Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong sa mga Biktima ng Labis na Pagpapahirap

Tulong sa mga Biktima ng Labis na Pagpapahirap

Tulong sa mga Biktima ng Labis na Pagpapahirap

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA DENMARK

“MAS MADALING MAPAGALING ANG MGA NABALING BUTO KAYSA MAPAGALING ANG ISANG BAGBAG NA KALULUWA.”​Dr. Inge Genefke.

ISANG kabataang lalaki ang naglalakad-lakad sa isang tahimik na lansangan sa isang lunsod sa Europa at sandaling huminto upang tingnan ang ilang panindang nakadispley sa isang eskaparate. Walang anu-ano, nangatal ang kaniyang mga kamay. Nanginig ang kaniyang mga tuhod. Hawak-hawak niya ang kaniyang leeg na para bang siya’y mabubulunan. Naaninag lamang niya sa salamin ng eskaparate ang dalawang nakaunipormeng pulis. Ang kabataang lalaki ay walang nilalabag na batas, at walang dahilan upang siya’y matakot. Gayunman, ang pagkakita lamang sa mga lalaking nakauniporme ay nagpapagunita sa kaniya ng isang lugar na libu-libong kilometro ang layo at sa isang panahon noon nang siya’y isang biktima ng labis na pagpapahirap.

Maaaring kuwento ito ng sinuman sa milyun-milyong lalaki, babae, at mga bata pa nga. Maaari pa ngang kuwento ito ng isa na kakilala mo. Ang biktima ng malupit na pagtrato ay maaaring isang lumikas o isang nandayuhan na lumipat sa inyong komunidad. Ang kaniyang mga anak ay maaaring nag-aaral na kasama ng iyong mga anak. Maaaring nakikilala mo siya bilang isang kapitbahay na tahimik, mahinahon at magalang na karaniwang mapag-isa. Subalit mapandaya ang panlabas na mga anyo; maaaring maikubli nito ang ligalig na nadarama sa loob ng biktima habang nakikipagpunyagi siya sa mga alaala ng nakalipas na pisikal at mental na pagdurusa. Ang anumang tanawin​—o tunog​—ay maaaring magpagunita sa kaniya ng mga kakila-kilabot na pangyayari noon. Ganito ang paliwanag ng isang biktima nito: “Kapag nakaririnig ako ng isang sanggol na umiiyak, naiisip ko ang mga taong naririnig kong umiiyak sa bilangguan. Kailanma’t naririnig ko ang malakas na huni ng hangin, naaalaala ko ang humahaginit na pamalo​—ang tunog nito bago ito tumama sa akin.”

Hindi lamang ang pulitikal na mga ekstremista at mga grupong terorista ang labis na nagpapahirap. Sa maraming bansa, ginagawa rin ito ng mga puwersang militar at ng pulisya. Bakit? Ang labis na pagpapahirap ay maaaring maging isang mabilis at mabisang paraan upang makakuha ng impormasyon, upang mapagtapat ang isa, upang makakuha ng nagpaparatang na testimonyo, o maghiganti. Ayon kay Dr. Inge Genefke ng Denmark, isang kilalang dalubhasa hinggil sa labis na pagpapahirap, sa ilang kaso ang mga gobyerno ay “nalagay sa kapangyarihan at nanatili sa kanilang katayuan dahil sa labis na pagpapahirap.” Ganito ang pagkakasabi rito ng isang biktima: “Gusto nila akong lupigin upang makita ng iba kung ano ang mangyayari sa iyo kapag binatikos mo ang pamahalaan.”

Sa maraming tao, ang ideya ng labis na pagpapahirap sa mga kapuwa-tao ay mga alaala lamang noong panahon ng “Dark Ages.” Tutal, noong 1948 ay pinagtibay ng United Nations ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, na nagsasabi: “Walang sinuman ang dapat dumanas ng labis na pagpapahirap o malupit, di-makatao o mapanghamak na pagtrato o parusa.” (Artikulo 5) Gayunman, naniniwala ang ilang dalubhasa na hanggang 35 porsiyento ng mga nagsilikas sa daigdig ay labis na pinahirapan. Bakit napakalaganap ng labis na pagpapahirap? Paano naapektuhan ang mga biktima, at ano ang magagawa upang tulungan sila?

