Pangangalaga sa mga Biktima ng Trahedya sa Rwanda
Pangangalaga sa mga Biktima ng Trahedya sa Rwanda
ANG Rwanda, nasa gitnang bahagi ng Aprika, ay tinatawag na “ang Switzerland ng Aprika.” Ang mayabong na mga pananim na nakikita ng mga taong lumilipad sa bansa sakay ng eruplano ay nagbigay sa kanila ng impresyon ng isang hardin ng Eden. Hindi kataka-taka na inilarawan nila ang Rwanda bilang isang paraiso.
Noon, sa bawat punungkahoy na pinuputol, dalawa ang itinatanim. Isang araw sa isang taon ay iniaalay sa pagtatanim ng mga punungkahoy. Mga punungkahoy na namumunga ay itinanim sa kahabaan ng mga daan. Ang paglalakbay sa palibot ng bansa ay malaya at madali. Ang pangunahing mga lansangan na nag-uugnay sa iba’t ibang bayan sa kabisera, ang Kigali, ay aspaltado. Ang kabisera ay mabilis na sumusulong. Ang karaniwang manggagawa ay kumikita nang sapat upang ibayad sa kaniyang mga gastusin sa katapusan ng buwan.
Ang Kristiyanong gawain ng mga Saksi ni Jehova ay umuunlad din sa Rwanda. Maaga nitong taon na ito mahigit na 2,600 Saksi ang nagdadala ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa halos walong milyong populasyon ng bansa na ang karamihan ay Katoliko. (Mateo 24:14) Noong Marso ang mga Saksi ay nagdaraos ng mahigit na 10,000 pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mga tao. At may 15 kongregasyon sa kapaligiran ng Kigali.
Isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ay nagsabi: “Noong Nobyembre 1992, ako’y naglilingkod sa 18 kongregasyon. Subalit noong Marso 1994, ito’y dumami tungo sa 27. Ang bilang ng mga payunir (buong-panahong mga ministro) ay dumarami rin taun-taon.” Noong Sabado, Marso 26, 1994, ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay 9,834.
Pagkatapos, biglang-bigla, ang kalagayan ay kalunus-lunos na nagbago sa Rwanda. a
Biglang Katapusan ng Tatag na Kaayusan
Noong Abril 6, 1994, bandang ika–8:00 n.g., ang mga pangulo ng Rwanda at Burundi, kapuwa mula sa tribo ng mga Hutu, ay namatay sa pagbagsak ng eruplano sa Kigali. Nang gabing iyon ang mga silbato ng pulis ay maririnig sa lahat ng dako sa kabisera, at ang mga lansangan ay hinarangan. Pagkatapos noong madaling araw, ang mga sundalo at mga lalaking nasasandatahan ng mga matsete ay pinagpapatay ang mga taong mula sa tribo ng Tutsi. Si Ntabana Eugène—ang tagapangasiwa ng lungsod ng mga Saksi ni Jehova sa Kigali—ang
kaniyang asawa, ang kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay kabilang sa unang walang-awang pinatay.Isang Europeong pamilya ng mga Saksi ni Jehova ay nakipag-aral ng Bibliya sa ilang kapitbahay na mga Tutsi. Siyam sa mga kapitbahay na ito ang nanganlong sa tahanan ng mga Europeo habang ang marahas at di-masupil na mga mamamatay-tao ay nagtungo sa bahay-bahay. Sa loob ng ilang minuto, mga 40 mandarambong ang nasa loob ng bahay, pinaghahampas ang mga bagay at pinagtataob ang mga muwebles. Nakalulungkot nga, ang mga kapitbahay na Tutsi ay pinatay. Gayunman, ang iba, sa kabila ng kanilang pagsisikap na iligtas ang kanilang mga kaibigan, ay pinayagang makaligtas nang buhay.
