Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Bago at Muling Lumilitaw na mga Sakit
Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na ang biglang paglitaw ng mga sakit, kalakip na ang mga bago, ay nagsasapanganib sa buhay ng milyun-milyong tao. Ang pinakamalubhang halimbawa ay ang AIDS, isang sakit na sanhi ng virus na totoong di-kilala sa nakalipas na sampung taon. Ang isa pang sakit ay ang hantavirus pulmonary syndrome, na kamakailang natuklasan sa timog-kanluran ng Estados Unidos. Isang lubusang bagong uri ng kolera ang lumitaw sa Asia. Ang dalawang uri ng lagnat na may kasamang pagdurugo ay lumitaw sa Timog Amerika, kapuwa nakamamatay. Lakip sa mga halimbawa ng biglang paglitaw ng kilalang nakahahawang mga sakit noong 1993 ay ang kolera sa Latin Amerika, ang yellow fever sa Kenya, ang dengue sa Costa Rica, at dipterya sa Russia. Ang WHO ay nananawagan para sa pandaigdig na kalipunan ng mga center upang makilala at masugpo ang bago o muling lumilitaw na mga sakit.
Kulang sa Kalsiyum
Ang komite ng mga dalubhasa na hinirang ng National Institutes of Health sa Estados Unidos kamakailan ay naghinuha na ang “kalahati ng mga adulto sa Amerika ay kulang sa kalsiyum, at iyan ang sanhi ng pagdurusa sa madaling mabaling buto at mga bali na lumikha ng $10 bilyon sa isang taon sa medikal na mga bayarin,” ayon sa The New York Times. Ayon sa ulat, mahigit na 25 milyon katao sa Estados Unidos ang pinahihirapan ng osteoporosis, isang sakit sa buto. Ipinaliwanag ng komite sa kanilang ulat na ang kamakailang iminumungkahi na araw-araw na panustos ng kalsiyum ay hindi sapat. Ang pinakamabuting pinagmumulan ng kalsiyum sa pagkain ay “pangunahin nang ang mga produktong gawa sa gatas at luntian at madahong mga gulay,” sabi ng mga dalubhasa. Gayunman, sinabi pa nila na “ang karamihan ng mga Amerikano ay maaaring mangailangang magtustos sa kanilang diyeta ng mga pildoras ng kalsiyum o preserbang mga pagkain na mayaman sa kalsiyum.”
Mga Karera na Nag-aanunsiyo ng Paninigarilyo
Kinaugalian na, ang mga bansa sa Europa ang nagtataguyod ng popular na Formula One Grand Prix na mga karera ng kotse. Gayunman, mas pinili ng mga tagaorganisa nito ngayon na gawin ang mga paligsahang ito sa mga bansa sa Asia gaya ng Hapón at Tsina. Bakit? Dahil sa mas mahihigpit na alituntunin sa pag-aanunsiyo ng tabako sa Europa. Ang pangunahing mga tagapagtaguyod ng mga karera ay ang mga kompaniya ng tabako, kaya lantarang ipinakikita ng mga pangarerang kotse ang mga anunsiyo ng tabako. Ayon sa Asahi Evening News ng Hapón, isang kompaniya ng tabako ang “namumuhunan ng ilang bilyong yen taun-taon upang tustusan ang dalawang koponan.” Ang mga anunsiyo sa mga kotseng pangarera ay kailangang burahin o takpan kapag nagkakarera sa Europa. Kamakailan ang French Grand Prix ay halos ikansela dahil sa paghihigpit sa anunsiyo sa sigarilyo. Ang mga bansa sa Asia, kung saan halos 60 porsiyento ng lahat ng adultong lalaki ang naninigarilyo, ay itinuturing ngayon na mas mabuting mga lugar para ianunsiyo ang mga sigarilyo sa pangarerang mga kotse.
Saganang Serbesa—Kulang na Pagkain
Sa Venezuela, 726,000 bata sa edad na anim at mas bata pa ang may mas maliliit sa pangangatawan kaysa dapat para sa kanilang edad dahil sa malnutrisyon, ayon sa pahayagang El Universal ng Venezuela. Iyan ay nakabibiglang 23.8 porsiyento ng mga bata sa grupo ng edad na iyan, halos 1 sa 4 na bata. Samantalang maaaring walang sapat na masusustansiyang pagkain upang pakanin ang mga bata, ang bansa ay waring sagana naman sa serbesa. Iniuulat ng El Universal na sa gitna ng mga bansa sa Latin-Amerika, ang Venezuela ang nangunguna sa pag-inom ng serbesa. Noong 1991, ang mga taga-Venezuela ay nakainom ng katamtamang 75 litro bawat tao.
