Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagkalooban ng Pagnanais na Mabuhay

Pinagkalooban ng Pagnanais na Mabuhay

Pinagkalooban ng Pagnanais na Mabuhay

SI Mary ay nagdurusa mula sa klinikal na panlulumo at gayundin sa iba pang mga suliranin sa kalusugan. Gayunman, hindi naman malayò ang kaniyang damdamin sa kaniyang pamilya, ni nag-abuso man siya sa alkohol o droga. Inilalarawang mainam ng kaso ni Mary ang punto na hindi kailangang makita ang lahat ng posibleng mga sanhi ng panganib upang maganap ang isang malubhang tangka ng pagpapatiwakal.

Sa loob ng sandaling panahon, para bang si Mary ay mapapabilang sa estadistika na nagpapatunay sa kahusayan ng pagkitil ng may-edad nang tao sa kanilang buhay. Sa loob ng ilang araw ay nanatili siyang koma, di-tumutugon, sa intensive care section ng lokal na ospital, anupat nag-aagaw-buhay. Ang kaniyang balisang asawa, si John, ay halos hindi umalis sa kaniyang tabi. Binabalaan ng mga doktor si John at ang pamilya na maaaring hindi makaligtas si Mary at na asahan nila na magdaranas siya ng permanenteng pinsala sa utak kahit na siya’y makaligtas pa.

Si Mary ay dinadalaw araw-araw ng isang kapitbahay, si Sally, na isa sa mga Saksi ni Jehova. “Hinimok ko ang pamilya na huwag mawawalan ng pag-asa,” ang sabi ni Sally. “Ang aking ina, na may diyabetis, ay nakoma ng ilang linggo may ilang taon na ang nakalilipas. Sinabi ng mga doktor sa aming pamilya na hindi na siya mabubuhay, ngunit nakaligtas naman siya. Hinahawakan ko ang kamay ni Mary at kinakausap ko siya, gaya ng ginawa ko sa aking ina, at para sa akin ay tila may nadarama akong bahagyang pagtugon.” Sa ikatlong araw, ang pagtugon ay mas malakas, at para bang nakakakilala na ng mga tao si Mary, bagaman hindi siya makapagsalita.

‘Nahadlangan Ko ba Sana Ito?’

“Labis-labis na sinisi ni John ang kaniyang sarili,” ang sabi ni Sally. “Natitiyak niya na kasalanan niyang lahat ito.” Ito ang karaniwang pagtugon sa pagpapatiwakal o tangkang pagpapatiwakal ng isang minamahal. “Ipinaalaala ko sa kaniya na si Mary ay ginagamot dahil sa klinikal na panlulumo. Siya ay may sakit at hindi niya maiwasan na hindi manlumo kung paanong hindi maiwasan ni John na hindi magkasakit sa pisikal.”

Yaong mga taong nagpatiwakal ang kanilang mga mahal sa buhay ay kadalasang pinahihirapan ng tanong na, Ano sana ang nagawa ko upang mahadlangan ito? Ang pagiging listo sa mga babalang tanda at mga sanhi ng panganib ay maaaring makahadlang sa isang pagtatangka. Ngunit kung hindi, tandaan na wala kayong pananagutan sa pumipinsala-sa-sarili na ginawa ng isang tao. (Galacia 6:5) Lalo nang mahalagang tandaan ito sa mga kalagayan na kung saan sadyang nais na ibunton ng gustong magpatiwakal na miyembro ng pamilya ang kasalanan sa iba. Si Dr. Hendin, na sinipi kanina, ay nagsabi: “Dapat tandaan na ang mga nakamamatay na tangkang pagpapatiwakal ay kadalasang ginagawa ng mga taong umaasa na maiimpluwensiyahan o mamamaneobra nila ang damdamin ng ibang mga tao bagaman sila ay patay na upang masaksihan pa ang tagumpay o kabiguan ng kanilang mga pagsisikap.”

Patuloy na sinabi pa ni Dr. Hendin: “Sa kalagayan ng may-edad nang mga tao na gustong magpatiwakal, kadalasang may malalaki nang mga anak at gayundin may mga kapatid o mga asawa na nais ng pasyente na impluwensiyahan, kontrolin, o pilitin na magbigay ng higit na proteksiyon. Ang mga hinihiling ng pasyente ay kadalasang imposibleng mapagbigyan, ang pasyente ay kadalasang hindi nakikipagtawaran sa kaniyang mga hinihiling, at kadalasang ang di-seryosong mga tangkang pagpapatiwakal ay sinusundan ng seryosong mga pagtatangka.”

Maaaring madama ng mga miyembro ng pamilya na nasa ganitong mga kalagayan na sila ay tunay na nasa ilalim ng matinding panggigipit, na higit sa kanilang lakas. Gayunman, huwag kailanman kalilimutan na ibinabangon ng Diyos na Jehova ang patay at na maaaring maging kabilang dito ang ating mga minamahal na nagpatiwakal dahil sa panlulumo, sakit sa isip, o matinding pagkabalisa.​—Tingnan “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagpapatiwakal​—May Pagkabuhay-muli?” sa Gumising! ng Setyembre 8, 1990, pahina 22-3.

Bagaman ang pagpapatiwakal ay hindi mabibigyang-katuwiran, nakaaaliw na alalahanin na ang pag-asa ng ating mga minamahal sa hinaharap ay nakasalalay sa isang Diyos na lubos na nakauunawa na ang mga kahinaan at pagkukulang ay maaaring magtulak sa isang tao sa gayong desperadong pagkilos. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Kung paanong ang mga langit ay mas mataas kaysa sa lupa, ang kaniyang maibiging-kabaitan ay nakahihigit para sa mga may takot sa kaniya. Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”​—Awit 103:11-14.

