Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasamapa sa Kalangitan—Noon at Ngayon

Pagsasamapa sa Kalangitan—Noon at Ngayon

Pagsasamapa sa Kalangitan​—Noon at Ngayon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS

ANG tanawin ng mga bituin na nakakalat sa maitim at tulad-pelus na langit ay malimit na ikamangha ng tao, at sa buong kasaysayan ay pinakilos siya nito na ipahayag ang kaniyang paghanga sa Maylalang ng gayong kagandahan. Noon pa man, ibinulalas na ng isang makata: “Ang mga langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.” (Awit 19:1) Gayunman, higit pa sa kagandahan ang nakita ng sinaunang mga tagamasid sa langit kung gabi.

Pagkasumpong ng mga Anyo sa Langit

Napansin ng mga astronomo noong nakalipas na panahon na ang buong kalipunan ng mga bituin ay mistulang gumagalaw sa isang maayos na paraan. Bagaman ang mga bituin ay nagdaraan sa langit mula sa silangan pakanluran, hindi nagbabago ang posisyon ng mga ito may kaugnayan sa isa’t isa. * Sa ibang salita, gabi-gabi, ang gayunding kalipunan ng mga bituin ang makikita. Yamang nais ng tao na igawa ng kaayusan ang di-mabilang na mga bituin na ito, pinaggrupu-grupo niya ang mga bituin. Sa pamamagitan ng kaunting imahinasyon, ang mga grupong ito ay itinulad sa mga hayop, tao, o walang-buhay na mga bagay. Sa ganitong paraan nabuo ang kinaugaliang pagtukoy sa itinakdang mga kaayusan ng mga bituin bilang mga konstelasyon.

Ang ilan sa mga konstelasyon na kilala natin ngayon ay unang inilarawan sa sinaunang Babilonya. Kabilang dito ang 12 konstelasyon na kumakatawan sa mga sagisag ng zodiac. Ang mga ito ay gumanap​—at gumaganap pa rin​—ng isang mahalagang papel sa astrolohiya, ang panghuhula na salig sa ipinalalagay na impluwensiya ng mga bituin sa buhay ng tao. Subalit, ang paghahanap ng mga tanda sa mga bituin ay hinahatulan sa Bibliya. (Deuteronomio 18:10-12) Gayunpaman, alam ng mga mananamba ng Diyos na Jehova ang pag-iral ng mga konstelasyon. Halimbawa, ang aklat ng Bibliya na Job ay bumabanggit tungkol kay Jehova bilang ang isa na ‘lumilikha sa konstelasyon ng Ash, sa konstelasyon ng Kesil, at sa konstelasyon ng Kima.’​—Job 9:9.

Ang mga pangalan ng marami sa mga konstelasyon na kilala natin sa ngayon ay galing sa mitolohiyang Griego. Ang mga pangalang tulad ng Cepheus, Cassiopeia, Andromeda, at Hercules ay matatagpuan pa rin sa makabagong-panahong mga tsart ng mga bituin.

Ang mga Tsart ng mga Bituin Noong Nakalipas

Noong mga 150 C.E., ang astronomong Griego na si Ptolemy ay gumawa ng isang sumaryo ng kaalaman sa astronomiya noong kaniyang kapanahunan. Ang sumaryong ito, na pinamagatang Almagest, ay may talaan ng 48 konstelasyon. Ang mga tsart at mga atlas tungkol sa langit na ginawa noong nakalipas na mga siglo pagkatapos ni Ptolemy ay karaniwan nang nagtatampok ng gayunding 48 konstelasyon. Sa katunayan, hanggang noong mga ika-16 na siglo, hindi nagbago ang bilang ng mga konstelasyon. * Nang maglaon, 40 iba pang konstelasyon ang nadagdag. Noong 1922, opisyal na ginamit ng International Astronomical Union ang talaan ng 88 konstelasyong ito.

