Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang mga Alipin Ngayon?

Sino ang mga Alipin Ngayon?

Sino ang mga Alipin Ngayon?

ISIP-ISIPIN na lamang ang mga bilang. Tinatayang nasa pagitan ng 200 at 250 milyong bata na wala pang 15 anyos ang gumugugol ng karamihan ng kanilang oras sa pagtatrabaho. Ang sangkapat ng isang milyong bata, na ang ilan ay kasimbata ng pitong taon, ay kinaladkad sa armadong pakikidigma noong 1995 at 1996 lamang, sa gayon ang ilan sa kanila ay naging mga alipin ng digmaan. Ang bilang ng mga babae at mga bata na ipinagbibili bilang mga alipin sa bawat taon ay tinatayang mahigit sa isang milyon.

Subalit hindi maaaring isiwalat ng walang-malasakit na mga bilang ang kawalan ng pag-asa ng mga indibiduwal na ito. Halimbawa, sa isang bansa sa hilagang Aprika, nakilala ng manunulat na si Elinor Burkett si Fatma, isang dalaga na nakatakas sa kaniyang malupit na amo. Gayunman, pagkatapos makipag-usap sa kaniya, natalos ni Burkett na si Fatma ay “magiging alipin magpakailanman, sa kaniyang sariling pangmalas.” Magagawa pa bang mangarap ni Fatma ng mas magandang kinabukasan? “Hindi niya maisip ang kinabukasan,” ang sabi ni Burkett. “Ang ideya ng kinabukasan ay isa sa maraming pinag-iisipang bagay na wala sa kaniya.”

Oo, sa sandaling ito, milyun-milyon sa ating mga kapuwa-tao ang walang pag-asang mga alipin. Bakit at paano nagiging mga alipin ang lahat ng mga taong ito? Sa anu-anong anyo ng pang-aalipin sila nasasadlak?

Mga Mangangalakal ng Tao

Ang brosyur para sa mga turista na kumakalat sa Estados Unidos ay napakatuwiran: “Mga sex tour (turismo na nagtataguyod ng sekso) sa Thailand. Talagang mga batang babae. Talagang sekso. Talagang mura. . . . Alam mo bang aktuwal na makabibili ka ng isang birheng batang babae sa kaunting halaga na $200?” Ang hindi sinasabi ng brosyur ay na ang “mga birheng” ito ay malamang na kinidnap o sapilitang ipinagbili sa mga bahay-aliwan, kung saan sila ay nagkakaroon ng katamtamang mga 10 hanggang 20 parokyano sa isang araw. Kapag hindi sila naglalaan ng seksuwal na mga serbisyo, sila’y binubugbog. Nang masunog ang isang bahay-aliwan sa Isla ng Phuket, isang bakasyunan sa gawing timog ng Thailand, limang babaing nagbibili ng aliw ang namatay sa sunog. Bakit? Sapagkat ikinadena sila ng mga nagmamay-ari sa kanila sa kani-kanilang kama upang hindi sila makatakas sa kanilang pagkaalipin.

Saan nanggaling ang mga dalagang ito? Ayon sa ulat, ang bahaging ito ng industriya na nagtataguyod ng sekso ay pinupuno ng milyun-milyong batang babae at mga dalaga sa buong daigdig na kinidnap, pinilit, at ipinagbili sa pagpapatutot. Umuunlad ang pandaigdig na kalakalan na nagtataguyod ng sekso dahil sa kombinasyon ng karalitaan sa papaunlad na mga bansa, kasaganaan sa mayayamang bansa, at mga batas na nagwawalang-bahala sa pandaigdig na ilegal na kalakalan at pagpapaalila bilang kabayaran.

Tinataya ng mga organisasyong pambabae sa Timog-silangang Asia na mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1970 hanggang noong mga unang taon ng dekada ng 1990, 30 milyong babae ang ipinagbili sa buong daigdig. Hinahalughog ng ilegal na mga mangangalakal ng tao ang mga istasyon ng tren, mahihirap na nayon, at mga lansangan sa lunsod sa paghahanap ng mga kabataang babae at mga dalaga na waring madaling mabiktima. Karaniwang ang mga biktima ay walang pinag-aralan, ulila, pinabayaan, o dukha. Sila’y binibigyan ng huwad na mga pangako na magkakatrabaho, inihahatid sa kabila ng mga hangganan, at pagkatapos ay ipinagbibili sa mga bahay-aliwan.

Mula nang mabuwag ang blokeng Komunista noong 1991, nagkaroon ng isang bagong populasyon ng mahihirap na batang babae at mga dalaga. Ang pag-aalis ng mga pagbabawal, pagsasapribado, at lumalagong hindi pagkakapantay-pantay ng katayuan sa buhay ay nagbunga ng higit na krimen, karalitaan, at kawalan ng trabaho. Maraming dalaga at mga batang babae sa Russia at Silangang Europa ang ngayo’y naging pinagkakakitaan para sa organisadong prostitusyon sa buong daigdig. “Mas kaunti ang panganib sa ilegal na pangangalakal ng mga tao kaysa sa ilegal na pangangalakal ng mga droga,” ang sabi ng dating Komisyonado ng Hustisya sa Europa na si Anita Gradin.

