Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Maaliwalas na Pananaw sa Kabila ng Kapansanan

Isang Maaliwalas na Pananaw sa Kabila ng Kapansanan

Isang Maaliwalas na Pananaw sa Kabila ng Kapansanan

AYON SA SALAYSAY NI KONSTANTIN MOROZOV

Nang ipanganak ako noong Hulyo 20, 1936, walang ganap na nabuong mga buto sa aking katawan maliban sa aking bungo at gulugod. Ang balangkas ng aking mga buto ay binubuo ng marurupok na butong-murà (cartilage) na kasintigas lamang ng mga butong-murà sa tainga ng isang adultong tao. Wala pang kalahating kilo ang aking timbang. Ang tanging mga palatandaan ng buhay na mapapansin ay ang mahinang tibok ng puso, marahang paghinga, at paminsan-minsang pagkilos.

PAMPITO ako sa siyam na magkakapatid sa isang pamilyang nakatira sa nayon ng Sara, sa Ul’yanovsk Oblast, na nasa sentro ng Russia. Nang tatlong linggo na ang aking edad, dinala ako ng aking mga magulang sa simbahan para pabinyagan. Dali-dali akong winisikan ng tubig ng pari at sinabihan ang aking mga magulang na iuwi na agad ako, yamang sinabi niya na ilang oras pa’t mamamatay na ako.

Noong Enero 1937, dinala ako ng aking mga magulang sa lunsod ng Kazan’, kabisera ng republika ng Tatarstan sa Russia, upang patingnan ako sa ilang espesyalista. Sa panahong ito ay nasasabi ko na ang “Mama,” “Papa,” at “Babushka” (Lola), at alam ko na ang mga pangalan ng aking mga kapatid. Matapos akong suriin ng mga doktor, sinabi nila sa aking mga magulang na mamamatay ako sa loob ng isang taon. Inirekomenda nilang ako’y patayin at ilagay sa isang garapon bilang isang eksibit na gagamitin para mapag-aralan ng mga estudyante ng medisina. Laking pasasalamat ko sa aking mahal na mga magulang at mariin silang tumanggi!

Panahon ng Kabataan na Lipos ng Pagdurusa

Sa abot ng aking natatandaan, ang aking katawan ay palagi na lamang pinahihirapan ng kirot. Gayunman, kahit noong bata pa ako, sinikap kong mapanatili ang isang positibong pangmalas at pinilit kong tumawa at masiyahan sa buhay. Ito ang ipinasiya kong panatilihin sa aking kalooban. Unti-unting tumibay ang balangkas ng aking mga buto, at ako’y nakauupo at nakagagapang na nang kaunti. Hindi ako lumaki na gaya ng normal na mga bata at dispormadung-dispormado ang aking katawan. Subalit ako’y isang mahusay na estudyante, anupat pagsapit ko ng limang taon, nakababasa at nakasusulat na ako.

Noong Mayo ng 1941, dinala na naman ako ng nanay ko sa simbahan. Maraming tao roon, at lahat ay nakaluhod na nagdarasal. Isang babaing tagapaglingkod ang lumapit kay Inay upang magtanong kung bakit hindi siya nakaluhod. Nang ipakita ako ni Inay sa kaniya, umalis siya upang kausapin ang pari. Pagbalik niya, sinamahan kami ng tagapaglingkod palabas at iminungkahi niya kay Inay na iwan ako sa labas ng pinto at siya na lamang ang pumasok. Sinabi niya na dahil sa kasalanan ng aking mga magulang, ako ang ibinigay sa kanila ng “isa na marumi.” Umuwi si Inay na umiiyak. Inisip ko ito sa loob ng mahabang panahon. Itinatanong ko sa aking sarili, ‘Sino kaya itong “isa na marumi”?’