Ang Kasunod na Resulta

Hindi kataka-taka, maraming biktima ng labis na pagpapahirap ang tumatakas sa kanilang sariling bayan upang magsimula ng panibagong buhay sa ibang lugar. Ngunit bagaman maaaring magbago ang lugar, ang pagdurusa​—kapuwa sa pisikal at sa isipan​—ay nagpapatuloy. Halimbawa, ang biktima ay maaaring makadama ng mga damdamin ng pagkakasala dahil sa hindi niya naipagsanggalang ang mga kaibigan o mga kamag-anak mula sa pagmamaltrato. Maaari rin siyang makadama ng labis na kawalang-tiwala sa iba, anupat natatakot na ang bawat taong makilala niya ay maaaring maging isang impormante. “Ang biktima ng labis na pagpapahirap ay magiging isang estranghero magpakailanman,” sabi ng manunulat na si Carsten Jensen. “Nawalan na siya ng pagtitiwala sa daigdig magpakailanman.”

Ang resulta ay isang pinaghalong pisikal at mental na trauma na nakalilito sa biktima at sa sinuman na nagsisikap na tumulong sa kaniya. Kung minsan ay madaling gamutin ang pisikal na mga problema, subalit hindi gayon kadali kung tungkol sa isipan. “Sa pasimula ay naisip namin, ‘Buweno, pagdudugtungin natin ang kanilang mga buto​—pagkatapos ay makauuwi na sila ng bahay,’ ” ang sabi ni Dr. Genefke. “Subalit agad naming natutunan na ang kirot sa kanilang puso ang siyang nagpapahirap sa kanila.” Gayunman, ganito ang sabi ni Dr. Genefke: “Nakagugulat na malaman na posibleng mapaginhawa at matulungan ang mga biktima, kahit maraming taon na ang lumipas.”

Noong 1982, si Dr. Genefke, kasama ng iba pang manggagamot na taga-Denmark, ay nagtayo ng isang maliit na departamento sa Pambansang Ospital ng Copenhagen para gamutin ang mga nagsilikas na mga biktima ng labis na pagpapahirap. Mula sa maliliit na pasimula, ito ay naging isang pangglobong network sa ilalim ng pangalang International Rehabilitation Council for Torture Victims (IRCT). Mula sa punong-tanggapan nito sa Copenhagen, pinangangasiwaan ng konseho ang gawaing pagtulong sa mahigit na 100 pagamutan sa buong daigdig. Sa nakalipas na mga taon, marami ang natutuhan ng konseho hinggil sa paggamot sa mga biktima ng labis na pagpapahirap.

Kung Paano Aalalay

Kadalasang nakabubuti sa mga biktima na ipakipag-usap ang kanilang mga karanasan. “Mga 20 taon na ang nakalipas,” sabi ng isang presentation sheet mula sa IRCT, “ang mga biktima ng labis na pagpapahirap ay kadalasang mga biktima sa dobleng paraan. Una ay sa pamamagitan ng pagkahantad sa pisikal/pangkaisipang gawa ng labis na pagpapahirap, at pangalawa ay sa pamamagitan ng hindi maipakipag-usap ang tungkol dito.”

Ipagpalagay na, hindi kanais-nais na ipakipag-usap ang tungkol sa isang malungkot na paksa na gaya ng labis na pagpapahirap. Subalit kung nais ng isa na nagdurusa na ipagtapat ito sa isang kaibigan at ang kaibigan ay ayaw makinig, lalo lamang masisiphayo ang isa na nagdurusa. Samakatuwid, mahalagang tiyakin sa biktima na may nagmamalasakit. Sabihin pa, walang sinuman ang dapat na manghimasok sa personal na buhay ng iba. Sa katapusan, nasa biktima na ang pagpapasiya kung, kailan, at kung kanino niya nais na magtapat.​—Kawikaan 17:17; 1 Tesalonica 5:14.

Iminumungkahi ng karamihan sa mga dalubhasa na isaalang-alang kapuwa ang pisikal at mental na mga aspekto ng labis na pagpapahirap. Para sa ilang biktima, ang pagpapanibagong-buhay ay nangangailangan ng tulong mula sa mga propesyonal. Kabilang sa mga paraan ng paggagamot ang mga ehersisyo sa paghinga at ang pakikipag-usap. * Karaniwan nang unang binibigyang-pansin ang pagkamahiyain. Sinabi ng isang therapist sa isang babae na paulit-ulit na hinalay at binugbog: “Normal lamang at nauunawaan naman ang kahihiyan na nadarama mo. Subalit tandaan mo na hindi ito sa iyo. Ang kahiya-hiya ay ang mga taong gumawa nito sa iyo.”

