Kung Paano Ililigtas ang Ating Atmospera
Kung Paano Ililigtas ang Ating Atmospera
ANG mga tao ba ay kusang hihinto sa pagpunô sa ating himpapawid ng dumi? Ganito ba ililigtas ang ating atmospera?
Hindi. Ang pagligtas sa ating mahalagang atmospera ay hindi nakasalalay sa pagsunod ng tao sa mga kahilingan laban sa polusyon. Bagkus, ang pakikialam ng Isa na nagtataglay ng kataas-taasang awtoridad ang siyang magdadala hindi lamang ng isang nilinis na atmospera kundi ng isang malinis na lupa rin.
Ang bagay na ang Maylikha ay nagmamalasakit sa ating lupa, gayundin sa buhay na narito, ay ipinakikita ng kahanga-hangang paraan ng pagdisenyo niya rito. Ginawa niya ito upang tumagal hanggang sa panahong walang takda, magpakailanman.—Awit 104:5, 24.
Mga Paglalaan Para sa Mantensiyon
Ang atmospera, halimbawa, ay nilikha sa paraan na kinukumpuni at nililinis nito ang sarili. Isaalang-alang ang ozone sa gawing itaas ng atmospera. Ang tabing na ozone ay matalinong ginawa upang ito’y tumanggap ng radyasyon ng ultraviolet
na makamamatay sa mga tao sa lupa. Kasabay nito, ipinahihintulot nitong tumagos ang ligtas na liwanag na kailangan ng buhay sa lupa.Natutuhan natin kanina na ang tabing na ozone ay lubhang nasira ng gawang-taong mga chlorofluorocarbon, na pumapailanglang sa gawing itaas ng atmospera. Paano napapalitang muli ang pananggalang na tabing ng ozone? Kamangha-mangha, dinisenyo ito ng Maylikha na ito’y kumukumpuni-sa-sarili. Oo, ang ozone ay patuloy na ginagawa sa gawing itaas ng atmospera—sa katunayan, sa pamamagitan ng mapanganib na mga sinag ding iyon ng araw na sinasala ng ozone! Kaya habang mabilis na sinisira ng polusyon ng tao ang ozone, ang ozone ding iyon ay napapalitang muli.
Ang kalagayan ay katulad din sa gawing ibaba ng atmospera, kung saan ang karamihan ng mahigit na 5 kuwadrilyong tonelada ng hangin ay masusumpungan. Mabilis na nililinis ng likas na mga siklo ang mga nagpaparuming ito sa hangin sa kahanga-hangang mga paraan. Ang The World Book Encyclopedia ay nagkokomento: “Ikinakalat ng hangin ang mga nagpaparumi, at tinatangay naman ito ng ulan at niyebe sa lupa.”
Maliwanag, kung gayon, kung hihintuan ng mga tao ang pagdumi sa hangin, o lubhang babawasan ang gayong polusyon, hindi magtatagal ang hangin sa lahat ng dako ay magiging masarap at mabango. Gayunman kinikilala ng nabanggit na reperensiyang aklat ang problema, sa pagsasabing: “Sa maraming dako, ang mga nagpaparumi ay mas mabilis na nailalagay sa hangin kaysa pag-alis dito ng mga lagay ng panahon.”
Paano, kung gayon, mapahihinto ang masakim na pagpaparumi ng tao sa atmospera?
Malapit Na ang Isang Nilinis na Lupa
Ang polusyon ay mapahihinto lamang ng Diyos, kapag nakialam siya. Inihuhula ng Bibliya na kaniyang ‘dadalhin sa pagkasira ang mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Hindi niya pahihintulutan ang masakim na mga tao na patuloy na dumhan ang magandang lupang ito at ang sumusustini-buhay na atmospera nito magpakailanman. Siya’y nangangako: “Ang mga manggagawa mismo ng kasamaan ay mahihiwalay, ngunit yaong umaasa kay Jehova ay magmamana ng lupa.”—Awit 37:9.
Paano wawakasan ang lahat ng mga manggagawa ng kasamaan? Ito’y sa pamamagitan ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang kaniyang Kaharian, na hahalili sa walang-kakayahang mga pamahalaan ng mga tao. Ang Bibliya ay nangangako: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ang . . . dudurog at wawasak sa lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ang pamahalaang ito ng Kaharian ng Diyos ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Ang kalooban ng Diyos para sa ating lupa ay na ang mga tao’y pamahalaan ng kaniyang Kaharian at sa gayo’y magtamasa ng buhay sa isang malinis na kapaligiran. Iyan ang dahilan kung bakit ang Diyos ay determinadong “dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Anong makapangyarihang gawa ng pagliligtas nga iyan!
Isip-isipin ang pamumuhay sa isang lupa na wala ng lahat ng polusyon na itinatambak dito ng sakim na mga tao! Sa panahong iyon ang ating mahalagang atmospera ay maibabalik sa isang malusog na kalagayan. Ito ay mangyayari kapag natupad na ang pangako ng Bibliya: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4; 2 Pedro 3:13.
Ano ang dapat mong gawin upang makaligtas tungo sa matuwid na bagong sanlibutan na ipinapangako ng Diyos? Kailangang alamin at sundin mo ang mga turo ng isa na isinugo ng Diyos sa lupa bilang Kaniyang kinatawan. (Juan 3:16; 7:29) Ang isang ito, si Jesu-Kristo, ay nagsabi sa panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 10]
Malapit na ang isang malinis, walang polusyong paraisong lupa