Nawalang Pagkabata

Sa isang maliit na pabrika ng alpombra sa Asia, mga batang kasimbata ng limang taon ang nagtatrabaho mula alas-4 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi nang walang bayad. Sa maraming kaso, ang mga nagtatrabahong bata na gaya ng mga ito ay napapaharap sa malulubhang panganib sa kalusugan: di-ligtas na mga makinarya, mahahabang oras ng pagtatrabaho sa madidilim at walang gaanong hangin na kapaligiran, at pagkahantad sa mapanganib na mga kemikal na gamit sa paggawa. *

Bakit lubhang nagugustuhan ang mga bata bilang mga manggagawa? Sapagkat ang pagpapatrabaho sa mga bata ay mura at dahil sa ang mga bata ay likas na masunurin, madaling disiplinahin, at takot na takot magreklamo. Ang kanilang maliliit na katawan at maliliksing daliri ay nakikita ng walang-konsiyensiyang mga amo bilang mahahalagang katangian sa paggawa ng ilang uri ng trabaho, gaya ng paghahabi ng alpombra. Kadalasan ang gayong mga bata ay binibigyan ng mga trabaho, samantalang ang kanilang mga magulang naman ay nakaupo sa bahay at walang trabaho.

Nakadaragdag pa sa kanilang kahapisan, ang mga batang nagtatrabaho bilang katulong sa bahay ay madaling maging biktima ng seksuwal at pisikal na pang-aabuso. Maraming bata ang kinikidnap, ikinukulong sa liblib na mga kampo, at ikinakadena sa gabi upang hindi sila makatakas. Sa umaga, sila’y maaaring pinagagawa ng mga kalsada at pinagtitibag ng bato.

Ang isa pang paraan na doo’y nawawala ang pagkabata ay sa pamamagitan ng sunud-sunurang pag-aasawa. Ipinaliliwanag ng Anti-Slavery International ang isang karaniwang kaso: “Isang 12-anyos na batang babae ang sinabihan ng kaniyang pamilya na isinaayos na ang kaniyang pagpapakasal sa isang 60-anyos na lalaki. Sa wari ay may karapatan siyang tumanggi, subalit sa totoo ay wala siyang pagkakataong isagawa ang karapatang ito at hindi niya alam na maaari niyang gawin ito.”

Mga Alipin ng Pagkakautang

Daan-daang libong manggagawa ang nagiging alipin ng kanilang mga amo at sa mga dakong pinagtatrabahuhan dahil sa mga ipinautang sa kanila o sa kanilang mga magulang. Ayon sa pinagkaugalian, ang pagpapatrabaho bilang panagot-utang ay karaniwang nangyayari sa agrikultural na mga lugar, kung saan ang mga manggagawa ay nagtatrabaho bilang panlahat na katulong o bilang mga magsasaka. Sa ilang kaso, ang mga pagkakautang ay ipinapasa mula sa isang salinlahi tungo sa susunod, anupat tinitiyak na ang mga miyembro ng isang pamilya ay nananatili sa permanenteng pagkaalipin. Sa ibang kaso naman, ipinagbibili ng mga amo na pinagkakautangan ang may utang sa isang bagong amo. Sa sukdulang mga kaso, ang mga panagot-utang na mga trabahador ay hindi pa nga tumatanggap ng kabayaran sa trabahong kanilang ginawa. O maaaring sila’y nagiging alipin sa pamamagitan ng maliliit na bale sa kanilang suweldo, na walang-katapusang nauulit, anupat sila’y nagiging alipin na ng kanilang mga amo.

Pang-aaliping Ritwal

Si Binti, mula sa Kanlurang Aprika, ay 12-anyos at isa sa libu-libong batang babae na naglilingkod bilang trocosi, na nangangahulugang “mga alipin ng mga diyos” sa wikang Ewe. Siya’y pinilit sa buhay ng pagkaalipin at pambayad-sala sa isang krimen na hindi niya ginawa​—ang panghahalay na humantong sa kaniya mismong pagsilang! Sa kasalukuyan, ang kaniyang mga pananagutan ay mga gawaing-bahay lamang para sa isang lokal na pari na may anting-anting. Sa kalaunan, ang mga tungkulin ni Binti ay madaragdagan upang mapabilang ang paglalaan ng seksuwal na mga paglilingkod sa pari, na siyang nagmamay-ari sa kaniya. Pagkatapos sa katanghalian ng buhay, si Binti ay papalitan​—ang pari ay maghahanap ng iba namang kaakit-akit na mga batang babae na maglilingkod sa kaniya bilang trocosi.

