Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Atenas—Ang Bantog na Kahapon at Mapanghamong Kinabukasan Nito

Atenas—Ang Bantog na Kahapon at Mapanghamong Kinabukasan Nito

Atenas—Ang Bantog na Kahapon at Mapanghamong Kinabukasan Nito

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA

ANG eroplano ay gumagawa ng kahuli-hulihang pagliko bago lumapag sa Athens International Airport. Pagkatapos mapalayo nang dalawang taon, bumalik ako sa lugar na itinuring kong tahanan sa loob ng dalawang dekada. Mula sa mga aklat ng kasaysayan, alam ko na ang lunsod sa ibaba ay itinuturing ng marami bilang ang dako kung saan itinatag ang demokrasya.

Paglapag ko sa lupa, nasumpungan ko na bukod sa kasaysayan, sining, at mga monumento, ang bantog at maalikabok na kabisera ay punung-puno ng masisigla at optimistikong mamamayan. Natanto ko rin na ang palakaibigan at palangiting mga naninirahan dito ay puspusang nagtatrabaho upang magtagumpay ang kanilang lunsod​—at ito ay lalo nang kailangan dahil inihahanda ito upang maging dakong pagdarausan ng 2004 Olympic Games.

Isang Bantog na Kahapon

Nagsimula ang kasaysayan ng Atenas noong ika-20 siglo bago umiral si Kristo at ito ay isinunod sa pangalan ng diyosa ng mga Griego na si Athena. Dito ay malalakaran mo pa rin ang mga lansangan na nilakaran ni Socrates, mapapasyalan ang paaralan na kung saan nagturo si Aristotle, o masisiyahan sa isang pumupukaw-kaisipang trahedya o komedya sa mismong mga tanghalan kung saan pinamahalaan nina Sophocles at Aristophanes ang kanilang mga dula.

Ang Atenas ay isa sa unang estadong lunsod sa Gresya at nagtamasa ito ng pinakamatagumpay na panahon, ang tugatog ng kasaganaan nito, noong ikalimang siglo B.C.E. Noong panahong iyon, gumanap ng isang mahalagang papel ang demokratikong Atenas sa mga tagumpay ng Gresya laban sa Persia at ito’y naging sentro ng panitikan at sining sa Gresya. Noong panahon ding iyon itinayo ang maraming bantog na mga arkitektural na monumento nito​—na ang pinakabantog ay ang kahanga-hangang Parthenon.

Bagaman natakasan ng mga taga-Atenas ang pang-aalipin ng mga Persiano, nang maglaon ay nagapi naman sila sa mga pagsalakay ng isang matagal nang kaaway na mas malapit sa sariling bansa nila​—ang Sparta. Sa sumunod na mga siglo, ang Atenas ay naging isang nasasakupang lunsod, anupat magkakasunod na pinamahalaan ng Macedonia, Roma, mga emperador na taga-Byzantium sa Constantinople, mga dukeng Frank ng mga Krusada, at ng mga Turko. Nang matamo ng mga Griego ang kanilang kasarinlan noong 1829, ang Atenas ay naging isang maliit na bayan sa lalawigan na tinatahanan na lamang ng ilang libong tao.

Makabagong mga Katotohanan

Mula noong 1834, nang ang Atenas ay maging kabisera ng Gresya, ang lunsod ay mabilis na lumawak. Sa ngayon ay mga 450 kilometro kuwadrado na ang sakop nito, anupat umaabot hanggang sa kapatagan ng Attica. Ang mga karatig pook nito sa labas lamang ng lunsod ay umaabot sa kahabaan ng mga dalisdis ng mga Bundok Parnes, Pendelikón, at Hymettus. Ang punong-lunsod ay tinitirhan ng mahigit na apat at kalahating milyong tao​—halos 45 porsiyento ng populasyon ng Gresya. Ang kalakhang bahagi nito ay itinayo nang walang pagpaplano o regulasyon. Sa isang pagtantiya, mahigit sa sangkatlo ng mga pabahay ay ilegal na itinayo, at sa ngayon, maliit na bahagi na lamang ng Atenas ang hindi nalalatagan ng kongkreto.