Isang Maligayang Resulta

Sa loob ng dalawang araw ay nag-agaw buhay si Mary, ngunit siya ay nakaligtas. Unti-unting nagliwanag ang kaniyang isip, at iniuwi na siya ni John sa bahay, sa isang bahay kung saan ang lahat ng gamot ay ligtas na nakandaduhan. Si Mary ngayon ay regular na nagpapatingin para sa muling pagsusuri ng mga social worker sa kalusugan ng isip at nagsabing hindi niya maipaliwanag o maalaala man lamang ang masamang bagay na nagtulak sa kaniya na muntik na niyang ikamatay.

Sa ngayon si Sally, na kapitbahay nina John at Mary, ay nagdaraos ng lingguhang pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila. Natutuhan nila mula sa Bibliya na ang mismong mga suliranin na para bang walang kalutasan, lalo na para sa mga may-edad na, ay napakalapit nang lutasin ng Diyos. “Siyempre pa, sa ganang sarili, ang isang pag-aaral ng Bibliya ay hindi lubos na lunas,” ang paliwanag ni Sally. “Kailangang patunayan mo sa iyong sarili mula sa Kasulatan na ang mga pangakong ito ay tunay, at pagkatapos ay kailangang ikapit mo ang iyong natutuhan. Ngunit sa palagay ko sina John at Mary ay nagkakaroon na ng tunay na pag-asa para sa hinaharap.”

Kung tila nakapanlulumo ang inyong hinaharap at nais ninyo ng tunay na pag-asa, bakit hindi makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova? Hayaan ninyong patunayan nila sa inyo, gaya ng ginawa nila kina John at Mary, na walang mga suliranin ang hindi kaya at hindi lulunasan ng Diyos sa malapit na hinaharap. Gaano man kasama sa malas ang mga bagay sa ngayon, may kasagutan. Pakisuyong isaalang-alang kasama namin ang tiyak na pag-asa para sa hinaharap na nakapaglaan sa marami ng panibagong pagnanais na mabuhay.

[Kahon sa pahina 6]

Mga Sanhi ng Panganib at mga Babalang Tanda

“Ang mga sanhi ng panganib sa pagpapatiwakal sa gitna ng may-edad nang mga tao ay naiiba doon sa mga mas bata pa,” ang sabi ng The Journal of the American Medical Association. Kabilang sa mga sanhi ng panganib na iyon ay “mas malaganap na pag-abuso sa alkohol at panlulumo, ang higit na paggamit ng lubhang nakamamatay na mga pamamaraan, at ang pagkakabukod sa lipunan. Karagdagan pa, ang may-edad nang mga tao . . . ay mayroong mas maraming karamdaman sa pisikal at sakit sa emosyon.” Nakatala sa aklat na Suicide, ni Stephen Flanders, ang sumusunod na mga sanhi ng panganib, na alinman sa mga ito ay nangangailangang bigyang-pansin.

Labis na panlulumo:

“Iniulat ng mga mananaliksik na 50% o higit pa ng mga nagpapatiwakal ay may kasaysayan ng malubhang panlulumo.”

Kawalang pag-asa:

Sa ilang pag-aaral, maging ang mga tao na tila hindi naman nanlulumo ay mas malamang na magpatiwakal kung wala silang pag-asa sa hinaharap.

Alkoholismo at pag-abuso sa droga:

“Tinataya na sa pagitan ng 7% at 21% [ng mga alkoholiko] ay nagpapatiwakal, kung ihahambing sa wala pang 1% ng pangkalahatang populasyon.”

Impluwensiya ng pamilya:

“Isinisiwalat ng mga pag-aaral na ang mga miyembro ng pamilya na may nagpatiwakal na isang miyembro ay mas nanganganib na magpatiwakal din mismo.”

Sakit:

“Ang pagkatakot dahil sa paghina ng katawan, na maaaring maging dahilan ng pagkakakulong sa isang nursing home, ay sapat na upang maudyukang magpatiwakal ang may-edad nang mga tao.”

Mga kawalan:

“Ang kawalan ay maaaring nakikita, tulad ng isang kabiyak o kaibigan, trabaho, o ang kalusugan ng isang tao. Ito’y maaari ring di-nakikita. Kabilang sa mga halimbawa ay ang pagpapahalaga-sa-sarili, katayuan, o pagkadama ng katiwasayan.”

Karagdagan pa sa mga sanhi ng panganib na ito, itinatala ng aklat ni Flander ang sumusunod na babalang mga tanda na hindi dapat ipagwalang bahala.

Nakalipas na mga tangka ng pagpapatiwakal:

“Ito ang pangunahing nagpapahiwatig ng posibleng pagpapatiwakal.”

Pagsasalita tungkol sa pagpapatiwakal:

“Ang mga pananalitang tulad ng ‘Hindi na magtatagal at hindi na sila mag-aalala pa sa akin’ o ‘Mas makabubuti sa kanila kung wala na ako’ ay mga halimbawa ng maliwanag na mga banta.”

Pangwakas na mga kaayusan:

“Kabilang sa gayong paggawi ang paggawa ng huling habilin, pamimigay sa iba ng mahahalagang ari-arian, at paghahabilin sa mga alagang hayop.”

Pagbabago ng personalidad o paggawi:

Kung ito ay “may kalakip na mga kapahayagan ng kawalang-halaga o kawalang-pag-asa,” ito’y maaaring “isang tanda ng matinding panlulumo na maaaring humantong sa paggawing makapipinsala sa sarili.”

[Larawan sa pahina 7]

Kadalasang kailangan ng mga naiwan ang tulong upang makayanan ang pagpapatiwakal ng isang kabiyak