Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Spiderweb Lace”—Kaakit-akit na Gawang-Kamay sa Paraguay

“Spiderweb Lace”—Kaakit-akit na Gawang-Kamay sa Paraguay

“Spiderweb Lace”​—Kaakit-akit na Gawang-Kamay sa Paraguay

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PARAGUAY

ASUNCIÓN, PARAGUAY. Ibinababa pa ang aming mga bag, kaya may ilang minuto pa kami para tumingin-tingin sa paligid. Bigla akong hinatak ng aking asawa sa isang displey sa dingding. “Napakaganda naman niyaon!” bulalas niya, habang nakaturo sa isang magandang lace (puntas) na mantel na may napakasalimuot na disenyo. Agad niyang pinag-isipan kung paano nagawa ito.

Ang spiderweb lace (lace na parang bahay ng gagamba) ay nagmula sa Arabia. Ayon sa aklat na Paraguay, Touristic and General Information, “ito’y dinala sa Canary Islands at sa Espanya, at sa pagitan ng ika-17 at ika-18 siglo, dinala ito sa Paraguay, kung saan kinuha ng tinatawag na sun lace (lace na parang sikat ng araw) mula sa Tenerife ang pangalang Paraguayan lace, o nanduti.” Makikita sa pinong lace na ito sa Paraguay ang personal na kahusayan ng tagagawa ng lace, at ang mga katangian ng mga pananim at mga hayop sa lugar na iyon ay inilakip sa disenyo. Bagaman hindi talaga roon naimbento ang lace, napaganda ng mga taga-Paraguay ang kanilang lace dahil sa mga bagong disenyo ng tahi. Ang paghabi ng lace ang naging hanapbuhay ng maraming katutubo roon.

Paano ba nila ginagawa ang masalimuot na lace na ito na parang bahay ng gagamba? Upang matulungan kaming malaman ang sagot, isinama kami ng aming giya sa isang maliit na bayan ng Itauguá, 30 kilometro pasilangan ng Asunción. Sinabi niya sa amin na sa lugar na ito ginagawa ang karamihan sa spiderweb lace sa Paraguay. Totoo nga naman, nakadispley ang maraming hinabing mga paninda sa mga tindahan na nasa kahabaan ng pangunahing kalye.

Malugod kaming binati ng may-ari ng isang tindahan at ipinakita sa amin ang ilang kaakit-akit na mga paninda. Ipinaliwanag niya: “Ang gawang-kamay na mga lace ay inuuri ayon sa pagkakagawa nito. Ang spiderweb lace ay lace na tinahi sa pamamagitan ng karayom. Karamihan sa mga tagagawa ng lace sa Paraguay ay kabisado ang kanilang mga disenyo, bagaman ang iba naman ay gumagamit ng mga padron. Lahat sila’y gumagamit ng isang piraso ng telang koton na nakaipit sa isang bastidor na kahoy at gumagawa ng lace sa pamamagitan ng karayom at sinulid. Natutuhan nila ang trabahong ito sa kanilang mga ina sa murang edad at pagkatapos ay itinuturo ito sa kanilang mga anak.”

Ang gagambang naghahabi nang pabilog ay gumugugol lamang ng dalawa o tatlong oras sa paggawa ng sapot. “Kailangan ang mula dalawa hanggang tatlong buwan upang makagawa ng isang mantel na pangwaluhan kapag ginagamitan ng magaspang na sinulid. Upang makagawa naman ng gayunding mantel mula sa pinong sinulid, kakailanganin ang mga anim hanggang walong buwan,” sabi ng aming punong-abala. “Habang pumipino ang sinulid lalong gumaganda ang resulta.”

Habang hawak niyang nakataas ang isang puting doily (pansapin) na lace, ipinaliwanag niya: “Sa gitna nito ay may disenyo ng bulaklak ng punong bayabas, at ang mga sinulid na ito ay kailangang bilangin habang ginagawa ito. Ang disenyong ito ang pinakamahirap gawin, at kailangan ang dalawang linggong paggawa kung gagamitan ng pinong sinulid. Noong una ay pinong sinulid lamang ang ginagamit ng mga tagagawa ng lace at lahat ng lace ay napakamamahal. Kaya naman, nagsimulang gumamit ang mga tagagawa ng lace ng magaspang na sinulid upang mapadali ang paggawa ng mga ito at hindi maging gaanong mahal ang mga ito.”

Nakadispley ang may iba’t ibang kulay at puting mga pansapin sa plato, mantel, doily, coaster (pansapin sa baso), at iba pang gamit sa bahay. Nang itanong namin ang tungkol sa mga damit, mabilis na inilabas ng aming punong-abala ang isang karaniwang damit, na pag-aari ng kaniyang anak na babae, na halatang ipinagmamalaki niyang mabuti. Iyon ay isang magandang kulay-bahagharing maluwang na damit. Sa ibang mga tindahan, nakakita kami ng ilang postkard na naglalaman ng pinong lace na napakaganda ng pagkakagawa. Hindi nga kataka-taka na ang spiderweb lace ay ituring na pinakapopular na gawang-kamay sa Paraguay.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 18]