Mga Nakaligtas sa Kampong Piitan

Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, milyun-milyon katao ang nagdusa ng kakila-kilabot na kawalang-dangal sa mga kampong piitan ni Hitler. Kabilang dito ang libu-libong Saksi ni Jehova na pinag-usig sapagkat tumanggi silang talikuran ang kanilang relihiyosong paniniwala. Walang alinlangan na nakatulong sa kanila ang kanilang pananampalataya upang mabata ang gayong mahihirap na kalagayan. Paano?

Bago sila nabilanggo, ang mga Kristiyanong ito ay naging masugid na mga estudyante ng Salita ng Diyos. Kaya, hindi sila nagtaka nang bumangon ang mga pagsubok, ni sinisi man nila ang Diyos nang hindi agad nagwakas ang kanilang pagdurusa. Sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya, natutuhan ng mga Saksi kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang kabalakyutan at kung paano niya wawakasan ito sa kaniyang takdang panahon. Tinuruan sila ng pag-aaral sa Bibliya na si Jehova ay “maibigin sa katarungan” at na siya’y nagpupuyos sa galit kapag minamaltrato ng mga tao ang kanilang kapuwa-tao.​—Awit 37:28; Zacarias 2:8, 9.

Mangyari pa, kailangang paglabanan ng marami sa mga nakaligtas na ito sa kampong piitan ang nakapanlulumong resulta ng kanilang paghihirap. Sa paggawa nito, sila’y lubhang napalakas sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni apostol Pablo. Samantalang si Pablo ay nagtitiis sa isang bilangguang Romano, isang kalagayan na tiyak na nakabalisa sa kaniya, siya’y sumulat sa mga kapananampalataya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 1:13; 4:6, 7.

Sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya, natutuhan ng mga tagapag-ingat na ito ng katapatan na nangako ang Diyos na gagawing paraiso ang lupa, kung saan ang masakit na mga epekto ng kawalang-dangal na gaya ng labis na pagpapahirap ay mapaparam sa wakas.

Ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova ang pag-asang ito na salig sa Bibliya sa kanilang mga kapuwa sa mahigit na 230 lupain. Dahil sa magugulong kalagayan sa daigdig ay nakakatagpo nila ang marami na nagdusa dahil sa kalupitan ng tao sa tao. Kapag nakatagpo nila ang mga biktima ng labis na pagpapahirap, sinisikap ng mga Saksi na ibahagi sa mga indibiduwal na ito ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang maaliwalas na hinaharap. Anong ligaya nila na ipalaganap ang mabuting balita hinggil sa darating na panahon kung kailan ang labis na pagpapahirap ay magiging isang lipas na bagay!​—Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4.

[Talababa]

^ par. 15 Hindi inirerekomenda ng Gumising! ang anumang partikular na paggamot. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na kanilang itataguyod ay hindi sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya.

[Blurb sa pahina 24]

“WALANG SINUMAN ANG DAPAT DUMANAS NG LABIS NA PAGPAPAHIRAP O MALUPIT, DI-MAKATAO O MAPANGHAMAK NA PAGTRATO O PAGPAPARUSA.”​—Artikulo 5, Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao

[Kahon sa pahina 25]

KUNG PAANO KA MAKATUTULONG

KUNG MAY KAKILALA KANG PAPAGALING MULA SA MGA EPEKTO NG LABIS NA PAGPAPAHIRAP, MAAARING MAKATULONG ANG SUMUSUNOD NA MUNGKAHI:

● Magpakita ng empatiya. Maaaring sabihin mo: “Alam kong maraming problema sa bansang pinagmulan mo. Paano mo hinaharap ito?”​—Mateo 7:12; Roma 15:1.

● Huwag manghimasok o maging labis na mapilit tungkol sa pagbibigay ng tulong. Sa halip, maging mabait at makonsiderasyon. Ipaalam mo sa biktima na handa kang makinig.​—Santiago 1:19.

● Iwasan ang pagiging labis-labis na matulungin. Huwag mong ipagkait sa nagdurusa ang kaniyang paggalang sa sarili o ang kaniyang personal na buhay. Ang ideya ay makipasan sa pabigat ng nagdurusa, hindi ang sikaping pasanin ito nang lubusan.