Ang walang-awang pagpatay ay nagpatuloy sa loob ng ilang linggo. Sa wakas tinatayang 500,000 o mahigit pang mga taga-Rwanda ang napatay. Libu-libo ang tumakas upang iligtas ang kanilang buhay, lalo na ang mga mula sa tribo ng Tutsi. Ipinaalam ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Zaire sa mga kapatid sa Pransiya ang kanilang pangangailangan para sa mga panustos na tulong. “Humingi kami ng isang container ng gamít nang mga damit,” sabi ng sangay sa Zaire. “Ang mga kapatid sa Pransiya ay nagpadala sa amin ng limang container ng halos bagong mga damit at sapatos.” Noong Hunyo 11, mga 65 toneladang mga damit ay ipinadala. Ang sangay sa Kenya ay nagpadala rin ng mga damit at gamot para sa mga nagsilikas, gayundin ng mga magasing Bantayan sa kanilang lokal na wika.
Noong Hulyo ay natalo ng hukbong dominado ng mga Tutsi, tinatawag na Rwandan Patriotic Front, ang hukbo ng pamahalaang dominado ng mga Hutu. Pagkatapos niyan, ang mga Hutu ay tumakas ng bansa nang daan-daang libo. Nagkaroon ng kaguluhan habang ang dalawang milyon o mahigit pang mga taga-Rwanda ay nanganlong sa apurahang itinayong mga kampo sa kalapit na mga bansa.
Sinikap Nilang Tulungan ang Isa’t Isa
Dalawa sa anim na nagtatrabaho sa Tanggapan ng Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova sa Kigali ay mga Tutsi—sina Ananie Mbanda at Mukagisagara Denise. Ang mga pagsisikap ng mga kapatid na Hutu upang ipagsanggalang sila ay matagumpay sa loob ng ilang linggo. Gayunman, sa pagtatapos ng Mayo 1994, ang dalawang Saksing ito na mga Tutsi ay pinatay.
Sa harap ng panganib, at kahit na isakripisyo, ang kanila mismong buhay, sinikap ng mga Saksi ni Jehova na pangalagaan ang kapuwa mga Kristiyano ng ibang etnikong pinagmulan. (Juan 13:34, 35; 15:13) Halimbawa, si Mukabalisa Chantal ay isang Tutsi. Nang ang mga miyembro ng Rwandan Patriotic Front ay naghahanap ng mga Hutu sa istadyum na tinutuluyan niya, siya’y namagitan alang-alang sa kaniyang mga kaibigang Hutu. Bagaman ang mga rebelde ay nainis sa kaniyang mga pagsisikap, ang isa ay nagsabi: “Kayong mga Saksi ni Jehova ay talagang may matibay at di-nasisirang kapatiran. Ang inyong relihiyon ang pinakamagaling!”
Pananatiling Malaya Mula sa Etnikong Pagkapoot
Hindi naman ibig sabihin niyan na ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang hindi tinatablan ng etnikong pagkakapootan na umiral na sa loob ng daan-daang taon sa dakong ito ng Aprika. Isang Saksi mula sa Pransiya na nakikibahagi sa gawaing pagtulong ang nagsabi: “Kahit ang aming Kristiyanong mga kapatid ay kailangang magsumikap upang iwasang mahawa sa pagkapoot, na siyang dahilan ng walang-awang mga pagpatay na imposibleng ilarawan.
“Nakilala namin ang mga kapatid na nakasaksi mismo sa walang-awang pagpatay sa kanilang pamilya. Halimbawa, isang Kristiyanong sister ang dalawang araw pa lamang nakakasal nang ang kaniyang asawa ay patayin. Nakita ng ilang Saksi ang kanilang mga anak at mga magulang na pinatay. Nakita ng isang sister, na ngayo’y nasa Uganda, ang kaniyang buong pamilya na walang-awang pinatay, pati na ang kaniyang asawa. Itinatampok lamang nito ang paghihirap, kapuwa sa damdamin at katawan, na nakaapekto sa bawat pamilya ng mga Saksi ni Jehova.”