Noong 1948, nang ako’y 12 anyos, dinala ako ni Inay sa nayon ng Merenki sa Chuvash Republic, mga 80 kilometro ang layo mula sa amin. Mayroon doong mga bukal na nakagagamot, at nagbakasakali si Inay na mapagaling ako ng tubig. Kabilang sa mga kondisyong ibinigay ng pari para raw ako gumaling ay na huwag akong kumain sa loob ng tatlong araw. Kinailangan din na magkomunyon ako sa simbahan. Bagaman wala akong gaanong tiwala sa simbahan, sumang-ayon ako sa mga kondisyon. Ang biyahe para sa akin ay matagal at mahirap, pero nagbata ako, anupat sinikap kong libangin ang aking sarili sa kagandahan ng tanawin.

Ang simbahan ay punô ng tao. Kalong ako ni Inay habang naglalakad sa karamihan ng mga tao nang isang matandang babae ang nag-abot sa akin ng kendi. Kinuha ko ito at inilagay sa aking bulsa. Nang ako na ang tatanggap ng Komunyon, sumigaw ang matandang babae: “Padre, huwag po ninyo siyang bigyan ng Komunyon! Kakakain lang niya ng isang kendi!” Ipinaliwanag ko na ang kending iyon ay nasa bulsa ko, ngunit sumigaw ang pari: “Walang-galang na abnormál! Magsisinungaling ka pa ba? Alisin ito sa simbahan!” Gayunman, nang sumunod na araw, isinagawa ng ibang pari ang ritwal sa Komunyon at hinugasan ako ng “milagrosong” tubig. Pero, wala namang nangyaring milagro. May kapansanan pa rin ako.

Mga Nagawa Dahil sa Katalinuhan

Bagaman malubha ang aking pisikal na kapansanan, pinagsikapan kong maabot ang maraming akademiko at pangkaisipang mga tunguhin noong ako’y tin-edyer. Noong 1956, sumapi ako sa Komsomol (Liga ng mga Kabataang Komunista) at, nang maglaon, ay nagturo ako ng kasaysayan ng Komsomol sa mga kabataan. Isa akong miyembro ng Home and Cultural Commission sa isang tahanan para sa mga may kapansanan, at naglingkod din ako roon bilang direktor at tagapagbalita sa radyo.

Karagdagan pa, ako’y naging katiwala sa isang palipat-lipat na aklatan ng mga inirekord sa tape na mga aklat para sa mga bulag, at ako’y nahalal bilang miyembro ng Judge’s Commission for the Fight Against Alcohol Abuse. Sumali rin ako sa samahan ng mahihilig sa sining, umawit, at tumugtog ng ilang instrumento sa musika.

Sa Tahanan Para sa mga May Kapansanan

Noong 1957, nang ako’y tumuntong na ng 21 anyos, napilitan akong pumasok sa isang tahanan para sa mga may kapansanan dahil sa aking pisikal na mga pinsala. Subalit, hindi ako sumuko. Noong Oktubre ng 1963, nagtungo ako sa Prosthetic Science Research Institute ng Moscow. Doon ay sumailalim ako sa 18 operasyon upang maituwid ang aking mga binti.

Una, binatak ang aking mga binti. Pagkatapos, pagkalipas ng walong araw, isinagawa ang isang operasyon. Pagkatapos noon, binalutan ng semento ang aking mga binti upang panatilihing nakapirme ang mga ito hanggang sa susunod na operasyon. Napapaiyak ang nars kapag nakikita niya ang tindi ng aking paghihirap.

Nang sumunod na apat na buwan, natuto akong maglakad nang nakasaklay. Sa tulong ng mga saklay, naitatayo ko ang aking sarili hanggang sa taas na halos 110 centimetro. Mahigit lamang nang kaunti sa 25 kilo ang aking timbang. Nang masanay na ako sa paglalakad nang nakasaklay, bumalik ako sa tahanan para sa mga may kapansanan noong 1964. Nakalulungkot, hindi na makayanan ng mahihinang buto ng aking binti ang bigat ng aking katawan, at di-nagtagal ay napilitan na naman akong magpalibut-libot sa pamamagitan ng paggapang o kaya’y sa tulong ng isang silyang de-gulong. Ang silyang de-gulong ang aking pangunahing ginagamit sa paglibut-libot hanggang sa ngayon.

