Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasalin ng Dugo—Isang Mahabang Kasaysayan ng Kontrobersiya

Pagsasalin ng Dugo—Isang Mahabang Kasaysayan ng Kontrobersiya

Pagsasalin ng Dugo​—Isang Mahabang Kasaysayan ng Kontrobersiya

“Kung ang pulang mga selula ng dugo ay isang bagong gamot sa ngayon, magiging napakahirap itong ikuha ng lisensiya.”​Dr. Jeffrey McCullough.

NOONG taglamig ng 1667, dinala ang marahas at baliw na lalaking nagngangalang Antoine Mauroy kay Jean-Baptiste Denis, ang kilalang manggagamot ni Haring Louis XIV ng Pransiya. Si Denis ay may naiisip na tamang-tamang “lunas” para sa sumpong ni Mauroy​—pagsasalin ng dugo ng guya, na inakala niyang makapagpapakalma sa kaniyang pasyente. Subalit hindi bumuti ang kalagayan ni Mauroy. Totoo, pagkatapos na masalinan sa ikalawang pagkakataon, bumuti ang kaniyang kalagayan. Subalit di-nagtagal ay sumumpong na naman ang kabaliwan ng lalaking Pranses, at di-nagtagal, siya’y namatay.

Bagaman noong bandang huli ay natiyak na ang talagang ikinamatay ni Mauroy ay ang pagkalason sa arsenic, ang mga eksperimento ni Denis may kinalaman sa dugo ng hayop ay pumukaw ng mainitang kontrobersiya sa Pransiya. Sa wakas, noong 1670, ipinagbawal ang pamamaraang ito. Nang maglaon, ipinagbawal din ito ng Parlamentong Ingles at maging ng papa. Ang pagsasalin ng dugo ay halos naglaho sa sumunod na 150 taon.

Mga Panganib Noong Una

Noong ika-19 na siglo, muling isinagawa ang pagsasalin ng dugo. Ang nanguna sa muling pagsasagawa nito ay ang Ingles na obstetrician na nagngangalang James Blundell. Dahil sa kaniyang mas mahusay na pamamaraan at makabagong mga instrumento​—at ang paggigiit niya na tanging dugo ng tao ang dapat gamitin​—muling pinatanyag ni Blundell ang pagsasalin ng dugo.

Subalit noong 1873, napabagal ni F. Gesellius, isang doktor na taga-Poland, ang muling pagsasagawa ng pagsasalin dahil sa nakatatakot na tuklas: Mahigit na kalahati sa mga isinagawang pagsasalin ay humantong sa kamatayan. Nang mapag-alaman ito, tinuligsa ng mga kilalang doktor ang pamamaraang ito. Minsan pang humina ang popularidad ng pagsasalin.

Pagkatapos, noong 1878, ganap na nagawa ng Pranses na manggagamot na si Georges Hayem ang isang saline solution, na ayon sa kaniya ay maaaring magsilbing panghalili sa dugo. Di-tulad ng dugo, walang masasamang epekto ang saline solution, hindi ito namumuo, at madali itong dalhin. Kaya naman, lumaganap ang paggamit sa saline solution ni Hayem. Gayunman, ang nakapagtataka, di-nagtagal at inayunan na naman ang paggamit ng dugo. Bakit?

Noong 1900, natuklasan ng patologong taga-Austria na si Karl Landsteiner ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng dugo, at nalaman niya na ang isang uri ng dugo ay hindi laging katugma ng iba. Hindi nga nakapagtataka na napakaraming pagsasalin noon ang humantong sa trahedya! Ngayon ay maaari nang baguhin ito, sa pamamagitan lamang ng pagtiyak na ang uri ng dugo ng nagkakaloob ay katugma niyaong sa tatanggap. Taglay ang kaalamang ito, muling nabuhay ang pagtitiwala ng mga doktor sa pagsasalin​—tamang-tama para sa Digmaang Pandaigdig I.

Pagsasalin ng Dugo at Digmaan

Noong Digmaang Pandaigdig I, labis-labis ang isinaling dugo sa mga sugatang sundalo. Mangyari pa, madaling mamuo ang dugo, at noon ay halos imposible na dalhin ito sa lugar ng digmaan. Subalit sa pagsisimula ng ika-20 siglo, naging matagumpay ang eksperimento ni Dr. Richard Lewisohn, ng Mount Sinai Hospital sa New York City, may kinalaman sa sangkap na pumipigil sa pamumuo ng dugo na tinatawag na sodium citrate. Itinuring ng ilang doktor na isang himala ang kapana-panabik na tuklas na ito. “Para bang halos katulad iyon ng pagtigil ng araw sa kinaroroonan nito,” ang sulat ni Dr. Bertram M. Bernheim, isang kilalang doktor noong kaniyang panahon.

Lumaki ang pangangailangan sa dugo noong Digmaang Pandaigdig II. Binaha ang publiko ng mga paskil na nagsasaad ng mga sawikaing tulad ng “Magbigay ng Dugo Ngayon,” “Maililigtas Siya ng Iyong Dugo,” at “Ibinigay Niya ang Kaniyang Dugo. Ibibigay Mo ba ang sa Iyo?” Marami ang tumugon sa panawagan hinggil sa dugo. Noong Digmaang Pandaigdig II, mga 13,000,000 yunit ng dugo ang ipinagkaloob sa Estados Unidos. Tinataya na sa London, mahigit sa 260,000 litro ang natipon at naipamahagi. Sabihin pa, nagdulot ng maraming panganib sa kalusugan ang pagsasalin ng dugo, na naging maliwanag sa sandaling panahon.

