Ang “Maringal na Kaloob” ni Joachim Barrande
Ang “Maringal na Kaloob” ni Joachim Barrande
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC
“HIGIT pa kaysa isang maringal na kaloob, ang pinakamapitagang pagpaparangal na ginawa sa bansang Czech!” Ganiyan ang paglalarawan ng isang peryodista sa pamana na tinanggap ng Czech National Museum mula kay Joachim Barrande, ang kilalang paleontologo noong ika-19 na siglo. Kabilang sa “maringal na kaloob” ni Barrande sa mga mamamayang Czech ang mahalagang koleksiyon ng mahigit na 1,200 kahon na punô ng mga fossil, na kaniyang tinipon, pinag-aralan, at inuri sa loob ng mga dekada. Bagaman marahil ay hindi ka gaanong masasabik sa koleksiyon ng matatanda nang fossil, ang kaloob ni Barr ande ay makapupong higit na mahalaga para sa mga paleontologo kaysa isang kaban ng yaman!
Ang paleontologo ay isang siyentipiko na gumagamit ng mga nalabíng fossil upang pag-aralan ang buhay noong sinaunang panahon. Ang paleontolohiya ay halos isang bagong siyensiya. Noong panahong Edad Medya, itinuring ang mga fossil na “mga kakatwang bagay sa kalikasan” o ipinagpalagay na mga labí ng dragon. Gayunman, nang sumapit ang ika-18 siglo, ang matataas na tao sa lipunan ay nagsimulang magkainteres sa pangongolekta ng mga fossil. Nagkainteres na rin ang mga siyentipiko sa maraming bansa na pag-aralan ang mga fossil. Si Joachim Barrande ay isa sa kanila. Ano ba ang ating nalalaman tungkol kay Barrande, at ano ang kaniyang naiabuloy sa larangan ng paleontolohiya? Yamang kapanahon siya ni Charles Darwin, ano ang mga pangmalas ni Barrande sa teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon?
Nagbago ng Karera si Barrande
Si Joachim Barrande ay isinilang noong 1799 sa Saugues, isang maliit na bayan sa gawing timog ng Pransiya. Nag-aral siya ng inhinyeriya sa Paris, na nagpakadalubhasa sa paggawa ng lansangan at tulay. Kasabay nito, kumuha rin siya ng mga kurso sa natural science. Hindi nagtagal ay naging maliwanag na siya’y may likas na talino sa larangang ito. Nagtrabaho si Barrande bilang isang inhinyero pagkatapos ng gradwasyon, subalit nang mapansin siya ng maharlikang pamilya sa Pransiya, siya’y inalok na maging pribadong guro ng apo ni Haring Charles X. Ang asignatura—natural science. Noong 1830, dahil sa rebolusyon sa Pransiya, ang maharlikang pamilya ay ipinatapon at nang dakong huli ay nagtungo sa Bohemia. Sumama si Barrande sa kanila. Sa Prague, ang kabisera ng Bohemia, binalikan ni Barrande ang inhinyeriya.
Palibhasa’y dalubhasa sa paggawa ng lansangan at tulay, inatasan si Barrande na suriin at sukatin ang kabukiran sa palibot ng Prague para sa binabalak na daang-bakal para sa bagon na hila ng kabayo. Habang siya’y nagtatrabaho, napansin ni Barrande na napakaraming fossil sa lugar na iyon. Samantalang sinusuri ito, gulat na gulat siya na matuklasan ang malaking pagkakahawig ng suson ng lupa sa Bohemia at ng suson ng lupa sa Britanya. Palibhasa’y muling nabuhay ang kaniyang hilig sa natural science, lubusang iniwan ni Barrande ang inhinyeriya at, sa loob ng sumunod na 44 na taon, ginugol niya ang kaniyang buhay sa pag-aaral ng paleontolohiya at heolohiya.
Naging silid-aralan ni Barrande ang kabukirang sagana sa fossil na nasa gitnang Bohemia. Sa bawat araw ay may bagong mga tuklas na kakaiba ang ganda at pagkakasari-sari. Noong 1846, handa na siyang maglathala ng unang resulta ng kaniyang pananaliksik. Sa akdang ito, kaniyang inilarawan at inuri ang bagong mga trilobite specie, na minsa’y nanirahan sa ilalim ng dagat.
Ipinagpatuloy ni Barrande ang pangongolekta at pag-aaral ng mga fossil. Pagkatapos, noong 1852, inilathala niya ang unang tomo ng isang monograph (nasusulat na pagsusuri tungkol sa isang bagay), o treatise, na pinamagatang The Silurian System of Central Bohemia. * Ang Tomo I ay tumatalakay sa mga trilobite. Ito’y sinundan ng mga tomo na iniukol naman sa crustaceans, chondrichthyes, cephalopods, lamellibranchs, at iba pang organismong naging fossil. Sa buong buhay niya, nakapaglathala siya ng 22 tomo na kung saan kaniyang inilarawan nang detalyado ang mahigit sa 3,500 specie. Ang akdang ito ay isa sa pinakamalawak na monograph sa larangan ng paleontolohiya.
