Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagbabagong Anyo ng mga Biktima ng Digmaan

Ang Nagbabagong Anyo ng mga Biktima ng Digmaan

Ang Nagbabagong Anyo ng mga Biktima ng Digmaan

“ANG mga digmaan sa ngayon ay naiiba mula roon sa mga nakalipas . . . Ang karaniwang mga mamamayan, sa halip na mga sundalo,” ang siyang dumaraming mga biktima, ulat ng “Perspective,” isang programang isinasahimpapawid ng UN Radio. Halimbawa, noong unang digmaang pandaigdig, 5 porsiyento lamang ng lahat ng nasawi ang mga sibilyan. Gayunman, noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang bilang ng mga nasawing sibilyan ay tumaas sa 48 porsiyento. At sa ngayon, sabi ng UN Radio, “halos lahat ng nasasawi sa mga digmaan ay mga sibilyan​—90%​—at karamihan sa mga ito ay mga babae, mga bata at ang mga may edad na.”

Ayon kay Olara Otunnu, na siyang Special Representative for Children and Armed Conflict ng kalihim-panlahat ng UN, “tinatayang dalawang milyong bata ang napatay sa mga armadong labanan mula noong 1987.” Iyan ay katumbas ng mahigit sa 450 batang nabibiktima-ng-digmaan bawat araw sa loob ng nakalipas na 12 taon! Karagdagan pa, sa loob ng yugto ring iyan, mahigit na anim na milyong bata ang malubhang napinsala o tuluyan nang nagkaroon ng kapansanan.

Ang isang paraan upang malabanan ng UN ang lumalaking bilang ng batang nasasawi-sa-digmaan, mungkahi ni G. Otunnu, ay sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga sona ng kapayapaan. “Ang mga lugar kung saan maraming bata, tulad ng mga paaralan, mga ospital, at mga palaruan, ay dapat na ituring bilang mga sona na walang-digmaan.” Gayunman, dagdag pa ng UN Radio, “ang paghadlang sa mga digmaan unang-una na” ang pinakaepektibong paraan upang matiyak ng UN na ang karaniwang mga mamamayan ay hindi maging mga biktima ng digmaan. Sa katunayan, ang pagpawi ng nasasawi sa digmaan ay talagang nangangailangan ng pagpawi mismo sa digmaan. Mangyayari pa kaya iyan?

Dahil sa mahabang ulat ng mga digmaan ng sangkatauhan, karamihan ng mga tao ay makatuwirang nakadarama na ang mga tao ay hindi kailanman makapagdudulot ng pambuong daigdig na kapayapaan. Gayunman, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nangangako na gagawin ito ng Diyos na Jehova: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:9) Kailan ba ito magaganap? At bakit ka makatitiyak na ang pangako ng Diyos na isang pambuong daigdig na kapayapaan ay matutupad? Kung nais mong tumanggap ng sagot sa mga tanong na ito, pakisuyong sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, na ginagamit ang pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5, o tumawag sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na matatagpuan malapit sa inyo. Walang anumang mga pananagutan at bayad​—tuwirang mga sagot lamang.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

UN PHOTO 156450/J. Isaac