Kapag Nasira ang Ating Atmospera
Kapag Nasira ang Ating Atmospera
NOONG 1971, samantalang patungo sa buwan sakay ng Apollo 14, si Edgar Mitchell ay nagsabi nang mamasdan ang lupa: “Ito’y katulad ng isang kumikinang na asul at puting hiyas.” Subalit ano kaya ang makikita ng isang tao mula sa kalawakan ngayon?
Kung ipahihintulot ng pantanging mga salamin sa mata na makita niya ang di-nakikitang mga gas sa atmospera ng lupa, makikita niya ang lubhang kakaibang larawan. Sa magasing India Today, si Raj Chengappa ay sumulat: “Makikita niya ang pagkalaki-laking mga butas sa nagsasanggalang na mga tabing ng ozone sa Antartika at Hilagang Amerika. Sa halip na isang kumikinang na asul at puting hiyas ay makikita niya ang isang makulimlim, maruming lupa na punô ng maitim, umiikot na mga ulap ng mga dioxide ng carbon at sulphur.”
Ano ang bumutas sa itaas na bahagi ng pananggalang na tabing ng ozone ng ating atmospera? Talaga bang lubhang mapanganib ang pagdami ng mga nagpaparumi sa atmospera?
Kung Paano Sinisira ang Ozone
Mahigit na 60 taon na ang nakalipas, ipinahayag ng mga siyentipiko ang tuklas tungkol sa isang ligtas na refrigerant na hahalili sa iba pang refrigerant na nakalalason at naglalabas ng mabahong amoy. Ang bagong kimiko ay binubuo ng mga molekula na may isang atomo ng carbon, dalawang atomo ng chlorine, at dalawang atomo ng fluorine (CCl2F2). Ito at ang kahawig na gawang-taong mga kimiko ay tinatawag na mga chlorofluorocarbon (mga CFC).
Maaga noong dekada ng 1970, ang produksiyon ng mga CFC ay lumago tungo sa isang napakalaking pambuong-daigdig na industriya. Ang mga ito ay hindi lamang ginagamit sa mga repridyeretor kundi sa mga lata rin ng aerosol spray, sa mga air conditioner, sa mga kimiko na panlinis, at sa paggawa ng mga sisidlan ng pagkaing mabilis na niluluto at iba pang mga produktong styrofoam.
Gayunman, noong Setyembre 1974, dalawang siyentipiko, sina Sherwood Rowland at Mario Molina, ay nagpaliwanag na ang mga CFC ay unti-unting tumataas sa stratosphere kung saan ang mga ito sa wakas ay naglalabas ng kanilang chlorine. Ang bawat atomo ng chlorine, ayon sa tantiya ng mga siyentipiko, ay maaaring sumira ng libu-libong molekula ng ozone. Subalit sa halip na masira ang ozone nang pantay sa buong gawing itaas ng atmospera, ang pagkasira ay mas malaki sa rehiyon ng hilaga at timog na polo.
Tuwing tagsibol mula noong 1979, maraming ozone ang naglaho at pagkatapos ay muling lumitaw sa Antartika. Ang pana-panahong pag-unti na ito ng ozone ay tinatawag na butas sa ozone (ozone hole). Higit pa riyan, nitong nakalipas na mga taon ang tinatawag na butas sa ozone ay lumalaki at tumatagal. Noong 1992, ang mga sukat ng satelayt ay nagsisiwalat ng isang napakalaking butas sa ozone na kailanma’y naitala—mas malaki pa sa Hilagang Amerika. At kaunting ozone ang natira rito. Ang mga sukat na naitala ng mga instrumento na lulan ng malalaking lobo ay nagsisiwalat ng pagbawas ng mahigit na 60 porsiyento—ang pinakamababa na kailanma’y naitala.
Samantala, ang mga antas ng ozone ay nababawasan din sa gawing itaas ng atmospera sa iba pang bahagi ng lupa. “Ang pinakahuling mga sukat,” ulat ng magasing New Scientist, “ay nagpapakita na . . . may pambihirang pag-unti ng ozone noong 1992 sa pagitan ng mga latitud 50° Hilaga at 60° Hilaga, sumasaklaw sa Hilagang Europa, Russia at Canada. Ang antas ng ozone ay 12 porsiyentong mababa sa normal, mas mababa kaysa anumang panahon sa 35 taóng patuloy na pagsusuri at pagtalâ ng rekord.”
“Kahit na ang pinakakakila-kilabot na mga hula,” sabi ng babasahing Scientific American, “ay nagpapakita ngayon na mababa ang pagtaya sa pagkawala ng ozone dahil sa mga chlorofluorocarbon. . . . Gayunman noong panahong ginawa ang mga hula, matinding tinutulan ng maimpluwensiyang mga tao sa pamahalaan at sa industriya ang mga batas, sa dahilang hindi kompleto ang siyentipikong katibayan.”
