Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Panganib ng Labis na Katabaan
Kapuna-punang pagdami ng diyabetis, sakit sa puso, at iba pang sakit ang inaasahan bilang resulta ng “epidemya ng labis na katabaan na lumalaganap sa Europa,” pag-uulat ng The Independent sa London. Sa talumpati sa isang pulong ng mga dalubhasa sa medisina mula sa 26 na bansa sa Milan, Italya, ang tsirman ng International Obesity Task Force ay nagsabi: “Ito’y isang pangglobong krisis at kailangan ang apurahang pagkilos ngayon upang mahadlangan ang di-napupunang epidemyang ito ng malubhang karamdaman at ang tumataas na mga gastusin sa pagpapagamot. Mapapaharap tayo sa isang sakunang pangkalusugan kung hindi tayo kikilos.” Sangkot dito ang lahat ng bansa sa Europa, at may ilang lugar na ang apektado ay nasa pagitan ng 40 at 50 porsiyento ng populasyon. Sapol noong 1980, tumaas ang antas ng labis na katabaan sa Inglatera mula 8 tungo sa 20 porsiyento para sa mga kababaihan at mula 6 tungo sa 17 porsiyento naman para sa mga kalalakihan. Kasali sa mga dahilang ibinigay ang palaupong istilo ng buhay at mamantikang pagkain—kapuwa may kaugnayan sa patuloy na pag-unlad. Ang pinakanakababahala ay ang bilang ng mga batang sobra sa timbang. Ayon kay Propesor Jaap Seidell, presidente ng European Association for the Study of Obesity, “may mga palatandaan na mas malaking bahagi ng susunod na henerasyon ang magiging labis na mataba at sobra sa timbang samantalang bata pa.”
Ang Pabagsak na Takbo ng Globalisasyon
Ang globalisasyon sa ekonomiya ay lumilikha ng isang pandaigdig na pamilihan na naglalaan ng mas malalaking oportunidad para sa marami, subalit pinararami rin naman nito ang panganib, pag-uulat ng pahayagan sa Britanya na The Guardian. Ang pagtutulungan ng mga bansa sa nagsisimulang pandaigdig na ekonomiya ay nagpapaging posible sa isang maliwanag na namumukod na pangyayari—gaya ng pagbaba ng halaga ng Thai baht noong 1997—na maging mitsa ng pinansiyal na kaguluhan sa buong daigdig. “Noong nakalipas na 30 taon,” sabi ng The Guardian, “ang agwat ng ari-arian ng pinakamayamang sangkalima ng mga tao sa daigdig at ng pinakamahirap ay nasa 30 sa 1. Pagsapit ng 1990, ito’y lumayo pa sa agwat na 60 sa 1 at ngayon ito’y nasa 74 sa 1. . . . Ang may pinakamalaking pakinabang sa globalisasyon ay ang mga kriminal, na maaari na ngayong makapagsamantala sa pandaigdig na mga pamilihan para sa mga droga, sandata at mga babaing nagbibili ng aliw.”
Maiiwasan Mo ba ang Sipon?
Maaaring hindi mo naman lubusang maiiwasan ang sipon, ngunit makapag-iingat ka, sabi ng The New York Times. Ang mga sumusunod ay ilan sa pinakamahahalaga: Hangga’t maaari, iwasan ang matataong lugar, at sikaping huwag makipagkamay sa mga taong nakikita mong may sipon. Karagdagan pa, huwag kukuskusin ang iyong mga mata at ilong, at palaging maghugas ng kamay. Nakatutulong ang mga pag-iingat na iyan sapagkat ang mga kamay ang madalas na pinanggagalingan ng mga mikrobyo ng sipon patungo sa maseselan na lamad ng mata at ilong. Ang mga mikrobyo ng sipon na nasa mga ibabaw o mga kamay ay nakapananatiling aktibo sa loob ng ilang oras, at ang isang taong may sipon ay maaaring makahawa sa loob ng ilang panahon bago at pagkatapos mapansin ang mga palatandaan ng sakit. Kabilang din sa pag-iingat ang pagkakaroon ng timbang na pagkain at pag-iingat nang husto kapag kasama ng mga bata. Bakit? Sapagkat nagkakasipon sila sa pagitan ng lima at walong beses sa isang taon!
