Subukin Mo ang Isang Pares ng “Mabibilis”!
Subukin Mo ang Isang Pares ng “Mabibilis”!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TAIWAN
MULA sa mababanaag na lubos na kaluguran sa kaniyang mukha, kitang-kita na ang batang babae ay nasisiyahan sa kaniyang pagkain. Nasa kaniyang kaliwang kamay ang isang mangkok na punô ng kanin, maliliit na piraso ng gulay, at isda. Nasa kaniyang kanang kamay naman ang isang pares ng payat na mga patpat ng kawayan. Pinakikilos ng kaniyang maliliit na daliri ang mga patpat, pinili ng batang babae ang kaniyang paboritong mga piraso ng pagkain at maayos na isinubo ang mga ito sa kaniyang bibig. Kung minsan ay inilalapit niya ang mangkok hanggang sa kaniyang mga labi at, sa pamamagitan ng ilang mabibilis na galaw ng mga patpat, ay isinusubo ang kanin sa kaniyang bibig. Napakasimple, madali, at malinis tingnan ang lahat ng ito.
Siyempre pa, ang nasa kamay ng maliit na bata ay ang kilalang mga chopstick. Tinatawag ang mga ito sa Tsino na k’uai tzu (Pinyin, kuaizi), na nangangahulugang “mabibilis.” Ang salitang Ingles na “chopsticks” ay sinasabing mula sa terminong pidgin na chop, ibig sabihin “mabilis.” Gayunpaman, masusumpungan ang mga ito sa halos bawat sambahayan sa Timog-silangang Asia. Marahil nasubukan mo nang gumamit ng mga ito habang kumakain sa isang restawran ng Tsino. Ngunit alam mo ba kung saan nagmula ang ideya ng mga chopstick? O kung paano at kailan unang ginamit ang mga ito? At nais mo bang malaman kung paano ang tamang paggamit ng mga ito?
Ang “Mabibilis”
Ang mga chopstick ay makikitid na patpat na halos 20 hanggang 25 centimetro ang haba. Ang kalahati ng patpat sa bandang itaas ay kadalasang pakuwadrado. Ito ang nagpapadali sa paghawak at humahadlang sa paggulong nito sa palibot ng mesa. Ang kalahati naman sa bandang ibaba ay kadalasang pabilog. Kadalasan, ang mga chopstick ng Hapones ay mas maikli at mas matulis sa ibabang dulo nito kaysa sa mga Tsino.
Sa mga panahong ito ng maramihang paggawa, maraming restawran ang naglalaan ng nakapakete nang mga chopstick na magkadikit pa sa dulong itaas. Kailangan muna itong paghiwalayin ng kakain bago magamit ang mga ito. Dahil sa minsan lamang gagamitin ang mga ito, ang gayong mga chopstick ay gawa sa pangkaraniwang kahoy o kawayan. Ang mga chopstick na ginagamit sa mas mahal na mga kainan o sa tahanan ay kadalasang magaganda, gawa sa pinakinis na kawayan, may barnis na kahoy, plastik, stainless steel, o marahil maging pilak o garing. Maaari ring ukitan ng tula o palamutian ng ipinintang larawan ang mga ito.
Kung Paano Gumamit ng mga Chopstick
Namamangha ang mga bumibisita sa mga bansa sa Silangan tulad ng Tsina at Hapon kapag nakikita nila ang isang paslit na marahil ay dalawang taóng gulang na kumakain sa pamamagitan ng isang pares ng waring sobrang-laking mga chopstick. Sa napakabilis na paraan, ang mga laman ng mangkok ay pira-pirasong naisusubo ng bata. Talagang mukhang napakadali nito.
Nais mo bang subukin na gumamit ng isang pares ng “mabibilis”? Sa simula ay baka maasiwa ka na pagalawin ang mga chopstick sa paraang nais mo itong gumalaw, subalit sa pamamagitan ng kaunting ensayo, nagiging madali na ito at nagiging parang karugtong na ng iyong kamay ang mga chopstick.
