Nais Mo Bang Matuto ng Isang Banyagang Wika?
Nais Mo Bang Matuto ng Isang Banyagang Wika?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
“Mas madaling sabihin kaysa gawin!” Iyan ang sinasabi ng marami tungkol sa pag-aaral ng isang banyagang wika, lalo na pagkatapos na subukan ito. Ipagpalagay na, ang pag-aaral ng ibang wika ay isang hamon, sabihin pa. Ngunit yaong mga nagtagumpay ay nagsasabi na sulit ang pagsisikap.
MAY napakaraming iba’t ibang dahilan para matuto ng isang bagong wika. Halimbawa, si Andrew ay nagplano na magbakasyon sa Pransiya, at nais niyang makausap ang mga tao roon sa kanilang sariling wika. Si Guido ay ipinanganak sa Inglatera, ngunit Italyano ang pinagmulan ng kaniyang pamilya. “Ako ay pamilyar lamang sa isang diyalekto,” ang sabi niya, “kaya nais kong matutong magsalita ng Italyano nang wasto.” Ang kapatid na lalaki ni Jonathan ay lumipat kamakailan lamang sa ibang lupain at nag-asawa ng isang Espanyola. “Nais kong makausap ang aking bagong mga kamag-anak sa kanilang katutubong wika kapag dinalaw ko ang aking kapatid,” sabi ni Jonathan.
Ngunit ang pag-aaral ng banyagang wika ay may iba pang mga kapakinabangan. “Tinuruan ako nito na magkaroon ng empatiya,” ang sabi ni Louise. “Ngayon ay nauunawaan ko na kung ano ang nadarama ng mga banyaga kapag dumarating sila sa isang bansa na kung saan ang wikang ginagamit ay iba kaysa sa kanila.” Para kay Pamela, ang mga kapakinabangan ay higit na nakaapekto sa kaniya sa personal na paraan. Pinalaki sa Inglatera, hindi siya masyadong marunong magsalita ng Tsino—ang wika ng kaniyang pamilya. Bunga nito, si Pamela at ang kaniyang ina ay naging malayo. “Walang masyadong komunikasyon sa pagitan namin,” pagtatapat ni Pamela. “Ngunit ngayon na nakapagsasalita na ako ng Tsino, mas malapit na kami at ang aming relasyon ay bumuti.”
Mga Tulong Upang Magtagumpay
Ano ang kakailanganin mo upang magtagumpay sa pag-aaral ng banyagang wika? Marami na nakagawa nito ang nagdiriin sa mga sumusunod.
● Pangganyak. Kailangan mo ng pampasigla—isang dahilan upang ipagpatuloy mo ang iyong tunguhin. Ang mga estudyanteng may malaking pangganyak ay kadalasang mas mahuhusay.
● Kapakumbabaan. Huwag umasa nang labis sa iyong sarili—hindi maiiwasan ang mga pagkakamali, lalo na sa simula. “Matatawa ang mga tao,” sabi ni Alison, “kaya panatilihin ang iyong pagiging mapagpatawa!” Sumasang-ayon si Valerie: “Para kang isang bata na nag-aaral maglakad. Madalas kang magkakamali, pero kailangan mo lang tumayo at subukang muli.”
● Pagtitiis. “Para sa akin, ang unang dalawang taon ay napakahirap, at kung minsan ay gusto ko nang sumuko,” sabi ni David. Gayunman, umamin siya: “Nagiging mas madali na ito!” Ganito rin ang nadarama ni Jill. “Hindi mo namamalayan na may nagawa ka na pala
hanggang sa alalahanin mo ito,” ang sabi niya.● Pagsasanay. Ang isang regular na rutin ay makatutulong sa iyo na maging matatas sa bagong wika. Pagsikapang magsanay araw-araw, kahit na ilang minuto lamang. Gaya ng pagkasabi ng isang aklat-aralin, “ ‘ang [pagsasanay na] kaunti at madalas’ ay mas mabuti kaysa sa ‘marami ngunit madalang.’ ”
Nakatutulong na mga Kasangkapan
Handa mo na bang tanggapin ang hamon ng pag-aaral ng isang banyagang wika? Kung oo, ang sumusunod na mga kasangkapan ay makadaragdag sa iyong pagsulong.
