Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bratislava—Sinaunang Ilog na Tawiran na Naging Modernong Kabisera

Bratislava—Sinaunang Ilog na Tawiran na Naging Modernong Kabisera

Bratislava​—Sinaunang Ilog na Tawiran na Naging Modernong Kabisera

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SLOVAKIA

GUNIGUNIHIN mong makapaglalakbay kang pabalik sa taóng 1741. Nadarama mo ang pananabik ng mga tao. Ang masasayang palabas ay maririnig habang ang mga tao’y nagtutulakan at nagsisiksikan upang makalapit hangga’t maaari sa kalyeng malapit nang daanan ng prusisyon. Naroroon ang mga tagabukid na nadaramtan ng kanilang pinakamagandang pang-Linggong kasuutan at ang mga aroganteng tagabayan na nadaramtan naman ng pinakabagong-usong kasuutan, kasama ng mahaharlikang tao na dumating para manood at panoorin. Ang mga sugo ng palasyo ay namimigay ng mga baryang ginto at pilak na may larawan ng isang dalaga, habang ang mga tao naman ay nagsisigawan sa tuwa. Bakit may ganitong pagkakaingay? Si Maria Theresa, ang arkidukesa ng Austria, ay parating sa lunsod upang koronahan bilang ang bagong reyna ng Hungary.

Balik tayo sa kasalukuyan. Kung nais mong pasyalan ang pinagdausan ng mahalagang koronasyong iyon, saan ka pupunta? Hindi sa Vienna, kung saan maraming turista sa ngayon ang humahanga sa maharlikang palasyo ni Maria Theresa, ni sa Budapest, ang kabisera ng modernong-panahong Hungary. Kailangan kang pumunta sa Bratislava, isang lunsod na nasa Danube River, mga 56 na kilometro sa gawing silangan ng Vienna.

Ang Bratislava sa ngayon, isang lunsod na may mga kalahating milyong mamamayan, ang siyang kabisera ng napakagandang Slovakia. Kung ihahambing sa karatig nitong mga kabisera​—ang Budapest, Vienna, at Prague​—ang Bratislava sa ngayon ay maliit lamang. Gayunman, ito ang kabisera noon ng Hungary sa loob ng mahigit na dalawang siglo, at nagtamasa ito ng lahat ng kaluwalhatiang kaugnay ng gayong napakagandang katayuan. Sa katunayan, ang koronasyon ng 11 pinuno ng Hungary ay ginanap sa lunsod na ito. Ngunit bakit kaya gayon na lamang ang pagiging katangi-tangi nito?

Isang Sinaunang Pamayanan

Ipinagmamalaki ng Bratislava ang nakalalamang na posisyon nito sa Danube, ang ikalawang pinakamahabang ilog sa Europa. Noon, ang agos ng Danube ay bumabagal sa lugar na ito at bumababaw, anupat lumilikha ng isang likas na tawiran. Malaon nang tumatawid doon ang mga tao, kasama ang kanilang mga hayop at kariton, bago pa man pagdugtungin ng mga tulay ang magkabilang pampang nito. Kaya naman, mula pa noong unang panahon ay isa nang abalang sangang-daan ang lugar sa paligid ng ngayo’y Bratislava. Sing-aga noong 1500 B.C.E., isa sa mga Amber Routes, mahahalagang daang pangkalakalan na nag-uugnay sa hilagaan at timugang Europa, ang bumagtas sa lunsod na ito. Nang maglaon, ang pagtawid sa katubigang ito ay kinontrol ng isang tanggulan sa karatig na burol na kinatatayuan ngayon ng Bratislava Castle.

Kung mababalikan mo ang nakaraan, sino kaya ang makakasalubong mo sa tawirang ito? Buweno, kung ikaw ay dumating noong mga ikaapat na siglo B.C.E., sasalubungin ka ng mga Celtic na siyang gumawa sa lugar na ito na maging sentro ng kanilang kultura. Ang burol ay nagsilbing isang uri ng acropolis para sa lokal na pamayanan ng mga Celtic, na gumagawa ng mga palayok at nagpupukpok ng mga barya.

