Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Noah—He Walked With God—Kung Paano Ginawa ang Video

Noah—He Walked With God—Kung Paano Ginawa ang Video

Noah​—He Walked With God​—Kung Paano Ginawa ang Video

“PALAGI niyang binabanggit ang tungkol dito paggising niya sa umaga. Tatlo o apat na ulit niyang pinanonood ito sa araw at muli bago matulog sa gabi.” Ano ba ang tinutukoy ng nanay na ito na taga-California? Ang tungkol sa kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki at ang pagkagusto nito sa video na Noah​—He Walked With God. * Dagdag pa niya: “Kapag naglalaro siya sa labas, sinasabi niya ang tungkol sa paggawa ng isang nagliligtas-buhay na daong, habang hawak ang kaniyang martilyo.”

Isa pang ina ang sumulat: “Dapat akong magpasalamat nang malaki sa lahat ng pagsisikap, panahon, at pag-ibig na iniukol sa videong Noah. Mayroon akong tatlong-taóng-gulang na anak na halos kabisado nang lahat ang buong video, maging ang mga kaalinsabay na tunog nito! Ito ang paborito niyang video, at hinihiling niyang mapanood ito araw-araw, dalawa o tatlong beses sa isang araw.”

Isang maliit na batang babae, si Danielle, ang sumulat: “Nagustuhan ko po ito, at nais ko pong tularan ang mga bagay na ginawa ni Noe. Sana po’y gumawa pa kayo ng mga videong pambata.”

Mangyari pa, matagal ang paggawa ng mga videong salig sa Bibliya. Bakit kaya?

Paano ba Ginawa ang Videong Noah?

Matagal pa bago kunan ang sunud-sunod na eksena o ipinta ang anumang larawan, isinulat na ng isang scriptwriter ang balangkas ng istorya batay sa salaysay ng Bibliya. Ito sa dakong huli ang magiging storyboard at pagkatapos ay magiging script. Ang storyboard ay isang serye ng maliliit at pahapyaw na mga drowing na tumutulong sa mga pintor upang maitatag ang sunud-sunod na eksena at disenyo ng isang istorya. Pinag-usapan ng ilang indibiduwal, kasali na ang mga pintor, kung paano maisasalarawan ang kasaysayan ni Noe​—aling bahagi ang gagamitan ng mga artista at alin naman ang mas mabuting katawanin ng mga iginuhit na larawan. Ang pagsasadula sa mga eksena ay tumutulong upang maging makatotohanan ang isang salaysay sa isip ng isang bata. Ipinakikita ng mga ito na ang Bibliya ay bumabanggit ng tunay na mga tao na naglingkod kay Jehova libu-libong taon na ang nakalilipas. Ano naman ang susunod na hakbang sa produksiyong ito?

Pumili ng mga gaganap sa papel ni Noe at ng kaniyang pamilya. Dinisenyo ang kanilang mga kostiyum, at pinagpasiyahan ang mga kulay na gagamitin sa bawat eksena. Kailangan ang lahat ng ito sapagkat hindi maiguguhit at maipipinta ng mga pintor si Noe at ang kaniyang asawa at mga anak na lalaki at mga manugang kung hindi nila makikita ang hitsura ng mga artista sa suot nilang mga kostiyum. Ang mga iginuhit na larawan ay dapat na katulad ng totoong-buhay na mga eksena. Subalit saan kaya kukunan ang mga eksenang ito?

Napili ang Denmark, yamang ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa bansang iyon ay may magagaling na tagagawa ng mga gamit sa eksena at may sapat na espasyo sa pagawaan na magagamit sa kinakailangang mga eksenang maaaring gawin sa loob. Isang pangkat sa pelikula mula sa Audio/Video Services Department ng Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, ang nagpunta para gawin ang pelikula, kasama ng mga tauhang taga-Denmark. Ang istorya ay ikinuwento sa pamamagitan ng pagsasalaysay. Naging napakadali tuloy ang paggawa ng programa sa ibang mga wika sapagkat hindi na kailangan dito ang mahirap na hakbang ng dubbing, alalaong baga’y ang pagsisingit ng kasabay na salin ng usapan. Ngunit paano nga ba inihanda ang mahirap na gawang-sining na ito?