● Flash cards. Ang bawat isa ay may salita o parirala sa harap at ang salin naman ay sa likod. Kung walang makukuha nito sa inyong lugar, maaari kang gumawa ng sarili mo, na ginagamit ang mga file card.
● Nagtuturong mga audiocassette at videocassette. Makatutulong ang mga ito sa iyo na marinig ang wastong pagsasalita ng wika. Halimbawa, habang nagmamaneho sa kaniyang kotse, natutuhan ni David ang saligang mga simulain ng wikang Hapones sa pamamagitan ng pakikinig sa audiocassette na kalakip ng isang aklat ng mga parirala para sa turista.
● Interactive na mga programa ng computer. Ang ilan sa mga ito ay nagpapahintulot sa iyo na i-record ang iyong boses at ihambing ang iyong pagbigkas doon sa pagbigkas ng katutubong mga tagapagsalita ng wika.
● Radyo at telebisyon. Kung mayroong isinasahimpapawid na mga programa sa radyo o telebisyon sa inyong lugar na gumagamit ng wika na iyong pinag-aaralan, bakit hindi manood at tingnan kung gaano karami ang iyong maiintindihan?
● Mga magasin at aklat. Subukang magbasa ng inilathalang babasahin sa bagong wika, anupat tinitiyak na hindi naman napakataas ni napakababa ng antas ng pag-unawa sa mga ito. *
Pagpapakadalubhasa sa Wika
Siyempre pa, sa malao’t madali ay kailangan mong makipag-usap doon sa mga nagsasalita ng gayong wika. Hindi naman ito nangangailangan na maglakbay ka sa malayong lupain. Sa halip, marahil makadadalaw ka sa isang banyagang-wikang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong sariling bansa.
Sa paano man, dapat na maging tunguhin mo na matutuhang mag-isip sa bagong wika, sa halip na basta isinasalin lamang ang mga salita at parirala mula sa iyong katutubong wika. Malamang na makakatulong din kung pagsisikapan mong matutuhan ang ilang bagay tungkol sa mga kostumbre at kaugalian ng mga tao na nagsasalita ng iyong bagong wika. “Hindi talaga matututuhan ang isang wika nang hindi mauunawaan ang ilang bagay sa mga katangian at kahalagahan ng kultura kung saan kabilang ito,” sabi ng dalubhasa sa wika na si Robert Lado.
Isang pangwakas na kaisipan: Huwag masiraan ng loob kung tila mabagal ang iyong pagsulong. Tutal, ang pagkatuto ng bagong wika ay isang patuluyang proseso. “Hindi ako kailanman tumitigil sa pag-aaral,” sabi ni Jill, na natuto ng wikang pasenyas 20 taon na ang nakalilipas. “Ang wika ay laging sumusulong.”
Kaya nais mo bang matuto ng isang banyagang wika? Kung oo, maging handang magpasimula sa isang pinakamapanghamon—ngunit lubos na kapaki-pakinabang—na pagsisikap.
[Talababa]
^ par. 18 Ang Gumising! ay makukuha na ngayon sa 83 na wika, at ang kasama nito, Ang Bantayan, ay inililimbag sa 132 wika. Nasumpungan ng marami na ang madaling maunawaang pagkasulat sa mga babasahing ito ay nakatutulong kapag nag-aaral ng isang bagong wika.
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Maaari mong pasulungin ang iyong talasalitaan sa pamamagitan ng . . .
. . . paghahambing ng iyong katutubong wika sa pinag-aaralan mong wika