Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Tinanggihan ang Pagrerehistro ng mga Jesuita sa Russia
Tinanggihan ng Ministri ng Katarungan sa Russia ang aplikasyon ng Society of Jesus para sa pagpaparehistro bilang isang hiwalay na relihiyosong organisasyon, ulat ng National Catholic Reporter. Ang Society of Jesus, na karaniwang kilala bilang ang mga Jesuita, ay itinatag noong 1540. Sa ilalim ng bagong batas sa relihiyon ng Russia, ang karamihan sa relihiyosong mga organisasyon ay hinilingan na muling magparehistro upang tumanggap ng legal na pagkilala. Ang mga grupo na tinanggihan ang pagrerehistro ay hindi maaaring mag-imprenta o mamahagi ng relihiyosong literatura, mag-anyaya ng banyagang mga mamamayan para sa relihiyosong mga gawain, o magtayo ng mga pasilidad na pang-edukasyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay muling nairehistro sa buong bansa noong Abril 29, 1999.
Tumaas ang Pagpapatiwakal sa Hapon
Mas maraming tao sa Hapon ang nagpatiwakal noong 1998 kaysa sa alinmang nakalipas na taon, ulat ng The Daily Yomiuri. Ayon sa National Police Agency ng Hapon, 32,863 tao ang nagpatiwakal noong 1998—mahigit na tatlong beses ang dami sa bilang ng nasawi sa mga aksidente sa daan sa Hapon. Ang karamihan sa pagdami ay iniuugnay sa mga suliraning pinansiyal dahil sa kawalan ng hanapbuhay, na malubhang nakaapekto sa bansa matapos ang kamakailang pagbagsak ng ekonomiya. Ang pagpapatiwakal ang ikaanim na pangunahing dahilan ng kamatayan sa Hapon.
Nakamamatay na Polusyon sa Hangin
“Ang trapiko sa daan ang pinakamabilis na lumalaking pinagmumulan ng polusyon sa Europa at mas maraming tao sa ilang bansa ang namamatay bunga ng polusyong ito sa hangin kaysa sa namamatay sa mga aksidente [sa lansangan],” ulat ng paglilingkod balita ng Reuters. Ayon sa isang pag-aaral ng World Health Organization, 21,000 tao sa Austria, Pransiya, at Switzerland ang maagang namamatay bawat taon mula sa mga sakit sa palahingahan o sakit sa puso na nagsimula dahil sa polusyon sa hangin. Sa isang hiwalay na ulat, tinataya na sa 36 na lunsod sa India, 110 tao ang maagang namamatay araw-araw bunga ng polusyon sa hangin.
Mabilis na Naglalaho ang Elektronikong Impormasyon
Sinasabi ng mga siyentipiko sa computer sa loob ng maraming taon na ang pag-iimbak ng impormasyon sa anyong elektroniko ay mas maaasahan kaysa sa pag-iimbak nito sa papel. Gayunman, ang mga katiwala sa aklatan at mga arkibista ay may iba nang sinasabi hinggil dito. “Naiwawala natin ang malalaking bilang ng maka-siyentipiko at makasaysayang materyales dahil sa pagkasira o sa kalumaan,” sabi ng magasing Newsweek. Ang mga elektronikong sistema ng pag-iimbak tulad ng mga disk drive ay sensitibo sa init, halumigmig, oksidasyon, at ligaw na mga magnetic field. At depende sa mga kalagayan ng pag-iimbak, ang magnetikong tape na ginagamit sa pag-iimbak ng mga elektronikong impormasyon ay maaari lamang tumagal nang hanggang isang dekada, sabi ng magasin. Ang isa pang hamon para doon sa mga nagsisikap na mapanatili ang elektronikong impormasyon ay ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya. Ang mga piyesa na ginagamit upang mag-imbak ng impormasyon ay napakabilis na nagbabago anupat ang elektronikong mga sistema ng pag-iimbak ay mabilis na naluluma. Sabi ni Abby Smith, ng Council on Library and Information Resources: “Walang masyadong pag-asa na maingatan ang impormasyon, malibang magtago ka ng maraming mas lumang modelo ng mga tape player at mga PC [personal na mga computer].”
