Napapaharap sa Problema ang mga Inang May AIDS
Napapaharap sa Problema ang mga Inang May AIDS
SI Cynthia, * isang babae na nakatira sa West Indies, ay mamimili kung ang kaniyang bagong silang ay pasususuhin niya sa kaniya o sa bote. Ang pagpapasiya ay waring simple. Tutal, itinataguyod ng mga dalubhasa sa kalusugan sa loob ng mga dekada ang gatas ng ina bilang “ang pinakamabuting pagkain na nakapagpapalusog” sa mga sanggol. Bukod pa riyan, mga 15 ulit na mas malamang na mamatay mula sa sakit na pagkukurso ang mga sanggol na pinasuso sa bote kaysa sa mga pinasuso sa ina. Sa katunayan, ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) ay nag-uulat na mga 4,000 bata ang namamatay araw-araw dahil sa mga panganib na nauugnay sa mga gatas na inihahalili sa gatas ng ina.
Gayunman, sa kaso ni Cynthia, isa pang panganib ang nasasangkot sa pagpapasiya may kinalaman sa pagsuso ng kaniyang anak sa kaniya. Siya’y nahawahan na ng kaniyang asawa ng human immunodeficiency virus (HIV), na nagiging sanhi ng AIDS. Nang makapagsilang na siya, nalaman ni Cynthia na ang isang anak ng ina na positibo sa HIV ay may 1-sa-7 tsansa na mahawahan sa pamamagitan ng gatas ng ina. * Kaya, nahihirapan siyang pumili: ilantad ang kaniyang sanggol sa mga panganib ng pagpapasuso sa kaniya o isailalim ito sa mga panganib ng pagpapasuso sa bote.
Sa mga bahagi ng daigdig na doo’y pinakamatinding humampas ang epidemya ng AIDS, 2 o 3 sa bawat 10 babaing nagdadalang-tao ay positibo sa HIV. Sa isang bansa, mahigit sa kalahati ng lahat ng babaing nagdadalang-tao na sinuri ay nahawahan. “Ang nakatatakot na bilang na ito,” ulat ng UN Radio, “ay nagpangyari sa mga siyentipiko na magmadali sa paghanap ng lunas.” Upang matugunan ang bantang ito, pinagsama-sama ng anim na organisasyon ng UN ang kanilang karanasan, pagsisikap, at yaman upang mabuo ang Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, na kilala bilang UNAIDS. * Subalit nasumpungan ng UNAIDS na hindi madali ang lunas sa problema ng AIDS.
Masasalimuot na Balakid na Humahadlang sa Isang Simpleng Lunas
Ayon kay Edith White, isang espesyalista tungkol sa pagpapasuso ng ina at sa paglilipat ng ina sa bata ng HIV, ang mga manggagawang pangkalusugan ay nagpapayo sa mga babaing positibo sa HIV sa mauunlad na bansa na huwag sa kanila pasusuhin ang kanilang mga sanggol, yamang halos dinodoble nito ang panganib na mahawa ang sanggol. Ang paggamit ng tinitimplang gatas ay waring
isang makatuwirang mapagpipilian. Subalit sa papaunlad na mga bansa—kung saan ang mga teoriyang idealista ay agad na sumusuko sa malupit na mga katotohanan—mahirap isagawa ang simpleng lunas na ito.Ang isa sa mga hadlang ay panlipunan. Sa mga bansa na doo’y pangkaraniwan ang pagpapasuso sa ina, maaaring iniaanunsiyo ng mga babae na nagpapasuso ng kanilang mga sanggol sa bote ang bagay na sila’y nahawahan ng HIV. Baka ikatakot ng isang babae na siya’y sisihin, iwanan, o bugbugin pa nga kapag nalaman ang kaniyang kalagayan. Inaakala ng ilang babae na nasa kalagayang ito na wala silang mapagpipilian kundi ang pasusuhin sa kanila ang kanilang sanggol upang ilihim ang kanilang kalagayan na positibo sa HIV.