Umuunting Miyembro ng Iglesya sa Netherlands
Ang kamakailang surbey ay nagpapakita na ang mga miyembro ng iglesya sa Netherlands ay mabilis na umuunti sa nakalipas na 40 taon. Noong 1950, ang ulat ng Ecumenical Press Service (EPS), 3 mula sa 4 na Olandes ay mga miyembro ng iglesya. Noong 1991 ang katamtamang bilang na iyan ay bumaba nang kaunti pa sa 2 mula sa 4, at hinuhulaan ng mga mananaliksik na di-magtatagal ay matitira na lamang ang 1 miyembro ng iglesya sa bawat 4 na Olandes. Sinasabi ng EPS na ayon sa pahayagang Olandes na Trouw, “kabilang sa 15 bansa na sinurbey, tanging sa dating Silangang Alemanya na ang bilang ng mga miyembro ng iglesya at paniniwala sa Diyos ay mas mababa kaysa sa Netherlands.” Gayunman, sa kabila ng pag-unti ng mga miyembro, ipinakita ng surbey na 75 porsiyento ng lahat ng Olandes ay naniniwala pa rin sa Diyos.
Mga Disyerto sa Europa
Desertification (ang paglikha sa lupa na maging disyerto), ang pagsira sa matabang bukirin na maging mga disyerto, ang “isa sa pinakamalubhang mga suliranin sa pandaigdig na kapaligiran,” ang paggiit ng United Nations Environmental Program. Iniuulat ng pahayagang The European na bagaman pangkaraniwang nauugnay sa Aprika, ang desertification ang sumasalot sa ngayon sa halos 10 porsiyento ng sinasakang lupain sa Europa. Ang Espanya ang pinakamalubhang naapektuhang bansa. Inaakala ng mga siyentipiko na ang pagsasama ng labis na panginginain at pag-aaksaya ng tubig ang nagpangyari sa lupa na madaling matuyot at gumuho, na nagdudulot ng kalugihan sa mga magbubukid ng halos $1.5 bilyon sa isang taon. Ang malubhang bunga nito ay ang pandarayuhan ng
mga tao sa mga lugar sa lungsod, na umaakay sa pagsisiksikan at sibil na kaguluhan. Ang mga meteorologo ay humuhula sa mas malubhang kakulangan ng ulan sa katimugang Europa.Usok sa mga Mata
Ang patnugot ng National Vision Research Institute ng Australia, na si Propesor Robert Augusteyn, ay nagsasabi na siya’y may di-matututulang katibayan na ang mga kimikal mula sa usok ng sigarilyo ay sanhi ng mga katarata. Ipinakikita ng isang pagsusuri na ang mga naninigarilyo ay dalawa o tatlong ulit na mas malamang na magkaroon ng mga katarata kaysa mga hindi naninigarilyo. Ang mga kimikal mula sa usok ng sigarilyo ay unang pumapasok sa katawan, subalit lumalabas ang mga ito sa mata kung saan sinisira nito ang mga “pump” na nag-aalis ng sobrang asin at tubig mula sa mga lente ng mata. Ang resultang pamamaga at pagputok ng mga selula sa mata ay nagdudulot ng mga katarata. “Ako’y totoong kumbinsido. Walang alinlangan na may bagay sa usok ng sigarilyo ang humahadlang sa mga pump mula sa paglilinis sa mga lente,” paliwanag ni Propesor Augusteyn.
Lumalagong Kamangmangan sa Bibliya
“May nakabibigla at lumalagong kamangmangan sa Bibliya sa lahat ng bahagi ng Kanluraning lipunan,” ulat ng Ecumenical Press Service ng World Council of Churches. Tinataya ng mga samahan sa Bibliya na 85 porsiyento ng mga Kristiyano sa Kanluran ay hindi kailanman nakabasa ng buong Bibliya, at ipinakikita ng isang surbey sa Estados Unidos na 12 porsiyento lamang ng mga nagsisimba ang laging nakababasa ng Bibliya. Ang mga estudyante sa ngayon sa mga pamantasan, sabi ni Fergus Macdonald, ang pangkalahatang kalihim ng National Bible Society of Scotland, “ay totoong di-pamilyar sa mga tauhan sa Bibliya gaya nina Abraham, Isaac at Jacob, at sa mga pangalan ng mga apostol ni Jesus, anupat hindi nila maunawaan ang nilalaman ng klasikal na mga gawa ng panitikan sa Europa.”
