Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Di-pangkaraniwang mga Karne na Ipinagbibili
Sa kabila ng internasyonal na mga batas na nagbabawal sa kalakalan at paggamit nito bilang pagkain sa Europa, ang karne ng paniki ay ilegal na ipinagbibili sa mga tindahan at mga restawrang Britano. “Talagang nakababahala na ang ipinagsasanggalang na uri ng paniki ay pinapatay at inaangkat nang hindi natutuklasan, idagdag pa ang panganib sa kalusugan ng madla sa pagkain ng di-nasuring karne,” sabi ni Richard Barnwell, ng World Wide Fund for Nature. Sa ilang lugar sa Aprika, ang mga bayakan (fruit bat) ay matagal nang mahalagang pinagkukunan ng pagkain, at sa Malaysia at Indonesia, ang bilang ng ilan sa pinakapambihirang mga uri ng mga bayakan ay lubhang kumaunti dahilan sa kinakalakal ang kanilang karne. Gayundin, sa Seychelles, ang bat curry ay itinuturing na isang luho. Gayunman, ang The Sunday Times ng London ay nag-ulat na ang mga paniki “ay hindi lamang siyang nanganganib na mga hayop na gustung-gusto sa Europa.” Ang mga restawran sa Brussels, ang kabisera ng Belgium, ay naghahain ng karne ng chimpanzee.
Hindi Ka ba Mapakali?
Halos 15 porsiyento ng pangkalahatang populasyon ang may mga paggawing nerbiyoso, sabi ng pahayagang Globe and Mail sa Canada. Napansin ng mga mananaliksik na ang ilan ay di-mapakali sa “pagpulupot ng buhok, pagtapik ng paa sa sahig, pag-alog ng paa, pagkagat sa kuko at paggalaw-galaw katulad nito.” Bakit kaya di-mapakali ang mga tao? Naniniwala si Peggy Richter, isang saykayatris sa Centre for Addiction and Mental Health ng Toronto, na ang gayong paulit-ulit na mga paggalaw ay nakagiginhawa. Sa kabilang dako, sinabi naman ng klinikal na sikologo na si Paul Kelly na ang pagiging di-mapakali ay dahil sa tensiyon at isang awtomatiko at di-namamalayang tugon na kusang nangyayari at nagpapaginhawa sa iyo mula sa maigting na situwasyon. Ayon sa mga dalubhasa, “matututuhan mong pigilin at sa kalaunan ay itigil ang kaugaliang ito sa pamamagitan ng replacement therapy—iyon ay, ang pagtutuon ng pansin sa ibang bagay kapag napansin mo ang iyong sarili na di-mapakali,” sabi ng Globe.
Nasugapa sa Cola?
Umiinom ang mga Mexicano ng katamtamang 160 litro ng mga inuming cola bawat tao sa bawat taon, pag-uulat ng Mexican Association of Studies for Consumer Defense. Taun-taon, mas maraming salapi ang ginugugol sa mga inuming cola kaysa sa pinagsama-samang sampung pinakapangunahing mga pagkain. Ang malakas na pag-inom ng mga soft drink na ito ay sinasabi ng ilan na siyang isa sa pangunahing mga dahilan ng malnutrisyon sa Mexico. Ang ilan sa mga sangkap ng cola ay nakapipigil sa pagsipsip ng katawan ng kalsiyum at iron. Kabilang sa mga suliranin na ipinalalagay rin na nauugnay sa pag-inom ng cola ay ang mas malamang na pagkakaroon ng bato sa bato, bukbok sa ngipin, labis na katabaan, at alta presyon at gayundin ang insomya, mga gastric ulcer, at pagkabalisa. ‘Kami dati’y “mga taong mahilig sa mais,”’ sabi ng Consumer’s Guide Magazine, ‘ngunit ngayon ay masasabi ninyo na kami’y mga taong mahilig sa “cola.”’
Isang “Makatarungang Digmaan”?
