Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Iglesya Katolika sa Aprika

Ang Iglesya Katolika sa Aprika

Ang Iglesya Katolika sa Aprika

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

ANG Iglesya Katolika ay may sampu-sampung milyong tagasunod sa Aprika, at ang mga problema nito roon ay malaki. Sa pasimula ng taóng ito mahigit na 300 lider ng simbahan ang nagtipon sa Vatican sa Roma upang talakayin ang ilan sa mga problemang ito sa panahon ng isang buwang-haba na pantanging sinodo.

Bilang pagbubukas sa mga sesyon ang papa ay nagsabi, gaya ng iniulat sa L’Osservatore Romano: “Ngayon sa kauna-unahang pagkakataon ay nagaganap ang isang Sinodo ng Simbahang Aprikano na nagsasangkot sa buong kontinente. . . . Lahat ng kinatawan buhat sa buong Aprika ay naririto ngayon sa St Peter’s Basilica. Taglay ang matimyas na pagmamahal na binabati ng Obispo ng Roma ang Aprika.”

Labanan ng Tribo

Gaya ng nalalaman ng marami, ang mga problema ng Iglesya Katolika ay lalo nang malaki sa mga bansang Burundi at Rwanda sa Aprika, na pangunahin nang mga Katoliko. Ang labanan ng tribo roon ay naging internasyonal na balita nitong tagsibol nang daan-daang libo ang walang-awang pinatay ng kanilang mga kapitbahay. Isang nakasaksi mismo ang nag-ulat: “Nakita namin ang mga babae na karga-karga ang maliliit na bata sa kanilang mga likod na pumapatay. Nakita namin ang mga batang pumapatay ng mga bata.”

Ang National Catholic Reporter ay nag-ulat tungkol sa dalamhati ng lideratong Katoliko. Sinasabing ang papa ay “nakadama ng ‘matinding kirot’ dahil sa bagong mga ulat tungkol sa labanan sa munting bansa [ng Burundi] sa Aprika, na ang nakararami sa populasyon ay Katoliko.”

Ang walang-awang pagpatay sa Rwanda ay lalo pang nakapipinsala sa lideratong Katoliko. “Pinulaan ng Papa ang Sadyang Pagpatay sa Buong Pamayanan sa 70% Bansang Katoliko,” pahayag ng isang ulong-balita sa pahayagan ding iyon. Ang artikulo ay nagsabi: “Ang labanan sa bansa ng Aprika ay nagsasangkot ng ‘isang tunay na sadyang pagpatay sa buong pamayanan kung saan, nakalulungkot sabihin, kahit na ang mga Katoliko ay may pananagutan,’ sabi ng papa.”

Samantalang ang mga kalupitan ay isinasagawa sa Rwanda kasabay ng gumagawa-ng-kasaysayan na sinodong Katoliko na nagtipon sa Roma, maliwanag na ang pansin ng mga obispo ay nakatuon sa kalagayan sa Rwanda. Ganito ang sabi ng National Catholic Reporter: “Ang labanan sa Rwanda ay nagsisiwalat ng isang bagay na nakababahala: Ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi nag-ugat nang malalim sa Aprika upang mapagtagumpayan ang labis na pagtatangi sa tribo (tribalism).”

Napapansin ang pagkabahala ng nagkakatipong mga obispo, ang National Catholic Reporter ay nagpatuloy pa sa pagsasabi: “Ang paksang ito [ng labis na pagtatangi sa tribo] ay tinalakay ni Albert Kanene Obiefuna, obispo ng Awka, Nigeria, na nagsasalita sa sinodo.” Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Obiefuna: “Ang karaniwang Aprikanong buhay pampamilya at gayundin ang kaniyang buhay Kristiyano ay nakasentro sa kaniyang gawaing pantribo.”

