Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ako Sinaktan ng Aking Kaibigan?

Bakit Ako Sinaktan ng Aking Kaibigan?

“Mayroon akong ilang kaibigan . . . Pagkatapos ay nakipagkaibigan sila sa isa pang batang babae at kapag ako’y lumalapit sa kanila, humihinto sila sa pagsasalita. . . . Hindi na nila ako isinasama sa lahat ng bagay. Talagang nasaktan ang aking damdamin.”​Karen. *

MAAARI itong mangyari sa pinakamatalik na mga magkakaibigan. Isang araw ang dalawa ay di-mapaghiwalay; kinabukasan ay hindi na sila nag-uusap man lamang sa isa’t isa. “Ang isang kaibigan ay dapat sanang isa na maaasahan at mapagkakatiwalaan mo, isa na malalapitan mo sa anumang kalagayan,” sabi ng isang 17-anyos na si Nora. Gayunman, kung minsan ay maaaring gumawi na parang pinakamasama mong kaaway ang iyong pinakamatalik na kaibigan.

Sinisira ang Pagkakaibigan

Ano ang dahilan kung bakit nasisira ang isang kasiya-siyang pagkakaibigan? Para kay Sandra, nagsimula ang problema nang hiramin ng kaniyang kaibigan na si Megan ang isa sa kaniyang paboritong pantaas. “Nang isauli niya ito,” sabi ni Sandra, “marumi ito at may maliit na punit sa manggas. Hindi man lamang niya binanggit ito, na para bang hindi ko ito mapapansin.” Ano ang nadama ni Sandra sa kawalan ng konsiderasyon ni Megan? “Nagalit ako,” aniya. “Nadama kong parang wala siyang konsiderasyon sa mga gamit ko . . . o sa aking damdamin.”

Maaari ring makasakit ng damdamin kung ang isang matalik na kaibigan ay gumawa o nagsabi ng isang bagay na humiya sa iyo. Ito ang nangyari kay Cindy nang sabihin niya sa isang grupo ng kaniyang mga kaklase na hindi pa niya nabasa ang isang aklat para sa kaniyang book report. Walang anu-ano, kinagalitan siya ng kaniyang kaibigang si Kate. “Hiniya niya ako sa harap ng grupo ng aming mga kaibigan,” gunita ni Cindy. “Galit na galit ako sa kaniya. Talagang nagbago ang mga bagay-bagay pagkatapos niyan.”

Kung minsan ang di-pagkakaunawaan ay nangyayari kapag ang isang kaibigan ay nagsimulang gumugol ng panahon na kasama ng bagong mga kasamahan. “Mayroon akong mabait na kaibigan na naging isang miyembro ng maliit na pantanging samahan,” sabi ng 13-anyos na si Bonnie. “Hindi na niya ako pinapansin.” O maaaring nahahalata mo ang lihim na mga motibo sa pakikisama ng isang kaibigan. “Kami ni Bobby ay talagang tunay na magkaibigan,” sabi ni Joe, 13. “Akala ko’y gusto niya ako dahil sa aking personalidad, subalit natuklasan ko na gusto lamang pala niya ako dahil sa ang aking itay ay nagtatrabaho sa advertising at laging nakakakuha ng mamahaling tiket sa mga laro at konsiyerto.” Ano ang nadarama ngayon ni Joe? “Hinding-hindi ko na muling pagkakatiwalaan si Bobby!” aniya.

Sa ilang kaso naman ay maaaring isiwalat sa iba ng isang kaibigan ang impormasyon na nais mong panatilihing lihim. Halimbawa, si Allison ay nakipag-usap sa kaniyang kaibigang si Sara tungkol sa personal na problema ng isang katrabaho. Kinabukasan ay binanggit ni Sara ang bagay na ito sa katrabaho mismo. “Hindi ko sukat akalain na madaldal pala siya!” sabi ni Allison. “Galit na galit ako.” Gayundin ang naranasan ni Rachel, 16, nang isiwalat ng isang matalik na kaibigan ang isang bagay na pinag-usapan nilang dalawa nang pribado. “Napahiya ako at para rin akong ipinagkanulo,” sabi ni Rachel. “Nasabi ko sa aking sarili, ‘Paano pa ako makapagtatapat na muli sa kaniya kailanman?’ ”

