Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Napakaikli? Ako’y isang neurosurgeon, at napansin ko na may mali sa larawan na lumabas sa artikulong “Ang Iyong Utak​—Kamangha-mangha ang Pagkamasalimuot.” (Mayo 8, 1999) Ipinakita ninyo ang isang cross section ng utak na may tulduk-tuldok na linya na nakaturo sa pituitary gland. Sa palagay ko’y napakaikli ng linya at na ang linyang ito’y nakaturo sa optic chiasma.

A. W., Hapon

Tama ang mambabasa namin na may matalas na paningin, at humihingi kami ng paumanhin para sa pagkakamaling ito.​—ED.

Bagyong Mitch Salamat sa madamdaming artikulo na “Pagsagip Mula sa Pumapatay na Bagyo!” (Hunyo 8, 1999) Madalas akong makatanggap ng impormasyon sa E-mail may kinalaman sa mga sakuna na nagpapahirap sa ating mga kapatid, subalit hindi ko kailanman alam kung gaano karami sa mga impormasyon ang maaasahan. Ang pagkakaharap ng impormasyon sa artikulo ay totoong nakapagpapalakas-loob at nakapagpapatibay! Nagsisilbi itong seryosong paalaala tungkol sa mga panahong mapanganib na ating kinabubuhayan.

C. P., Estados Unidos

Batid ko na marami ang nawalan ng lahat ng kanilang mga ari-arian sa kasakunaang ito, subalit kapana-panabik na mabasa ang tungkol sa pagkilos ng ating pambuong daigdig na kapatiran, maging sa harap ng malaking panganib. Pinapag-isip-isip ako ng larawan ng kapatid na lalaki na nasa harap ng kaniyang nawasak na bahay. Ano ba ang makatuwirang dahilan ko para magreklamo tungkol sa mga bagay-bagay?

R.C.N., Brazil

Guarana Nakapagtuturo ang inyong artikulong “Kape, Tsaa, o Guarana?” (Hunyo 8, 1999) Bilang isang buong-panahong ministro na naglilingkod sa kahabaan ng mga pampang ng Ilog Amazon, gumagawa ako malapit sa mga lugar kung saan itinatanim ang guarana. Madalas kong makita na inihahanda ito. Sa susunod na may mag-alok sa akin ng guarana, alam ko na kung ano ang isasagot ko.

J.R.S.M., Brazil

Uniberso Ibig ko kayong pasalamatan nang lubos sa seryeng “Ang Ating Uniberso​—Ginawa ba Para sa Isang Layunin?” (Hunyo 22, 1999) Bilang isang baguhang astronomo, gustung-gusto ko ang mga artikulong ito. Ang kamangha-manghang tanawin na nagaganap gabi-gabi ay nag-aanyaya sa atin na magbulay-bulay sa dakilang kapangyarihan, kaalaman, at pag-ibig ng ating Maylalang.

V. V., Espanya

Madaling maunawaan ang mga artikulo, maging ng mga hindi masyadong nag-iisip tungkol sa siyensiya. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na makilala nang higit si Jehova. Pagkalipas ng 58 taóng pagsasama bilang mag-asawa, namatay kamakailan ang aking maybahay. Kaya ang nakapagtuturong pagkaunawang ito tungkol sa ating Maylalang ay dumating sa tamang-tamang panahon sa aking buhay.

F. W., Estados Unidos

Mga Babaing Nagtatrabaho sa Konstruksiyon Maraming salamat sa artikulong “Malaki ang Naging Bahagi ng Kababaihan.” (Hunyo 22, 1999) Mga isang taon pa lamang ang nakararaan, lumipat ako mula sa California tungo sa Thailand. Nagkapribilehiyo kami kamakailan na magtayo ng sarili naming Kingdom Hall. Tulad ng kababaihan sa Zimbabwe, ang ating mga kapatid na babae ay tumulong sa paghahalo ng semento, pagtatali ng bakal, pagbabaldosa, at sa pag-aasikaso sa napakaraming iba pang trabaho sa konstruksiyon. Sa tulong ni Jehova, natapos namin ang trabaho sa loob ng tatlong buwan. Salamat sa pagkilala ninyo sa naging bahagi ng kababaihan sa pambuong-daigdig na gawaing pagtatayo.

R. G., Thailand

Kami ng aking mga magulang ay nagkaroon ng kauna-unahang pagkakataong tumulong sa proyekto ng madaliang pagtatayo ng Kingdom Hall. Maguguniguni ninyo kung gaano ako kasaya nang makita ko kung paano nakatutulong ang mga kababaihan sa buong daigdig sa pambuong-daigdig na pagtatayo ng mga tanggapang pansangay at mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga proyekto sa pagtatayo, tulad ng isa sa Zimbabwe, ay mga paghahanda sa trabahong ating gagawin sa bagong sanlibutan. Kung nasisiyahan tayo sa gayong mga proyekto sa ngayon, gunigunihin kung ano kaya ang mangyayari kapag ang buong sangkatauhan ay sakdal na at nagkakaisa sa paglilingkod kay Jehova!

S.W.S., Brazil