Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makabagong Pang-aalipin—Malapit Na ang Wakas Nito!

Makabagong Pang-aalipin—Malapit Na ang Wakas Nito!

Makabagong Pang-aalipin​—Malapit Na ang Wakas Nito!

“Ang kalayaan ng isang tao ay mahalagang bahagi ng pandaigdig na kalayaan. Hindi mo maaaring isapanganib ang isa at kasabay nito’y hindi rin isinasapanganib ang isa pa.”​—Victor Schoelcher, Peryodista At Pulitikong Pranses, 1848.

“ANO ang masamang saloobing ito ng tao na laging umaakay sa kaniya na hamakin, supilin at maliitin ang kaniyang mga kapuwa?” ang tanong ng mga editor ng The UNESCO Courier. “At paano nanatiling hindi pinarurusahan ang gayong krimen laban sa sangkatauhan kahit na noong pasimulan ang mga Karapatang Pantao?”

Ang sagot ay masalimuot. Ang kasakiman ang nag-udyok sa paggamit ng murang pagpapatrabaho sa mga bata at sa di-pangkaraniwang pang-aalipin dahil sa pagkakautang. Ang karalitaan at kakulangan ng edukasyon ay sinisisi kapag ang mga batang babae ay ipinagbibili sa pagpapatutot at sa sunud-sunurang pag-aasawa. Ang relihiyosong mga pamantayan at mga ideyang pangkultura ang nasa likuran ng pang-aaliping ritwal. At sa kaso ng mga lalaking nagtutungo sa Bangkok o sa Manila upang humanap ng bata, walang-AIDS na mga batang lalaki o babae, ang motibo ay lantarang seksuwal na kamunduhan at imoralidad. Lahat ng ito ay bahagi ng isang daigdig kung saan ang mga tao ay “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis,” sa pananalita ni apostol Pablo, isang estudyante ng batas noong unang siglo. (2 Timoteo 3:1-5) Bahagi ito ng isang daigdig kung saan “yaong ginawang baluktot ay hindi maitutuwid, at yaong kulang ay hindi mabibilang,” bilang paggamit sa pananalita ng isang sinaunang estadistang nagngangalang Solomon.​—Eclesiastes 1:15.

Isang Pagbabago ng Isip

Nangangahulugan ba ito na wala nang magagawa o gagawin pa upang permanenteng wakasan ang pang-aalipin​—alinman sa tradisyonal na palatandaan nito o sa mas bagong mga anyo nito? Hindi naman!

Ang UN Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) ay nagsasabi na ang pang-aalipin ay “isang kalagayan ng isip,” at isinusog pa: “Kahit na maalis ito, nag-iiwan ng bakas ang pang-aalipin. Maaari itong manatili bilang isang kalagayan ng isip​—sa mga biktima nito at sa kanilang mga inapo at sa mga tagapagmana niyaong mga nagsagawa nito​—matagal na panahon pagkatapos na ito’y ipagbawal.”

Kaya ang isang paraan upang maalis ang pang-aalipin ay pangyarihin ang pagbabago ng pag-iisip​—isang pagbabago ng puso​—​sa pambuong-daigdig na lawak. At iyan ay nagsasangkot ng isang pagbabago ng edukasyon​—​ang pagtuturo sa mga tao na ibigin ang isa’t isa at igalang ang dignidad ng isa’t isa. Nangangahulugan ito ng pagtulong sa mga tao na alisin ang kasakiman sa kanilang mga puso at sundin ang mataas na mga pamantayang moral. Sino ang makapaglalaan ng gayong edukasyon? Ang OHCHR ay nagsasabi na “ang lahat ay kailangang tumulong upang magkaroon ng isang kaayusang pandaigdig na hindi na nagpapahintulot sa di-makataong pagsasamantala.”

Isaalang-alang ang isang programa sa pagtuturo na isinasagawa sa buong daigdig ng pamayanang Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Ang programang ito ay matagumpay na nagturo sa tapat-pusong mga indibiduwal na huwag ipahintulot o kunsintihin ang di-makataong pagsasamantala. Sa pamamagitan nito, milyun-milyong tao sa mahigit na 230 lupain ang naturuan na pakitunguhan ang lahat ng kanilang kapuwa-tao nang may dignidad. Bakit matagumpay ang programang ito?

