Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Vasco da Gama Gustung-gusto ko ang artikulong “Ang Di-malilimutang Paglalakbay ni Vasco da Gama.” (Marso 22, 1999) Napakahusay ng pagkakalarawan nito at ito’y nakapagtuturo. Binanggit ninyo na siya’y may tatlong maliliit na barko sa kaniyang paglalayag, subalit ang totoo’y apat ang mga iyon. Sinabi rin ninyo na bumalik si Da Gama sa Lisbon noong Setyembre 8, 1499. Gayunman, siya’y dumating doon sa pagtatapos ng Agosto.

P. N., Kenya

Totoo naman na apat ang barko ni Da Gama nang magsimula ang kaniyang paglalayag. Gayunman, ang bahagi ng paglalayag na inilarawan sa pambungad ay naganap matapos mawasak ang ikaapat na barko. Hinggil naman sa petsa ng kaniyang pagdating sa Lisbon, karamihan sa mga batayan ay nagpapakitang ito’y sa pagsisimula ng Setyembre. Kapansin-pansin, ganito ang sabi ng “Portugal and the Discoveries”: “Dumating si Vasco da Gama noong eksakto o bandang ika-29 ng Agosto, anupat tinanggap ng Hari taglay ang nararapat na seremonya noong ika-8 ng Setyembre.” Maaaring maitugma nito ang tila pagkakaiba.​—ED.

Mga Crossword Puzzle Nais kong sulatan kayo tungkol sa mga crossword puzzle sa Awake! Natutuwa ako sa mga ito dahil napananatili nitong abala ang aking isip, at sa edad na 78, kailangan ng isa na panatilihing aktibo ang kaniyang isip. Kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, karaniwan nang hindi natatandaan ng ating isip ang gayong detalyadong impormasyon na gaya ng inihaharap sa mga puzzle. Kaya gumugugol ako ng panahon upang tingnan ang lahat ng nakalagay na mga kasulatan. Salamat sa pitak na ito.

J. W., Estados Unidos

Comenius Nagtuturo ako sa isang grupo ng mga adulto upang sila’y makabasa. Ang inyong napakahusay na artikulong “Comenius​—Ang Ninuno ng Makabagong Edukasyon” (Mayo 8, 1999) ay nakatulong sa akin na maunawaan kung bakit mahirap matuto ang ilan. Napakalaki ng maitutulong ng impormasyon sa kalakip na kahon na, “Ilang Simulain sa Pagtuturo ni John Comenius.”

N. A. F., Brazil

Salamat sa nakapagtuturong artikulo. Mas marami akong natutuhan tungkol kay Comenius mula sa apat na pahina ng Gumising! kaysa sa natutuhan ko mula sa sampung lektyur noong ako’y nag-aaral sa unibersidad.

H. P., Alemanya

Bibliya ng Katutubong Amerikano Nang mabasa ko ang artikulong “Mga Katutubong Amerikano at ang Bibliya” (Mayo 8, 1999), lalo nang napukaw ang aking interes sa mga pagtukoy ninyo sa Bibliya ni John Eliot para sa mga Indian ng Massachusett. Nakita naming mag-asawa ang isang kopya ng Bibliyang iyan nang pumunta kami sa Huntington Library, sa San Marino, California. Nakabukas iyon sa aklat ng Awit, at paulit-ulit na makikita roon ang pangalang Jehova. Talagang tuwang-tuwa kami nang makita namin ang pangalan ng Diyos sa ika-17 siglong Bibliyang iyon!

B. J., Estados Unidos

Pagpapatrabaho sa mga Bata Salamat sa seryeng “Pagpapatrabaho sa mga Bata​—Natatanaw Na ang Wakas Nito!” (Mayo 22, 1999) Nang una kong makita ang pabalat, ang talagang nasa isip ko’y wala namang kinalaman sa aking bansa ang mga artikulo. Ngunit nang basahin ko na ito, hindi na ako makatigil. Sa madaling salita, natakot ako. Kabibili ko pa lamang ng isang tahi-sa-kamay na teddy bear sa napakamurang halaga kaysa kung ito’y gawa sa Hapon. Nakababagbag ng puso na isiping sa likod ng murang halaga nito ay maaaring naroroon ang walang-pusong pagtrato sa maliliit na bata.

S. O., Hapon

Timbang Ako po’y sampung taóng gulang. Salamat po sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapagtatagumpayan ang Labis na Pagkabahala sa Aking Timbang?” (Mayo 22, 1999) Lagi pong sumisiksik sa aking isip na napakabigat ko na. Nang mabasa ko po ang artikulong ito, naunawaan ko po na hindi naman pala pangunahing bagay ang pigura ng isang tao. Mas mahalaga ang mga katangian ng isang tao.

M. S., Russia