Lahat-lahat, halos 400 Saksi ang napatay sa etnikong karahasan. Gayunman walang isa man sa mga ito ang pinatay ng kapuwa Saksi. Gayunman,Juan 17:14, 16; 18:36; Apocalipsis 12:9.
ang mga Tutsi at mga Hutu na mga miyembro ng mga relihiyong Romano Katoliko at Protestante, ay walang-awang pumatay ng libu-libo. Gaya ng pinatutunayan ng mga dokumento, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay hindi nakikibahagi sa mga digmaan, rebolusyon, o iba pang mga alitan ng daigdig na ito.—Paghihirap na Hindi Mailarawan
Nitong nakalipas na tag-araw, nakita ng mga tao sa buong daigdig ang mga pelikula at mga larawan ng halos hindi kapani-paniwalang paghihirap ng tao. Daan-daang libong nagsilikas na taga-Rwanda ang nakitang humuhugos sa kalapit na mga bansa at namumuhay roon sa ilalim ng pinakamaruming mga kalagayan. Inilarawan ng isa sa mga Saksi ni Jehova mula sa Pransiya na nasa misyon ng pagtulong ang kalagayan na nakita ng kaniyang delegasyon noong Hulyo 30 na gaya ng sumusunod.
“Nakaharap namin ang mga tanawin na totoong kakila-kilabot. Kilu-kilometro, naghambalang ang mga bangkay sa daan. Ang panlahat na mga libingan ay punô ng libu-libong bangkay. Ang alingasaw habang nagdaraan kami sa nagngangalit na mga tao ay grabe, ang mga bata ay naglalaro sa tabi ng mga bangkay. May mga bangkay ng mga magulang na ang mga anak ay buháy pa at nangungunyapit sa kanilang likod. Ang gayong mga tanawin, na paulit-ulit na nakikita, ay nag-iiwan ng malalim na impresyon. Ang isang tao ay nalilipos ng damdamin ng ganap na kawalang-kaya, at siya’y naaantig sa lawak ng kakilabutan at pagkawasak.”
Nang ang sampu-sampung libong nagsilikas ay humugos sa Zaire noong kalagitnaan ng Hulyo, ang mga Saksi sa Zaire ay nagtungo sa hangganan at itinaas ang kanilang tangan na mga publikasyon sa Bibliya upang makilala sila ng kanilang Kristiyanong mga kapatid at mga interesado. Ang nagsilikas na mga Saksi mula sa Rwanda ay saka tinipong sama-sama at dinala sa Kingdom Hall sa kalapit na Goma, kung saan sila ay pinangalagaan. Ang mga Saksi na may medikal na karanasan ay nagtrabaho nang husto upang mabawasan ang pagkabalisa ng mga maysakit, sa kabila ng kawalan ng sapat na mga gamot at angkop na mga pasilidad.
Mabilis na Tugon sa Paghihirap
Noong Biyernes, Hulyo 22, ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay tumanggap ng isang naka-faxed na paghingi ng tulong mula sa Aprika. Inilarawan nito ang kakila-kilabot na problema ng kanilang Kristiyanong mga kapatid na nagsisilikas mula sa Rwanda. Sa loob ng lima o sampung minuto pagkatanggap ng ulat, ang mga kapatid ay nagpasiyang maglulan sa isang eruplanong pangkargada ng mga panustos na tulong. Ito’y humantong sa isang dulo ng sanlinggong puspusang paghahanda, na lalo nang kapansin-pansin dahil sa kanilang lubusang kawalan ng karanasan sa pag-oorganisa ng gayong pagkalaki-laking pagsisikap na tumulong sa loob lamang ng maikling panahon na paghahanda.
Nagkaroon ng pambihirang pagtugon sa pangangailangan para sa mga pondong pantulong. Ang mga Saksi sa Belgium, Pransiya, at sa Switzerland lamang ay nag-abuloy ng mahigit $1,600,000. Nakakuha ng mga materyal na pantulong, kabilang na ang mga pagkain, gamot, at kagamitang pangkaligtasan, at ang lahat ay ikinahon at tinatakan sa mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa Louviers, Pransiya, at sa Brussels, Belgium. Ang mga Saksi ay nagtrabaho araw at gabi upang maihanda ang kargada para maihatid sa Ostend, Belgium. Sa paliparan doon, noong Miyerkules, Hulyo 27, mahigit na 35 tonelada ang inilulan sa isang eruplanong pangkargada. Kinabukasan isang mas maliit na kargada, pangunahin nang mga panustos na gamot, ay ipinadala. Noong Sabado, pagkaraan ng dalawang araw, isa pang eruplano ang nagdala ng higit pang panustos na gamot para sa mga biktima.