Hindi na ako nagsimba kailanman. Patuloy na sumusugat sa aking damdamin ang sinabing ako’y ipinanganak mula sa “isa na marumi.” Mahal na mahal ko ang aking tatay at nanay, at talagang hindi ko matanggap na sila at ang Diyos ang dapat sisihin sa aking kalagayan. Sinikap kong patuloy na maging maaliwalas ang aking pananaw. Nais kong gumawa ng mabuti sa iba at, higit sa lahat, patunayan sa aking sarili na magagawa ko nga iyon.

Pagsasarili sa Buhay

Noong 1970, pinakasalan ko si Lidia, na bahagyang paralisado mula pa sa pagkabata. Nakabili kami ng isang maliit na bahay, na tinirhan namin sa loob ng 15 taon. Sa panahong iyon, nagtrabaho kaming dalawa para kumita. Natuto akong magkumpuni ng mga relo at iba pang maliliit at masalimuot na mga gamit.

May panahon na gumamit ako ng isang turuang aso upang magsagawa ng ilang mahahalagang paglilingkod. Sa katunayan, ako at ang isang tagapagturo sa aso ay nakaimbento ng isang paningkaw na pantangi ang pagkakagawa. Dalawa ang aso ko​—ang pangalan ng isa ay Vulkan at ang isa naman ay Palma. Si Palma ay naging isang tapat na kasama sa loob ng maraming taon. Siya ang kumukuha ng mga produkto sa tindahan para sa akin. Ang tanging ayaw niyang gawin ay ang pumila para magbayad. Kagat-kagat niya ang aking pitaka, at mayroon siyang isang maliit na sabitan sa kaniyang kolyar para sa supot ng aking pinamili.

Noong 1973, nagkasakit nang malubha ang aking nanay. Yamang ako’y palagi namang nasa bahay, nagpasiya kaming mag-asawa na ipisan na siya sa amin. Noong panahong iyon ay patay na ang aking tatay at ang lima sa aking mga kuya, at ang tatlo ko pang ibang kapatid ay nakatira naman sa ibang bahagi ng Russia. Habang nakatira sa amin si Inay, sinikap kong gawin ang lahat ng magagawa ko para sa kaniya. Nang maglaon ay namatay siya sa edad na 85.

Noong 1978, ipinasiya kong gumawa ng isang sasakyan para sa akin. Matapos akong mag-eksperimento ng ilang sasakyan, nakagawa rin ako ng isang aakma sa akin. Pinahintulutan ako ng State Automobile Inspectorate sa aming lugar na makakuha ng pagsusulit sa pagmamaneho at maiparehistro ang aking sasakyan. Pinanganlan ko itong Osa (Putakti). Kaming mag-asawa ay gumawa ng isang maliit na trailer para rito na makapaglululan ng hanggang 300 kilo. Nakapaglilibut-libot kaming mag-asawa sakay nito at nakapagdadala pa kami ng mga bagay-bagay. Nagamit namin ang de-makinang sasakyang ito hanggang noong 1985.

Nang panahong iyon ay nabulag naman ang aking kaliwang mata, at unti-unting lumabo ang paningin ng aking kanang mata. Pagkatapos ay nagkasakit naman sa puso si Lidia. Noong Mayo ng 1985, dahil sa aming mga limitasyon, napilitan kaming lumipat sa isang tahanan para sa mga may kapansanan sa lunsod ng Dimitrovgrad.

Kung Bakit Napakaligaya Ngayon ng Aking Buhay

Noong tag-araw ng 1990, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa aming tahanan para sa mga may kapansanan. Gustung-gusto ko ang kanilang itinuro. Ipinakita nila sa akin ang talata sa Ebanghelyo ni Juan hinggil sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Tungkol sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Hindi ang lalaking ito ang nagkasala ni ang kaniyang mga magulang.” (Juan 9:1-3) Ipinaliwanag sa akin na tayo’y nagmana ng kasalanan at karamdaman sa ating ninunong si Adan.​—Roma 5:12.

Gayunman, higit sa lahat ay naakit ako sa katotohanan na darating ang panahon at pagagalingin ng Diyos ang lahat ng magkakamit ng buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kapag naisauli na ang Paraiso sa lupa. (Awit 37:11, 29; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4) Tumulo ang luha sa aking mukha, at bumulong ako: “Nasumpungan ko na ang katotohanan, ang katotohanan, ang katotohanan!” Isang taon akong nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at noong 1991, nagpabautismo ako sa tubig bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.