Lumampas sa Isang Bilyon ang Populasyon ng India
Ayon sa United Nations Population Division, lumampas sa isang bilyon ang populasyon ng India noong Agosto 1999. Mahigit na 50 taon lamang ang nakalilipas, ang populasyon ng India ay sangkatlo lamang ng bilang sa ngayon. Kung magpapatuloy itong dumami sa kasalukuyang bilis nito na 1.6 porsiyento bawat taon, sa loob ng apat na dekada, malalampasan ng India ang Tsina bilang ang pinakamataong bansa. “Ang India at Tsina pa lamang ay kumakatawan na sa mahigit na sangkatlo ng bilang na mga tao sa daigdig,” ulat ng The New York Times. Sa loob ng wala pang kalahating siglo, ang haba ng buhay sa India ay tumaas mula 39 na taon tungo sa 63 taon.
Bumababa ang Bilang ng Nag-aasawa sa Estados Unidos
Nasumpungan ng isang pag-aaral ng National Marriage Project ng Rutgers University na bumaba ang bilang ng nag-aasawa sa Estados Unidos sa pinakamababang antas nito sa nasusulat na kasaysayan, ulat ng The Washington Post sa Web site nito. Sinabi rin ng pag-aaral na kaagad-agad pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, 80 porsiyento ng mga bata sa bansa ang pinalalaki sa isang pamilya na may dalawang tunay na mga magulang. Gayunman, sa ngayon, ang bilang ay bumaba sa 60 porsiyento. “Ang porsiyento ng mga tin-edyer na babae na nagsabing ang pagiging dalagang ina ay isang ‘kapaki-pakinabang
na istilo-ng-buhay’ ay tumaas mula 33 porsiyento tungo sa 53 porsiyento sa nakalipas na dalawang dekada,” sabi ng ulat. Hindi kataka-taka na sinabi ng ulat: “Ang institusyon sa pag-aasawa ay nasa malubhang kalagayan”!Mga Suliranin sa Edukasyon sa Aprika
Mahigit sa 40 milyong bata na nasa sapat na edad para mag-aral sa sub-Sahara ng Aprika ang hindi nag-aaral, ulat ng All Africa News Agency. Maraming suliranin ang sumasalot sa mga sistema ng paaralan sa rehiyon. Halimbawa, bunga ng mga suliranin sa ekonomiya, maraming paaralan ang walang tubig at kakaunti ang mayroon o walang palikuran. May kakulangan sa mga aklat-aralin, at ang mga guro ay hindi nasanay na mabuti. Karagdagan sa mga suliranin sa ekonomiya, napakaraming tin-edyer na babae ang nabubuntis, na siyang pangunahing dahilan kung bakit ang marami sa kanila ay humihinto sa pag-aaral. Ang AIDS ay may masama ring epekto sa bilang ng pumapasok sa paaralan. “Mas maraming kabataan ang nahawahan ng AIDS dahil sa maagang pakikipagtalik sa gitna ng mga kabataan,” sabi ng Africa News. Sa ilang mga kaso ang mga babae na hindi nahawahan ng AIDS ay hinihilingan na manatili sa bahay upang mag-alaga ng mga kamag-anak na nahawahan ng nasabing sakit. Sinabi ni Dr. Edward Fiske, pangunahing espesyalista ng edukasyon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization: “Kung walang paaralan, ang kinabukasan para sa karamihan ng mga bansa sa Sub-Sahara ng Aprika ay nakabitin sa alanganin.”
Momiya na Nasumpungang May Artipisyal na Daliri sa Paa
“Isang artipisyal na daliri sa paa na nasumpungang nakakabit sa isang momiya ang tila ginamit habang ito ay nabubuhay bago inilibing kasama ang may-ari nito 2,500 taon na ang nakalilipas,” ulat ng The Sunday Times ng London. Ang huwad na daliri sa paa, na gawa sa lino na ibinabad sa kola na mula sa hayop at eskayola, ay inilarawan ni Dr. Nicholas Reeves na “pino ang pagkakagawa, mahusay ang pagkakadisenyo, ginawa nang may kasanayan at matibay, at maliwanag na pinasadya.” Ang daliri sa paa ay may nakakabit na kuko ng paa at napinturahan ng tulad-balat na kulay. Sunud-sunod na walong butas ang binarena sa daliri sa paa para mapagkabitan. Maingat na sinusundan ng mga butas ang linya ng isang hugis-Y na istrap ng sandalyas upang kapag ang daliri sa paa ay nakakabit, ang mga butas ay natatakpan ng istrap ng sandalyas.