Sapagkat ito’y nakasalig sa Bibliya, isang aklat na kinasihan ng Maylalang ng tao. Isa itong aklat na nagtataguyod sa dignidad ng tao. Ang mga taong naturuan sa Bibliya sa pamamagitan ng programa sa pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova ay natuto na ang ating Maylalang, si Jehova, ay isa mismong Diyos na may dignidad. (1 Cronica 16:27) Kaniyang ipinagkakaloob ang dignidad sa lahat niyang nilalang. Kabilang dito kapuwa ang mga lalaki at babae, mula sa lahat ng lahi, pinagmulan sa lipunan, at mga kalagayan sa kabuhayan.​—Tingnan ang kahon na “Kalayaan at Dignidad ng Tao​—Saan Magmumula?”

Pagkakapantay-pantay at Paggalang sa Dignidad

Itinuturo ng Bibliya na “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Kaya, walang makapag-aangkin na nakatataas siya sa kaninuman sa kaniyang kapuwa-tao o may karapatan siyang maniil o pagsamantalahan ang iba. Napahahalagahan ng mga taong handang matuto ang bagay na ang “Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Batid nila na ang pag-ibig ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat, yamang ang pribilehiyo sa isang malapit na kaugnayan sa kaniya ay bukás sa lahat ng tao. Sa katunayan, “inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 3:16.

Ang edukasyong ito na salig sa Bibliya ay may malaking epekto sa mga personalidad. Sa pamamagitan nito ay maaaring “lubusang mabago” ang mga puso at isip ng tao. (Efeso 4:22-24, Today’s English Version) Pinakikilos sila nito na pakitunguhan ang kanilang mga kapuwa-tao nang may dignidad at paggalang. Determinado silang “gumawa ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Walang sinuman ang maaaring maging isang tunay na Kristiyano at kasabay nito’y makibahagi sa di-makataong pagsasamantala at paniniil sa sinuman sa kaniyang mga kapuwa-tao. Ang mga Saksi ni Jehova ay maligaya na maging isang pamayanang Kristiyano na gaya ng Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo, kung saan ‘walang Judio ni Griego man, walang alipin ni taong laya man. Ang lahat ay iisang persona na kaisa ni Kristo Jesus.’​—Galacia 3:28.

Isang Pagbabago ng Pamahalaan

Gayunman, upang magkaroon ng isang permanenteng wakas sa lahat ng anyo ng pang-aalipin, isang malaking pagbabago sa lipunan ng tao ang hinihiling. Ang International Labor Organization ay nagsasabi na upang wakasan ang pagsasamantala sa tao, kailangang “baguhin ang kalagayan na nagpapahintulot at kumukunsinti” sa gayong mga gawain. Ang pandaigdig na mga pagkilos, pandaigdig na pagtutulungan, at determinasyon ng pandaigdig na pamayanan ay kabilang sa karagdagang mga mungkahi na ginawa ng ahensiyang iyon.

Ito’y makatuwirang humihiling ng isang kapangyarihan na magsasagawa ng malawak na pagsupil sa ating planeta, isang kapangyarihan na may kakayahang tiyakin ang pandaigdig na kalayaan. Si Boutros Boutros-Ghali, dating kalihim-panlahat ng UN, ay nagsabi na ang tunay na mga problemang nagpapahirap sa ating planeta ay dapat lutasin “sa pangglobong antas.” Subalit hindi lahat ay nakatitiyak na ito ay mangyayari kailanman. Ipinakikita ng nakalipas na karanasan na maraming tao na nasa kapangyarihan ang napakasakim at makasarili sa kanilang mga kapakanan at mga tunguhin upang makamit ang gayong pandaigdig na pagtutulungan.

Gayunman, ipinakikita ng Bibliya​—ang mismong aklat na nagturo sa milyun-milyon na igalang ang dignidad ng kanilang mga kapuwa-tao​—​na nilalayon ng Diyos na magtatag ng gayong pandaigdig na pamahalaan. Masusumpungan mo sa Bibliya ang maraming pangako tungkol sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran. (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13) Layunin ng Diyos na alisin sa lupa ang sinuman na hindi umiibig sa Diyos at sa kapuwa. Isiniwalat ng Diyos ang kaniyang layunin na magtatag ng isang pambuong-daigdig na pamahalaan sa buong sangkatauhan upang mamahala sa lupa taglay ang katuwiran. Sinabi sa atin ni Jesus na ipanalangin ang pamahalaang iyon sa karaniwang tinatawag na Panalangin ng Panginoon, o ang Ama Namin.​—Mateo 6:9, 10.