Mental na Kalusugan sa Aprika
“Tinatayang 100 milyon katao, mula sa 600 milyong populasyon sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, ang may karamdaman sa isip,” pag-uulat ng pahayagang The Star sa Timog Aprika. Ayon sa World Health Organization, ang digmaan at karalitaan ang pangunahin nang dapat sisihin sa mataas na bilang na ito. Ang isa pang kaugnay na dahilan ay ang di-pagsuporta ng malalapit na kamag-anak. Ayon kay Propesor Michael Olatawura, ng Nigeria, ang “tradisyonal na proteksiyong lambat [na ito] sa Aprika” ay nawawala na dahil sa Kanluraning mga simulain, pag-abuso sa droga, at karahasan ng mga mamamayan. Karagdagan pa, ang mga miyembro ng pamilya ay naglalakbay papalayo upang maghanap ng trabaho. “Ang mga suliranin ng mga pamahalaang Aprikano hinggil sa ekonomiya ay humadlang sa ating kakayahang suportahan ang kalusugan na siyang dapat sana nating gawin,” sabi ni Propesor Olatawura.
Mga Alpombrang May Disenyo ng Digmaan
Ang kakilabutan na dulot ng digmaan ay ipinahahayag sa isang naiibang anyo ng sining sa Afghanistan, pag-uulat ng The News sa Mexico City. Sa nakalipas na 20 taon, inihahabi ng mga trabahador na taga-Afghanistan ang mga larawan ng mga kasangkapang pandigma sa kanilang popular na mga alpombra. Kasamang masusumpungan sa tradisyonal na mga larawan ng ibon, moske, at bulaklak, ang larawan ng mga machine gun, granada, at mga tangkeng pandigma. Sinasabi ng eksperto sa alpombra na si Barry O’Connell na bagaman hindi naman palaging madaling mapansin ang mga larawan, marami sa mga disenyo
ang “eksaktung-eksakto sa ikonograpiya” anupat madalas na posibleng “makilala ang pagkakaiba ng AK-47 at AK-74 na mga ripleng pansalakay.” Sinasabing ang karamihan sa mga naghahabi ng alpombra ay mga babaing biktima ng digmaan. Para sa kanila, ang paghahabi ng pambihirang mga alpombrang ito ay isang di-halatang paraan ng paghahayag ng kanilang mga damdamin.Maruming Ulan
Ang mataas na antas ng natunaw na pestisidyo ang naging dahilan upang hindi na mainom ang ilang tubig-ulan sa Europa, pag-uulat ng magasing New Scientist. Natuklasan ng mga kimiko sa Switzerland na ang mga patak ng ulan na inipon mula sa unang mga minuto ng isang bagyo ay madalas na nagtataglay ng mas mataas na antas ng pestisidyo kaysa doon sa itinuturing ng alinman sa European Union o Switzerland na maaaring inumin. Sinisisi ang pagbobomba ng mga pestisidyo sa tanim, at ang pinakamataas na antas ng gayong nakalalasong mga kemikal ay nasa unang buhos ng ulan matapos ang mahabang tag-araw. Samantala, iniuugnay ng mga Suwekong mananaliksik ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng non-Hodgkin’s lymphoma, isang uri ng kanser, sa laganap na paggamit ng ilang ibinobomba sa tanim. Ang mga kemikal na pumipigil sa pagtubo ng mga halaman sa mga materyales na pambubong ay nagpaparumi rin sa tubig-ulan na bumubuhos sa gusali.
Kamatayan sa Pagsasaka
Mahigit sa isang tao ang namamatay linggu-linggo sa mga bukirin sa Britanya, anupat ang pagsasaka ay nagiging isa sa pinakamapanganib na mga trabaho sa bansang iyon, pag-uulat ng The Times sa London. Noong 1998, ang pinakabatang biktima, apat na taóng gulang lamang, ay nadurog sa ilalim ng gulong ng isang traktora, at may pito pang namatay dahil naman sa pagtaob ng mga traktora sa mga dalisdis. Binababalaan ang mga magsasaka na mag-isip na mabuti bago isagawa ang mapanganib na mga trabaho at inspeksiyunin muna ang mga kalagayan bago magmaneho ng traktora sa mga dalisdis. Sinabi ni David Mattey, punong inspektor sa agrikultura para sa Health and Safety Executive: “Naiwasan sana ang karamihan sa mga trahedyang ito kung huminto muna saglit ang tao, pinag-isipang mabuti ang gagawin, at tinapos ang trabaho sa medyo naiibang paraan.”
