Pahihintulutan Kaya ang Higit na Kalayaan ng Budhi sa Mexico?
Pahihintulutan Kaya ang Higit na Kalayaan ng Budhi sa Mexico?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
ANG kalayaan ng relihiyon sa Mexico ay ginagarantiyahan ng batas. Gayunpaman, ang batas ay nagtataglay pa rin ng ilang mga paghihigpit sa kalayaan ng pagsamba. Halimbawa, ang ideya ng pagtangging maglingkod sa militar dahil sa budhi ay halos hindi kilala sa bansang ito. Iyan ang dahilan kung bakit nagpasiya ang Institute of Legal Investigations, ng National Autonomous University of Mexico (UNAM), na magdaos ng isang internasyonal na simposyum na pinamagatang “Pagtanggi Dahil sa Budhi sa Mexico at sa Daigdig.” Nananagot sa pamahalaan ang Institute of Legal Investigations ng UNAM, ngunit ang layunin nito ay upang imbestigahan ang naitatag nang mga batas at ang pagpapatupad sa mga ito. Inanyayahan ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico na magpadala ng isang kinatawan upang magbigay ng isang pahayag sa paksang “Mga Saksi ni Jehova at Pagtanggi Dahil sa Budhi.”
Nagsalita ang mga Propesor
Ang presentasyong “Pagtanggi Dahil sa Budhi sa Internasyonal na Batas,” na iniharap ni Dr. Javier Martínez Torrón, propesor sa Granada University of Law, sa Espanya, ay nagpakita na ang kalayaan ng budhi at ang karapatang tumanggi sa pagpapatupad ng ilang batas o obligasyon dahil sa budhi ay kinikilala na sa buong daigdig. Binanggit niya ang situwasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya at ang kasong Kokkinakis sa Gresya. *
Nagpahayag si Dr. José Luis Soberanes Fernández, isang propesor sa Institute of Legal Investigations ng UNAM, hinggil sa paksang “Ang Karanasan ng mga Mexicano Hinggil sa Paksa.” “Dapat naming tukuyin na halos ipinagbabawal ng Mexican Law of Religious Associations and Public Worship ang pagtanggi dahil sa budhi,” ang sabi niya, na tinutukoy ang Unang Artikulo, na nagsasabi: “Sa anumang kalagayan ay hindi dahilan ang relihiyosong paninindigan upang bigyan ng eksemsiyon ang sinuman mula sa pagsunod sa mga batas ng bansang ito. Walang makagagamit ng relihiyosong mga kadahilanan upang makaiwas sa mga pananagutan at tungkulin na itinatakda ng mga batas.” Sa pagtatapos, sinabi ni Dr. Soberanes: “Naniniwala kami na kailangang apurahin ang paggawa ng batas may kinalaman sa pagtanggi dahil sa budhi sa Mexico.”
Tinukoy niya ang mga katibayan na taun-taon, daan-daang batang Saksi sa Mexico ang napapaharap sa mga suliraning may kaugnayan sa kanilang edukasyon dahil sa kanilang salig-Bibliyang pagtanggi na sumaludo sa watawat. Ang ilang batang Saksi ay hindi pa nga pinahihintulutang magpatala sa paaralan. Gayunman, dahil sa mga pag-apela sa Human Rights Commission, marami sa kanila ang muling nagkaroon ng karapatang makapag-aral. Ang ilang opisyal sa edukasyon ay gumawa ng mga hakbang upang hadlangan ang pagpapatalsik sa mga bata sa paaralan, ngunit winalang-bahala ng ilang guro ang gayong mga pagsisikap. Ang mga awtoridad ay naging mapagparaya sa paninindigan ng mga Saksi, ngunit wala pang pamantayan na maaaring sundin ng mga paaralan sa Mexico.
