Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pinakaiingatang Lihim

Isang Pinakaiingatang Lihim

Isang Pinakaiingatang Lihim

“Walang sinuman ang dapat alipinin o alilain: ang pang-aalipin at ang pagbebenta ng mga alipin ay ipinagbabawal sa lahat ng anyo nito.”​—Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao.

SA SUSUNOD na pagkakataong maglalagay ka ng asukal sa iyong kape, isipin mo si Prevot, isang taga-Haiti na pinangakuan ng isang magandang trabaho sa ibang bansa sa Caribbean. Sa halip, siya ay ipinagbili sa halagang walong dolyar.

Naranasan ni Prevot ang naging buhay ng libu-libong kababayan niya na inaalipin na sapilitang pinag-aani ng tubó sa loob ng anim o pitong buwan sa kaunting halaga o nang walang bayad. Ang mga bihag na ito ay nakatira sa siksikan at maruruming kalagayan. Pagkatapos kunin ang kanilang mga ari-arian, sila’y binigyan ng mga itak. Upang makakain, dapat silang magtrabaho. Kung magtatangka silang tumakas, sila’y maaaring bugbugin.

Isaalang-alang ang kalagayan ni Lin-Lin, isang batang babae mula sa Timog-silangang Asia. Siya ay 13 anyos nang mamatay ang kaniyang ina. Isang ahensiyang nagbibigay ng trabaho ang bumili sa kaniya mula sa kaniyang ama sa halagang $480, at pinangakuan siya ng isang magandang trabaho. Ang halagang ibinayad sa kaniya ay tinatawag na “paunang sahod niya”​—isang tiyak na paraan upang mapanatili siyang nakatali nang permanente sa mga bagong may-ari sa kaniya. Sa halip na bigyan ng isang disenteng trabaho, si Lin-Lin ay dinala sa isang bahay-aliwan, kung saan ang mga kliyente ay nagbabayad sa may-ari nito ng halagang $4 isang oras para sa kaniya. Si Lin-Lin ay mistulang isang bilanggo, sapagkat hindi siya maaaring umalis hanggang sa mabayaran niya ang kaniyang utang. Kabilang dito ang pagkakabili sa kaniya ng may-ari ng bahay-aliwan bukod pa sa interes at mga gastos. Kung hindi susunod si Lin-Lin sa kagustuhan ng kaniyang amo, siya’y maaaring bugbugin o labis na pahirapan. Mas masahol pa, kung sisikapin niyang tumakas, maaari pa siyang patayin.

Kalayaan Para sa Lahat?

Inaakala ng karamihan na hindi na umiiral ang pang-aalipin. Tunay, pagkatapos ng maraming kombensiyon, deklarasyon, at mga batas, opisyal na ipinahayag na naalis na ito sa karamihan ng mga bansa. Ang pagkasuklam sa pang-aalipin ay matinding pinagtibay sa lahat ng dako. Ipinagbabawal ng pambansang mga batas ang pang-aalipin, at ang pag-aalis nito ay idinambana sa pandaigdig na mga dokumento​—lalo na sa Artikulo 4 ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ng 1948, na sinipi sa itaas.

Gayunman, umiiral at umuunlad pa rin ang pang-aalipin​—bagaman sa ilan ito ay isang pinakaiingatang lihim. Mula sa Phnom Penh hanggang sa Paris, mula sa Mumbai hanggang sa Brasília, milyun-milyon sa ating mga kapuwa-tao​—mga lalaki, babae, at mga bata​—ang sapilitang namumuhay at nagtatrabaho bilang mga alipin o nasa tulad-alipin na mga kalagayan. Tinataya ng nakabase-sa-London na Anti-Slavery International, ang pinakamatandang tagasubaybay ng sapilitang pagpapatrabaho sa daigdig, na daan-daang milyon ang bilang ng mga taong nasa pagkaalipin. Tunay, maaaring mas maraming alipin sa daigdig ngayon higit kailanman!

Ipagpalagay na, ang pamilyar na mga larawan ng mga tanikala, panghagupit, at mga subasta ay hindi karaniwan sa makabagong-panahong pang-aalipin. Ang sapilitang pagpapatrabaho, sunud-sunurang pag-aasawa, pagkaalipin dahil sa pagkakautang, pagpapatrabaho sa mga bata, at kadalasan ang prostitusyon ay ilan lamang sa mas kilalang mga anyo ngayon ng pang-aalipin. Ang mga alipin ay maaaring mga kerida, hinete ng kamelyo, tagaputol ng tubó, manghahabi ng alpombra, o mga tagagawa ng daan. Totoo, ang karamihan ay hindi ipinagbibili sa isang subastang pampubliko, subalit hindi rin naging mas mabuti ang kanilang kalagayan kaysa sa mga nauna sa kanila. Sa ilang kaso ay mas kalunus-lunos pa nga ang kanilang mga naging buhay.

Sinu-sino ang nagiging alipin? Paano sila nagiging mga alipin? Ano ang ginagawa upang matulungan sila? Natatanaw na ba ang ganap na pag-aalis sa pang-aalipin?

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

ANO BA ANG MAKABAGONG PANG-AALIPIN?

Ito ang tanong na nahihirapang sagutin kahit na ng United Nations pagkaraan ng mga taon ng pagsisikap. Ang isang kahulugan ng pang-aalipin ay yaong binuo ng Kombensiyon Tungkol sa Pang-aalipin ng 1926, na nagsasabing: “Ang pagkaalipin ay ang katayuan o kalagayan ng isang tao na sa kaniya ay isinasagawa ang anuman o lahat ng kapangyarihang kaugnay sa karapatan ng pagmamay-ari.” Gayunman, ang termino ay bukás sa interpretasyon. Ayon sa peryodistang si Barbara Crossette, “ang pang-aalipin ay isang bansag na ikinakapit sa mga manggagawa sa mga industriya ng mga damit at mga kasuutang pang-isports sa ibang bansa at sa maliliit na pagawaan sa mga lunsod sa Amerika na mababa ang pasahod. Ginagamit ito upang hatulan ang industriya ng sekso at ang pagpapatrabaho sa bilangguan.”

Si Mike Dottridge, ang direktor ng Anti-Slavery International, ay naniniwala na “habang ang pang-aalipin ay waring nagkakaroon ng bagong mga anyo​—o habang ang salita ay ikinakapit sa mas maraming kalagayan​—nariyan ang panganib na ang kahulugan nito ay mabantuan o mabawasan pa nga.” Ipinalalagay niya na ang “pang-aalipin ay ipinakikilala sa pamamagitan ng isang elemento ng pagmamay-ari o pagsupil sa buhay ng iba.” Kalakip dito ang pamimilit at pagbabawal ng pagkilos​—ang katotohanan na “ang isa ay hindi malayang umalis, o magpalit ng amo.”

Ganito ang sabi ni A. M. Rosenthal, na sumusulat sa The New York Times: “Ang mga alipin ay namumuhay nang buhay-alipin​—labis-labis na pinapagtatrabaho, hinahalay, ginugutom, labis na pinahihirapan, at lubusang hinahamak.” Sinabi pa niya: “Ang alipin ay mabibili sa halagang limampung dolyar, kaya hindi talaga mahalaga [sa mga nagmamay-ari] kung hanggang kailan mabubuhay ang mga ito bago ihagis sa ilog ang kanilang mga bangkay.”

[Credit Line]

Ricardo Funari