“Ang digmaan sa Yugoslavia ay nagbangon ng tunay na pagkakabaha-bahagi sa mga simbahan, batay sa pagpapakahulugan sa tradisyunal na pagkaunawa sa isang ‘makatarungang digmaan,’” sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ang ideya ng isang makatarungang digmaan (jus ad bellum) ay mula pa kay Augustine, na nabuhay noong ikalimang siglo. Ayon sa Le Monde, ang “moral” na mga pagbibigay-katuwiran na ginawang legal ng isang mas nahuling pilosopong Katoliko, si Thomas Aquinas, kabilang para sa gayong digmaan ang sumusunod: Dapat na may isang “makatarungang layunin,” ang digmaan ay dapat na siyang “huling paraan,” ang isa na nakikidigma ay dapat na may “legal na awtoridad,” at “ang paggamit ng sandata ay hindi [dapat] magdulot ng higit na pinsala at kaguluhan kaysa sa kasamaan na dapat alisin nito.” Ang isa pang kondisyon na naparagdag noong ika-17 siglo ay ang “pagkakataon ng tagumpay.” Bagaman tinatanggihan na ngayon ng karamihan sa mga simbahan ang ideya ng isang “banal na digmaan,” patuloy sila sa pagde-debate kung ano ang itinuturing na isang “makatarungang digmaan.”
Mga Kabataan sa Brazil na Aktibo sa Sekso
Sa Brazil, “33% ng mga batang babae at 64% ng mga kabataang lalaki ang nakaranas ng kanilang unang pakikipagtalik sa pagitan ng edad 14 at 19,” ulat ng O Estado de S. Paulo. Karagdagan pa, ang bilang ng mga batang babae na taga-Brazil na may edad 15 hanggang 19 na nagsimulang makipagtalik bago mag-asawa ay nadoble sa loob lamang ng sampung taon. Ayon sa demographer na si Elizabeth Ferraz, nagkaroon ng “malaking pagbabago sa saloobin hinggil sa seksuwalidad.” Halimbawa, isa pang pag-aaral ang nagpapakita na 18 porsiyento ng mga nagbibinata’t nagdadalagang taga-Brazil ang mayroon nang di-kukulangin sa isang anak o magkakaroon na ng isang anak.
Gaano Kaligtas ang Iyong Ospital?
“Ang mga pasyente ay mayroong isa-sa-10 tsansang mahawa ng impeksiyon sa isang ospital sa Ireland,” ulat ng The Irish Times. Ang hospital acquired infection (HAI), gaya ng tawag dito, ay nangangailangan ng karagdagang gamutan at mas matagal na pananatili sa ospital. Sa katamtaman, ang isang insidente ng HAI ay magkakahalaga ng $2,200 bawat pasyente at nangangailangan ng karagdagang 11 araw sa ospital kung ito ay isang impeksiyon sa daluyan ng dugo. Ang lalo nang nakababahala ay ang mga impeksiyong “super-bug,” na “unti-unti nang di-tinatablan ng maraming uri ng mga antibiyotiko,” sabi ng pahayagan. Ang pinakamadaling mahawahan ng HAI ay “ang mga may edad na, ang mga napakabata, yaong gumugugol ng mahahabang panahon sa ospital, [at] yaong may malala nang mga kalagayan tulad ng sakit sa puso o malubhang brongkitis.”
Tumaas ang Pagtaya sa Gene
Binago kamakailan ng mga mananaliksik ang tinatayang bilang ng mga gene na nasa bawat selula ng tao upang maging 140,000, pag-uulat ng The New York Times. Ang nakalipas na mga pagtaya ay mula sa pagitan ng 50,000 hanggang 100,000 gene ng tao. Nangangahulugan ito na ang organismo ng tao ay mas masalimuot kaysa sa dating palagay. Ang bawat gene ay nag-uutos sa mga selula ng katawan na gumawa ng mga amino acid, na, ginagamit naman upang gumawa ng mga protina. Ang biglang pagtaas sa binagong bilang ay “nagbabadya kung gaano pa karami ang dapat matutuhan tungkol sa henetikong pagkakaprograma ng tao,” sabi ng pahayagan.