Ang pagkakaibigan ay maaaring pagmulan ng emosyonal na tulong, lalo na kung mayroong damdamin ng pagmamalasakit, pagtitiwala, at paggalang sa isa’t isa. Subalit, maaaring dumanas ng maiigting na panahon kahit na ang pinakamatalik na mga pagkakaibigan. Makatotohanang sinasabi ng Bibliya: “May mga magkakasamang nagsisiraan.” (Kawikaan 18:24) Anuman ang dahilan, talagang nakapanlulumo na malaman na ikaw ay ipinagkanulo ng isang kaibigan. Bakit nangyayari ito?

Kung Bakit Nasisira ang Pagkakaibigan

Walang kaugnayang pantao​—ito man ay sa pagitan ng mga kabataan o mga adulto​—ang walang problema. Sa paano man, katulad ito ng isinulat ng Kristiyanong alagad na si Santiago: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahan na rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2; 1 Juan 1:8) Yamang ang lahat ay nagkakamali, maaasahan lamang sa malao’t madali na ang isang kaibigan ay makagagawa o makapagsasalita ng isang bagay na makasasakit sa iyo. Maaaring magunita mo pa nga ang panahon na nasaktan mo rin ang taong iyon. (Eclesiastes 7:22) “Lahat tayo’y di-sakdal, at maaaring makainis tayo sa iba paminsan-minsan,” ang sabi ng 20-anyos na si Lisa.

Bukod pa sa di-kasakdalan ng tao, maaaring may iba pang salik na nasasangkot. Alalahanin, habang ikaw ay lumalaki at nagiging maygulang, ang iyong mga interes​—gayundin yaong sa mga kaibigan mo​—ay nagbabago. Kaya, maaaring masumpungan ng dalawang tao na dating maraming pagkakatulad na unti-unti silang nagkakaroon ng iba’t ibang interes at palagay. Ganito ang hinanakit ng isang tin-edyer tungkol sa kaniyang pinakamatalik na kaibigan: “Hindi na kami madalas na nagtatawagan sa telepono at kapag kami’y nag-uusap, hindi na kami nagkakasundo sa anumang bagay.”

Sabihin pa, isang bagay lamang na lumaki na magkahiwalay at magkaiba na. Subalit bakit sinasaktan ng ilang tao ang kanilang mga kaibigan? Kadalasang nasasangkot ang paninibugho. Halimbawa, maaaring ang isang kaibigan ay magsimulang mayamot sa iyo dahil sa iyong mga likas na kakayahan o mga tagumpay. (Ihambing ang Genesis 37:4; 1 Samuel 18:7-9.) Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Pinagmumulan ito ng inggit at pagtatalo. Anuman ang dahilan, ano ang magagawa mo kung sinaktan ka ng isang kaibigan?

Pakikipagkasundo

“Una muna,” sabi ni Rachel, “inoobserbahan ko ang taong iyon at sinisikap kong alamin kung ang kaniyang ginawa ay sinadya.” Kung ikaw ang biktima ng pananalita o gawa na inaakala mong nakaiinsulto, huwag kang kumilos batay lamang sa nadarama mo sa sandaling iyon. Sa halip, maging matiisin at pag-isipang mabuti ang bagay na ito. (Kawikaan 14:29) Talaga bang bubuti ang kalagayan kung kikilos ka nang padalus-dalos dahil sa iniisip mong insultong ginawa sa iyo? Pagkatapos isaalang-alang ang mga bagay, maaari mong piliin na sundin ang payo ng Awit 4:4: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Magsalita kayo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik kayo.” Pagkatapos ay maaari mong ipasiya na hayaang ‘takpan ng pag-ibig ang maraming kasalanan.’​—1 Pedro 4:8.