Ang mga Saksi sa Pransiya, kasama na ang isang medikal na doktor, ay nagtungo sa Goma nang una sa malaking kargada. Noong Lunes, Hulyo 25, nang dumating si Dr. Henri Tallet sa Goma, mga 20 Saksi ang namatay na dahil sa kolera, at ang iba pa ay namamatay araw-araw. Dahil sa ang kargada ay kailangang ihatid na daraan sa Bujumbura, Burundi, mga 250 kilometro ang layo, ito’y dumating sa Goma noon lamang Biyernes ng umaga, Hulyo 29.
Pagdaig sa Sakit
Samantala, sa piraso ng lupa na kinaroroonan ng maliit na Kingdom Hall sa Goma, mga 1,600 Saksi at ang kanilang mga kaibigan ay nagsiksikan. Para sa lahat ng taong ito, may isang palikuran, walang tubig, at totoong kaunting pagkain. Ang marami na nahawahan ng kolera ay nagsiksikan sa Kingdom Hall. Ang bilang ng namamatay ay dumarami.
Ganap na nauubusan ng tubig ang isang tao dahil sa kolera. Ang mata ay nagiging animo’y kristal at saka tumitirik. Kung ang rehydration therapy ay masimulan agad, ang tao ay gagaling sa loob ng dalawang araw. Kaya, ang mga pagsisikap ay agad na ginawa upang ma-rehydrate ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaunting gamot na makukuha.
Karagdagan pa, sinikap ng mga kapatid na ibukod ang mga maysakit at iwasang mahawa ang iba. Sinikap nilang ilipat ang mga nagsilikas mula sa kakila-kilabot na mga kalagayan sa Goma. Isang angkop na dako ang nasumpungan malapit sa Lawa ng Kivu, malayo sa alikabok at sa amoy ng mga bangkay na lumalaganap sa hangin.
Naghukay ng mga palikuran, at ipinatupad ang mahigpit na mga tuntunin sa kalinisan. Kabilang dito ang paghuhugas ng kamay sa isang mangkok ng kloroks at tubig pagkagaling sa palikuran. Ang kahalagahan ng mga hakbang na ito ay idiniin, at tinanggap ng mga tao kung ano ang hinihiling sa kanila. Di-nagtagal ang nakamamatay na pagkalat ng sakit ay nasawata.
Nang dumating ang malaking kargada ng mga panustos na tulong noong Biyernes, Hulyo 29, isang munting ospital ang itinayo sa Kingdom Hall sa Goma. Mga 60 natitiklop na mga kama ang inilagay, gayundin ng isang sistema upang dalisayin ang tubig. Isa pa, ang mga tolda ay dinala sa mga Saksi na nasa bambang ng Lawa ng Kivu. Di-nagtagal, sila’y nakapagtayo ng 50 tolda sa malinis, maayos na mga hanay.
Noong minsan halos 150 Saksi at ang kanilang mga kaibigan ay malubhang nagkasakit. Noong unang linggo ng Agosto, mahigit na 40 sa kanila
ang namatay sa Goma. Subalit ang panustos na gamot at tulong ay dumating nang nasa panahon upang iligtas ang maraming buhay at ihinto ang labis na paghihirap.Isang Nagpapasalamat, Espirituwal na Bayan
Ang mga nagsilikas na Saksi ay nagpakita ng labis na pasasalamat sa lahat ng ginawa para sa kanila. Naantig sila ng pag-ibig na ipinakita ng kanilang Kristiyanong mga kapatid sa ibang bansa at ng maliwanag na katibayan na sila ay talagang kabilang sa isang internasyonal na kapatiran.