Pagkatapos, walang alinlangan na ang Rwanda ang nasa isipan, si Obiefuna ay nagpatuloy sa kaniyang pahayag sa sinodo: “Ang kaisipang ito ay totoong laganap anupat may kasabihan sa mga Aprikano na kapag ang kalagayan ay naging lubhang maselan na ang isa ay napipilitang pumili, hindi nananaig ang ideang Kristiyano ng Simbahan bilang isang pamilya kundi bagkus ang sawikaing ‘ang dugo ay mas malapot kaysa tubig,’ o mas matimbang ang pagkakamag-anak kaysa anupaman. At malamang na kasali sa tubig na binabanggit dito ang tubig ng Bautismo na sa pamamagitan nito ang isa ay ipinanganganak sa sambahayan ng Simbahan. Ang kaugnayan sa dugo ay mas mahalaga kahit na sa Aprikanong naging isang Kristiyano.”

Kaya inamin ng obispo na sa Aprika ang pananampalatayang Katoliko ay hindi nagtagumpay sa paglikha ng isang kapatirang Kristiyano kung saan ang mga mananampalataya ay tunay na nag-iibigan sa isa’t isa gaya ng itinuro ni Jesu-Kristo na dapat nilang gawin. (Juan 13:35) Bagkus, ang “kaugnayan sa dugo ay mas mahalaga” sa mga Katolikong Aprikano. Ito ay nagbunga ng pag-una nila sa pagkakapootan ng tribo sa lahat ng iba pang pagtingin. Gaya ng kinilala ng papa, ang mga Katoliko sa Aprika ay dapat managot sa ilan sa pinakamatinding kalupitan hindi pa natatagalan.

Sinasabing Nakataya ang Kaligtasan

Ang mga obispong Aprikano na nasa sinodo ay nagpahayag ng pangamba sa kaligtasan ng Katolisismo sa Aprika. “Kung nais nating magpatuloy na umiral ang Simbahan sa aking bansa,” sabi ni Bonifatius Haushiku, isang obispo sa Namibia, “dapat nating seryosong isaalang-alang ang suliranin tungkol sa inculturation.”

Nagpapahayag ng katulad na mga damdamin, ang Katolikong ahensiya sa pamahayagan ng Italya na Adista ay nagsabi: “Ang pagbanggit tungkol sa ‘inculturation’ ng Ebanghelyo sa Aprika ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa mismong kahihinatnan ng Iglesya Katolika sa kontinenteng iyon, ng mga tsansa nito na makaligtas o hindi makaligtas.”

Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga obispo sa “inculturation”?

Ang Simbahan at ang “Inculturation”

Ipinaliwanag ni John M. Waliggo na “ang pagbabagay ang katagang ginamit sa loob ng mahabang panahon upang tukuyin ang bagay ding iyon.” Sa payak na pananalita, ang “inculturation” ay nangangahulugan ng pagsasama ng mga tradisyon at mga idea ng mga relihiyon ng tribo sa mga seremonya at pagsambang Katoliko, pagbibigay ng isang bagong pangalan at isang bagong kahulugan sa sinaunang mga ritwal, bagay, kilos, at lugar.

Ang inculturation ay nagpapahintulot sa mga Aprikano na maging kapuri-puring Katoliko at gayunman ay manghawakan sa mga gawain, seremonya, at mga paniwala ng kanilang mga relihiyon ng tribo. May anuman bang pagtutol dito? Ang pahayagan sa Italya na La Repubblica, halimbawa, ay nagtanong: “Hindi ba totoo na ang Pasko sa Europa ay salig sa kapistahan ng Solis Invicti, na pumapatak sa Disyembre 25?”

Oo, gaya ng sinabi ni Josef Cardinal Tomko, kardinal ng Congregation for the Evangelization of Peoples: “Ang Simbahang misyonero ay nagsagawa ng gawain ng inculturation matagal nang panahon bago pa man ginamit ang kataga.” Inilalarawan ng pagdiriwang ng Pasko ang bagay na ito, gaya ng sinabi ng La Repubblica. Dati itong isang paganong pagdiriwang. “Ang petsang Disyembre 25 ay hindi siyang kapanganakan ni Kristo,” kinikilala ng New Catholic Encyclopedia, “kundi ang kapistahan ng Natalis Solis Invicti, ang Romanong kapistahan ng araw at ng solstice.”

