Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang El Niño?

Ano ba ang El Niño?

Ano ba ang El Niño?

Nang tangayin ng dati’y tuyong Apurímac River na malapit sa Lima, Peru, ang halos lahat ng pag-aari ni Carmen, ganito ang hinagpis niya: “Marami kami na nakaranas ng ganito, napakarami. Hindi lamang ako.” Sa gawi pa roon ng hilaga, pansamantalang binago ng malakas na buhos ng ulan ang isang bahagi ng Sechura Desert na nasa tabing-dagat tungo sa pagiging pangalawang pinakamalaking lawa sa Peru, anupat sumasaklaw ng mga 5,000 kilometro kuwadrado. Sa iba’t ibang dako pa ng daigdig, ang di-karaniwang pagbaha, malalakas na bagyo, at matitinding tagtuyot ay nagbunga ng taggutom, epidemya, malalaking sunog, at pagkapinsala sa mga pananim, ari-arian, at kapaligiran. Ano ang sanhi ng lahat ng ito? Sinisisi ng marami ang El Niño, na nagsimula sa bahagi ng Karagatang Pasipiko sa tropiko, o sa gawing ekwador, noong bandang katapusan ng 1997 at tumagal ito nang mga walong buwan.

Ano ba talaga ang El Niño? Paano ito nagsisimula? Bakit napakalawak ng mga epekto nito? Mahuhulaan ba nang may katiyakan ang susunod na paglitaw nito, anupat marahil ay mababawasan ang napipinsala nitong buhay at ari-arian?

Nagsisimula Ito sa Pag-init ng Katubigan

“Ang El Niño, sa tuwirang salita, ay ang mainit na daloy lamang ng tubig na lumilitaw malapit sa baybayin ng Peru tuwing dalawa hanggang pitong taon,” ang sabi ng magasing Newsweek. Sa loob ng mahigit na sandaang taon na, napansin ng mga magdaragat sa kahabaan ng baybayin ng Peru ang gayong pag-init. Yamang ang mainit na mga daloy na ito ay karaniwan nang dumarating kapag magpapasko, pinanganlan ang mga ito na El Niño, ang katagang Kastila para sa sanggol na si Jesus.

Ang pag-init ng katubigang malapit sa baybayin ng Peru ay nangangahulugan ng mas maraming pag-ulan sa lupaing iyan. Pinangyayari ng ulan na mamulaklak ang disyerto at dumami ang mga hayupan. Kapag malakas ang buhos, ang mga pag-ulan ay nagdudulot din ng mga pagbaha sa rehiyon. Bukod dito, hinahadlangan ng mainit na tubig sa bandang ibabaw ng dagat na pumaitaas ang masustansiyang tubig na mas malamig na nasa ilalim. Bunga nito, ang maraming nilikha sa dagat at maging ang ilang ibon ay lumilipat sa ibang lugar upang maghanap ng makakain. Pagkatapos ay mararamdaman ang mga epekto ng El Niño sa iba pang lugar na malayo sa baybayin ng Peru. *

Sanhi ng Hangin at Tubig

Ano ang sanhi ng di-karaniwang pagtaas ng temperatura ng karagatang malapit sa baybayin ng Peru? Upang maunawaan ito, isaalang-alang muna ang higanteng sirkulasyon ng siklo, kilala bilang ang Walker Circulation, na umiiral sa atmospera sa pagitan ng silanganin at kanluraning bahagi ng Pasipiko sa tropiko. * Habang pinaiinit ng araw ang bandang ibabaw na katubigan sa kanluran, malapit sa Indonesia at Australia, ang mainit at mahalumigmig na hangin ay pumapaitaas sa atmospera, na nagiging sanhi ng sistema ng mababang-presyon malapit sa pinakaibabaw ng katubigan. Ang pumapaitaas na hangin ay lumalamig at pinakakawalan ang halumigmig nito anupat nagdudulot ng mga pag-ulan sa lugar na ito. Ang tuyong hangin ay tinatangay pasilangan ng mga hangin na nasa mas mataas na atmospera. Habang ito ay naglalakbay pasilangan, ang hangin ay lumalamig at bumibigat at nagsisimulang bumaba pagdating sa Peru at Ecuador. Nagiging sanhi ito ng sistema ng mataas na presyon malapit sa pinakaibabaw ng karagatan. At, sa mababang altitud, ang mga takbo ng hangin na kilala bilang mga trade wind (hangin na kalimitan ay humihihip sa iisang direksiyon) ay humihihip naman pabalik sa kanluran patungong Indonesia, sa gayon ay nakukumpleto ang siklo.

