Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano Na Nga ba ang Nangyari sa Batang si Peter?

Ano Na Nga ba ang Nangyari sa Batang si Peter?

Ano Na Nga ba ang Nangyari sa Batang si Peter?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ECUADOR

INILATHALA sa Agosto 22, 1970, ng Awake! ang isang artikulo na pinamagatang “Heart Surgery Without Blood Transfusion (Pag-opera sa Puso Nang Walang Pagsasalin ng Dugo).” Isinalaysay nito ang kasaysayan ng isang pitong taóng gulang na batang lalaking taga-Canada na nagngangalang Peter, na nangailangan ng nagliligtas-buhay na operasyon noong 1963.

Sinabi ng unang doktor ni Peter na may isang pamamaraan na makaaayos sa may diperensiyang balbula ng kaniyang puso. Subalit nang patingnan ng mga magulang ni Peter ang kanilang anak sa isang espesyalista at itinanong kung maaaring gawin ang operasyon nang walang dugo, sinabi ng doktor: “Hindi. Imposible talaga iyan. Tinitiyak ko ito sa inyo.”

Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob, nagpatuloy sa kanilang paghahanap ang mga magulang ni Peter at sa wakas ay nakatagpo ng isang siruhano na handang mag-opera nang hindi gumagamit ng dugo. Ano ang kinalabasan nito? Bagaman nakaligtas si Peter sa operasyon, sinabihan ang kaniyang mga magulang na panahon lamang ang makapagsasabi kung gaano katagumpay ang pamamaraang ginawa. Kaya, ano na nga ba ang nangyari sa batang si Peter?

Nang si Peter ay 13 anyos, siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Ecuador, Timog Amerika, upang maglingkod kung saan higit na nangangailangan ng mga mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Nabautismuhan si Peter sa edad na 15 at naging isang regular pioneer (buong-panahong ebanghelisador) sa edad na 18. Naging special pioneer siya sa edad na 26, na naglilingkod sa isang nayon na 3,000 metro ang taas sa kapantayan ng dagat sa Andes. Noong 1988, sa edad na 31, si Peter kasama ang kaniyang maybahay, si Isabel, ay nagsimulang maglingkuran bilang isang naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watch Tower. Nagpapatuloy siya sa ganitong paglilingkuran hanggang sa ngayon, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo upang magpatibay sa kanila.

Ang totoo, si Peter ay may napakaaktibong buhay, na hindi nangangailangan ng anumang karagdagang operasyon. Anong laki ng kaniyang pasasalamat at ng libu-libong iba pang Saksi dahil sa pakikipagtulungan ng dalubhasang mga siruhano na gumagalang sa mga karapatan ng kanilang mga pasyente!

[Larawan sa pahina 23]

Si Peter sa edad na pito, di pa natatagalan pagkatapos ng operasyon

[Larawan sa pahina 23]

Sina Peter at Isabel Johnston sa ngayon