Ang karamihan sa istilo ng arkitektura ng modernong kabahayan sa Atenas ay parang mga kongkretong kahon. Ang lunsod ay waring nakalupagi sa arawan, na may sinaunang mga poste na nakausli kung saan-saan, na naaalikabukan ng abuhing dumi mula sa industriya at mga sasakyang de-motor.

Gaya ng maraming iba pang modernong punong-lunsod, nagiging suliranin sa Atenas ang magkahalong usok at ulap. Ang ganitong magkahalong usok at ulap​—tinatawag na nefos ng mga tagaroon​—ay namumuo nang mga ilang metro lamang sa ibabaw ng tulad-kakahuyang mga antena ng telebisyon. Mabilis na naaagnas ang sinaunang mga monumento dahil sa magkahalong usok at ulap na ito anupat minsan ay naisip ng mga arkeologo na magtayo ng isang talukbong na kristal sa ibabaw ng Acropolis. Karaniwan na ang mga babala hinggil sa polusyon. Kapag nakulong ang magkahalong usok at ulap sa loob ng kabundukan na nakapalibot sa Atenas dahil sa lagay ng panahon, ang nefos ay maaaring makamatay sa mga tao. Sa gayong mga araw, ang mga pribadong kotse ay ipinagbabawal sa sentro ng lunsod, ang mga pagawaan ay nagbabawas ng paggamit sa gatong (fuel), ang mga may-edad na ay pinapayuhang manatili sa loob ng bahay, at hinihilingan ang mga taga-Atenas na iwan ang kanilang mga kotse sa tahanan.

Sabay-sabay na nililisan ng mga taga-Atenas ang lunsod tuwing dulong sanlinggo. “Sumakay ka kaagad sa iyong kotse,” ang sabi ni Vassilis​—isang sanay na taga-Atenas​—habang kumakain siya ng isang pinatamis-sa-pulot at binalutan-ng-nuwes na baklava at umiinom ng isang tasang kape na walang asukal at gatas sa isa sa mga kapihan doon. “Sa loob lamang ng ilang oras, ikaw ay nasa kabundukan o nasa dagat na.” Ang ibig sabihin ng pananalitang ito ay na maaari kang sumakay sa iyong kotse at pagkatapos ay magtiis nang ilang oras sa masikip na daloy ng trapiko bago ka makarating sa probinsiya.

Paglilinis at Pagsisinop

Gayunpaman, sinasabi ng Atenas na seryoso ito sa paglilinis, at mayroon itong nakakakumbinsing rekord upang patunayan ito. Halimbawa, ang malaking bahagi ng sentro ng negosyo sa lunsod ay isinara para hindi ito madaanan ng mga sasakyan. Bago isinara ang mga ito, ang mga lansangang ito na dakong pamilihan ay kabilang sa pinakamasisikip na lansangan. Ang mga kotse ay umuusad lamang sa katamtamang bilis na limang kilometro bawat oras, kagaya ng paglakad kapag namamasyal. Ngayon, ang mga punungkahoy na nakatanim sa mga sisidlan ang humalili sa masikip na daloy ng trapiko, at ang mga awit ng mga ibon ang pumalit sa dating mga naririnig na hugong mula sa gumaganang mga enggranahe at humahaginit na mga iskuter na de-motor. Sinalungat pa nga ng lunsod ang tradisyonal na istilo ng pamumuhay sa Mediteraneo, anupat hiniling sa mga manggagawa na tumigil na sa pag-uwi para umidlip pagkatapos mananghali​—isang kaugalian na walang-dudang nakaragdag ng dalawa pang yugto ng pagmamadali.

Mapapansin sa tanggapan ni Nikos Yatrakos, bise alkalde ng Atenas, ang malaking pag-asa na maganda ang mangyayari sa hinaharap. Nang banggitin ko na kinailangan akong gumugol ng dalawang nakayayamot na oras upang marating ang kaniyang tanggapan, madamayin siyang tumango. “Ngunit huwag mong kalilimutan,” ang agad na idiniin niya, “malapit na ang 2004 Olympic Games. Pananagutan namin na paunlarin ang lunsod, at gagawin namin iyon.” Ganito ang sinabi ni Constantine Bakouris, punong tagapag-organisa ng palaro: “Kailangang [maidaos] namin nang mahusay ang Palaro. Subalit sa aming pananaw, isinasaalang-alang namin ang mangyayari pagkatapos nito. . . . Kailangang gawin namin ang mga bagay na alam naming magtatagal.”