Ang Pasko ay isa lamang sa maraming kaugalian ng simbahan na nakasalig sa paganismo. Gayundin ang mga paniwalang gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap ng mga kaluluwa ng tao pagkamatay. Si John Henry Cardinal Newman ng ika-19 na siglo ay sumulat na “ang mga pinuno ng Simbahan mula noong unang mga panahon ay handa, kung hinihiling ng kalagayan, na bumagay, o tularan, o banalin ang umiiral na mga ritwal at mga kaugalian ng mga mamamayan.” Itinatala ang maraming gawain at mga kapistahan ng simbahan, sinabi niya na ang mga ito ay “pawang may paganong pinagmulan, at pinabanal sa pamamagitan ng pagtanggap dito ng Simbahan.”

Kapag ang mga Katoliko ay pumasok sa mga lugar na hindi para sa mga Kristiyano, gaya sa mga bahagi ng Aprika, madalas na masumpungan nila na ang mga tao ay mayroon nang relihiyosong mga gawain at mga paniwala na kahawig niyaong sa simbahan. Ito’y dahilan sa nakalipas na mga dantaon ibinagay ng simbahan ang mga gawain at mga turo mula sa di-Kristiyanong mga tao at ipinakilala ito sa Katolisismo. Ang mga gawain at mga turong iyon, sabi ni Cardinal Newman, ay “pinabanal sa pamamagitan ng pagtanggap dito ng Simbahan.”

Sa gayon, nang dalawin ni Papa John Paul II ang hindi Kristiyanong mga tao sa Aprika noong nakaraang taon, siya ay sinipi sa L’Osservatore Romano na nagsasabi: “Sa Cotonou [Benin, Aprika] ay nakilala ko ang mga tagasunod ng voodoo, at maliwanag sa paraan ng kanilang pagsasalita na sa ilang paraan taglay na nila sa kanilang kaisipan, ritwal, mga sagisag at kalooban ang ilang bagay na nais ialok sa kanila ng Simbahan. Naghihintay lamang sila ng panahon na may dumating at tulungan sila na gumawa ng pagbabago at sa pamamagitan ng Bautismo ay mamuhay sa paraan na ipinamumuhay na nila at nararanasan bago ang Bautismo.”

Ano ang Dapat Mong Gawin?

Ang hindi pagtuturo ng simbahan ng tunay, dalisay na Kristiyanismo sa mga tao sa Aprika ay nagkaroon ng kapaha-pahamak na mga resulta. Ang labis na pagtatangi sa tribo ay nagpapatuloy, kung paanong ang nasyonalismo ay nagpapatuloy sa lahat ng dako, na nagbubunga ng mga Katolikong nagpapatayan sa isa’t isa. Anong laking kasiraang-puri kay Kristo! Ang Bibliya ay nagsasabi na ang gayong tampalasang pagpapatayan sa isa’t isa ang nagpapakilala sa mga tao bilang “ang mga anak ng Diyablo,” at sinasabi ni Jesus sa mga gayon: “Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”​—1 Juan 3:10-12; Mateo 7:23.

Ano kung gayon ang dapat gawin ng tapat-pusong mga Katoliko? Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na mag-ingat laban sa pagkompromiso sa anumang gawain o paniwala na gagawa sa kanilang pagsamba na marumi sa paningin ng Diyos. “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya,” sabi ng Bibliya. Upang tamasahin ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangang ‘ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay sa paningin ng Diyos.’​—2 Corinto 6:14-17.

[Blurb sa pahina 20]

‘Ang digmaan sa Rwanda ay isang tunay na sadyang pagpatay sa buong pamayanan kung saan kahit na ang mga Katoliko ay may pananagutan,’ sabi ng papa

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Larawan: Jerden Bouman/Sipa Press