Subalit, kumusta naman kung hindi mo basta maipagwalang-bahala ang nakasasakit na paggawi? Sa gayong kalagayan, makabubuting lapitan ang taong iyon. “Magkita kayo, kayong dalawa lamang, at pag-usapan ninyo ang nangyari,” sabi ng 13-anyos na si Frank. “Kung hindi mo gagawin ito, magkikimkim ka ng sama ng loob.” Gayon ang nadama ni Susan, 16. “Ang pinakamabuting gawin,” aniya, “ay sabihin sa kanila na pinagkatiwalaan mo sila at binigo ka nila.” Minabuti rin ni Jacqueline na lutasin ang bagay-bagay nang personal. “Sinisikap kong prangkahang sabihin ang mga bagay-bagay,” aniya. “Karaniwan na, ang tao ay prangka sa iyo at malulutas mo ang problema halos karaka-raka.”

Mangyari pa, dapat kang maging maingat na huwag lumapit sa iyong kaibigan sa bugso ng galit. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo, ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.” (Kawikaan 15:18) Kaya maghintay hanggang sa huminahon ka bago mo sikaping lutasin ang problema. “Sa simula’y galit ka,” ang sabi ni Lisa, “subalit kailangang pahintulutan mong humupa ang galit mo. Maghintay hanggang sa hindi na matindi ang galit mo sa tao. Pagkatapos ay maaari mong puntahan ang tao at maupo at ipakipag-usap ang mga bagay sa isang mapayapang paraan.”

Ang susing salita ay “mapayapa.” Alalahanin, ang layunin mo ay hindi kagalitan ang iyong kaibigan. Ito’y upang ayusin ang mga bagay nang mapayapa at, kung maaari, mapanumbalik ang pagkakaibigan. (Awit 34:14) Kaya magsalita mula sa puso. “Maaari mong sabihin, ‘Kaibigan mo ako, at kaibigan kita; subalit gusto ko lamang malaman kung ano ang nangyari,’ ” ang mungkahi ni Lisa. “Kailangan mong malaman ang dahilan sa likuran ng pagkilos na iyon. Minsang malaman mo ito, karaniwan nang hindi naman mahirap na lutasin ito.”

Tiyak na magiging mali na gumanti, marahil sa pamamagitan ng pagtsitsismis tungkol sa tao at paghikayat sa iba na pumanig sa iyo. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat sa mga taga-Roma: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman.” (Roma 12:17) Ang totoo, gaano man kalalim ang sugat sa iyong damdamin, palulubhain lamang ng pagganti ang mga bagay-bagay. “Hindi sulit ang maghiganti,” sabi ni Nora, “sapagkat hinding-hindi na kayo muling magiging magkaibigan.” Sa kabaligtaran, isinusog niya na ang paggawa mo ng pinakamabuti upang ayusin ang kaugnayan ay “magpapadama sa iyo na mas mabuti kang tao.”

Ngunit kumusta naman kung ang iyong kaibigan ay hindi tumutugon sa iyong mga pagsisikap na makipagkasundo? Sa gayong kalagayan, alalahanin na ang mga pagkakaibigan ay may iba’t ibang antas. “Hindi lahat ng kaibigan ay magiging matalik,” sabi ng tagapayo sa pamilya na si Judith McCleese. “Alamin mo na magkakaroon ka ng iba’t ibang uri ng kaugnayan.” Gayunman, maaaliw ka ng bagay na nagawa mo na ang iyong bahagi upang mapanumbalik ang kapayapaan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”​—Roma 12:18.

Nagkakaroon ng mga unos kahit na sa pinakamainam na pagkakaibigan. Kung makakayanan mo ang unos nang hindi mo hinahayaang masira nito ang iyong pangmalas sa iba o ang iyong pagpapahalaga-sa-sarili, ikaw ay sumusulong tungo sa pagiging isang maygulang na adulto. Bagaman ang ilan ay maaaring “nagsisiraan,” tinitiyak din sa atin ng Bibliya na ‘may kaibigang mas malapit pa kaysa sa isang kapatid.’​—Kawikaan 18:24.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Mga larawan sa pahina 15]

Mapanunumbalik mo ang isang pagkakaibigan sa pamamagitan ng pakikipag-usap kung ano ang nangyari