Nabagong Pangmalas sa Impiyerno
Itinuro ng Simbahang Katoliko sa loob ng mga siglo na ang impiyerno ay isang dako kung saan ang mga kaluluwa ng balakyot na mga tao ay dumaranas ng walang-hanggang pagpapahirap. Gayunman, nagbago na ito. Ang impiyerno “ay hindi isang panlabas na parusang ipinapataw ng Diyos,” sabi ni Papa John Paul II, “kundi isang kalagayan na bunga ng mga saloobin at pagkilos na itinakda na ng tao sa buhay na ito.” Ang pag-uulat ng L’Osservatore Romano. “Sa halip na isang lugar,” ang sabi ng papa, “ang impiyerno ay nagpapahiwatig ng kalagayan niyaong kusang-loob at tuwirang naghihiwalay ng kanilang sarili mula sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng buhay at kagalakan.” Idinagdag niya na ang “walang-hanggang sumpa” ay hindi gawa ng Diyos; sa halip, “ang nilalang ang siyang naglalayo ng kaniyang sarili sa pag-ibig [ng Diyos].”
Paglalakad Para sa Kalusugan
Bukod sa pagtulong sa iyo na pumayat at maalis ang kaigtingan, ang paglalakad ay tumutulong na bumaba “ang presyon ng dugo at ang panganib sa iyo na maatake sa puso,” sabi ng The Globe and Mail, ng Toronto. Ang pananatiling malusog ay nangangailangang paglaanan ng panahon. Gaano karami? “Ayon sa Canada’s Physical Activity Guide to Healthy Active Living, kung naglalakad ka sa isang katamtamang bilis, kailangan mong magsikap upang makapagtala ng kabuuang bilang na 60 minuto bawat araw—sa mga yugto na kahit 10 minuto bawat isa.” Ang mabilis na paglalakad o pagbibisikleta ng 30 hanggang 60 minuto bawat araw o pagdi-jogging sa loob ng 20 hanggang 30 minuto araw-araw ay maaaring makatulong din sa iyo na manatiling malusog. Iminumungkahi ng Globe ang pagsusuot ng magaang na panyapak na may daanan ng hangin at na may malambot na suwelas, may sapat na suporta sa paa, may malambot na panloob na sapin, at komportableng lugar para sa daliri sa paa.
Maagang Babala
“Ang daigdig ay makaaasa ng isang dekada ng ‘malulubhang kasakunaan,’ ” ulat ng World Press Review, batay sa isang artikulo sa Financial Times ng London. Sa pagbanggit sa mga likas na kasakunaan na tulad ng mga bagyo at mga lindol, ang International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies ay nagbababala na malalaking populasyon ang nakahantad sa matinding kapahamakan. “Sa 50 pinakamabilis na lumaking lunsod sa daigdig, 40 ang nasa mga sona ng lindol, at kalahati ng populasyon ng daigdig ang naninirahan sa mga rehiyong nasa baybayin ng dagat, anupat nakahantad sa tumataas na mga kapantayan ng dagat,” ang sabi ng magasin. Ang isa pang masamang tanda ay na samantalang ang mga kasakunaan ay dumarami, ang pondo ng pamahalaan para sa tulong pangkagipitan ay bumaba sa maraming bansa.
Isang Mahabang Gabi
“Maringal na kadiliman.” Ganiyan ang paglalarawan ng Norwegong manggagalugad ng polo na si Fridtjof Nansen sa “Mörketid,” o ang panahon na ang araw ay hindi man lamang sumisikat sa hilagang Norway. Sa loob ng dalawang buwan, ang halos makikita lamang ay isang kulay abong-pula na kislap ng bukang-liwayway sa loob ng ilang oras sa katanghalian. Ngunit hindi nagugustuhan ng lahat ang madilim na yugtong ito ng panahon. Ayon sa pahayagang Ibbenbürener Volkszeitung, 21.2 porsiyento ng mga Norwego na naninirahan lampas sa bilog ng polo ang dumaranas ng panlulumo sa taglamig. Ang dahilan marahil ay ang kakulangan ng melatonin, isang hormone na ginagawa sa utak. Ang tanging lunas ay liwanag. Gayunman, isang lumalaking bilang ng mga turista ang nahihikayat sa bilog ng polo dahil sa umaandap-andap na bukang-liwayway, sa kumikislap-kislap na niyebe sa liwanag ng buwan, at sa nakasisiyang liwanag ng nakapangalat na mga nayon.