Sa kabila ng kanilang mga kahirapan, napanatili ng mga nagsilikas ang kanilang espirituwalidad. Sa katunayan, binanggit ng isang nagmamasid na “sila’y waring mas nababahalang tumanggap ng espirituwal na pagkain kaysa materyal na tulong, bagaman sila ay talagang nangangailangan ng lahat ng bagay.” Sa kahilingan, 5,000 kopya ng pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa wikang Rwandan ng Kinyarwanda ay ipinadala sa iba’t ibang kampo ng mga nagsilikas. b
Isinasaalang-alang ng mga nagsilikas ang isang teksto sa Bibliya araw-araw, at nagsaayos sila ng mga pulong sa kongregasyon. Gumawa rin ng mga kaayusan upang magdaos ng mga klase sa paaralan para sa mga bata. Sinamantala ng mga guro ang pagkakataon sa mga klaseng ito upang magturo tungkol sa mga tuntunin ng kalinisan, idiniriin na ang kaligtasan ay depende sa pagsunod dito.
Kailangan ang Patuloy na Pangangalaga
Daan-daang nagsilikas na mga Saksi ang nasa
iba pang dako bukod sa Goma, gaya sa Rutshuru. Ang katulad na tulong ay inilaan sa mga kapatid na ito. Noong Hulyo 31, isang delegasyon ng pitong Saksi mula sa Goma ang nagtungo patimog sa Bukavu sakay ng eruplano, kung saan may 450 nagsilikas na mga Saksi. Marami sa mga ito ay galing din sa Burundi. Ang kolera ay nagsimula roon, at ang tulong ay inilaan sa isang pagsisikap na hadlangan ang anumang kamatayan sa gitna ng mga kapatid.Kinabukasan ang delegasyon ay naglakbay ng halos 150 kilometro sa daan patungong Uvira, Zaire, kung saan sa kahabaan ng daan ay may mga 1,600 Saksi sa pitong dako mula sa Rwanda at Burundi. Nagbigay ng mga tagubilin kung paano nila maiingatan ang kanilang sarili mula sa sakit. Isang ulat batay sa mga tuklas ng delegasyon ang nagsabi: “Ang nagawa ay pasimula lamang, at ang 4,700 katao na ngayo’y tumatanggap ng aming tulong ay mangangailangan pa ng tulong sa loob ng maraming buwan.”
Daan-daang Saksi ang iniulat na nagbalik sa Rwanda noong Agosto. Gayunman halos lahat ng mga tahanan at mga pag-aari ay dinambong. Kaya umiiral ang mahirap na atas na muling pagtatayo ng mga tahanan at mga Kingdom Hall.
Ang mga lingkod ng Diyos ay patuloy na taimtim na nananalangin alang-alang sa mga nagdurusa nang husto sa Rwanda. Batid natin na habang lumalapit ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay, ang karahasan ay maaaring dumami. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magpapatuloy na ingatan ang kanilang Kristiyanong neutralidad at ipakita ang kanilang tunay na pakikiramay.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulo sa Disyembre 15, 1994, ng Bantayan na “Trahedya sa Rwanda—Sino ang May Pananagutan?”
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
RWANDA
Kigali
UGANDA
ZAIRE
Rutshuru
Goma
Lawa ng Kivu
Bukavu
Uvira
BURUNDI
Bujumbura
[Mga larawan sa pahina 15]
Kaliwa: Si Ntabana Eugène at ang kaniyang pamilya ay walang-awang pinatay. Kanan: Si Mukagisagara Denise, isang Tutsi, ay pinatay, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga kapatid na Hutu na iligtas siya
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Itaas: Pangangalaga sa mga maysakit sa Kingdom Hall sa Goma. Ibabang kaliwa: Mahigit na 35 toneladang panustos na tulong ang inihanda ng mga Saksi at ipinadala sa pamamagitan ng eruplanong pangkargada. Ibaba: Malapit sa Lawa ng Kivu, kung saan inilipat ang mga Saksi. Ibabang kanan: Mga nagsilikas na taga-Rwanda sa isang Kingdom Hall sa Zaire