Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Ama—Kung Bakit Sila Nawawala

Mga Ama—Kung Bakit Sila Nawawala

Mga Ama​—Kung Bakit Sila Nawawala

“Hindi ko natatandaang nag-away o nagtalo sina Inay at Itay. Ang nalalaman ko ay naroon si Itay, at pagkatapos​—biglang-bigla!​—isang araw ay wala na siya roon. Hanggang sa ngayon ay hindi ko alam kung nasaan ang aking itay. Alam kong wala akong nadaramang anuman para sa kaniya.”​—Bruce.

“Ako lamang ang bata sa paaralan na walang dalawang magulang at hindi nakatira sa isang bahay . . . Lagi kong nadarama na natatangi ako. Lagi kong nadarama na ibang-iba ako sa lahat ng iba pa na kaedad ko.”​—Patricia.

ANG krisis tungkol sa mga pamilyang walang ama ay nagmula sa malaking pagbabago sa industriya. Habang naaakit ng mga trabaho sa pabrika ang mga lalaki palayo sa kani-kanilang tahanan, nagsisimulang humina ang impluwensiya ng ama sa pamilya; ang mga ina ang bumabalikat ng mas malaking bahagi sa pagpapalaki ng anak. * Gayunman, karamihan sa mga ama ay nanatili sa kani-kanilang pamilya. Subalit, noong kalagitnaan ng mga taon ng 1960, mabilis na dumami ang diborsiyo sa Estados Unidos. Nagsimulang gumuho ang relihiyoso, pang-ekonomiya, at panlipunang mga hadlang sa diborsiyo. Palibhasa’y napasigla sa payo ng nag-aangking mga dalubhasa na nagsasabing ang diborsiyo ay hindi lamang di-nakapipinsala sa mga bata kundi maaari pa nga itong makabuti sa kanila, pinili ng napakaraming mag-asawa na magdiborsiyo. Ganito ang sabi ng aklat na Divided Families​—What Happens to Children When Parents Part, nina Frank F. Furstenberg, Jr., at Andrew J. Cherlin: “Sa Belgium, Pransiya, at Switzerland ang dami [ng diborsiyo] ay dumoble [mula noong dekada ng 1960], samantalang sa Canada, Inglatera, at Netherlands ay tatlong ulit naman ang itinaas nito.”

Bagaman ang mga bata ay karaniwang pumipisan sa kanilang ina pagkatapos ng diborsiyo, gusto ng karamihan sa mga umalis na ama na mapanatili ang kaugnayan sa mga bata. Ang pinagsamang karapatan sa pangangalaga ay isang popular na kalutasan. Gayunman, karamihan sa mga diborsiyadong ama ay nakapagtatakang bihira namang nakikipagkita sa kanilang mga anak. Isinisiwalat ng isang surbey na 1 lamang sa 6 na bata ang nakikipagkita nang lingguhan sa kaniyang humiwalay na ama. Halos kalahati ng mga bata ay hindi nakita ang kanilang ama sa loob ng isang buong taon!

Hindi Nagtagumpay ang Pinagsamang Karapatan sa Pangangalaga

Para sa mga mag-asawang nagdiborsiyo na may pinagsamang karapatan sa pangangalaga, ito’y humihiling ng napakalaking pagtutulungan at pagtitiwala​—mga katangian na kadalasa’y kapos. Ganito ang pagkakasabi rito ng mga mananaliksik na sina Furstenberg at Cherlin: “Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi na nakikipagkita ang mga ama sa kanilang mga anak ay sapagkat ayaw nilang magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanilang dating mga asawa. At gayundin ang saloobin ng maraming babae sa kanilang dating mga asawa.”

Totoo, maraming diborsiyadong ama ang regular na nakikipagkita sa kanilang mga anak. Subalit dahil sa hindi na sila sangkot sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga anak, mahirap para sa ilan na kumilos bilang mga ama kapag kasama nila ang ang mga ito. Pinipili ng marami ang papel ng kalaro, anupat ginugugol ang halos lahat ng kanilang panahon na magkasama sa paglilibang o pamimili. Inilarawan ng katorse-anyos na si Ari ang kaniyang mga pagdalaw sa kaniyang ama kung mga dulo ng sanlinggo, na sinasabi: “Walang nakatakdang iskedyul, walang ‘Umuwi ka ng alas singko y medya’ na mga tuntunin. Walang pagbabawal. Walang paghihigpit. At lagi akong binibilhan ng regalo ng aking tatay.”​—How It Feels When Parents Divorce, ni Jill Krementz.

Ang isang maibiging ama ay dapat na ‘nakaaalam kung paano magbigay ng mabubuting kaloob sa kaniyang mga anak.’ (Mateo 7:11) Subalit ang mga kaloob ay hindi maihahalili sa kinakailangang patnubay at disiplina. (Kawikaan 3:12; 13:1) Kapag ipinagpapalit ng isa ang papel ng magulang sa pagiging isang kalaro o bisita, malamang na humina ang ugnayang ama-anak. Isang pag-aaral ang naghinuha: “Maaaring permanenteng masira ng diborsiyo ang ugnayang ama-anak.”​—Journal of Marriage and the Family, Mayo 1994.

Palibhasa’y nasaktan at nagalit dahil sa hindi na sila bahagi ng buhay ng kanilang mga anak​—o marahil ay basta wala nang interes​—iniiwan ng ilang lalaki ang kani-kanilang pamilya, na hindi nagbibigay ng kinakailangang pinansiyal na tulong. * (1 Timoteo 5:8) “Wala akong naiisip na anumang bagay na nagugustuhan ko sa aking ama,” sabi ng isang naghihinanakit na lalaking tin-edyer. “Talagang wala siyang pakialam, hindi kami tinutulungan o anuman, at sa palagay ko’y kasuklam-suklam iyon.”

Mga Magulang na Hindi Kasal

Ang napakaraming bilang ng mga anak sa labas ang naging dahilan ng mabilis na pagdami ng mga batang walang ama. “Halos sangkatlo ng lahat ng mga ipinanganganak sa [Estados Unidos] ngayon ay mula sa di-kasal na mga magulang,” sabi ng aklat na Fatherless America. Mula sa humigit-kumulang 500,000 sanggol na isinisilang taun-taon ng mga kabataang mula 15 hanggang 19 ang edad, 78 porsiyento ay isinisilang ng mga tin-edyer na walang asawa. Gayunman, ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay isang pangglobong problema. At walang gaanong nagawa ang mga programa na nagtuturo tungkol sa kontrasepsyon (pagpigil sa pagbubuntis) o masikap na nagmumungkahi ng abstinensiya upang baguhin ang seksuwal na paggawi ng mga tin-edyer.

Ang aklat na Teenage Fathers, ni Bryan E. Robinson, ay nagpapaliwanag: “Ang pagdadalang-tao nang walang-asawa ay hindi na nagdadala ng kahihiyan at kasiraang-puri na gaya noong dekada ng 1960 dahil sa mas liberal na mga saloobing panlipunan tungkol sa sekso at pagdadalang-tao bago ang kasal. . . . Ang mga kabataan din sa ngayon ay patuloy na pinauulanan ng mga bagay hinggil sa sekso sa pamamagitan ng mga anunsiyo, musika, mga pelikula, at telebisyon. Sinasabi ng media sa Amerika sa mga nagbibinata at nagdadalaga na ang pagtatalik ay romantiko, nakatutuwa, at nakapupukaw ng damdamin nang hindi kailanman ipinakikita ang tunay-sa-buhay na mga kahihinatnan dahil sa mapusok at iresponsableng seksuwal na paggawi.”

Maraming kabataan ang waring walang kaalam-alam tungkol sa mga kahihinatnan ng bawal na pagtatalik. Pansinin ang ilang komento na narinig ng awtor na si Robinson: “‘Hindi siya ang klase [na mabubuntis]’; ‘Minsan sa isang linggo lamang kami nagtatalik’; o ‘Hindi ko iniisip na mabubuntis ka sa unang pagtatalik.’ ” Sabihin pa, alam na alam ng ilang kabataang lalaki na ang pakikipagtalik ay maaaring magbunga ng pagdadalang-tao. Ganito ang sabi ng aklat na Young Unwed Fathers: “Para sa maraming lalaki [sa mataong lunsod], ang pakikipagtalik ay isang mahalagang simbolo ng lokal na katayuang panlipunan; ang seksuwal na mga tagumpay ay nagiging napakaraming tanda ng karangalan para sa isa. Iniaalok ng marami sa mga kabataang babae ang pakikipagtalik bilang isang kaloob na kapalit ng atensiyon ng isang kabataang lalaki.” Sa ilang grupo sa mataong lunsod, ang mga lalaking hindi pa nagiging ama ng isang sanggol ay maaaring tuksuhin dahil sa pagiging “walang karanasan”!

Lumalala pa ang kalagayan kung isasaalang-alang mo ang mga resulta ng isang pagsusuri sa mga mág-aarál na ina sa California noong 1993. Lumalabas na dalawang-katlo ng mga babae ang nagbuntis, hindi sa pamamagitan ng mga kasintahang tin-edyer, kundi sa pamamagitan ng mga lalaking mahigit na 20 taóng gulang! Sa katunayan, ipinakikita ng ilang pag-aaral na maraming inang tin-edyer na hindi kasal ay mga biktima ng panghahalay sa mga minor de edad​—o pag-abuso pa nga sa bata. Ipinakikita ng malaganap na pagsasamantalang ito kung paano naging gayong kabulok at kasamâ sa moral ang modernong-panahong lipunan.​—2 Timoteo 3:13.

Kung Bakit Umaalis ang mga Kabataang Lalaki

Ang mga lalaking tin-edyer na nagiging ama ng mga bata ay bihirang bumabalikat sa pangmatagalang pananagutan sa kanilang supling. Ganito ang sabi ng isang batang lalaki na ang kasintahan ay nagbuntis: “Sinabi ko lang sa kaniya, ‘Hanggang sa muli nating pagkikita.’” Gayunman, gaya ng binabanggit sa isang artikulo sa Family Life Educator, “karamihan ng kabataang mga ama ay nagpapahayag ng matinding pagnanais na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa kanilang mga anak.” Ayon sa isang pag-aaral ng mga kabataang ama na hindi kasal, 70 porsiyento ang dumadalaw sa kanilang anak minsan sa isang linggo. “Subalit,” babala ng artikulo, “habang nagkakaedad ang mga bata, dumadalang naman ang pagdalaw.”

Binuod ng isang 17-anyos na ama kung bakit sa pagsasabing: “Kung alam ko lang na magiging ganito kahirap ito, hindi ko sana kailanman hinayaan itong mangyari.” Iilang kabataan ang may emosyonal na pagkamaygulang o karanasan upang mapakitunguhan ang mga kahilingan ng pagiging magulang. Ni may pinag-aralan man o kasanayan sa trabaho ang marami sa kanila na kinakailangan upang kumita para sa ikabubuhay. Sa halip na harapin ang kahihiyan ng kabiguan, maraming kabataang lalaki ang basta iniiwan ang kanilang mga anak. “Napakagulo ng buhay ko,” pagtatapat ng isang kabataang ama. Ganito naman ang hinagpis ng isa pa: “Hindi ko nga maasikaso ang aking sarili; hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung aarugain ko pa ang [aking anak].”

Hilaw na Ubas

May kasabihan ang mga Judio noong panahon ng Bibliya: “Ang mga magulang ang siyang kumain ng hilaw na ubas, ngunit ang mga anak ang nangangasim.” (Ezekiel 18:2, Today’s English Version) Sinabi ng Diyos sa mga Judio na hindi kailangang magkagayon, ang nakaraang mga pagkakamali ay hindi na kailangang maulit sa hinaharap. (Ezekiel 18:3) Sa kabila nito, milyun-milyong anak sa ngayon ang waring nakalalasap ng matinding kirot ng “hilaw na ubas” ng kanilang mga magulang​—pinagbabayaran ang kawalan ng pagkamaygulang, pagiging iresponsable, at kabiguan sa pag-aasawa ng kanilang mga magulang. Napakaliwanag na ipinakikita ng pananaliksik na ang mga batang lumaki nang walang ama ay nakalantad sa labis-labis na pisikal at emosyonal na panganib. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Lalo nang nakapipighati ang bagay na ang pamana ng isang tahanang walang ama ay naipapasa mula sa isang salinlahi tungo sa isang salinlahi​—isang nagpapatuloy na siklo ng kirot at matinding paghihirap.

Nakatalaga bang mabigo ang mga pamilyang walang ama? Hindi naman. Sa katunayan, ang mabuting balita ay na maaaring ihinto ang siklo ng mga pamilyang walang ama. Tatalakayin ng aming susunod na artikulo kung paano ito mangyayari.

[Mga talababa]

^ par. 4 Kapansin-pansin, bago ang industriyalisasyon, ang mga manwal sa pagpapalaki ng anak sa Estados Unidos ay karaniwang ipinatutungkol sa mga ama, hindi sa mga ina.

^ par. 10 Ayon sa mga mananaliksik na sina Sara McLanahan at Gary Sandefur, sa Estados Unidos, “halos 40 porsiyento ng mga bata na karapat-dapat sana para sa suporta sa bata ay wala man lamang [iniutos ng hukuman na] gawad na suporta sa bata, at sangkapat niyaong mga nabigyan ng gawad ay walang tinatanggap. Wala pang sangkatlo ng mga bata ang tumatanggap ng kabuuang halaga ng kung ano ang nararapat sa kanila.”

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

ANG MGA PANGANIB SA PAGLAKI NANG WALANG AMA

Ang paglaki nang walang ama ay isang malubhang panganib para sa mga bata. Bagaman ang sumusunod na impormasyon ay maaaring maging masakit na isaalang-alang ng ilan, ang kabatiran sa mga panganib ang siyang unang hakbang upang maiwasan o sa paano man ay mabawasan ang pinsala. Tantuin din na ang mga pag-aaral pang-estadistika ay kumakapit sa mga grupo at hindi sa mga indibiduwal. Maraming bata ang lumalaki sa mga tahanang walang ama nang hindi nakararanas ng alinman sa mga problemang ito. Gaya ng ipakikita ng aming huling artikulo, malaki ang magagawa ng pamamagitan ng magulang at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya upang mabawasan ang potensiyal na mga problemang ito. Kung gayon, isaalang-alang ang ilan sa posibleng mga panganib na maaaring mapaharap sa isang batang walang ama.

Lumalaking Panganib ng Seksuwal na Pag-abuso

Maliwanag na ipinakikita ng pananaliksik na lumalaki ang panganib ng seksuwal na pag-abuso sa bata dahil sa pagiging walang ama. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na sa 52,000 kaso ng pag-abuso sa bata, “72 porsiyento ang kinasangkutan ng mga batang nakatira sa isang sambahayan na wala ang isa o dalawang tunay na mga magulang.” Ang aklat na Fatherless America ay nagsasabi: “Ang lumalaking panganib ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata sa ating lipunan ay pangunahin nang nagmumula sa dumaraming mga kasal na ama na umaalis sa bahay at sa pagkakaroon ng dumaraming mga amain, kasintahan, at iba pang walang kaugnayan o ka-live-in na mga lalaki.”

Lumalaking Panganib ng Maagang Seksuwal na Paggawi

Dahilan sa malamang ay walang gaanong pangangasiwa ng magulang sa isang tahanan ng nagsosolong magulang, kadalasang mas maraming pagkakataon ang mga kabataan upang gumawa ng imoral na bagay. Maaari ring maging isang salik ang kaunting pagsasanay ng magulang. “Ang mga batang babae na walang ama sa kanilang buhay ay dalawa at kalahating ulit na mas malamang na magdalang-tao,” sabi ng U.S. Department of Health and Human Services.

Karalitaan

Isang pag-aaral sa itim na mga tin-edyer na babae sa Timog Aprika ang naghinuha na ang karalitaan ay isang karaniwang resulta ng pagiging magulang na hindi kasal. “Sa halos 50% ng mga kaso,” sabi ng mga awtor ng pag-aaral, “ang tin-edyer ay malamang na hindi bumalik sa paaralan,” at maraming hindi kasal na mga ina ang nauuwi sa isang buhay ng prostitusyon at ilegal na pangangalakal ng droga. Ang kalagayan ay maaaring hindi mas mabuti sa mga bansa sa Kanluran. Sa Estados Unidos, “10 porsiyento ng mga bata sa mga pamilyang may dalawang magulang ang nasa karalitaan [noong 1995], kung ihahambing sa 50 porsiyento sa mga pamilyang binubuo lamang ng mga babae.”​—America’s Children: Key National Indicators of Well-Being 1997.

Napabayaan

Palibhasa’y napipilitang mamuhay sa ganang sarili nila, ang ilang nagsosolong mga magulang ay lubhang nabibigatan sa kanilang mga pananagutan at hindi na makagugol ng sapat na panahon upang makapiling ang kanilang mga anak. Ganito ang naalaala ng isang diborsiyada: “Nagtatrabaho ako sa araw at nag-aaral sa gabi​—nasasagad na ako sa pagod. Talagang napapabayaan ko ang mga bata.”

Emosyonal na Pinsala

Salungat sa sinasabi ng ilang dalubhasa na mabilis na nakababawi ang mga bata pagkatapos ng isang diborsiyo, nasumpungan ng mga mananaliksik, gaya ni Dr. Judith Wallerstein, na ang diborsiyo ay lumilikha ng nagtatagal na mga sugat sa damdamin. “Mahigit na sangkatlo ng mga kabataang lalaki at babae sa pagitan ng edad na labinsiyam at dalawampu’t siyam ang may kaunti o walang ambisyon sa loob ng sampung taon pagkatapos magdiborsiyo ang kanilang mga magulang. Nabubuhay sila nang walang mga itinakdang tunguhin . . . at nakadarama ng kawalang-kaya.” (Second Chances, nina Dr. Judith Wallerstein at Sandra Blakeslee) Ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili, panlulumo, delingkuwenteng paggawi, at namamalaging galit ay napansin sa mga anak ng nagdiborsiyo.

Ganito ang sabi ng aklat na The Single-Parent Family: “Ipinakikita ng maraming pag-aaral na ang mga batang lalaki na pinalaki nang walang matatag na huwarang lalaki sa kanilang buhay ay nagpakita ng kawalang-katiyakan sa kanilang kasarian, mababang pagpapahalaga-sa-sarili, at, sa dakong huli ng kanilang buhay, ay nahihirapang magkaroon ng malapit na mga kaugnayan. Karaniwang nakikita lamang sa pagdadalaga o sa dakong huli pa ang nagiging problema ng mga batang babae na namumuhay nang walang huwarang lalaki, at kasali rito ang problema sa pagkakaroon ng matagumpay na kaugnayang lalaki/babae pagdating sa hustong gulang.”