Bagaman nagkaroon ako ng masidhing hangarin na maglingkod kay Jehova at mangaral hinggil sa kaniyang kahanga-hangang mga layunin, napaharap ako sa maraming hadlang. Dati, hindi ko gaanong kailangan na maglibut-libot, pero ngayon ay kailangan akong lumabas para ibahagi sa iba ang aking pananampalataya. Ang una kong teritoryo sa pangangaral ay ang tahanan namin para sa mga may kapansanan, kung saan 300 katao ang naninirahan. Upang makausap ko ang pinakamaraming tao hangga’t maaari, hiniling ko na atasan akong maglingkod sa kuwarto na ukol sa ilang gawaing bahay.

Tuwing umaga ay nakaupo na ako sa lugar na aking pinagtatrabahuhan at nag-aasikaso ng aking mga atas. Sa aking pagtatrabaho, nagkaroon ako ng maraming bagong kaibigan at naging kawili-wili ang aming mga talakayan hinggil sa mga paksa sa Bibliya. Ang ilan sa kanila ay tumanggap ng mga aklat at magasin na nakatulong sa kanila upang maunawaan ang Bibliya. Nasanay na ang mga bisita sa pagpapahintulot sa akin na basahan ko sila ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya. Kapag panahon ng tanghalian, napakaraming tao sa kuwartong tinitirhan naming mag-asawa anupat kung minsan ay wala nang makapasok.

Ang aking mga kapatid na Kristiyano mula sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong nang malaki sa akin sa gawaing pangangaral. Dinadalhan nila ako ng mga literatura sa Bibliya at pinag-uukulan nila kaming mag-asawa ng panahon. Tinutulungan din nila akong makarating sa Kingdom Hall para sa mga pulong sa kongregasyon. Isang Saksi ang bumili ng motorsiklong may sidecar para lamang maisakay ako. Ang iba naman na may mga kotse ay malugod na dumarating at sinusundo ako kapag mga buwan ng taglamig.

Dahil sa maibiging pagmamalasakit na iyon, nakadalo ako sa mahigit sa isang dosenang kombensiyon, o edukasyonal na mga seminar, ng mga Saksi ni Jehova. Ang una kong nadaluhan ay isang malaking internasyonal na kombensiyon sa Moscow noong Hulyo 1993, na doo’y nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng dumalo na 23,743, mula sa mahigit na 30 bansa. Para madaluhan ko ang gayong pagtitipon, kinailangang maglakbay nang mga 1,000 kilometro. Mula noon ay hindi na ako lumiban kahit isa mang kombensiyon ng bayan ni Jehova.

Ang mga administrador ng aming tahanan para sa mga may kapansanan ay may malaking paggalang sa akin, na labis kong ipinagpapasalamat. Ang aking asawa, si Lidia, na kasundo kong namuhay sa loob ng 30 taon, ay sumuporta at tumulong din sa akin, bagaman magkaiba ang aming pangmalas sa relihiyon. Ngunit higit sa lahat, inalalayan ako ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang malakas na kamay at pinaglaanan ako ng kaniyang kahanga-hangang mga pagpapala. Hindi pa natatagalan, noong Setyembre 1, 1997, naatasan ako bilang isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova.

May ilang pagkakataon sa aking buhay na muntik nang tumigil ang aking puso anupat maaaring ikinamatay ko. Laking tuwa ko ngayon na hindi nangyari iyon at na nakilala ko at inibig ang Pinagmumulan ng buhay, ang Diyos na Jehova! Hangad kong magpatuloy sa paglilingkod sa kaniya kasama ng aking espirituwal na mga kapatid sa buong daigdig hangga’t patuloy na tumitibok ang aking puso.

[Larawan sa pahina 20]

Kasama ang aking asawa, si Lidia

[Larawan sa pahina 21]

Tinuturuan ang isang estudyante sa aming tahanan para sa mga may kapansanan