May iba pang hadlang. Halimbawa, isaalang-alang ang 20-taóng-gulang na si Margaret. Siya, katulad ng di-kukulangin sa 95 porsiyento ng mga babaing taganayon sa Uganda, ay hindi pa kailanman nasuri para sa HIV. Subalit may dahilang mabahala si Margaret. Ang panganay niyang anak ay namatay, at ang kaniyang ikalawang anak ay mahina at masasakitin. Pinasususo ni Margaret sa kaniya ang kaniyang ikatlong anak nang sampung beses sa isang araw, sa kabila ng bagay na maaaring siya ay may HIV. “Hindi ko kailanman mapasususo ang aking sanggol ng tinimplang gatas,” aniya. Bakit hindi? Ang halaga ng pagpapasuso sa isang bata ng tinitimplang gatas para sa sanggol, sabi ni Margaret, ay isa at kalahating ulit ng halagang kinikita ng isang pamilya sa kaniyang nayon sa isang buong taon. Kahit na makukuha nang libre ang tinitimplang gatas, nariyan pa rin ang problema ng paghanap ng malinis na tubig upang gawing ligtas na pagkain ng sanggol ang tinitimplang gatas. *
Ang ilan sa mga hadlang na ito’y mababawasan kung ang mga inang nahawahan ng HIV ay mapaglalaanan ng tamang sanitasyon, sapat na dami ng mga kahalili ng gatas ng ina, at pagkakaroon ng malinis na tubig. Magastos? Marahil. Gayunman, nakapagtataka, ang paglalaan ng gayong mga bagay ay waring pagtatakda lamang ng mga bagay na dapat unahin sa halip na paghahanap ng mga pondo. Tunay, iniuulat ng UN na ang ilan sa pinakamahihirap na papaunlad na mga bansa ay halos doble ang ginugugol sa militar kaysa sa ginugugol nila sa kalusugan at edukasyon.
Kumusta Naman ang Tungkol sa mga Gamot na Laban sa AIDS?
Iniulat ng mga siyentipiko ng UN na isang simple at murang gamot kung ihahambing sa iba ang gamot na tinatawag na AZT ang lubhang makababawas ng paglilipat ng ina sa anak ng HIV. Sa tulong ng UNAIDS, ang halaga ng paggamot na ito ay ibinaba sa $50. Bukod pa riyan, ipinahayag ng mga mananaliksik sa AIDS noong Hulyo ng 1999 na ang paggamot sa mga ina at sa kanilang mga bagong silang na sanggol na positibo sa HIV sa pamamagitan ng gamot na nevirapine na nagkakahalaga lamang ng $3 ay waring mas mabisa kaysa sa AZT sa paghadlang sa paglilipat ng HIV. Sinasabi ng mga dalubhasa sa kalusugan na mahahadlangan ng nevirapine na mahawahan ng HIV ang hanggang 400,000 bagong silang na mga sanggol sa bawat taon mula sa pasimula ng kanilang buhay.
Gayunman, binabatikos ng ilan ang gayong mga paggamot sa pamamagitan ng droga, na sinasabi na yamang nahahadlangan lamang nito ang paglilipat ng HIV mula sa ina tungo sa sanggol, sa wakas ay mamamatay pa rin ang ina dahil sa AIDS at iiwang ulila ang bata. Ikinatuwiran ng UN na ang malungkot na mapagpipilian ay ang hayaang magkaroon ng HIV ang mga sanggol, sa gayo’y hinahatulan ang walang malay na mga biktimang ito ng mabagal at malungkot na kamatayan. Ikinakatuwiran din nila na ang mga inang nahawahan ng HIV ay maaaring mabuhay pa ng ilang taon. Isaalang-alang si Cynthia, na nabanggit kanina. Nalaman niyang siya’y may HIV noong 1985, nang isilang ang kaniyang sanggol, subalit siya’y nagkasakit pagkalipas pa ng walong taon. At bagaman ang kaniyang sanggol ay may HIV mula sa pagkasilang, nawala ito nang ang bata ay sumapit ng dalawang taon.
Ang nakaaaliw na katiyakan ng Bibliya ay na natatanaw na ang isang tunay na ligtas na kapaligiran at ang namamalaging lunas sa mga salot na gaya ng AIDS. (Apocalipsis 21:1-4) Ang Diyos na Jehova ay nangangako ng isang bagong sanlibutan na doo’y “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’ ” (Isaias 33:24) Nanaisin ng mga Saksi ni Jehova na sabihin sa iyo ang tungkol sa namamalaging lunas na ito. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga tagapaglathala ng magasing ito o sa mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad.
[Mga talababa]
^ par. 2 Hindi niya tunay na pangalan.
^ par. 3 Ayon sa UNICEF, mga 500 hanggang 700 sanggol sa bawat araw ang nahahawahan sa pamamagitan ng gatas ng kanilang mga inang positibo sa HIV.
^ par. 4 Ang anim na organisasyon ay ang UNICEF, ang United Nations Development Programme, ang United Nations Population Fund, ang World Health Organization, ang World Bank, at ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization. Ang UNAIDS ay naitatag noong 1995.
^ par. 8 Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na maaaring lumaki ang panganib na mahawa ng HIV kung pagsasamahin ang pagpapasuso ng tinitimplang gatas at gatas ng ina at na ang gatas ng ina ay maaaring may mga sangkap na lumalaban sa virus na tumutulong upang mapawalang-bisa ang virus. Kung totoo ito—kahit mapanganib—ang pagsuso lamang sa ina ang maaaring maging mas ligtas na mapagpipilian. Gayunman, dapat pang mapatunayan ang mga resulta ng pag-aaral na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
WHO/E. Hooper