Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hagdan na Patungo sa Langit

Hagdan na Patungo sa Langit

Hagdan na Patungo sa Langit

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PILIPINAS

ANG kabuuang haba nito ay sinasabing sampung beses niyaong haba ng Great Wall ng Tsina. Sinasabi ng ilan na kung pagdudugtung-dugtungin ang mga bahagi nito, aabot ito ng 20,000 kilometro​—o kalahati ng palibot sa daigdig! Tinatawag pa nga ito ng ilan na ikawalong kababalaghan sa daigdig. Gayunpaman, maraming tao ang hindi pa nakarinig kailanman sa kamangha-manghang tanawing ito sa Pilipinas. Ano ito? Ang hagdan na patungo sa langit, ang rice terraces (hagdan-hagdang palayan) ng Cordillera Central. Nakatago sa mga bulubundukin ng Luzon, ang terraces ay isang kamangha-manghang pagtatanghal ng kagandahan at katalinuhan.

Bakit ginawa ang mga ito? Ang mga bundok ng Cordillera ay masyadong matatarik anupat karaniwang hindi nagagamit ang mga ito para sa pagsasaka. Ang pagkakahilig ng ilang dalisdis ay lumalampas sa 50 porsiyento. Ngunit hindi napigilan nito ang sinaunang mga magsasaka. Sa taas na 1,200 metro o higit pa, umukit sila ng libu-libong terraces sa gilid ng luntiang mga bundok. Kung minsan 25, 30, o higit pa ang pinagpatung-patong na gaya ng isang hagdan na pataas sa langit. At ang bawat terrace ay bukid na lubog sa tubig, napaliligiran ng dikeng putik at pinananatili sa pamamagitan ng mga pader na bato. Ang karamihan ay natatamnan ng palay at sumusunod sa hugis ng mga bundok; ang ilang dalisdis ay nakalundô, ang ilan ay nakaumbok.

Sabihin pa, ang terraces na pang-agrikultura ay hindi lamang natatangi sa Pilipinas. Ang terrace na ginawang mga bukid ay masusumpungan din sa Timog-silangang Asia, Timog Amerika, at sa ilang bahagi ng Aprika. Ngunit natatangi sa maraming paraan ang rice terraces ng Pilipinas. Sinabi ni Mario Movillon, ng International Rice Research Institute, sa Gumising!: “Ang rice terraces ng Pilipinas ay higit na mas malaki ang sukat kaysa sa terraces sa ibang mga bansa. Nasasakupan ng mga ito ang malaking bahagi ng mga bundok ng Cordillera.” Isang malaking bahagi ay nasa Lalawigan ng Ifugao. Hindi maiiwasang humanga ng isa sa pagkarami-raming terraces. Nagdaragdag ang mga ito ng nakaukit na kagandahan sa likas na hugis ng mga bundok.

Isang Kababalaghan sa Daigdig?

Kalabisan ba na tawagin ang mga ito na ikawalong kababalaghan sa daigdig? Buweno, isaalang-alang ang katotohanang ito: Maaaring ang mga ito ang pinakamalaki at nag-iisang proyektong pang-agrikultura sa kasaysayan ng tao. Noong Disyembre 1995, nagpasiya ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization na ibilang ang rice terraces ng Ifugao sa World Heritage List nito. Bunga nito, ang terraces ay kahanay na ngayon sa ibang mga lugar na may malaking kahalagahang pangkasaysayan at pangkultura, tulad ng Taj Mahal sa India, ng Isla ng Galapagos ng Ecuador, ng Great Wall ng Tsina, at ng Angkor Wat ng Cambodia. Ngunit di-tulad ng sinaunang mga proyekto ng pagtatayo, gaya ng mga piramide ng Ehipto, ang terraces ay maliwanag na itinayo sa pamamagitan ng pagsisikap ng komunidad​—hindi ng sapilitang pagtatrabaho. Gayundin, ang mga ito ay hindi pinabayaang lugar kundi patuloy pa ring sinasaka ng mga Ifugao.

Kung dadalawin mo ang terraces, personal mong mararanasan ang kanilang makapigil-hiningang kagandahan. Makakakita ka ng mga tao na nagtatrabaho sa terraces, na may sukat na mula sa ilang metro kuwadrado hanggang 10,000 metro kuwadrado. Tinutusok ng ilang mga manggagawa ang lupa sa pamamagitan ng mga patpat upang tumagas ang tubig, at umaawit sila habang nagtatrabaho. Ang ilan ay nagtatanim ng palay, naglilipat ng mga binhi, o nag-aani ng kanilang mga pananim. Kapag dumalaw ka sa panahong sumisibol ang palay, ang terraces ay nagiging magandang mosaic ng iba’t ibang kulay ng berde.

Hindi mabubuhay ang mga uri ng palay na tumutubo sa matubig na bukid kung walang saganang tubig. Kaya may masalimuot na sistema ng patubig. Ginagamit ang mga batis ng kabundukan, at ang tubig ay pinaaagos sa terraces sa pamamagitan ng masalimuot na sistema ng mga kanal at mga tubong kawayan. Pinakikilos ng grabidad, isang maaasahang suplay ng tubig ang pinaaagos mula sa isang terrace tungo sa ibang terrace. Sa halip na maging isang patay na bantayog, ang terraces ay tunay na isang nabubuhay na kababalaghan!

Sino ang Gumawa sa mga Ito?

Maliwanag na ang libu-libong terraces na ito ay hindi maaaring ginawa sa sandaling panahon lamang, o kahit na sa loob ng ilang mga taon. Tandaan, ang konstruksiyong ito ay isinagawa nang walang anumang makabagong mga kasangkapan o makinarya. Pinaniniwalaan kung gayon na sinimulang gawin ang mga terrace humigit-kumulang ilang daang taon na ang nakalipas.

Naniniwala pa nga ang ilang arkeologo na ang gawain ay nagsimula mga 2,000 taon na ang nakalilipas. Sinasabi ng mga antropologo na ang mga gumawa ay nandayuhan mula sa hilagaang Indochina o mula sa Indonesia at nanirahan sa Luzon, anupat dala-dala nila ang kanilang kultura sa pagtatanim sa mga terrace ng palay na nabubuhay sa matubig na bukid. Pagkatapos magawa ang terraces, paunti-unting idinagdag ang mas bagong mga baitang.

Kung Paano Masisiyahan sa mga Ito

Maglibot tayo ngayon sa terraces sa pamamagitan ng imahinasyon. Una ay sasakay tayo ng isang bus na may air-condition mula sa Manila patungo sa bayan ng Banaue, Ifugao. Ang biyahe ay tatagal nang halos siyam na oras. Ngayon ay napapaharap tayo sa ilang mapagpipilian. Maaaring magpasiya tayong maglakad, sumakay ng tricycle (isang motorsiklo na may sidecar), o sumakay sa isang dyip patungo sa iba’t ibang mga lugar na kinawiwilihan. At kung taglay natin ang pagnanais at ang lakas, baka gustuhin nating lakarin ang isa sa mga landas na patungo sa mga mabundok na lugar na mararating lamang sa pamamagitan ng paglalakad. Maghahantad ang mga ito ng ilan sa pinakakagila-gilalas na mga tanawin ng terraces at mas magpapadama sa isa sa pagiging napakalawak ng kababalaghang ito na gawa ng tao.

Pinili nating sumakay ng dyip patungo sa nayon ng Batad. Gumugol tayo ng mahigit na isang oras sa biyahe sa mahirap na mga daan sa kabundukan upang marating ang dako na 12 kilometro ang taas. Mula rito, naglakad tayo sa isang makitid na landas. Madaraanan natin dito ang iba’t ibang taniman sa bundok habang unti-unti tayong umaakyat patungo sa isang tagaytay sa pagitan ng dalawang mas mataas na dako. (May mas maigsing ruta, ngunit ito ay napakatarik at hindi inirerekomenda sa mga hindi sanay sa mapuwersang pag-akyat.) Mula sa tagaytay ay unti-unti tayong bababa patungong Batad sa isang makipot na landas.