Sakit ng Ulo Dahil sa mga Pamatay-Kirot!
Yaong mga umiinom ng gamot para sa mga sakit ng ulo nang tatlo o higit pang beses bawat linggo ay maaaring dumaranas ng medication misuse headache (MMH). Inaakalang nakaaapekto sa 1 sa bawat 50 tao, ang MMH ay sanhi ng simpleng mga gamot, tulad ng aspirin, at gayundin ng mga inireresetang pamatay-kirot. Kapag lumipas na ang epekto ng analgesic, ang gamot ay makapagdudulot ng sakit ng ulo na napagkakamalan ng pasyente na karaniwang sakit ng ulo o migraine. Umiinom ang pasyente ng mas marami pang pamatay-kirot, sa gayo’y inuulit ang siklo. Ipinaliwanag ni Dr. Tim Steiner, ng Imperial College, London, na “sinumang pasyente na dumaraing ng malalang sakit ng ulo araw-araw ay dapat na ipagpalagay na may MMH.” Sinabi rin niya na bagaman nakilala na sa nakalipas na mga taon ang kalagayan, karamihan sa mga doktor ng pamilya ay di-pamilyar dito at basta nagrereseta ng mas malalakas na pamatay-kirot, samantalang ang tanging kailangan lamang ay ang pagtigil ng mga pasyente sa pag-inom ng mga ito, ulat ng The Sunday Telegraph ng London.
Pangangalaga sa Dila
Ang mga baktirya na nagtatago sa likod ng inyong dila ay makagagawa ng mga gas ng asupre na nagiging sanhi ng mabahong hininga, sabi ng isang ulat sa pahayagang Prince George Citizen. “Ang baktirya ay namumugad sa tuyo, walang-oksihenong kapaligiran na siyang dahilan kung bakit sila nabubuhay sa mga siwang at mga butas na malayo sa hangin na ipinapasok natin sa ating mga baga,” sabi ng ulat. Ang pagsisipilyo at paggamit ng floss sa inyong ngipin ay makatutulong, ngunit halos 25 porsiyento lamang ng baktirya ang naalis sa pamamagitan ng pagsisipilyo. Naniniwala ang dentista na si Allan Grove na ang pagkayas sa dila, na isang sinaunang tradisyon sa Europa, ay “ang pangunahing pinakaimportanteng bagay na magagawa mo upang maiwasan ang mabahong hininga.” Ang paggamit ng isang plastik na pangkayas “ay mas mahusay kaysa sa isang sipilyo sa pagpapanatiling malinis at malarosas ng dila,” sabi ng Citizen.
Isang Bagong Mata sa Uniberso
Ang teleskopyong Gemini North, na nakabase sa Mauna Kea, sa Hawaii, ay unang nakatanaw sa uniberso noong Hunyo 1999. Ang salamin nito na tagapag-ipon ng liwanag, na 8.1 metro ang diyametro, ay magpapangyari sa mga astronomo na pagmasdan ang pinakamalalabong bagay sa malalayong bahagi ng kalawakan, ulat ng pahayagang Independent ng London. Kapuwa ang Gemini North at ang nakabase sa kalawakan na teleskopyong Hubble ay tumutulong sa mga astronomo na tingnan ang mga pangyayari na naganap noong matagal nang panahon at sa gayo’y “makatanaw sa nakalipas.” Ang kalamangan ng teleskopyong Hubble ay na ito ay nasa kalawakan. Ang Gemini, bagaman nasa lupa, ay umaasa sa kagamitang computer upang mag-alis ng panlalabo na sanhi ng kaguluhan sa atmospera, at nagbibigay ng mga larawan na kasinlinaw niyaong mula sa Hubble—kung hindi man mas malinaw.