Paglilinis sa Bundok Everest
Maliban pa sa pagiging pinakamataas na bundok sa daigdig, ang Bundok Everest ngayon ang kilalang “pinakamataas na tambakan ng basura” sa mundo, ayon sa magasing UNESCO Sources. Sa nakalipas na 40 taon, ang mga namumundok ay nagkalat sa Everest ng halos 20 tonelada ng mga bote ng oksiheno, mga tolda, sleeping bag, at balutan ng pagkain. Sa mas mababang dalisdis, kung saan ang tanawin ay kakikitaan ng nagliliparang mga piraso ng tissue, ang daan patungo sa Everest Base Camp ay “kilala [ngayon] bilang landas ng toilet paper.” Sa mas mataas-taas pang lugar ng bundok, ang dami ng mga basura ay nakagugulat. “Ang mga larawan sa mga tanawing ito,” sulat ng UNESCO Sources, “ay nakasisindak para sa mga nag-iisip na ang Everest ay napakalinis na iláng na hindi nagagalaw ng mga tao.” Upang alisin ang pangit na tanawing ito sa bundok, sinang-ayunan sa taóng ito ng pamahalaan ng Nepal ang ilang ekspedisyon ng “paglilinis.”
Ang Panawagan ng Papa Upang Mangaral
Maaga ng taóng ito, sinabi ni Papa John Paul II sa isang grupo ng mga Katoliko sa Italya na panahon na upang tuwirang dalhin ang ebanghelyo sa mga tao. Paano tumugon ang mga Katoliko sa Australia? “Hindi Susundin ng mga Katoliko ang Panawagan ng Papa na Mangaral,” ang ulong balita sa pahayagang Illawarra Mercury sa Australia. Sinabi nito na ang mga Katoliko sa bansang iyan “ay hindi sabik na tumulad sa mga Saksi ni Jehova sa paraan ng kanilang pananampalataya.” Ang lokal na klerong Katoliko na si Sean Cullen ay nagsabi na hindi siya sigurado kung ang panawagan ng papa na mangaral ay patungkol sa lahat ng Katoliko o para lamang sa naroroon sa Italya. “Hihimukin natin ang mga tao na isagawa ang Ebanghelyo na kanilang alam sa buong buhay nila mismo. Iyan man ay mangahulugan ng pagkatok sa mga pinto ay isang bagay na ayaw kong komentuhan.” Isang manggagawa sa lokal na konsilyo sa lungsod ang may di-gaanong tuwirang sagot. Aniya: Ang pag-eebanghelyo ay “hindi bahagi ng kaisipang Katoliko.”
Mga Aksidente sa Scuba-Diving
Sa Estados Unidos, “halos 90 katao ang namamatay taun-taon habang nag-i-scuba diving,” ulat ng The New York Times. Tumutol ang mga opisyal ng pamahalaan sa bagay na, di-tulad ng ibang mapanganib na mga gawain gaya ng bungee jumping at pagpapalipad ng eroplano, walang mga batas ang namamahala sa gawaing scuba diving. Sa Estados Unidos lamang, mayroon sa pagitan ng tatlong milyon at limang milyong lisensiyadong mga maninisid. Binibigyang katibayan ng mga tindahan sa scuba diving ang halos 300,000 hanggang 400,000 katao taun-taon. Isang may-ari ng tindahan ang nagpaliwanag na ang problema ay na “ang mga maninisid ay hindi laging sumusunod sa mga tagubilin.” Si Al Hornsby ng Professional Association of Diving Instructors ay nagsabi na ang bilang ng mga aksidente sa pagsisid ay totoong bumababa. Ganito ang ulat ng Times: “Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, sabi niya, mayroong namamatay na 12 sa bawat 100,000 maninisid, at ngayon mahigit lamang sa 2 sa bawat 100,000.”
Mga Magnanakaw sa Aklatan
Isang pagsusuri kamakailan ang isinagawa ng Consortium of Libraries and Archives of Rome’s Cultural Institutes. Ayon sa mga mananaliksik isang maliit na bilang lamang ng mga aklatan sa Italya ang kasalukuyang naiingatan ng mahuhusay na elektronikong mga sistema laban sa magnanakaw. Bilang resulta, bawat taon halos 100,000 aklat ang alin sa nasisira na di na maaaring ayusin pa o ninanakaw, ayon sa pahayagang La Repubblica ng Italya. Sinasabi ng pahayagan na maging ang mga propesor ng pamantasan ay may-sala ng pagnanakaw ng mga aklat na hindi na mabibili sa labas subalit kapaki-pakinabang sa kanilang mga pag-aaral.