Ang bagay na ang Atenas ang magiging dakong pagdarausan ng 2004 Olympics ay nagbunsod ng isang bugso ng walang-katulad na gawain at pagpapaunlad. Kahit saan ay naghuhukay ang mga makina upang pabutihin ang imprastraktura at upang gumawa ng mga daan at lugar na pagdarausan para sa palaro. Ang isang bago at labingwalong-kilometrong pagpapahaba sa sistema ng subwey ay halos tapos na. Kung ang lahat ay maisasagawa ayon sa iskedyul, sa Marso 2001 ay lalapag ang unang sasakyang panghimpapawid sa bagong internasyonal na paliparan sa Atenas, isang paliparan na tinaguriang ang pinakamoderno sa Europa.

Bukod dito, pagsapit ng taóng 2001, handa na ang bagong expressway na sa kabuuan ay may haba na 72 kilometro. Ililihis nito ang mga nagdaraang sasakyan palabas sa sentro ng Atenas, at pasisiglahin nito ang paggamit ng pampublikong transportasyon. Inaasahan na babawasan nito ang bilang ng mga kotse sa sentro ng lunsod nang mahigit sa 250,000 bawat araw at babawasan din nito ang polusyon sa atmospera nang 35 porsiyento. Ang bagong programa ukol sa biyolohikal na paglilinis sa maruming tubig ng Atenas at ng karatig na mga pook nito ay nagbibigay ng pag-asa na mapasusulong ang kapaligiran sa mga baybaying-dagat na nakapalibot sa kabisera. Ang matayog na pangarap ay, sa loob ng ilang taon, babaguhin ang Atenas upang maging isang bagong lunsod, na may pinasulong na sistema ng transportasyon, mas maraming luntiang lugar, at isang mas malinis na kapaligiran.

Isang Distrito ng Lumang Atenas

Para sa marami, sa kabila ng bagong nagtataasang mga tanggapan, muling inayos na mga lansangan at mga fountain, magagarang pamilihan, at masiglang buhay sa lansangan, ang Atenas ay patuloy na mananatiling isang nayon​—malaya sa halip na disiplinado at kaniya-kaniya sa halip na may kaayusan. Ang parteng nayon ng Atenas ay matatagpuan sa mga bahaging iyon ng lunsod kung saan ang mga bahay ay may mga bubong pa rin na yari sa tisa at mga balkonahe na may barandilyang bakal at mga pasô na may tanim na geranium.

Upang masumpungan ang Atenas na iyon, pinuntahan ko ang Plaka, ang pinakamatandang pamayanan sa lunsod, malapit sa mga dalisdis ng Acropolis sa gawing hilaga. Doon ay natagpuan ko ang isang sali-salimuot na makikitid at matatarik na paliku-likong mga kalye, nakalundong mga bahay, mga tindahan ng alak, ligaw na mga pusa at aso, mga taberna, at mga kariton. Taglay pa rin ng lugar na iyon ang masigla at masayahing kapaligiran ng nagdaang panahon, na umaakit sa mga turista. Nakahilera sa mga bangketa ang mga mesa na kung minsan ay hindi magkakapantay ang haba ng paa, kasali na ang kulang-sa-sukat na mga upuan. Ang mga tagapagsilbi, na may bukás na mga menu, ay nagsisikap na makaakit ng mga parokyano.

Nadaraig ng busina ng mga motorsiklo ang musikang likha ng manunugtog ng organo. Ang buong hanay ng mga pitaka na yari sa bagong-kulting katad ay nakasabit sa harap ng mga tindahan ng souvenir. Ang napakaraming mistulang-kawal na mga piyon ng larong chess na yari sa marmol na ginawang kawangis ng mga diyos ng mga Griego ay inihanay sa anyong makikipagdigma, ang mga manyikang kahoy ay nagsasayaw ng katutubong mga sayaw, at umiikot ang mga windmill na seramik. Maliwanag na ang distritong ito ng lunsod ay may-katigasang tumututol sa anumang mga pagtatangka ukol sa modernisasyon.