Isinaalang-alang din sa simposyum ang mga pagtanggi dahil sa budhi na iniharap naman ng ibang relihiyon, gaya ng pamumuwersa na magtrabaho sa mga araw na itinuturing na banal, pag-uutos na magsuot ng mga damit na pantrabaho sa paraang labag sa kanilang relihiyosong paniniwala, at mga iba pa. Ang mga
pagtutol sa paglilingkod sa militar at sa ilang paggamot ay isinaalang-alang din.Ang mga Saksi ni Jehova at si Cesar
Isang miyembro ng mga tauhan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ang nagharap ng isang sumaryo ng kanilang saligang mga paniniwala. Ipinaliwanag niya ang kanilang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya gaya niyaong isinasaad sa Lucas 20:25, na nagsasabi sa mga Kristiyano na ‘ibayad kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.’ Tinukoy rin niya ang Roma 13:1, na nagsasabi na dapat igalang ng mga Kristiyano ang sekular na mga awtoridad. Idiniin niya na ang mga Saksi ni Jehova ay normal at masunurin-sa-batas na mga mamamayan na nagsisikap na magbayad ng kanilang mga buwis, mamuhay nang maayos, mapanatiling malinis ang kanilang mga tahanan, at mapag-aral ang kanilang mga anak.
Pagkatapos ay itinampok niya ang isang maka-Kasulatang saligan sa pagtanggi ng mga Saksi sa pagsaludo sa watawat, na masusumpungan sa Sampung Utos sa Exodo 20:3-5: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha. Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon.”
Ang Diyos lamang ang sinasamba ng mga Saksi ni Jehova, at sa anumang kalagayan ay hindi sila sasamba sa isang imahen. Gayunman, hindi sila gagawa kailanman ng anumang paglapastangan sa isang emblema ng bansa o magsasalita nang walang galang laban dito.
Upang idiin ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa usaping ito, ang video na Purple Triangles ay ipinalabas. Ipinakikita ng video na ito ang matibay na paninindigan na ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanyang Nazi (1933-45). Inihaharap nito ang kasaysayan ng mga Kusserow, isang pamilya na nanindigang matatag sa kanilang mga paniniwala noong panahon ng rehimeng Nazi. *
Pagkatapos ay ibinigay naman ang maka-Kasulatang saligan ng pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova sa pagsasalin ng dugo. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29) Ang kaayusan para sa mga Hospital Liaison Committee sa buong daigdig ay ipinaliwanag. Bukod dito, itinampok ang mga nagawa na ng mga nakikipagtulungang doktor sa pag-oopera nang walang dugo sa mga Saksi ni Jehova.
Bawat araw ay mga 100 katao ang dumalo sa simposyum, na marami sa mga ito ay mga abogado. Naroroon din ang mga kinatawan ng Office of Religious Affairs sa Mexico. Narinig ng lahat ng naroroon ang pangmalas ng mga dalubhasa may kinalaman sa paggalang sa mga pagtanggi dahil sa budhi. Ang ideyang ito ay bago sa mga mambabatas sa Mexico, bagaman ito ay malawakang tinatanggap sa maraming demokratikong bansa, gaya ng Espanya, Estados Unidos, Portugal, at Pransiya gayundin sa ilang dating bansang Komunista, tulad ng Czechia at Slovakia.
[Mga talababa]
^ par. 5 Tingnan ang mga artikulong “Pinagtibay ng Europeong Mataas na Hukuman ang Karapatang Mangaral sa Gresya” at “Ipinagsasanggalang ang Mabuting Balita sa Legal na Paraan,” sa Setyembre 1, 1993, at Disyembre 1, 1998, na mga isyu ng Ang Bantayan.
^ par. 13 Tingnan ang Setyembre 1, 1985 ng The Watchtower, “My Family’s Love for God Despite Prison and Death.” Tingnan din ang Enero 15, 1994, isyu ng Ang Bantayan, sa pahina 5.
[Larawan sa pahina 21]
Labis na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ang kanilang kalayaang mangaral