Ang pagsasamantala sa tao at ang bawat anyo ng pang-aalipin ay mapapawi sa ilalim ng pamumuno ng pamahalaang ito sapagkat ang Haring si Kristo ay maghahari “sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran.” (Isaias 9:7) Ang mga sinisiil ay palalayain sa ilalim ng kaniyang makatarungang pamamahala, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”​—Awit 72:12-14.

Kung nananabik kang makita ang wakas ng pang-aalipin​—lahat ng anyo ng pang-aalipin​—​inaanyayahan ka naming alamin ang higit pa tungkol sa layunin ng Diyos na itatag ang nagpapalayang pandaigdig na pamahalaang ito. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay maliligayahang tumulong sa iyo na gawin ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

KALAYAAN AT DIGNIDAD NG TAO​—SAAN MAGMUMULA?

Lahat tayo ay isinilang taglay ang likas na pangangailangan at hangarin para sa dignidad at kalayaan. Inulit ni Kofi Annan, panlahat na kalihim ng United Nations, ang mga damdamin na nadarama ng lahat nang siya’y magtanong: “Sino ang makapagkakaila na lahat tayo ay naghahanap ng buhay na malaya sa takot, labis na pagpapahirap at pagtatangi? . . . Kailan mo narinig ang isang malayang tinig na humihiling na wakasan na ang kalayaan? Saan ka nakarinig ng isang alipin na ipinagtatanggol ang pang-aalipin?”

Ang mga ideyang ito ay hindi bago. Sa pagwawalang-bahala sa ideya na ang ilan ay isinilang upang maging mga alipin, ganito ang isinulat ng Romanong pilosopo noong unang siglo na si Seneca, sa kaniyang Letters to Lucilius: “Pakisuyong isipin na ang taong tinatawag mong alipin mo ay isinilang mula sa iisang binhi, taglay ang gayunding magandang langit sa ibabaw niya, humihinga na katulad mo, nabubuhay na katulad mo, namamatay na katulad mo!”

Si Imam ʽAlī, na pinagpipitaganan bilang ang ikaapat na caliph pagkatapos ni Muhammad, ay nagsabi na ang lahat ng tao ay “magkakapantay sa paglalang.” Si Saʽdī, isang makatang Persiano noong ika-13 siglo, ay nagpahayag: “Ang mga anak ni Adan ay mga biyas ng isa’t isa at ang kanilang pagkalalang ay nagmula sa isang sangkap. Kapag pinahihirapan ng daigdig ang isang miyembro, ang ibang miyembro ay hindi nakasusumpong ng kapayapaan.”

Itinatampok ng makasaysayang ulat na kinasihan ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya ang dignidad ng lahat ng tao. Halimbawa, inilalarawan ng Genesis 1:27 ang paglalang sa tao, na nagsasabi: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao sa kaniyang larawan, nilalang niya siya sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Ang ating Maylalang ay isang Diyos ng kalayaan. “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan,” ang sabi ni apostol Pablo. (2 Corinto 3:17) Sa paglalang sa tao sa kaniyang larawan at wangis, pinagkalooban ni Jehova ang mga tao ng isang antas ng pagiging karapat-dapat, paggalang-sa-sarili, at dignidad. Sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kaniyang nilalang mula sa “pagkaalipin sa kasiraan,” titiyakin din niya na tatamasahin ng tao ang gayong kalayaan at dignidad magpakailanman.​—Roma 8:21.

[Larawan sa pahina 9]

Ang lahat ay karapat-dapat sa dignidad at kalayaan

[Mga larawan sa pahina 10]

ANG EDUKASYON SA BIBLIYA AY NAGTATAMPOK NG PAGGALANG SA DIGNIDAD NG TAO AT NAGDADALA NG PAG-ASA SA HINAHARAP

Isang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa Benin

Ang kagandahan ng talon na ito na Blue Nile sa Etiopia ay isang halimbawa lamang ng maaaring asahan sa isang isinauling paraiso