Ang Atenas Kung Gabi​—Mga Tanawin at mga Tugtugin

Ang pagdalaw sa Atenas ay hindi magiging kumpleto kung hindi matutunghayan ang yaman ng kultura ng lunsod. Sa gabing iyon, ipinasiya ko na daluhan naming mag-asawa ang isang simponiya sa isang sinaunang Romanong ampiteatro ni Herodes, na matatagpuan sa dalisdis ng Acropolis sa gawing timog. Ang nilalakaran ng mga tao patungong teatro ay isang tahimik at bahagyang naiilawan na daanan na naaaninuhan ng mga punungkahoy na pino. Ang naiilawang harapan na yari sa manilaw-nilaw na mga bato ay buong-kagandahang naaaninag sa likod ng mga punungkahoy. Bumili kami ng mga tiket para sa bandang itaas na hanay ng mga upuan, kaya umakyat kami sa mga baytang na yari sa marmol at pagkatapos ay pumasok kami sa loob ng ampiteatro sa pamamagitan ng isang pasukan na may disenyong Romano.

Gumugol kami ng ilang sandali upang pagmasdan ang kapaligiran​—isang maitim at tulad-pelus na langit, isang buwan na halos nasa kabilugan nito na makikita sa likod ng manaka-nakang mga guhit ng ulap, at napakaraming mga sinag ng ilaw, na naging dahilan upang maging isang maningning na tanawin ang loob ng mataas na teatro na hugis hinating balisungsong. Daan-daang tao​—na waring napakaliliit at napakalalayo kung pagmamasdan dahil sa laki ng teatrong ito, na nakapagpapaupo ng 5,000​—ang paroo’t parito sa pakalahating-bilog na mga hanay ng mapuputing marmol upang humanap ng mauupuan. Mainit-init pa rin ang mga upuang bato dahil sa naarawan ang mga ito sa maghapon, ang mismong mga bato na nagpaalingawngaw sa drama at musika at tawanan at palakpakan ng nakaraang mga milenyo.

Hindi rin dapat kaligtaan ang napakaraming museo ng lunsod. Ang pinakatanyag sa mga ito ay ang National Archaeological Museum, na may kahanga-hanga at detalyadong sumaryo ng Griegong sining sa loob ng nagdaang mga siglo. Ang iba pang museo na marapat dalawin ay ang Museum of Cycladic Art at ang Byzantine Museum. Mula noong 1991, ang Mégaron Athens Concert Hall​—isang maringal na gusaling marmol na may katangi-tanging akustika​—ay naging dakong pinagdarausan na ng opera, ballet, at mga konsiyerto sa musikang klasikal sa buong taon. At, siyempre pa, maaari ka ring masiyahan sa katutubong musikang Griego sa maraming tradisyonal na mga taberna.

Ikaw ay Malugod na Tinatanggap!

Ang modernong Atenas, taglay ang bantog na kahapon nito, ay nakaharap sa mga panggigipit ng isang mapanghamong kinabukasan. Subalit ang mga mamamayan nito ay natutong makibagay sa abot ng kanilang makakaya taglay ang pagiging masayahin, malikhain, at philotimo​—sa literal, pag-ibig sa paggalang sa sarili. Para sa karamihan ng mga turista, ang Atenas ay mananatiling isang lunsod na kaakit-akit at mayaman sa kultura.

[Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Atenas

[Larawan sa pahina 14]

Ang Parthenon, isang sinaunang templong pagano, ay nagsilbing isang simbahan at isang moske

[Larawan sa pahina 15]

Ang Atenas ang siyang tahanan ng mahigit na apat at kalahating milyong tao

[Larawan sa pahina 16]

Isang taberna sa Plaka, ang pinakamatandang pamayanan sa Atenas

[Credit Line]

M. Burgess/H. Armstrong Roberts

[Larawan sa pahina 17]

May mga balkonahe ang ilang tindahan ng souvenir

[Credit Line]

H. Sutton/H. Armstrong Roberts