Tulad ni Binti, libu-libong biktima ng pang-aaliping ritwal ang iniaalok ng kanilang mga pamilya upang magtrabaho bilang tunay na mga alipin sa pagsisikap na magbayad-sala sa isang gawa na binibigyan-kahulugan bilang isang kasalanan o isang paglabag sa banal na dekreto. Sa ilang bahagi ng daigdig, ang mga batang babae o mga dalaga ay obligadong magsagawa ng relihiyosong mga tungkulin at maglaan ng seksuwal na paglilingkod sa mga pari o sa iba pa​—sa pagdadahilan na ang mga babaing ito ay kasal sa isang diyos. Sa maraming kaso ang mga babae ay nagsasagawa ng iba pang paglilingkod nang walang bayad. Hindi sila malayang lumipat ng kanilang dako ng tirahan o trabaho at kadalasa’y nananatiling alila sa loob ng maraming taon.

Pang-aalipin sa Tradisyonal na Kalakalan ng Alipin

Bagaman karamihan ng mga bansa ay nagsasabing legal na naalis na nila ang pang-aalipin, sa ilang lugar ay nagkaroon kamakailan ng muling paglitaw ng pang-aalipin sa tradisyonal na kalakalan ng alipin. Karaniwan nang ito’y nangyayari sa mga rehiyon na ginigiyagis ng alitang sibil o armadong digmaan. “Sa mga lugar ng digmaan ang alituntunin ng batas ay mabisang nasuspende,” ulat ng Anti-Slavery International, “at nagagawang puwersahin ng mga sundalo o armadong milisya ang mga tao na magtrabaho para sa kanila nang walang bayad . . . nang walang takot na sila’y parurusahan; ang gayong mga gawain ay karaniwan nang iniuulat sa mga lugar na kontrolado ng mga armadong grupo na hindi kinikilala sa buong daigdig.” Gayunman, ayon sa organisasyon ding iyon, “mayroon ding mga ulat kamakailan hinggil sa mga sundalo ng gobyerno na pinipilit ang mga sibilyan na magtrabaho bilang mga alipin, na hindi sakop ng anumang legal na balangkas. Ang mga sundalo at milisya ay iniulat din na nagsasagawa ng kalakalan ng alipin, anupat ipinagbibili yaong mga nabihag nila na magtrabaho para sa iba.”

Nakalulungkot nga, sinasalot pa rin ng sumpa ng pang-aalipin ang sangkatauhan sa maraming anyo at balatkayo nito. Pag-isipan sandali ang bilang ng nasasangkot​—ang milyun-milyong tao na nagdurusa bilang mga alipin sa buong globo. Saka pag-isipan ang isa o dalawang makabagong mga alipin na ang mga kuwento ay nabasa mo sa mga pahinang ito​—marahil si Lin-Lin o si Binti. Gusto mo bang makitang napahinto na ang krimen ng makabagong pang-aalipin? Magkakatotoo pa kaya ang pag-aalis sa pang-aalipin? Bago mangyari ito, kailangang maganap ang malalaking pagbabago. Pakisuyong basahin ang tungkol dito sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 11 Tingnan ang “Pagpapatrabaho sa mga Bata​—Natatanaw Na ang Wakas Nito!” sa Mayo 22, 1999, na labas ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

PAGGAWA NG MGA SOLUSYON

Iba’t ibang opisyal na mga ahensiya, gaya ng United Nations Children’s Fund at ng International Labor Organization, ang masikap na nagtatatag at nagpapatupad ng mga estratehiya para sa pag-aalis ng makabagong pang-aalipin. Karagdagan pa, maraming organisasyong hindi pampamahalaan, gaya ng Anti-Slavery International at Human Rights Watch, ang nagsisikap na dagdagan ang kabatiran ng publiko hinggil sa makabagong pang-aalipin at palayain ang mga biktima nito. Ang ilan sa mga organisasyong ito ay nagtataguyod ng paggamit ng pantanging mga etiketa na magpapakita na ang mga paninda ay ginawa nang walang pang-aalipin o pagpapatrabaho sa mga bata. Upang ang mga taong nakikipagtalik sa mga bata ay malitis sa pagbabalik nila sa kanilang sariling bansa, ang iba pang mga ahensiya ay humihiling ng batas sa mga bansa kung saan nagmula ang mga “sex tour.” Ang ilang aktibista para sa mga karapatang pantao ay nagbayad pa nga ng malalaking halaga ng salapi sa mga mangangalakal at mga amo ng mga alipin upang tubusin ang maraming alipin hangga’t maaari. Ito’y lumikha ng ilang kontrobersiya, yamang ang gayong gawain ay maaaring lumikha ng mabuting pagkakataon para sa pagbibili ng mga alipin at pagpapataas ng kanilang halaga.

[Larawan sa pahina 7]

Maraming kabataang babae ang pinipilit sa pag-aasawa

[Credit Line]

UNITED NATIONS/J.P. LAFFONT

[Larawan sa pahina 8]

Pila sa pagkain ng mga alipin

[Credit Line]

Ricardo Funari

[Larawan sa pahina 8]

Kung minsan ang mga musmos na bata ay pinipilit na pumasok sa paglilingkod militar

[Credit Line]

UNITED NATIONS/J.P. LAFFONT