Maselan at Disiplinado
Ang mga pamamaraan ni Barrande ang nagtangi sa kaniya sa ibang mananaliksik. Sa kaniyang trabaho bilang isang naturalist, dala-dala niya ang disiplina ng isang inhinyero. Bilang isang disenyador, hindi niya hinahayaang magkaroon ng di-tumpak na mga kalkulasyon o drowing. Bilang
isang paleontologo, sinikap niyang matamo ang napakataas na antas ng kawastuan sa kaniyang pagdodrowing, anupat tinitiyak nang husto na ang mga ito’y naidrowing nang tumpak hanggang sa kaliit-liitang detalye. Siya mismo ang nagretoke sa karamihan ng mga drowing na kabilang sa kaniyang monograph, bagaman ang mga orihinal na drowing ay iginuhit ng isang propesyonal na dibuhista.Gayunman, ang pagiging maselan ni Barrande ay hindi lamang limitado sa kaniyang mga drowing. Pagkatapos na mai-typeset ang bawat tomo ng kaniyang monograph, personal niyang sinusuri ang teksto. Kung hindi pa siya nasisiyahan, ibinabalik niya ang di-kasiya-siyang bahagi upang mai-typeset muli. Ang tunguhin ni Barrande ay matiyak na tumpak hangga’t maaari ang bawat akda na kaniyang inilalathala. Kapuri-puri ang kaniyang tagumpay. Sa ngayon, pagkalipas ng halos 150 taon, ginagamit pa rin ng mga mananaliksik ang Silurian System bilang isang reperensiyang akda.
Kumusta Naman ang Ebolusyon?
Nang ilathala ang aklat ni Charles Darwin na The Origin of Species noong 1859, maraming siyentipiko ang sumali sa pagtataguyod ng teoriyang ebolusyon. Subalit, hindi si Barrande. Sa simula pa lamang, tinanggihan na niya ang teoriya ng ebolusyon sapagkat wala siyang nakitang katibayan sa fossil upang siya’y makumbinsi na tama ang teoriya. Sinabi ni Barrande na ang layunin ng kaniyang akda ay “tuklasin ang katotohanan at hindi ang bumuo ng lumilipas na mga teoriya.” (Amin ang italiko.) Ang totoo, sa pahinang kinaroroonan ng pamagat ng bawat tomo ng Silurian System, isinulat niya ang kasabihang: “C’est ce que j’ai vu” (Ito ang aking nakita).
Talagang napansin ni Barrande na ang katawan ng maraming hayop ay may iba’t ibang yugto ng pagbabago. Gayunman, may katumpakan siyang naghinuha na ang mga ito’y kabilang sa iisang specie subalit nasa iba’t ibang yugto ng buhay. Wala siyang nakitang katibayan na ang isang uri ng hayop ay nagbago tungo sa ibang uri. Sa pagbuod sa pilosopiya ni Barrande, ganito ang sinabi ng aklat na A Petrified World: “Ang buong akda ni Barrande ay . . . nakasalig sa mga katotohanan, at iyan ang pinakamahalagang katangian nito. Sa yugtong ito ng panimulang pananaliksik, walang lugar para sa pala-palagay o panghuhula o maging sa di-tiyak na mga teoriya.”
Nagbigay ng “Maringal na Kaloob” ang Isang Mapagpakumbabang Tao
Sa kabila ng kaniyang malaking tagumpay, hindi nahulog si Barrande sa silo ng pagmamapuri o pandaraya. Bagaman siya’y sanay na makihalubilo sa matataas at matatalinong tao sa Europa at nakapagsasalita ng ilang wika, siya’y umastang pangkaraniwan lamang. Pinag-aralan niya ang wikang Czech upang mas mapalapit sa mga tao. Ito’y nakatulong sa kaniyang gawain, yamang pinangyari nitong makausap niya ang mga nagtitibag ng bato na tumulong sa kaniya na makakuha ng bagong mga ispesimen para sa kaniyang koleksiyon.
Si Barrande ay relihiyosong tao, at ang natuklasan niya sa kalikasan ay nagpatibay ng kaniyang pananampalataya sa Diyos. Tinawag niya ang mga fossil na “mga medalyon ng unang mga paglalang.” Isa pa, sa pambungad ng kaniyang akda, binanggit niya ang damdamin na nagpakilos sa kaniya na patuloy na mag-aral: “Iyon ang damdamin ng paghanga, kasiyahan, at pagkilala na bumabalot at bumibighani sa isa na nakatutuklas o nakapagmumuni-muni sa isang bahagi ng mga gawa ng Maylalang.”
Si Joachim Barrande ay namatay noong 1883, anupat nag-iwan ng makasiyentipikong materyal na pagkahala-halaga. Ang maselan na pamamaraan niya sa kaniyang paggawa ay pinahahalagahan ng mga siyentipiko sa buong mundo. Dahil sa realistiko at makatotohanang pamamaraan niya, maingat na naitala ni Joachim Barrande ang mga tuklas na napapakinabangan pa rin ng mga mananaliksik sa ngayon. Sa makasiyensiyang pangmalas, hindi naman kalabisan na ilarawan ang pamana ni Barrande bilang “higit pa kaysa sa isang maringal na kaloob.”
[Talababa]
^ par. 9 Ang “Silurian” ay heolohikong katawagan sa ipinalalagay na isa sa pinakamatandang yugto ng panahon sa ating planeta.
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ang mga trilobite na iginuhit ni Barrande, 1852
[Credit Line]
Mga drowing: S laskavým svolením Národní knihovny v Praze
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Larawan: Z knihy Vývoj české přírodovědy, 1931