Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Di-malusog na mga Istilo ng Pamumuhay Sa nakalipas na ilang buwan, napakahina ng aking katawan, kaya nakapagpapasiglang malaman na maaari nating pabutihin ang ating kalusugan sa pamamagitan ng pagbabago sa ating istilo ng pamumuhay. Dahil sa pagbabasa sa seryeng “Pinapatay Ka ba ng Iyong Istilo ng Pamumuhay?” (Hulyo 8, 1999) ay nakita ko na kailangan kong bawasan ang pagkain ng ilang bagay at kumain nang mas balanse na dito’y kasali ang pagkain ng mas maraming prutas at gulay.
E.P.M., Brazil
Atrasadong Pagtugon Napatibay-loob ako ng artikulong “Mga Binhi na Nagbunga Pagkaraan ng Maraming Taon.” (Hulyo 8, 1999) Ito ang ikatlong taon ko sa paglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador, at kapag hindi ko natatamo ang mga resulta na inaasahan ko, nasisiraan ako ng loob at nawawalan ng hangaring magpatuloy. Ang pagbabasa sa artikulong ito ay nakatulong sa akin na gawin ang pinakamainam na magagawa ko ngayon, habang ipinauubaya kay Jehova ang magiging resulta.
T. N., Hapon
Tinuya Nasiyahan ako sa Hunyo 22, 1999, na artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makakayanan ang Panunuya sa Akin?” Mula pa noong kindergarten, tinatanong na ako ng mga kaeskuwela ko tungkol sa aking mga paniniwala. Kung minsan, ang paraan ng kanilang pagtatanong ay nakasasakit sa aking damdamin. Maraming beses na muntik na akong hindi nakapagtimpi. Natanto ko ngayon na ang mga ito pala ay pagsubok lamang sa pananampalataya. Tutal, may mga iba sa paaralan na napatotohanan ko nang matagumpay.
L. C., Estados Unidos
Ako man ay tinuya dahil sa pagtangging magdiwang ng ilang relihiyosong kapistahan o makibahagi sa mga seremonyang makabayan. Nililigalig din ako dahil sa pagiging tapat at sa pagtataguyod sa moral na mga pamantayan ng Bibliya. Ang pagkuha ng tumpak na kaalaman ay nakatulong sa akin na gumawa ng pagtatanggol. Nakatutulong ito sa akin na magsalita nang hindi nahihiyang ipahayag ang aking mga paniniwala.
H. C., Zambia
Bagaman matagal na akong hindi tin-edyer—mahigit na akong 50!—pinahalagahan ko ang artikulo. May mga pagkakataon na ang pagsalansang na nakakaharap natin sa ministeryo ay nakaliligalig sa atin anupat parang gusto nating gumanti. Kaya naman pinahalagahan ko ang paalaala na “ang nakaiinsultong tugon, gaano man kahusay ang pagsasabi nito, ay magdaragdag lamang ng gatong sa apoy at baka humila pa nga ng higit pang pang-iinsulto.” Sinisikap kong magtanggol nang hindi nagmumukhang gumaganti, at ang paalaalang ito ay nakakumbinsi sa akin sa pangangailangang magpatuloy sa paggawa ng gayon.
A. F., Estados Unidos
Mabuhay Nang Mas Mahaba Naudyukan akong tumugon sa inyong napakahusay na serye na pinamagatang “Kung Paano Mabubuhay Nang Mas Mahaba at Mas Mabuti ang Pakiramdam.” (Hulyo 22, 1999) Sa wakas ay mayroon na akong paliwanag sa pagkakaiba ng katamtamang haba ng buhay at ng inaasahang haba ng buhay na kaya kong intindihin. Gayundin, ang mahuhusay na payo kung paano hahadlangan ang pinsala ng pagtanda ay mga paalaala na mataktika kong magagamit upang tulungan ang aking 88-taóng-gulang na lolo, na nakikipagpunyagi sa pagkadama ng awa sa sarili.
T. N., Estados Unidos
Hearing Dog Gusto ko kayong pasalamatan dahil sa artikulong “Ang Aking Aso ang Nakikinig Para sa Akin!” (Hulyo 22, 1999) Ang pagkaalam na ang mga tao na may mga problema sa pandinig ay kailangang humarap sa gayon katitinding hirap ay nakatulong sa akin na maging mas maunawain sa kanila. Mahilig din ako sa mga aso, at natutuwa akong malaman kung paano sila nakatutulong at nakapagbibigay ng alalay sa maraming tao.
L. B., Italya
Ako man ay may alalay na aso. Ginugugol ko ang kalakhang bahagi ng aking panahon sa isang silyang de-gulong, yamang ako’y may pinsala sa gulugod at fibromyalgia. Kulang ang mga salita upang ilarawan ang lahat ng ginagawa ng aso ko para sa akin. Tinutulungan niya ako kapag ako’y namamalengke o naglilinis ng bahay. Tinutulungan pa nga niya ako sa ministeryong Kristiyano sa pamamagitan ng pagdadala ng aking mga literatura.
K. W., Estados Unidos