Ano kaya naman kung pumasyal ka sa pagsisimula ng ating Karaniwang Panahon? Kung marunong ka nang kaunti sa wikang Latin, baka makausap mo ang ilang tagaroon, sapagkat noon ay naiusod na ng mga Romano ang kanilang hilagaang hangganan patungo sa Danube. Gayunman, sa panahon ding iyon, baka nakasalubong mo rin ang mga Aleman na dumarating mula sa kanluran.

Kung itinaon mo ang iyong pamamasyal sa pagpasok ng Edad Medya, halimbawa’y noong ikawalong siglo, masusumpungan mo ang iyong sarili na pumapasok sa isang halu-halong lahi. Sa panahong ito, ang tinatawag na Napakalaking Pandarayuhan ay naganap na, at nagsimula nang manirahan sa teritoryong iyon ang mga Slavic mula sa silangan. Naitatag naman ng mga Hungaryo ang kanilang tirahan sa timog at napasok na rin ang rehiyon ng Bratislava. Ngunit sa paanuman ay namayani ang impluwensiya ng mga Slavic. Ang patotoo nito ay ang pangalan ng unang tunay na kastilyo sa lugar na iyon na hango sa wikang Slavic, na itinayo noong ikasampung siglo. Nakilala iyon bilang Brezalauspurc, na nangangahulugang “Castle of Braslav”​—na diumano’y ipinangalan sa isang may mataas na ranggong opisyal ng hukbo. Mula sa katawagang ito, kinuha ang Slovak na pangalang Bratislava.

Ang Lunsod Noong Edad Medya

Sa kalaunan, ang bansang tinatawag ngayong Slovakia ay naging bahagi ng Hungary. Itinuturing ng isang ulat sa kasaysayan na may petsa mula 1211 C.E. ang Bratislava Castle bilang ang may pinakamatatag na tanggulang kastilyo sa Hungary. Makalipas ang 30 taon, ang pagtasang ito ay napatunayang tama nang mapagtagumpayan ng kastilyo ang pag-atake ng sumasalakay na mga Tatar. Ang tagumpay na iyan ang siyang nagtulak upang lalong dumami ang naninirahan sa palibot ng kastilyo, at noong 1291, ipinagkaloob ni Haring Ondrej III ng Hungary sa bayan ang ganap na pribilehiyo ng pagiging isang munisipalidad. Kaya naman natamo ng mga mamamayan nito ang karapatang maghalal ng kanilang sariling alkalde, magbiyahe ng kanilang kalakal sa Danube River, at malayang makapangalakal “kapuwa sa katubigan at sa katihan.” Yamang umunlad ang ubasan sa nasisikatan-ng-araw na mga dalisdis sa lunsod, ang karapatan ng mga mamamayan na magtinda ng alak sa kani-kanilang sariling bahay ay labis na ipinagpasalamat.

Nang maglaon, ang lunsod ay pinagkalooban pa ng mga haring Hungaryo ng karagdagang mga pribilehiyo, na nakatulong sa higit pang paglawak. Noong 1526, nagsimulang mamahala ang Bratislava bilang kabisera ng Hungary, isang posisyong hinawakan nito hanggang noong 1784. Samantala, ang halu-halong lahi ng Bratislava ay lalo pang nagkaiba-iba. Ang dati’y halos mga Slavic at Hungaryo na mamamayan nito ay nadagdagan dahil sa pagdagsa ng mga Aleman at Judio. Noong ika-17 siglo, habang lumalaganap ang pananaig ng mga Turko nang pakanluran at pahilaga, maraming taga-Croatia ang nanganlong sa lugar ng Bratislava, gaya ng ginawa ng mga ipinatapong Czech na tumakas nang mas malayo pakunlaran ng Europa dahil sa Tatlumpung Taóng Digmaan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante.

Ang Bratislava Noong Ika-20 Siglo

Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, ang Bratislava ay naging isang multinasyonal at multikultural na lunsod. Noon, ang pinakatiyak na paraan para makuha mo ang iyong kailangan sa isang tindahan ay ang hilingin ito sa wikang Aleman o Hungaryo. Ngunit ang mga Czech at Romano (mga Hitano) ay gumanap din ng mahalagang papel, gaya ng pamayanang Judio. Bago ang Digmaang Pandaigdig I, mga 15 porsiyento lamang ng populasyon ang Slovak. Ngunit pagsapit ng 1921, ang mga Slovak ang naging pinakamarami sa maraming nasyonalidad sa lunsod.