Bukod sa mga konstelasyon, kasali sa inilathala ni Ptolemy ang isang listahan ng mahigit sa isang libong bituin, na may impormasyon tungkol sa kanilang kaningningan at sa posisyon ng mga ito sa kalangitan. Hindi lamang ibinibigay ni Ptolemy ang posisyon ng isang bituin batay sa longhitud at latitud ng langit kundi nagbibigay pa siya ng higit na detalye. Halimbawa, ang isang bituin sa konstelasyong Ursa Major, o Great Bear, ay inilalarawan bilang “ang bituin sa pasimula ng buntot,” at ang kinaroroonan ng isang kometa ay binanggit na “nasa gawing kaliwa ng kanang tuhod ni Andromeda.” Kaya nga, “bawat mahusay na astronomo,” ang sabi ng isang aklat-aralin, “ay kailangang nakababatid sa anatomya ng langit!”

Subalit, bakit ang karamihan sa sinaunang mga konstelasyon ay matatagpuan sa gawing hilaga ng langit? Iyon ay sapagkat ang nakaugaliang pagtukoy sa ilang grupo ng mga bituin bilang mga konstelasyon ay nagsimula sa lugar ng Mediteraneo, kung saan kitang-kita ang gawing hilaga ng langit, ang paliwanag ng isang kartograpo ng langit. Saka lamang nakita ang bagong mga konstelasyon nang simulan ng tao na galugarin ang gawing timog ng langit. Ang ilan sa bagong mga konstelasyong ito ay may pangalan na gaya ng Chemical Furnace, Pendulum Clock, Microscope, at Telescope.

“Ang Mabituing Langit ng mga Kristiyano”

Noong 1627, inilathala ng iskolar na Aleman na si Julius Schiller ang isang atlas hinggil sa mga bituin na may pamagat na Coelum Stellatum Christianum (Ang Mabituing Langit ng mga Kristiyano). Nadama niya na panahon na para alisin ang bahid ng paganismo sa kalangitan. Kaya, sinimulan niyang alisin ang mga paganong anyo sa langit at hinalinhan ang mga ito ng mga anyong mula sa Bibliya. Ipinaliliwanag ng aklat na The Mapping of the Heavens na inilaan niya “ang kalangitan na nasa gawing hilaga sa Bagong Tipan at sa Lumang Tipan naman yaong nasa gawing timog.” “Ang timugang hemispero ni Schiller ay ginawang isang parada ng mga tauhan sa Lumang Tipan​—ang Indian at ang Peacock ay naging si Job, ang Centaur ay naging si Abraham at si Isaac.” Sa Hilagang Hemispero, “si Cassiopeia ay naging si Maria Magdalena, si Perseus ay naging si San Pablo, samantalang ang labindalawang sagisag ng Zodiac ay madali namang pinalitan ng labindalawang apostol.”

Isang konstelasyon lamang ang hindi naapektuhan ng pagbabagong ito. Iyon ay ang Columba (Kalapati), na ipinalalagay na kumakatawan sa kalapati na pinalipad ni Noe upang maghanap ng tuyong lupa.

Pagbabago ng mga Mapa

Sa paglipas ng panahon, nagbago ang hitsura ng mga tsart ng mga bituin. Noong ika-17 siglo, pagkatapos na maimbento ang teleskopyo, bumangon ang pangangailangan ukol sa mga tsart na nagbibigay ng mas tumpak na mga posisyon ng mga bituin. Bukod dito, ang masalimuot na mga palamuti na nagkalat sa mas naunang mga tsart ay unti-unting nabawasan at nang dakong huli ay naglaho. Sa ngayon, karamihan sa mga atlas hinggil sa mga bituin ay naglalaman na lamang ng mga bituin, kulumpon ng mga bituin, nebula, galaksi, at iba pang bagay na interesante sa mga tagamasid sa langit kung gabi.

Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, sinimulang gawin ang mga katalogo na mas detalyado. Isa sa mga tagapanguna sa larangang ito ay ang astronomong Aleman na si Friedrich Wilhelm Argelander. Kasama ang maraming katulong, pinasimulan niya ang malaking trabaho ng paggawa ng isang katalogo ng mga bituin sa gawing hilaga ng langit. Sa tulong ng teleskopyo, natagpuan nila ang mga 325,000 bituin at nasukat ang posisyon at ang antas ng kaningningan ng bawat isa sa mga ito. Yamang ang obserbatoryo na kung saan sila ay nagtrabaho ay matatagpuan sa lunsod ng Bonn sa Alemanya, ang katalogo ay nakilala bilang ang Bonner Durchmusterung (Pangkalahatang Surbey sa Bonn). Inilathala ito noong 1863. Pagkamatay ni Argelander, ipinagpatuloy ng isa sa kaniyang mga katulong ang kaniyang gawain. Isinamapa nito ang mga bituin sa gawing timog ng langit at inilathala ang kaniyang akda bilang ang Südliche Bonner Durchmusterung (Pangkalahatang Surbey ng Gawing Timog sa Bonn). Ang panghuling surbey ay inilathala noong 1930. Inilabas ito sa Cordoba, Argentina. Nanatili ang kahalagahan ng mga katalogong ito hanggang sa kasalukuyan.

Ngayon at sa Hinaharap

Ang akda ni Argelander at ng kaniyang mga kahalili ay sinundan pa ng mas mahuhusay na katalogo. Gayunman, nito lamang nakalipas na mga taon, nang makagawa ng mga teleskopyong pangkalawakan, ang hindi lubos-maisip na mga tagumpay sa paggawa ng mapa ay naging posible. Sa tulong ng Hubble Space Telescope, natipon na ngayon ng mga astronomo ang isang katalogo na naglalaman ng halos 15 milyong bituin!

Ang isang bagong pagsulong hinggil sa pagsasamapa sa kalangitan ay ang paglalathala sa dalawang bagong katalogo ng European Space Agency. Batay ito sa mga obserbasyong ginawa sa pamamagitan ng teleskopyong pangkalawakan ng satelayt na Hipparcos. Ang katumpakan ng mga katalogong ito ay hindi pa napapantayan. Salig sa mga katalogong ito, nakagawa ng mga bagong inilimbag na mga atlas hinggil sa mga bituin. Isa rito ay ang detalyadong atlas na may tatlong tomo na tinatawag na Millennium Star Atlas.

Maaaring ipaalaala ng pamagat na iyan sa mga mambabasa ng Bibliya ang tungkol sa Milenyo, o ang mapayapang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na binanggit sa Bibliya. (Apocalipsis 20:4) Sa panahong iyon, walang-alinlangan na mas maraming matututuhan ang tao tungkol sa kamangha-manghang sansinukob, na kahit ang pinakamalalaking atlas sa ngayon hinggil sa mga bituin ay makagagawa ng tsart para sa maliit lamang na bahagi nito.

[Mga talababa]

^ par. 5 Lingid sa sinaunang mga tao, ang waring paggalaw na ito ng mga bituin ay sanhi ng pag-ikot ng lupa sa palibot ng axis nito. Ito rin ang dahilan kung kaya ang araw ay waring sumisikat at lumulubog.

^ par. 9 Ang 48 konstelasyong ito ay kilala noon sa Mesopotamia, sa Mediteraneo, at sa Europa. Nang maglaon, ang mga ito ay nakilala rin niyaong mga nandayuhan sa Hilagang Amerika at Australia. Gayunman, ang ibang mga lahi, tulad ng mga Tsino at ng mga Indian sa Hilagang Amerika, ay may sinunod na ibang dibisyon ng langit.

[Larawan sa pahina 25]

Apian’s Star Chart, 1540

[Credit Line]

By permission of the British Library (Maps C.6.d.5.: Apian’s Star Chart)

[Larawan sa pahina 26]

Ang Timugang Hemispero gaya ng naisamapa noong ika-19 na siglo

[Credit Line]

© 1998 Visual Language

[Larawan sa pahina 27]

Ang konstelasyong Orion gaya ng makikita sa isang modernong tsart ng mga bituin

[Picture Credit Line sa pahina 27]

Larawan sa likuran sa pahina 25-7: Courtesy of ROE/Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin