Quetzal—Ang Marikit na Ibon
Quetzal—Ang Marikit na Ibon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA COSTA RICA
WALA pang 0.03 porsiyento ng sukat ng lupa ang nasasakop ng Costa Rica, gayunman ay pinamumugaran ito ng 875 rehistradong uri ng mga ibon. Ayon sa isang batayan, iyan ay mahigit pa sa bilang na matatagpuan sa pinagsamang Canada at Estados Unidos. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na ang Costa Rica ay maging isang pangunahing destinasyon ng mahihilig magmasid ng mga ibon. Hayaan mong ibahagi namin sa iyo ang aming paglalakbay upang mapagmasdan ang isa sa mga ibong ito, ang marikit na quetzal.
Noong kaagahan ng ika-16 na siglo, ang Kastilang konkistador na si Hernán Cortés ay dumating sa Mexico. Doon, bilang isang regalo mula sa mga Aztec, tumanggap siya ng isang pamputong sa ulo na yari sa balahibo ng quetzal. Tanging ang maharlikang mga Aztec lamang ang may pribilehiyong magsuot ng gayong labis na pinahahalagahang mga palamuti. Ang kulay-makintab-na-berdeng balahibo ng quetzal ay maaaring itinuring na mas mahalaga pa sa ginto.
Sa ngayon, ang ibong ito na may pambihirang kagandahan ay naninirahan sa napakalaking teritoryo mula Mexico hanggang Panama. Ang quetzal ay maaaring makita sa maulap na gubat sa taas na 1,200 hanggang 3,000 metro. Ang mga ulap sa kagubatan ay bunga ng mabilis na paglamig ng pumapaitaas na mainit-init na hangin. Ang resulta nito’y ang pagkakaroon
ng malalago at luntiang mga halaman sa buong taon at ng naglalakihang punungkahoy na umaabot na sa manipis na alapaap dahil sa taas na tatlumpung metro o higit pa.Mga 200 kilometro pahilaga ng San José ay naroroon ang Santa Elena Forest Reserve—isang magandang lugar para mapanood ang quetzal sa likas na kapaligiran nito. Sa tulong ng isang giya, pinasimulan namin ang aming paghahanap ng isang marikit na quetzal. Dahil sa pagiging kulay-berde nito, mahirap makita ang ganitong ibon, yamang humahalo ang kulay nito sa mga dahon sa kagubatan. Pinasimulang gayahin ng aming giya ang mahina at suwabeng huni nito. Ang tunog ay kahawig ng iyak ng tuta. Sa katunayan, nang marinig ang tugon ng quetzal, ang buong akala ng isang babaing kasama namin sa grupo ay may isang asong nawawala sa kagubatan!
Di-nagtagal, mga 15 metro ang taas, isang lalaking ibon ang bantulot na lumitaw sa isang sanga upang magsiyasat. Kung sisilipin sa largabista, ang nagliliwanag na kulay nito ay higit palang kahanga-hanga kaysa sa inakala namin. Ang kulay ng dibdib nito’y mapulang-mapula na parang dugo, na ibang-iba sa kulay-berdeng balahibo nito. Nakaragdag pa sa nakabibighaning karilagan nito ang mapuputing balahibo nito sa buntot, na kakaiba sa kalakip pang dalawang balahibo na may kulay na halu-halong berde. Kilala bilang mga bandereta (streamers), ang haba ng mga ito’y mga 60 centimetro. Isang magandang tanawin ng katahimikan ang mamamasdan kapag nakakita ka ng isang quetzal na nakadapo sa isang sanga habang ang mahahabang bandereta nito’y marahang umuugoy sa hihip ng hangin.
Ang makakita ng isang quetzal ay isang pambihirang karanasan. Sa katunayan, binanggit ng aming giya na madalas na kailangang ulitin ang pagpasok sa kagubatan upang makakita ng isa nito. Ang pinakamainam na panahon ng panonood sa quetzal ay kapag nangingitlog ang mga ito, na nagaganap mula Marso hanggang Hunyo. Sa panahong ito ay maaari silang mangitlog nang dalawang beses na may tigdadalawang itlog.
Nang pabalik na kami sa opisina ng reserbasyon, nakarinig kami ng isa pang quetzal. Sa marahang pagsalipadpad nito na hila ang kulay-berdeng bandereta, dumapo ito sa isang sanga na hindi hihigit sa limang metro ang layo mula sa aming kinauupuan! Sinabi sa amin ng giya na nawala sa pugad nito ang isang inakay. Ang amang ibon ay nagpapalipat-lipat sa mga punungkahoy upang hanapin ang kaniyang inakay. Napag-alaman namin na mga 25 porsiyento lamang pala ng mga itlog ang nakaliligtas hanggang sa lumaki ito. Ang iba pa ay nasisila ng mga squirrel, emerald toucanet, brown jay, weasel, at tayra. Ang isa pang hamon sa kaligtasan ng quetzal ay ang kinaroroonan ng kanilang mga pugad, na parang mga binutas ng woodpecker, na ginagawa ng mga quetzal sa bandang itaas ng matatanda at nabubulok na mga puno, mga 3 hanggang 20 metro ang distansiya mula sa lupa. Kapag bumuhos ang malakas na ulan, maaaring bahain o kaya’y gumuho ang mga butas.
Napag-alaman din namin na ang paboritong pagkain ng quetzal ay mga abokadong ligáw. Ito’y dadapo sa isang sanga habang nakatingin sa abokadong nakabitin sa sanga ng isang kalapit na punungkahoy. Pagkatapos, sa biglang pagaspas ng mga pakpak, dederetso ito sa target nito, dadagitin ang bunga sa pamamagitan ng bibig nito, at babalik sa kaniyang pugad. Nilulunok nito ang buong bunga at pagkaraan ng mga 20 hanggang 30 minuto, isusuka nito ang malaking buto ng abokado.
Sa paghahanap nila ng mga abokadong ligáw, ang mga quetzal ay dumadayo sa iba’t ibang libis ng Continental Divide. Halimbawa, mula Hulyo hanggang Setyembre, sila’y naninirahan sa libis na malapit sa Pasipiko. Pagsapit ng Oktubre ay lilipat naman sila sa panig ng Caribbean upang manginain sa bagong namumungang mga abokado.
Sa pagtawid namin sa isang nakabiting tulay mga 30 metro ang taas mula sa pinakasahig ng kagubatan, halos banggain kami ng isang lumilipad na quetzal! Sa wari’y sinusugod ng ibong ito ang kaniyang tatanghalian nang magkasalubong ang aming landas. Ang babaing ibon naman ay nakadapo sa itaas, habang galit na nakatitig sa amin dahil sa aming pang-aabala.
Sinabi rin sa amin na ang isa pang prutas na gusto nila ay ang blackberry, na tumutubo sa matitinik na palumpong. Kapag pabulusok na lumipad ang mga quetzal upang dagitin ang bunga, kung minsan ay nasasabit sa tinik ang kanilang mga bandereta at natatanggal ang mga ito. Gayunman, sa bandang huli, tumutubo namang muli ang mga balahibo ng kanilang buntot.
Dahil dito, maaari pa ring tawagin ang mga ibong ito sa kanilang pangalan. Ang “quetzal” ay mula sa salitang Aztec na “quetzalli,” na ang ibig sabihin ay “mahalaga” o “maganda.” Nakalulungkot, ang kagandahan nito ay nagiging sanhi ng panganib sa kaligtasan ng quetzal. Sa katunayan, ang quetzal ay kabilang sa nanganganib nang malipol na uri. Sila’y pinapatay dahil sa kanilang balahibo, na ipinagbibili bilang mga souvenir. Ang ilan sa mga ibon ay hinuhuling buháy para ipagbili naman bilang alagang hayop. Gayunman, ayon sa aming giya, legal nang pinangangalagaan ngayon ang mga quetzal mula sa ganitong pamiminsala.
Ang isa pang panganib sa kaligtasan nila ay ang pagkalbo sa kagubatan, na nagiging dahilan upang mawalan sila ng tirahan. Para mapangalagaan ang marikit na ibong ito at ang iba pang buhay-iláng, mga 27 porsiyento ng Costa Rica ang ibinukod bilang mga preserbadong lugar.
Talagang sulit na sulit ang aming pamamasyal para makakita ng quetzal. Totoo, maaari mong makita sa British Museum sa London ang pamputong sa ulo na yari sa mga balahibo ng quetzal na ibinigay kay Hernán Cortés. Subalit ang mga balahibo ng quetzal ay higit na nakawiwiling pagmasdan kapag nakita mismo sa buháy na ibon sa kagubatan! Pansamantala, sa paanuman, ang mga quetzal sa kagubatan ay patuloy na nagtatamasa ng kalayaan at relatibong kaligtasan sa maulap na gubat ng Sentral Amerika.