Di-nagtagal at lumukob ang maiitim na ulap ng Digmaang Pandaigdig II sa buong Europa. Kaya naman nagsimula ang masaklap na bahagi ng kasaysayan ng Bratislava, na gumulo sa etnikong pagkakaisa ng lunsod. Una, sapilitang pinaalis ang mga Czech. Pagkatapos, ang mga naninirahang Romano at Judio ay ipinatapon, at sa dakong huli ay libu-libo ang namatay sa mga kampong piitan. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, karamihan sa mga residenteng nagsasalita ng Aleman ay pinaalis din. Sa wakas, ang mga miyembro ng bawat grupong etnikong ito ay nakabalik sa kanilang dating bayan, at ang kanilang pagkanaroroon ay nagpapaunlad pa rin sa kapaligiran ng Bratislava.

Pamamasyal sa Bratislava sa Ngayon

Bakit hindi ka sumama sa aming paglalakad-lakad sa Bratislava sa ngayon? Una, papasyal tayo sa napakaganda ang pagkakatayong-muli na Bratislava Castle. Mula sa hardin ng kastilyo, matutuwa tayo sa napakagandang tanawin ng lunsod na nakalatag sa magkabilang panig ng Danube River.

Pababa sa burol, sa ibaba lamang ng kinatatayuan ng kastilyo, masusumpungan natin ang ating mga sarili na nasa Lumang Lunsod, ang makasaysayang sentro ng Bratislava. Habang naglalakad sa makukulay at makikitid na kalye, para bang nalalanghap natin ang hangin ng nakalipas na mga siglo. Hinahangaan natin ang kaakit-akit na arkitektura ng mga palasyo at mga bahay sa bayan. Kung gusto mo, puwede muna tayong pumasok sa isa sa mga makasaysayang kapiterya para magkape o magtsaa at tumikim ng ilang popular na mga pastelerya ng Bratislava na sinamahan ng mga walnut o poppy seed.

Sa buong taon, tuwang-tuwa ang mga bisita na maglakad-lakad sa mga pampang ng Danube sa tabi ng Lumang Lunsod. Dito’y hindi maaaring hindi nila makita ang isang simbolo ng modernong Bratislava​—ang Bagong Tulay na may restauran sa itaas ng nakahilig na tore nito. Ang disenyong ito ay nagbibigay ng impresyon na ang restauran ay nasa ibabaw ng kabahayan sa Petržalka sa kabilang panig ng ilog.

Kung sa palagay mo’y napakaraming itinatayong gusali sa Bratislava, tama ka. Bukod sa katatayong-muli lamang na mga bahagi ng Lumang Lunsod, nagsulputan din ang kaakit-akit na mga istrakturang yari sa bakal at salamin noong mga taon ng 1990, at patuloy pa itong dumarami. Ang mga opisina, sentro ng negosyo, at mga bangkong ito ang nagbigay ng modernong hitsura nito sa lunsod.

Mangyari pa, nanaisin mong magkaroon ng magandang souvenir ng iyong pamamasyal. Kaya puwede tayong dumaan muna sa mga tindahan na nagbibili ng mga produktong gawa sa kamay, gaya ng magagandang lace na mantel o mga manyikang nakakostiyum. O kung gusto mo, puwede tayong pumunta sa walang-bubong na Main Square Market, na doo’y makapamimili ka na gaya ng ginagawa ng mga residente ng Bratislava sa loob ng maraming siglo. Baka nais mo ring pasyalan ang magandang tanggapang pasangay ng Samahang Watch Tower na nasa lunsod na ito.

Marahil balang araw ay aktuwal na mapapasyalan mo ang Bratislava. At kung magagawa mo ito, walang-pagsalang matutuwa ka sa makulay at modernong kabiserang ito na lumitaw mula sa isang sinaunang ilog na tawiran.

[Larawan sa pahina 15]

Si Maria Theresa

[Credit Line]

North Wind Picture Archives

[Larawan sa pahina 16, 17]

Slovak National Theatre

[Larawan sa pahina 17]

Isang kalye sa Lumang Lunsod

[Larawan sa pahina 18]

Ang Bagong Tulay at ang nakahilig na tore

[Larawan sa pahina 18]

Tanggapang pansangay at Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova