Mga Pamilyang Walang Ama—Isang Tanda ng mga Panahon
Mga Pamilyang Walang Ama—Isang Tanda ng mga Panahon
ANO ang masasabi mong pinakamalaking problemang panlipunan sa ngayon? Halos 80 porsiyento ng mga tinanong sa isang surbey ng Gallup sa Estados Unidos ay naniniwala na ito “ang pagiging walang-ama sa tahanan.” Ayon sa Gallup, mahigit na 27 milyong anak sa Estados Unidos ang hindi kapisan ng kanilang tunay na mga ama, at ang bilang na iyan ay mabilis na dumarami. Binabanggit ng isang ulat ng United Nations Children’s Fund na mga 50 porsiyento ng mga batang puti na isinilang sa Estados Unidos mula noong 1980 “ay gugugol ng ilang bahagi ng kanilang pagkabata sa isang pamilya ng nagsosolong magulang. Para sa mga batang itim ang katumbasan ay mga 80%.” Kaya tinagurian ng USA Today ang Estados Unidos na “ang nangunguna sa daigdig sa mga pamilyang walang ama.”
Sa kabila nito, ganito ang sabi ng isang artikulo sa The Atlantic Monthly: “Ang pagdami ng pagkalansag ng pamilya ay hindi natatangi sa lipunang Amerikano. Nakikita ito sa halos lahat ng mauunlad na bansa, kasali na ang Hapón.” At bagaman mahirap makakuha ng estadistika, waring napapaharap din sa katulad na mga krisis ang maraming papaunlad na mga bansa. Ayon sa magasing World Watch, “madalas na iniiwan ng mga lalaki [sa mahihirap na bansa] ang kani-kanilang asawa at mga anak dahil sa tumitinding panggigipit sa ekonomiya.” Sa katunayan, isinisiwalat ng isang surbey sa isang bansa sa Caribbean na 22 porsiyento lamang ng mga ama na may mga anak na walong-taóng-gulang ang talagang kapisan ang kanilang mga anak.
Karaniwan na ang mga batang walang ama maging noong panahon ng Bibliya. (Deuteronomio 27:19; Awit 94:6) Subalit noon, ang pangunahing dahilan kung bakit nawalan ng ama ang mga kabataan ay ang pagkamatay ng isang ama. “Sa ngayon,” sabi ng manunulat na si David Blankenhorn, “ang pangunahing dahilan ng pagiging walang ama ay ang pag-alis ng ama.” Tunay, gaya ng makikita natin, ang dumaraming bilang ng mga batang walang ama ay nagpapatunay na maraming tao sa ngayon ay walang “likas na pagmamahal.” Ayon sa Bibliya, isa pa ito sa patotoo na tayo’y nabubuhay na sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-3.
Gayunman, para sa mga paslit na bata, ang pagkawala ng isang ama sa kani-kanilang buhay ay isang personal na trahedya. Sinisimulan nito ang isang siklo ng kirot at pagkawasak na maaaring magkaroon ng nagtatagal na mga resulta. Kaya naman, tatalakayin natin sa seryeng ito ang siklong ito, hindi upang pahinain ang loob ng mga mambabasa, kundi upang maglaan ng impormasyon na makatutulong sa mga pamilya upang maihinto ang mapangwasak na kalakarang ito.