Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Tunay na Pananampalataya—Ano ba Ito?

Tunay na Pananampalataya—Ano ba Ito?

“KUNG WALANG PANANAMPALATAYA AY IMPOSIBLENG PALUGDAN SIYA NANG MAINAM, SAPAGKAT SIYA NA LUMALAPIT SA DIYOS AY DAPAT NA MANIWALA NA SIYA NGA AY UMIIRAL AT NA SIYA ANG NAGIGING TAGAPAGBIGAY-GANTIMPALA DOON SA MGA MARUBDOB NA HUMAHANAP SA KANIYA.”​—HEBREO 11:6.

ANO ang pananampalataya? Ipinaliliwanag ng ilan ang pananampalataya bilang isang relihiyosong paniniwala sa Diyos nang walang matibay na patotoo ng kaniyang pag-iral. Binigyang katuturan ng Amerikanong peryodista na si H. L. Mencken ang pananampalataya bilang “isang walang-katuwirang paniniwala sa kaganapan ng bagay na malamang na hindi magkatotoo.” Ito ba ang tunay na pananampalataya na inilarawan sa Bibliya? Mahalaga na magkaroon ng malinaw na unawa kung ano ang pananampalataya dahilan sa, gaya ng sinipi sa itaas, ‘kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan ang Diyos.’

Sinasabi ng Bibliya: “Ang pananampalataya ay pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan natin.” (Hebreo 11:1, The New Testament in the Language of Today) Kung gayon, nakasalig ang pananampalataya sa tumpak na kaalaman, mga katotohanan na kung saan maibabatay ang tamang mga pagpapasiya. Humihiling ito hindi lamang ng paniniwala kundi ng isang dahilan para maniwala.

Upang ilarawan: Marahil mayroon kang isang kaibigan na masasabi mong: “Pinagtitiwalaan ko ang taong iyan. Makaaasa ako na tutuparin niya ang kaniyang salita. Alam kong kapag may suliranin ako, tutulungan niya ako.” Hindi mo sasabihin iyan sa isa na nakilala mo lamang kahapon o kamakalawa, hindi ba? Siya’y dapat na yaong isa na paulit-ulit nang napatunayan na maaasahan. Ganito rin dapat kung tungkol sa relihiyosong pananampalataya, na dapat na magdulot ng pag-asa at kombiksiyon salig sa matibay at maaasahang patotoo.

Pananampalataya o Kredulidad?

Karamihan ng itinuturing na pananampalataya sa ngayon ang sa katunayan ay kredulidad lamang​—ang pagiging handang maniwala nang walang matibay na saligan o dahilan. Ang kredulidad ay kadalasang salig sa pabagu-bagong emosyon at pamahiin. Hindi ito pananampalataya na may matibay na saligan sapagkat wala itong mapananaligang batayan para paniwalaan.

Ang kredulidad ay magpapangyari sa isa na magmadali sa paggawa ng konklusyon na maaaring di-kasuwato ng katotohanan sa Bibliya. Kaya, nagbababala ang Bibliya laban sa walang-saligang pananampalataya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Sumulat si apostol Pablo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng mga bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Hindi itinataguyod ng Bibliya ang kredulidad. Hinihimok nito ang pananampalataya na salig sa katibayan.

Ang kakayahang makilala ang tunay na pananampalataya mula sa kredulidad ay isang seryosong bagay. Maaaring maging relihiyoso ang isang tao ngunit wala naman siyang tunay na pananampalataya. Binanggit ni Pablo: “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Ngunit ang salig-Bibliyang pananampalataya ay taglay ng ilang tao, at talagang naaapektuhan nito ang kanilang buhay.

Pinangyayari ng Tunay na Pananampalataya na Mabuklod ang Tao sa Diyos

Maihahalintulad ang pananampalataya sa isang kadena na may mga kawing ng kumpiyansa at tiwala na nagpapangyaring mabuklod ang tao sa Diyos. Ngunit ang uring ito ng pananampalataya ay isang bagay na nililinang; hindi ito isang bagay na taglay natin nang ipanganak tayo. Paano ka magkakaroon ng tunay na pananampalataya? Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig. Ang bagay na narinig naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol kay Kristo.”​—Roma 10:17.

Kaya naman, kailangan mo ng panahon upang makilala ang Diyos at ang mga turo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Hindi makukuha ang kaalamang ito nang walang pagsisikap. (Kawikaan 2:1-9) Kailangang magsikap ka upang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya upang maging kumbinsido ka sa pagkamaaasahan nito.

Gayunman, ang tunay na pananampalataya ay nagsasangkot ng higit pa kaysa basta pagtataglay lamang ng kaalaman o paniniwala na ang isang bagay ay totoo. Nasasangkot din dito ang puso​—ang sentro ng pangganyak. Sinasabi ng Roma 10:10: “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nagsasagawa ng pananampalataya.” Ano ang ibig sabihin nito? Habang binubulay-bulay mo ang makadiyos na mga bagay, anupat pinasusulong ang pagpapahalaga para sa mga ito, pinahihintulutan mo ang mensahe ng Bibliya na bumaon nang malalim sa iyong puso. Lumalago at lalong lumalakas ang pananampalataya habang nagaganyak kang kumilos sa mga pangako ng Diyos at samantalang nakikita mo ang patotoo ng pagpapala niya.​—2 Tesalonica 1:3.

Isa ngang mahalagang pag-aari ang tunay na pananampalataya! Nakikinabang tayo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kakayahang harapin ang mahihirap na kalagayan taglay ang kumpiyansa sa Diyos, na nagtitiwala sa kaniyang kakayahan na patnubayan ang ating mga hakbang at sa kaniyang pagnanais na paglaanan ang ating mga pangangailangan. Isa pa, tinukoy ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang isa sa pangmatagalang kapakinabangan ng pananampalataya: “Sapagkat inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Buhay na walang-hanggan​—isa ngang tunay na kahanga-hangang kaloob doon sa mga may pananampalataya!

Ang pananampalataya sa pangako ng Diyos na gagantimpalaan ang kaniyang mga lingkod ay nagbibigay sa isang tao ng panibagong pangmalas sa buhay. Sinasabi ng Hebreo 11:6 na ang tunay na pananampalataya ay nagsasangkot ng paniniwala sa kakayahan ng Diyos na gantimpalaan yaong “mga marubdob na humahanap sa kaniya.” Maliwanag kung gayon, hindi kredulidad ang tunay na pananampalataya, at ito ay higit pa sa basta paniniwala lamang na umiiral ang Diyos. Nagsasangkot ito ng pagtanggap sa kakayahan ng Diyos na kumilos bilang tagapagbigay-gantimpala niyaong mga marubdob na humahanap sa kaniya. Ikaw ba ay tunay at may kataimtimang nagnanais na makilala ang Diyos? Kung oo, kumuha kung gayon ng tumpak na kaalaman mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at ang iyong pananampalataya ay gagantimpalaan.​—Colosas 1:9, 10.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Mga iginuhit ni Albrecht Dürer/Dover Publications, Inc.