Ang mga chopstick ay hinahawakan lamang sa isang kamay, kadalasan sa kanang kamay. (Tingnan ang ilustrasyon sa pahina 15.) Una, itiklop mo ang iyong mga kamay na parang humahawak ng tasa, anupat ang iyong hinlalaki ay hindi nakadikit sa iyong mga daliri. Ilagay ang isang chopstick
sa pagitan ng iyong hinlalaki at mga daliri, na ipinapatong ito sa pinakapuno ng iyong hintuturo at sa dulo ng iyong palasingsingan. Pagkatapos ay ilagay ang ikalawang chopstick na katabi ng una, at ipitin ito sa pamamagitan ng iyong hinlalaki at hintuturo at hinlalato, gaya ng paghawak mo sa isang lapis. Pagpantayin ang mga dulo sa pamamagitan ng pagtuktok nito sa ibabaw ng mesa. Ngayon, samantalang pinananatiling di-gumagalaw ang pang-ilalim na chopstick, igalaw ang nasa itaas sa pamamagitan ng pagbaluktot mo sa iyong hintuturo at hinlalato nang pataas at pababa. Magsanay hanggang sa madali mo nang mapagdikit ang mga dulo ng mga chopstick. Handa ka na ngayong gamitin ang maraming-gamit na mga kasangkapang ito upang kunin ang anuman sa masasarap na piraso ng pagkain na inihain sa isang pagkaing Tsino—mula sa isang butil ng kanin hanggang sa itlog ng pugo! Ang mga chopstick at pagkaing Tsino ay bagay na magkasama dahil ang pagkain ay kadalasang hinihiwa sa maliliit na piraso.Kumusta naman ang mga pagkain na kung saan ang isang manok, pato, o pata ng baboy ay inihain ng buo, na hindi tinilad-tilad sa maliliit na piraso? Kadalasan nang ang karne ay niluluto sa isang antas na madaling magagamit ang mga chopstick upang mapaghiwalay ang piraso na ang laki ay maisusubo. Ang mga chopstick ay tamang-tama para sa isda, na kadalasang inihahain nang buo; madali mong maiiwasan ang mga tinik na mahirap gawin sa kutsilyo at tinidor.
Kumusta naman ang pagkain ng kanin? Kung ang okasyon ay di-pormal, maaari mong kunin ang mangkok ng kanin sa pamamagitan ng iyong kaliwang kamay, ilapit ito sa iyong bibig, at isubo ang kanin sa iyong bibig sa pamamagitan ng mga chopstick. Gayunman, sa isang mas pormal na kainan, pupulutin mo ang kanin sa pamamagitan ng mga chopstick, nang paunti-unti.
Kumusta naman ang sopas, na kadalasang kabilang sa pagkaing Tsino? Isang porselanang kutsara ang kadalasang inilalaan. Ngunit kung ang sopas ay naglalaman ng mga mike o siomai, o mga piraso ng gulay, karne, o isda, pagsikapang gamitin ang iyong mga chopstick sa iyong kanang kamay upang kunin ang pagkain at ang kutsara sa iyong kaliwang kamay upang tumulong na maisubo ito sa iyong bibig.
Wastong Paggawi at mga Chopstick
Kapag ikaw ay inanyayahan sa isang tahanang Tsino para kumain, makabubuti na maging palaisip sa mga asal sa pagkain ng Tsino, o wastong paggawi. Una, ilang putahe ang inilalagay sa gitna ng mesa. Maghintay hanggang sa kunin ng punong abala o ng ulo ng pamilya ang kaniyang mga chopstick at sumenyas para magsimula ang lahat. Iyan ang tamang pagkakataon para sa mga panauhin
upang pasalamatan ang paanyaya, kunin ang kanilang mga chopstick, at magpatuloy.Di-tulad ng ilang istilong-Kanluran na mga pagkain, ang mga putahe ay hindi ipinapasa sa palibot ng mesa. Sa halip, ang lahat na nasa mesa ay kukuha ng para sa kaniya. Sa kainan ng pamilya, nakaugalian na para sa bawat miyembro na gamitin ang kaniyang sariling pares ng mga chopstick upang kumuha ng mga piraso mula sa putahe na para sa lahat at tuwirang isubo ito sa bibig. Gayunpaman, itinuturing na masamang asal na higupin ang iyong pagkain, dilaan ang dulo ng iyong mga chopstick, o halukayin ang pagkain upang hanapin ang iyong paboritong piraso. Ang mga ina sa Silangan ay nagtuturo sa kanilang mga anak na huwag kagatin ang dulo ng kanilang mga chopstick, hindi lamang dahil sa nababahala sila sa kalinisan kundi dahil sinisira nito ang anyo ng mga chopstick.