Tinatayang 20 milyong tonelada ng mga CFC ang nailabas na sa atmospera. Yamang nangangailangan ng mga taon upang ang mga CFC ay pumailanglang sa stratosphere, angaw-angaw na tonelada ang hindi pa nakararating sa gawing itaas ng atmospera kung saan ginagawa nila ang kanilang paninira. Gayunman, ang mga CFC ay hindi ang tanging pinagmumulan ng sumisira-ozone na chlorine. “Tinataya ng NASA na halos 75 tonelada ng chlorine ay naitatambak sa suson ng ozone tuwing naglulunsad ng isang shuttle,” ulat ng magasing Popular Science.
Ano ang mga Resulta?
Ang mga resulta ng nabawasang ozone sa gawing itaas ng atmospera ay hindi lubusang maunawaan. Gayunman, ang isang bagay na tiyak ay na ang dami ng nakapipinsalang radyasyón ng UV (ultraviolet) na nakararating sa lupa ay dumarami, na nagbubunga ng mas maraming paglitaw ng kanser sa balat. “Noong nakaraang dekada,” ulat ng babasahing Earth, “ang taunang dosis ng nakapipinsalang UV na tumatama sa hilagang hemispero ay tumaas ng halos 5 porsiyento.”
Ang 1-porsiyento lamang na pagdami ng UV ay tinatayang pagmumulan ng 2- hanggang 3-porsiyentong pagdami ng kanser sa balat. Ang magasin sa Aprika na Getaway ay nagsasabi: “May mahigit na 8 000 bagong mga kaso ng kanser sa balat sa Timog Aprika taun-taon . . . Mayroon tayo ng isa sa pinakamababang antas ng pananggalang na ozone at isa sa pinakamaraming paglitaw ng kanser sa balat (ang kaugnayan sa pagitan ng dalawa ay hindi nagkataon lamang).”
Ang bagay na ang pagkasira ng ozone sa gawing itaas ng atmospera ay magiging sanhi ng pagdami ng kanser sa balat ay malaon nang inihula ng mga siyentipikong sina Rowland at Molina. Inirekomenda nila ang agad na pagbabawal sa paggamit ng mga CFC sa mga aerosol sa Estados Unidos. Kinikilala ang panganib, maraming bansa ang sumang-ayon na ihinto ang paggawa ng mga CFC sa Enero 1996. Gayunman, samantala ang paggamit ng mga CFC ay patuloy na nagbabanta ng panganib sa buhay sa lupa.
Ang pag-unti ng ozone sa Antartika, ulat ng Our Living World, “ay nagpahintulot sa radyasyon ng ultraviolet na makapasok sa kalaliman ng karagatan kaysa dating hinihinala. . . . Ito ang nagpangyari ng malaking pagbawas sa paggawa ng isang-selulang mga organismo na siyang saligan ng kawing ng pagkain sa karagatan.” Ipinakikita rin ng mga eksperimento na ang pagdami ng UV ay nakababawas sa ani ng maraming pananim, isang banta sa pangglobong panustos na pagkain.
Oo, ang paggamit ng mga CFC ay maaaring kapaha-pahamak. Gayunman ang ating atmospera ay pinauulanan ng maraming iba pang nagpaparumi. Ang isa pang nagpaparumi ay isang gas sa atmospera na ang kaunti nito ay mahalaga sa buhay sa lupa.
Epekto ng Polusyon
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang mga tao ay nagsimulang magsunog ng mas maraming karbón, gas, at petrolyo, nagdaragdag ng maraming carbon dioxide sa atmospera. Nang panahong iyon ang dami ng katiting na gas na ito sa atmospera ay halos 285 bahagi sa bawat milyon. Ngunit dahil sa dumaming paggamit ng tao ng mga fossil fuel, ang dami ng carbon dioxide ay umabot sa mahigit na 350 bahagi sa bawat milyon. Ano ang resulta ng mas marami na sumisilo-init na gas na ito na nasa atmospera?
Marami ang naniniwala na ang pagdami ng mga antas ng carbon dioxide ang siyang dahilan ng pagtaas ng temperatura ng lupa. Gayunman, sinasabi ng ibang mananaliksik na ang pag-init ng globo ay pangunahin nang dahilan sa pagbabagu-bago ng ating araw—na ang araw ay naglalabas ng mas maraming enerhiya nitong nakalipas na mga panahon.
Anuman ang kalagayan, ang dekada ng 1980 ang pinakamainit mula nang magsimulang mag-ingat ng mga rekord noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. “Ang nauusong pag-init ng globo ay nagpatuloy hanggang sa dekadang ito,” ulat ng pahayagan sa Timog Aprika na The Star, “na ang 1990 ang pinakamainit na taon ayon sa rekord, ang 1991 ang ikatlong pinakamainit, at ang 1992 . . . ang ikasampung pinakamainit na taon sa 140-taóng rekord.” Ang bahagyang pagbaba sa nakalipas na dalawang taon ay ipinalalagay na dahil sa alikabok na isinaboy sa atmospera nang pumutok ang Bundok Pinatubo noong 1991.