Paano naaapektuhan ng mga trade wind ang temperatura sa pinakaibabaw ng bahagi ng Pasipiko sa tropiko? “Ang mga hanging ito ay karaniwan nang kumikilos na gaya ng mga simoy ng hangin sa isang maliit na lawa,” ang sabi ng Newsweek, “anupat itinutulak ang mainit na tubig patungo sa kanlurang bahagi ng Pasipiko kung kaya’t ang kapantayan ng dagat doon ay mas mataas ng 60 sentimetro at mas mainit ng 8 antas ng Celsius kaysa sa kapantayan ng dagat, bilang halimbawa, sa Ecuador.” Sa silangang bahagi ng Pasipiko, ang masustansiyang tubig na mas malamig mula sa ilalim ay pumapaitaas, na nagiging sanhi ng pagdami ng mga buhay sa dagat. Kaya, kapag normal na mga taon, o kapag walang El Niño, ang temperatura sa pinakaibabaw ng dagat ay mas malamig sa silangan kaysa sa kanluran.

Anong pagbabago sa atmospera ang nagiging sanhi ng El Niño? “Sa mga kadahilanang hindi pa rin natatalos ng mga siyentipiko,” ang sabi ng National Geographic, “tuwing lilipas ang ilang taon ay humihina o naglalaho pa nga ang mga trade wind.” Habang humihina ang mga hanging ito, ang mainit na tubig na naipon malapit sa Indonesia ay humuhugos pabalik sa silangan, na nagiging sanhi ng pagtaas ng temperatura sa pinakaibabaw ng dagat sa Peru at sa iba pang lugar sa silangan. Ang pagkilos namang ito ay may epekto sa sistema ng atmospera. “Ang pag-init ng silangang bahagi ng Karagatang Pasipiko sa tropiko ay nagpapahina sa Walker Circulation at nagiging sanhi para kumilos pasilangan ang siklo ng malalakas na pag-ulan, mula sa kanluran tungo sa gitna at silangang bahagi ng Pasipiko sa tropiko,” ang sabi ng isang akdang reperensiya. Kaya naman apektado ang takbo ng lagay ng panahon sa kahabaan ng buong bahagi ng Pasipiko sa gawing ekwador.

Gaya ng Isang Malaking Bato sa Isang Batis

Maaari ring baguhin ng El Niño ang takbo ng klima sa mga rehiyon na malayo sa mga daloy ng tubig sa bahagi ng Pasipiko sa tropiko. Paano? Sa pamamagitan ng paggamit sa sistema ng sirkulasyon ng atmospera bilang isang kasangkapan. Ang malawakang mga epekto ng isang pagkagambala sa sirkulasyon ng atmospera sa isang lugar ay maihahalintulad sa epekto ng isang malaking bato na nasa gitna ng isang batis na maaaring makagawa ng maliliit na alon sa buong batis. Ang makapal na mga ulap-ulan na pumapaitaas sa ibabaw ng tubig ng mainit na karagatan sa tropiko ay bumubuo ng isang tulad-malaking bato na harang sa atmospera, na nakaaapekto sa mga takbo ng klima sa layong libu-libong kilometro.

Sa mas mataas na latitud, pinalalakas at hinahalinhan ng El Niño ang mabilis at pasilangang takbo ng hangin na kilala bilang mga jet stream. Karamihan sa direksiyon ng mga sistema ng bagyo ay inaakay ng mga jet stream sa mga latitud na ito. Ang paglakas at pagbabago ng direksiyon ng mga jet stream ay maaari ring makapagpalakas o makapagpahina sa nagbabagu-bagong lagay ng panahon. Halimbawa, ang mga panahong taglamig kapag may El Niño ay karaniwan nang mas katamtaman kaysa sa normal sa mga lugar ng hilagang Estados Unidos, samantalang mas maulan at mas malamig naman ang mga ito sa ilang estado sa timog.