Sining at Isang Pantanging Kamera

Ang mga pintor ay naghanda ng daan-daang larawang iginuhit sa watercolor batay sa storyboard na inihanda naman ng malikhaing pangkat. Hindi naman kailangan na laging kuwadrado o rektanggulo ang mga iginuhit na larawang ito. Kung minsan ay kurbado o hugis itlog ang mga ito, depende sa gagamiting anggulo ng kamera. Lahat ng iginuhit na larawan ay hindi na lálakí pa sa 56 centimetro por 76 centimetro, at karamihan ay kasinliit lamang ng 28 centimetro por 38 centimetro.

Kinailangan ang isang pantanging motion-control camera upang kunan ang mga iginuhit na larawan. Upang magmukhang buháy, ang gawang-sining ay ginawang tatlong patong​—may nasa harapan, may nasa gitna, at may nasa likuran. Sa ganitong paraan ay makukunan ang mga tanawin nang lampasan sa mga punungkahoy, sa mga binti ng isang elepante, o sa anumang bagay na kailangan upang maipakita ang epekto ng distansiya. Kontrolado ng isang computer ang kamera at maaari itong paikutin sa isang eksena o maaari nitong palakihin ang larawan upang lumikha ng isang pantanging epekto. Makapagbibigay ito ng impresyon na ang eksena ay kumikilos bagaman, ang totoo, ang kamera lamang ang kumikilos.

Yamang ang Samahang Watch Tower ay wala namang kakayahan o mga gamit upang talagang magmukhang gumagalaw ang mga drowing, ang magkahalong paraan ng media na paggamit ng isinadulang mga eksena kasabay ng mga larawang iginuhit ay masasabing maayos na rin. Ang mga batang nasa 3- hanggang 12-taóng-gulang, na para sa kanila dinisenyo ang video, ay natuwa sa paraang ito. At maliwanag na ipinakikita sa video ang maraming aral na matututuhan mula sa halimbawa ni Noe. Isa pa, ang maigsing pagsusulit na nasa pabalat ng video ay tumutulong sa mga magulang na marepaso sa kanilang mga anak ang mahahalagang punto sa kuwento.

Ang iba pang pantanging epekto, gaya ng palakas nang palakas na pagbuhos ng ulan sa panahon ng Baha, ay nagawa sa pamamagitan ng teknolohiya ng computer. Kitang-kita ang napakalaking panahon at malikhaing pagsisikap na ibinuhos sa paggawa ng videong Noah.

Yamang hindi nagbabago ang mga salaysay ng Bibliya, ang videong Noah​—He Walked With God ay magiging palaging napapanahon at makatutulong sa pagtuturo sa bawat bagong henerasyon ng mga bata. Daan-daang liham ng pasasalamat na humihiling ng higit pang mga video ang naisulat na ng mga bata at mga magulang. Isang tao ang sumulat: “Ako’y 50 taóng gulang at matagal ko nang napalaki ang aking mga anak. Subalit sa palagay ko’y magiging isang napakahalagang kasangkapan sa ngayon para sa mga magulang na may maliliit na anak na magkaroon ng isang koleksiyon ng mga video hinggil sa mga kuwento sa Bibliya.”

[Talababa]

^ par. 2 Ang videong ito ay inilabas noong 1997 at naisalin na sa mga wikang Albaniano, Croatiano, Czech, Danes, Finnish, Griego, Hapon, Hungaryo, Italiano, Kastila, Koreano, Latviano, Norwego, Olandes, Portuges, Pranses, Serbiano, Slovako, Sweko, Thai, at Tsino. Sampung wika pa ang isinasaplano.

[Dayagram/Larawan sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang motion-control camera ay kumukuha habang gumagalaw, anupat nagbibigay-buhay sa gawang-sining

[Mga larawan sa pahina 22, 23]

Ang produksiyon ay nagsimula sa storyboard

[Mga larawan sa pahina 23]

Karamihan sa isinadulang mga eksena ay kinunan sa Denmark

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Gumuhit at nagpinta ang mga pintor ng mga 230 magkakahiwalay na eksena

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang pagsasaayos sa computer, pantanging mga epekto, pagsasalaysay, musika, at tunog ang bumuo sa video