Bilang konsiderasyon sa mga panauhin, kung minsan ay naglalaan ng mga kutsarang pansilbi o karagdagang mga chopstick. Ang mga ito ay ginagamit upang kumuha ng mga piraso mula sa mga putahe na nasa gitna patungo sa ibang lalagyan o sa iyong mangkok ng kanin. Gayunman, huwag kang magagalit kung gagamitin ng inyong punong abala ang kaniyang mga chopstick upang kunin ang isang piling maliit na piraso ng pagkain at ilagay ito mismo sa iyong mangkok. Tutal, nais niyang matiyak na ang kaniyang panauhing pandangal ang makakakuha ng pinakamasarap na piraso!
Itinuturing na masamang asal na ipanturo ang mga chopstick, gaya ng sa mga kutsilyo at tinidor. Masamang asal din na pumulot ng iba pang bagay samantalang hawak-hawak mo pa ang iyong mga chopstick. Kaya kung kailangan mong gumamit ng pansilbing kutsara o kukuha ng serbilyeta o ng tasa ng tsa, ibaba mo muna ang iyong mga chopstick. Kadalasang naglalaan ng maliit at kaakit-akit na mga patungan ng chopstick para sa layuning ito.
Pagkatapos mong kumain, ibaba mo nang maayos ang iyong mga chopstick, mag-relaks, at maghintay. Masamang asal ang umalis sa mesa bago matapos ang lahat. Muli, ang punong abala o ang ulo ng pamilya ang tumatapos sa kainan sa pamamagitan ng pagtayo at pag-anyaya sa lahat na iwan na ang mesa.
Ngayon na alam mo na kung paano gamitin ang mga ito, ang kailangan mo na lamang gawin ay kumuha ng ilang chopstick at magsanay sa mga ito. Sa susunod na pagkakataon na may mag-anyaya sa iyo sa isang restawran ng Tsino o sa kanilang tahanan para kumain ng pagkaing Tsino, bakit hindi subukin ang isang pares ng “mabibilis”? Maaari pa nga nitong gawing mas masarap ang lasa ng pagkain!
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Isang Maikling Kasaysayan ng Chopstick
Naniniwala ang ilang iskolar na Tsino na ang unang mga chopstick ay ginamit, hindi para sa pagkain, kundi para sa pagluluto. Maliliit na piraso ng hilaw na pagkain ang binabalot sa mga dahon, at mga patpat ang ginagamit upang ilipat ang pinainit na maliliit na bato patungo sa mga binalot. Sa ganitong paraan ay makapagluluto ng pagkain nang hindi napapaso ang nagluluto! Nang maglaon sa kasaysayan, ang mga chopstick ay ginamit upang alisin ang mga piraso ng pagkain mula sa lutuang palayok.
Ang sinaunang mga chopstick ay malamang na gawa sa nasisirang kahoy o kawayan. * Iyan ang isang dahilan kung bakit halos imposible na banggitin nang may katumpakan kung kailan talaga unang ginamit ang mga ito. Naniniwala ang ilan na ang mga chopstick ay ginagamit na sa Tsina nang kasing-aga ng Dinastiyang Shang (mga ika-16 hanggang ika-11 siglo B.C.E.). Isang makasaysayang dokumento karaka-raka pagkalipas ng panahon ni Confucio (551-479 B.C.E.) ang nagsabi tungkol sa ‘pag-ipit’ ng pagkain mula sa sopas, na nagpapahiwatig ng paggamit ng bagay na tila mga chopstick.
Sa malas bago ang pasimula ng dinastiyang Han (206 B.C.E. hanggang 220 C.E.), ang pagkain sa pamamagitan ng mga chopstick ay naging kaugalian na. Isang libingan nang panahong iyan ang nahukay sa Changsha, Lalawigan ng Hunan, kung saan natagpuan ang isang set ng mga kagamitan sa pagkain na may barnis.
Ang mga Hapones, mga Koreano, mga taga-Vietnam, at iba pa sa Silangan ay gumagamit din ng mga chopstick, pangunahin na dahil sa impluwensiya ng kulturang Tsino.
[Talababa]
^ par. 25 Sa sinaunang Tsino ang parehong karakter para sa k’uai tzu (mabibilis) ay isinulat kasama ang salitang ugat na kawayan, na nagmumungkahi sa materyal kung saan unang gawa ang mga chopstick.
[Mga larawan sa pahina 15]
Nagpapabihasa ang pagsasanay