Ang mga epekto sa hinaharap ng pag-init ng temperatura sa lupa ay mainit na pinagtatalunan. Subalit isang bagay na maliwanag na nagawa ng pag-init ng globo ay ang gawing masalimuot ang dati nang mahirap na atas ng pagsasabi ng lagay ng panahon. Binabanggit ng New Scientist na ang maling pagsasabi ng lagay ng panahon “ay malamang na mangyari yamang binabago ng pag-init ng globo ang klima.”
Ikinatatakot ng maraming kompaniya sa seguro na ang pag-init ng globo ay gagawa sa kanilang mga polisa na hindi kapaki-pakinabang. “Nakakaharap [ang] sunud-sunod na kamalasan,” pag-amin ng The Economist, “binabawasan ng ilang reinsurer ang kanilang pagkalantad sa natural na mga sakuna. Ang iba ay nag-uusap tungkol sa ganap na paghinto sa negosyo. . . . Natatakot sila sa kawalang katiyakan.”
Kapansin-pansin, noong 1990, ang pinakamainit na taon ayon sa rekord, isang malaking bahagi ng bunton ng yelo sa Artiko ay umurong sa walang kaparis na antas. Daan-daang osong polo ang nalagay sa kagipitan bunga nito sa Isla ng Wrangell sa loob ng mahigit na isang buwan. “Dahil sa pag-init ng globo,” babala ng magasing BBC Wildlife, “ang mga kalagayang ito . . . ay maaaring maging isang regular na pangyayari.”
“Sinisisi ng mga dalubhasa sa lagay ng panahon,” ulat ng pahayagan sa Aprika noong 1992, “ang pag-init ng globo sa lubhang pagdami ng mga dambuhalang tipak ng yelo na lumulutang sa dagat (iceberg) na naaanod pahilaga mula sa Antartika at naghaharap ng panganib sa mga barko sa timog Atlantiko.” Ayon sa labas ng Earth noong Enero 1993, ang unti-unting pagtaas ng antas ng dagat sa baybayin ng gawing timog ng California ay, sa bahagi, dahil sa pag-init ng tubig.
Nakalulungkot naman, ang mga tao ay patuloy na nagtatapon ng nakalilitong dami ng nakalalasong gas sa atmospera. “Sa EUA,” sabi ng aklat na The Earth Report 3, “tinataya ng isang report noong 1989 ng Environmental Protection Agency na mahigit na 900,000 tonelada ng nakalalasong kimiko ang isinasaboy sa hangin taun-taon.” Ang bilang na ito ay itinuturing na isang mababang tantiya sapagkat hindi kasali rito ang mga usok mula sa angaw-angaw na mga sasakyan.
Nakagigitlang mga report tungkol sa polusyon ng hangin ang dumating din mula sa maraming ibang industriyalisadong mga bansa. Lalo nang kakila-kilabot ang mga ipinahayag kamakailan tungkol sa di-masupil na polusyon ng hangin sa mga bansa sa Silangang Europa noong mga dekada ng pamamahalang Komunista.
Ang mga punungkahoy ng lupa, na sumisipsip ng carbon dioxide at naglalabas ng oksiheno, ang kabilang sa mga biktima ng nakalalasong hangin. Ang New Scientist ay nag-uulat: “Ang mga punungkahoy sa Alemanya ay lumalaki na higit at higit na hindi malusog, ayon sa . . . minister ng agrikultura [na nagsabi] na ang polusyon ng hangin ay patuloy na isa sa pangunahing dahilan para sa humihinang kalusugan ng kagubatan.”
Ang kalagayan ay katulad din niyan sa Transvaal Highveld ng Timog Aprika. “Ang unang palatandaan ng pinsala ng pag-ulan ng asido ay lumilitaw na ngayon sa Silangang Transvaal kung saan ang mga tinik ng pino ay nagbabago mula sa magandang matingkad na berde tungo sa masakiting kulay batik-batik na beige,” ulat ni James Clarke sa kaniyang aklat na Back to Earth.
Ang gayong mga ulat ay galing sa buong daigdig. Walang bansa ang hindi apektado. Dahil sa mga usok ng tsimenea na umaabot sa langit, ang industriyalisadong mga bansa ay nagluluwas ng kanilang polusyon sa kalapit na mga bansa. Ang rekord ng tao tungkol sa masakim na industriyal na pag-unlad ay hindi nagbibigay ng pag-asa.
Gayunman, may dahilan para sa pag-asa. Makatitiyak tayo na ang ating mahalagang atmospera ay ililigtas sa pagkasira. Alamin sa susunod na artikulo kung paano ito gagawin.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagsira sa ozone sa gawing itaas ng atmospera ay humantong sa pagdami ng kanser sa balat
[Larawan sa pahina 9]
Ano ang mga resulta ng gayong polusyon?