera ang tamang katumbasan ng oksiheno at nitroheno ay kahanga-hanga. Ang nitroheno ay ibinabalik sa atmospera, dahil sa mahalagang gawain ng pagkaliliit na mga organismo. Kumusta naman ang oksiheno? Marami nito ay nakukunsumo sa mga apoy at sa pamamagitan ng paghinga ng mga tao at mga hayop. Gayunman napananatili ng atmospera ang antas nito na 21 porsiyentong oksiheno. Paano? Sa pamamagitan ng photosynthesis—isang kemikal na proseso sa loob ng luntiang mga dahon at algae—na naglalabas ng mahigit na isang bilyong toneladang oksiheno sa atmospera araw-araw.
Ang photosynthesis ay hindi maaaring mangyari kung walang carbon dioxide—kaunting gas na binubuo lamang ng 0.03 porsiyento ng atmospera. Sa tulong ng liwanag, ang mga halaman ay dumedepende sa carbon dioxide upang lumaki at mamunga, gumawa ng mga nuwes, mga butil, at gulay. Ibinabalik din ng carbon dioxide ang init sa
lupa upang panatilihing mainit ang ating planeta. Subalit kung ang antas ng carbon dioxide ay dumami sa pamamagitan ng pagsunog ng labis na kahoy, karbón, gas, at langis, ang temperatura ng lupa sa wakas ay maaaring maging napakainit anupat titigil ang buhay. Sa kabilang dako, kung umunti naman nang husto ang carbon dioxide, hihinto ang photosynthesis, at tayo’y magugutom.Ang ozone ay isa pang kaunting gas kung saan nakasalalay ang buhay sa lupa. Ang ozone sa gawing itaas na bahagi ng atmospera na tinatawag na stratosphere ay sumisipsip sa mga sinag na ultraviolet mula sa araw. Kaya tayo na nasa lupa ay naipagsasanggalang mula sa nakapipinsalang mga sinag na ito ng ultraviolet.
Oo, mientras mas marami tayong nalalaman tungkol sa atmospera, lalo tayong namamangha. Ang halo nito ng nitroheno, oksiheno, at iba pang kaunting gas ay tamang-tama. Ang laki ng lupa ay tamang-tama rin upang mapanatili ang pagkakatimbang. Kung ang lupa ay mas maliit at mas magaang, ang hila ng grabitasyon nito ay magiging napakahina, at marami sa ating mahalagang atmospera ay maglalaho tungo sa kalawakan.
“Sa kabilang dako,” sabi ng aklat-aralin sa siyensiya na Environment of Life, “kung ang lupa ay mas malaki at mabigat kaysa kung ano ito, ang dagdag na puwersa ng grabitasyon ay magpapangyari na mas maraming gas ang mapananatili. . . . Masisira ang maselang na pagkakatimbang ng mga gas sa atmospera.”
Gayunman, nakalulungkot sabihin na ang “maselang na pagkakatimbang” ay nasisira sa pamamagitan ng makabagong istilo ng buhay ng tao. Gaano kalubha ang kalagayan, at anong pag-asa na ang ating mahalagang atmospera ay maililigtas mula sa pagkasira?
[Kahon sa pahina 5]
Kapag ang mga Paglubog ng Araw ay Mas Magandang Tingnan
Ang atmospera ay nagpapabanaag sa sinag ng araw sa isang paraan na ito’y nagbibigay sa langit ng kaayaayang bughaw na anyo nito. Habang lumulubog ang araw sa abot-tanaw, ang mga sinag nito ay kailangang magdaan sa mas maraming atmospera. Ito’y gumagawa ng iba’t ibang matitingkad na kulay na maaaring hindi kailanman makita ng mga naninirahan sa lungsod.
Ang mga paglubog ng araw sa industriyal na mga lungsod ay karaniwang makulimlim at walang gaanong kulay maliban sa kulay na pula. Kung ang rehiyon ay matindi ang polusyon, sabi ng babasahing New Scientist, “ang Araw ay lumilitaw na parang makulimlim na pulang bilog na maaaring maglaho bago pa nito marating ang abot-tanaw.”
“Sa isang totoong maaliwalas, malinis na atmospera,” sabi ng nabanggit ng babasahin, “ang mga kulay ng paglubog ng araw ay talagang matingkad. Ang Araw ay matingkad na dilaw at ang kalapit na langit ay kulay kahel at dilaw. Habang naglalaho ang Araw sa abot-tanaw, ang mga kulay ay unti-unting nagbabago mula sa kulay kahel tungo sa asul. Ang mababang mga ulap ay patuloy na nagpapabanaag sa liwanag ng Araw, kahit na pagkalubog nito.”
Isip-isipin ang iba’t ibang magagandang paglubog ng araw na tatamasahin sa isang daigdig na walang polusyon!—Apocalipsis 21:3-5.