Naiibang Pinagmumulan ng Kuryente
◼ Ang pulo ng Ouvéa, sa New Caledonia, ay walang petrolyo, ngunit gumagamit ito ng langis ng niyog upang magkakuryente, pag-uulat ng magasing Pranses na Sciences et avenir. Ang inhinyerong Pranses na si Alain Liennard ay gumugol ng 18 taon sa paggawa ng isang makina na tumatakbo sa pamamagitan ng langis ng niyog. Pinatatakbo ng makina ang isang dinamo, na siya namang nagbibigay ng kuryente sa plantang pampaalis ng alat na nagsusuplay ng inuming tubig sa 235 pamilya sa pulo. Sinasabi ni Liennard na ang kaniyang 165-kilowat na sistema ay hindi pahuhuli sa mga makinang diesel sa lakas ng kuryente na naipalalabas ng mga ito at sa gatong na nakokonsumo ng mga ito.
◼ Samantala, sa isang eksperimentong ginawa sa nayon ng Kalali sa Gujarat State, India, ginamit ang lakas ng mga kinapong toro upang makapagpalabas ng kuryente. Iniulat ng magasing Down to Earth sa New Delhi, na nakatuklas ang isang siyentipiko at ang kaniyang pamangking babae ng paraan para makapagpalabas ng kuryente. Apat na kinapong toro ang nagpapaikot ng isang baras na nakakonekta sa isang sistema ng mga enggranahe na nagpapaandar sa isang maliit na dinamo. Ang dinamo ay nakakonekta naman sa mga baterya, na nagbibigay ng kuryente sa isang bomba ng tubig at sa isang gilingan ng mga butil. Ang nagagastos ng bawat yunit ng kuryenteng ito ay mga sampung sentimo ng isang dolyar, kung ihahambing sa $1 bawat yunit kapag gumagamit ng mga windmill o $24 bawat yunit kapag gumagamit naman ng mga solar panel, sabi ng Down to Earth. Gayunman, yamang kailangan ng mga taganayon ang mga kinapong toro upang magtrabaho sa kanilang mga bukid sa loob ng tatlong buwan sa isang taon, ang mga tagapagpaunlad ay naghahanap ng isang epektibong paraan ng pag-iipon ng kuryente na magagamit kapag walang kinapong toro.
Makatuwirang Pagkain
Sa katamtaman, ang mga batang babae ay tumataas nang 25 centimetro at bumibigat nang 18 hanggang 22 kilo sa pagitan ng mga edad 10 at 14, samantalang ang mga batang lalaki naman ay tumataas nang 30 centimetro at bumibigat nang 22 hanggang 27 kilo sa pagitan ng mga edad 12 at 16. Sa panahong ito ng mabilis na paglaki, karaniwan nang balisang-balisa ang mga tin-edyer sa kanilang timbang, at marami ang naghahangad na makontrol ang kanilang timbang. “Subalit ang pagdidiyeta at pagbabawas ng pagkain ay hindi mabubuting solusyon at hindi ito inirerekomenda,” isinulat ng diyatisyan na si Lynn Roblin sa The Toronto Star. Ang mga hakbanging ito ay nagkakait sa katawan ng mga sustansiya, sabi ni Roblin. Isa pa, ang pag-eeksperimento sa pagkain “ay siyang nagpapangyari na magkaroon ng maling kaugalian sa pagkain at maaaring humantong sa mas maseselan na problema sa pagkain.” Ang mga tin-edyer, sabi niya, ay kailangang magkaroon ng mas realistikong pangmalas sa hitsura ng kanilang katawan at magtaglay ng tamang timbang sa pamamagitan ng “makatuwirang pagkain, aktibong buhay at pagkakontento sa kanilang sarili.”