Pagkatapos maglakad nang dalawang oras, na nasisiyahan sa sariwang hangin ng bundok habang nasa daan, sa wakas ay narating din natin ang ating patutunguhan. Dito ay malulugod tayong pagmasdan ang tanawin ng terraces. Yamang ang Batad ay nakaharap sa isang dalisdis ng bundok na nakauka nang pabilog, ang terraces ay nasa hugis ng isang malaking amphitheater. May napakagandang anyo ng padron ng mga linya ang mga ito, magkakasunod na baitang, tulad ng isang hagdan patungo sa langit. Habang papalapit tayo sa nayon, nakikita natin ang makalumang-istilo ng mga bahay ng Ifugao, na nakapangalat sa nayon tulad ng higanteng mga kabute na nababalutan ng damo.

Ang mga tao ay palakaibigan at bumati sa atin habang nadaraanan natin sila na nagtatrabaho sa terraces. Maaaring mamangha ka habang minamasdan mo ang lokal na mga tao na maliksing naglalakad sa gilid ng batong pader ng terrace, na ginagamit ang mga ito bilang kanilang daanan upang makarating sa iba’t ibang dako. Ang ilan ay baitang-baitang kung umakyat taglay ang maliksing paghakbang gaya ng isang kambing sa bundok, na may kahusayang ginagamit ang nakausling mga bato bilang kanilang hagdan. Makikita mo silang nakayapak kapag nilapitan mo. At lahat ng nasa palibot nila ay isang kahanga-hangang tanawin ng terraces ng bundok​—isang pambihirang pangyayari na kung saan ang gawaing pagtatayo ng tao ay naging angkop at kapupunan sa kapaligiran.

Hindi ba kapana-panabik ito? Tiyakin kung gayon, na kung dadalaw ka sa Pilipinas, huwag mong palalampasin ang pagkakataon na makita ang hagdan patungo sa langit, isang nabubuhay na kababalaghan na hindi mo basta malilimutan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

Pagliligtas sa Terraces

Sa kabila ng kasalukuyang kagandahan ng terraces, ang kanilang patuloy na pag-iral ay nanganganib. Marami sa nakababatang henerasyon ng mga naninirahan sa bundok ang bantulot sa pagtatanim ng palay at naghahanap ng trabaho sa ibang lugar. Maaaring lumikha ito ng kakulangan ng may kasanayang mga magsasaka upang mapanatili ang terraces.

Sinabi ni Aurora Ammayao, isang katutubo ng Ifugao na nakaugnay sa International Rice Research Institute, sa Gumising! ang isa pang panganib: “Ang terraces ay dapat na palaging pinananatiling basa, ngunit ngayon ay may kakulangan sa tubig bunga ng pagkalbo sa kagubatan.” Ang pagkatuyo ng libis-agusan ay mangangahulugan ng pagkasira ng terraces.

Paminsan-minsan ang likas na mga kasakunaan ay nagdudulot din ng mga suliranin. Nasira ng lindol noong 1990 ang ilang bahagi ng terraces nang gumuho ang buu-buong mga gilid ng bundok.

Gayunman, gumagawa ng mga hakbang upang mahadlangan ang paglalaho ng terraces. Isang atas ehekutibo ang inilabas noong 1996 upang buuin ang Ifugao Terraces Commission. Ang tungkulin nito? Ang pagmamantini ng terraces, kabilang na ang umaalalay na sistema ng tubig at ang kultura ng lugar, gayundin ang pagsasauli ng anumang nasirang dako.

Napakilos nang higit ang pamahalaan ng Pilipinas upang mapanatili ang dako dahil sa ibinilang ang terraces sa World Heritage List ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO). At ayon kay Jean Tuason, katulong na ehekutibong direktor sa tanggapan ng UNESCO sa Manila, “maaari ring maglaan ang UNESCO ng teknikal at pinansiyal na tulong para sa proteksiyon at konserbasyon ng rice terraces.”

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Cordillera Central

[Buong-pahinang larawan sa pahina 17]