Sakit na Dala ng Dugo

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ginawang posible ng malalaking pagsulong sa medisina ang ilang operasyon na hindi man lamang lubos-maisip noon. Kaya naman, naglitawan ang pandaigdig na mga negosyong kumikita ng multi-milyong dolyar sa isang taon upang magsuplay ng dugo para sa pagsasalin, na sinimulan namang ituring ng mga manggagamot bilang pamantayang pamamaraan sa paggamot.

Gayunman, di-nagtagal ay bumangon ang mga suliranin hinggil sa sakit na may kaugnayan sa pagsasalin. Halimbawa, noong panahon ng Digmaan sa Korea, halos 22 porsiyento niyaong mga sinalinan ng plasma ay nagkaroon ng hepatitis​—halos tatlong ulit ang dami kaysa noong Digmaang Pandaigdig II. Nang sumapit ang dekada 1970, tinaya ng U.S. Centers for Disease Control na 3,500 ang namamatay taun-taon dahil sa hepatitis na nakuha sa pagsasalin. Tinaya naman ng iba na ang bilang ng mga namatay ay mataas pa nang sampung ulit.

Dahil sa mas mabuting pagsusuri at mas maingat na pagpili sa mga magkakaloob, nabawasan ang bilang ng mga nahahawahan ng hepatitis-B. Subalit isa namang bago at kung minsa’y nakamamatay na uri ng virus​—ang hepatitis C​—ang kumitil sa marami. Tinataya na apat na milyong Amerikano ang nahawahan ng virus, daan-daang libo sa mga ito ay bunga ng pagsasalin ng dugo. Totoo, nang dakong huli, ang masusing pagsubok ay nakabawas sa pagkalat ng hepatitis C. Magkagayunman, nangangamba ang ilan na may lilitaw na bagong mga panganib at ito’y mauunawaan lamang kapag huli na ang lahat.

Isa Pang Iskandalo: Dugong Nahawahan ng HIV

Noong dekada ng 1980, natuklasan na ang dugo ay maaaring mahawahan ng HIV, ang virus na nagiging sanhi ng AIDS. Noong una, ayaw isipin ng mga nangangasiwa ng mga blood bank ang bagay na maaaring nabahiran ang kanilang suplay. Marami sa kanila noong una ang nagkibit-balikat lamang tungkol sa panganib ng HIV. Ayon kay Dr. Bruce Evatt, “para bang maihahalintulad iyon sa isang tao na naglakbay sa disyerto at nagsabi, ‘Nakakita ako ng isang tagaibang planeta.’ Nakinig sila, pero talagang hindi nila pinaniwalaan iyon.”

Gayunman, naglitawan sa maraming bansa ang mga iskandalo na naglalantad sa dugo na nahawahan ng HIV. Tinataya na sa Pransiya, nasa pagitan ng 6,000 at 8,000 katao ang nahawahan ng HIV dahil sa isinagawang mga pagsasalin sa pagitan ng 1982 at 1985. Ang mga pagsasalin ng dugo ang siyang sanhi ng 10 porsiyento ng pagkahawa sa HIV sa buong Aprika at 40 porsiyento ng mga kaso ng AIDS sa Pakistan. Sa ngayon, dahil sa pinasulong na pagsusuri, bihira na ang nahahawahan ng HIV mula sa pagsasalin ng dugo sa mauunlad na bansa. Gayunman, patuloy pa ring nagiging problema ang gayong pagkahawa sa papaunlad na mga bansa na kulang sa mga pamamaraan ng pagsusuri.

Kaya mauunawaan naman, nitong nakalipas na mga taon, dumami ang nagkakainteres sa paggamot at pag-opera nang walang dugo. Subalit ito ba’y ligtas na kahalili?

[Kahon sa pahina 6]

Pagsasalin ng Dugo​—Walang Pamantayan Dito ang mga Manggagamot

Taun-taon sa Estados Unidos lamang, mahigit sa 11,000,000 yunit ng pulang mga selula ng dugo ang isinasalin sa 3,000,000 pasyente. Dahil sa napakalaking bilang na iyan, maaaring ipalagay ng isa na may mahigpit na pamantayang ipinatutupad ang mga doktor pagdating sa pagsasalin ng dugo. Gayunman, sinabi ng The New England Journal of Medicine na nakapagtataka subalit kakatiting lamang ang mga impormasyon “na gagabay sa mga pagpapasiya hinggil sa pagsasalin.” Ang totoo, sari-sari ang mga pamamaraan ng pagsasagawa nito, hindi lamang may kinalaman sa kung ano talaga ang isinasalin at gaano ito karami kundi maging sa kung dapat nga bang isagawa ang pagsasalin. “Ang pagsasalin ay depende sa doktor, hindi sa pasyente,” ang sabi ng medikal na babasahing Acta Anæsthesiologica Belgica. Kung isasaalang-alang ang nabanggit sa itaas, talagang hindi nakapagtataka na natuklasan ng isang pagsusuri na inilathala sa The New England Journal of Medicine na “tinatayang 66 na porsiyento ng mga pagsasalin na isinagawa ay hindi tama.”

[Mga larawan sa pahina 5]

Lumaki ang pangangailangan sa dugo noong Digmaang Pandaigdig II

[Credit Lines]

Imperial War Museum, London

U.S. National Archives photos