Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapatiwakal Binasa ko ang artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pagpapatiwakal ba ang Lunas?” (Abril 8, 1994) taglay ang damdamin ng pagkabigla. Ako’y 20-taóng-gulang at ako ngayon ay isang buong-panahong ministro. Pero di pa natatagalan, muntik na akong magpatiwakal. Tinulungan ako ni Jehova at nagpatuloy siya na alalayan ako. Nang, ilang araw lamang ang nakalipas, isa sa aking matalik na kaibigan ang nagsabi sa akin na sinubok niyang magpatiwakal, naghanap ako ng praktikal na payo na makatutulong sa kaniya upang huwag siyang sumuko. Ang artikulong ito ang sumagot sa aking mga panalangin.
A. C., Italya
Noong nakaraang linggo lamang ay pagpapatiwakal ang matinding nadarama ko. Isang Kristiyanong elder at ang kaniyang asawa ang naging malapit na katapatang-loob ko at ang tumulong sa akin. Ang inyong maraming artikulo tungkol sa panlulumo ay nakapagligtas-buhay sa akin.
D. J., Estados Unidos
Ibig ko lamang ipahayag ang aking taos na pasasalamat sa inyo dahil sa artikulo. Walang ibang nakalipas na artikulo na gaya nito ang nakabagbag ng aking damdamin na kailanman ay natatandaan ko. Alam ninyo, mga ilang taon na ang nakalipas inaakala ko na ang pagpapatiwakal ang tanging mapagpipilian—isang lunas sa waring di-mababatang mga kalagayan. Subalit, sa tulong ng mga magulang at mga kaibigan, nabatid ko na taglay ko ang pinakamabuting dahilan upang mabuhay—ibig ni Jehova na ako’y mabuhay.
M. V., Estados Unidos
Nasumpungan ko ang artikulong ito na malawak at mahusay ang pagkasulat. Inaakala ko na ito’y talagang kapaki-pakinabang na gamit upang tulungan ang sinuman na nag-iisip na magpatiwakal. Ako’y nabagbag ng lahat ng halimbawa na binanggit.
L. S., Estados Unidos
Nakikisakay na Hippie Ibig ko kayong pasalamatan sa artikulo na tungkol kay Richard Fleet, “Mula sa Nakikisakay na Hippie Tungo sa Misyonero sa Timog Amerika.” (Marso 22, 1994) Kasunod ng aming kasal naiplano namin ng aking mapapangasawa na lumipat sa Hungary upang tumulong sa gawaing pangangaral doon. Hanggang sa ngayon ako’y nag-aalala sa lubusang pagbabago sa istilo ng buhay at sa pagkatuto ng bagong wika. Maliwanag na ipinakita ng artikulong ito na ang mahalaga ay hindi ang personal na mga pagkabahala kundi ang mga tao na ating mapangangaralan.
S. H., Alemanya
Sa aking palagay ay dapat na mabasa ng lahat ng wala pang asawa ang artikulong ito at dapat mabatid na ang isang tao ay maaaring maging lingkod ni Jehova at maging maligaya nang walang asawa. Napakagandang mabasa kung paanong ang isang lalaking walang-asawa ay lubusang nagkapit ng Mateo 6:33 sa kaniyang buhay. Yamang ako’y nagsimulang maglingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador dalawa’t kalahating taon na ang nakalilipas, naranasan ko rin ang kaligayahan na taglay ni Richard Fleet.
D. M., Estados Unidos
Talagang nabagbag ang aking damdamin na malaman na may mga lalaki na mahahabag sa mga batang ulila sa ama. Ako’y nagsosolong ina na may apat na anak na lalaki. Isang Kristiyanong kapatid na lalaki ang nagmalasakit sa isa sa kanila, at ngayon ang anak kong iyon ay naghahanda na para magpabautismo sa madaling panahon. Kapag ang isang tao ay nagmamalasakit sa mga batang ulila sa ama, ito’y totoong pinahahalagahan.
P. T., Estados Unidos
Chile Katatapos ko lamang na mabasa ang labas ng Mayo 8, 1994, at talagang nasiyahan ako sa artikulong “Chile—Pambihirang Bansa, Pambihirang Kombensiyon.” Nadama ko na para bang nakadalo ako mismo sa kombensiyon. Nadama ko pa nga na para bang alumpihit ako na umalis nang magtapos ang programa.
K. K., Hapón
Mga Compact Disc Salamat sa inyong artikulo na “Ang Compact Disc—Ano ba Ito?” (Abril 22, 1994) Binigyang liwanag nito ang gumugulo sa aking isipan tungkol sa mga disc na ito. Pagkatapos na makinig sa compact disc ng aking kaibigan, namangha ako sa napakahusay na kalidad nito kung ihahambing sa ibang sistema ng paggawa ng musika.
S. D., Nigeria