Gaano Kadaling Hulaan?

Ang mga epekto ng bawat bagyo ay maaari lamang mahulaan ng mga ilang araw patiuna. Ganoon din ba kung tungkol sa mga pagtatangkang mahulaan ang pagdating ng El Niño? Hindi. Sa halip na nagsasangkot lamang ng maiigsing pangyayari sa lagay ng panahon, sangkot sa mga patiunang pagtaya hinggil sa El Niño ang abnormal na mga kalagayan ng klima sa malalaking rehiyon na kung minsan ay tumatagal ng ilang buwan. At ang mga mananaliksik sa klima ay nagtamo ng isang antas ng tagumpay sa patiunang pagtaya hinggil sa El Niño.

Halimbawa, ang patiunang pagtaya sa 1997-1998 na El Niño ay ipinalabas noong Mayo ng 1997​—mga anim na buwan bago ang pagdating nito. Nakakalat ngayon sa bahagi ng Pasipiko sa tropiko ang 70 nakaangklang palutang na siyang sumusukat sa mga kalagayan ng hangin sa pinakaibabaw ng karagatan at sa temperatura ng karagatan hanggang sa lalim na 500 metro. Kapag ito ay ipinasok sa mga computer na may sistema ng paglalarawan sa klima, ang mga impormasyong ito ay naglalabas ng mga pagtaya sa lagay ng panahon.

Ang maagang mga babala hinggil sa El Niño ay tunay na makatutulong sa mga tao na maghanda para sa inaasahang mga pagbabago. Halimbawa, mula noong 1983, ang mga patiunang pagtaya hinggil sa El Niño sa Peru ay humimok sa maraming magsasaka na mag-alaga ng baka at magtanim ng mga pananim na angkop sa maulang klima, samantalang ang mga mangingisda naman, sa halip na manghuli ng isda ay nanghuli na lamang ng hipon na sagana sa maiinit na katubigan. Oo, ang tumpak na patiunang pagtaya kalakip ang patiunang paghahanda ay maaaring makabawas sa pinsala ng El Niño sa tao at sa kabuhayan.

Ang mga makasiyensiyang pananaliksik sa mga proseso na umuugit sa klima ng ating lupa ay nagpapatotoo sa katumpakan ng kinasihang mga salita na iniulat ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, mga 3,000 taon na ang nakararaan. Isinulat niya: “Ang hangin ay yumayaon patungo sa timog, at ito ay umiikot patungo sa hilaga. Ligid ito nang ligid sa patuloy na pag-ikot, at sa mismong mga pag-ikot nito ay bumabalik ang hangin.” (Eclesiastes 1:6) Maraming natutuhan ang mga tao sa makabagong panahon hinggil sa mga takbo ng lagay ng panahon mula sa pag-aaral sa mga takbo ng hangin at mga daloy ng karagatan. Makinabang nawa tayo mula sa kaalamang iyan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga babala hinggil sa mga pangyayari na gaya ng El Niño.

[Mga talababa]

^ par. 6 Kabaligtaran naman, ang La Niña (“ang maliit na batang babae” sa wikang Kastila) ay isang pana-panahong paglamig ng temperatura ng tubig sa kanlurang baybayin ng Timog Amerika. Malaki rin ang epekto ng La Niña sa lagay ng panahon.

^ par. 8 Ang siklo ay isinunod sa pangalan ni Sir Gilbert Walker, ang Britanong siyentipiko na nagsuri sa proseso noong dekada ng 1920.

[Kahon sa pahina 27]

ANG SUNUD-SUNOD NA PINSALANG NAGAWA NG EL NIÑO

1525: Ang pinakamaagang ulat sa kasaysayan tungkol sa isang kaganapan ng El Niño sa Peru.

1789-93: Ang El Niño ang dahilan ng pagkamatay ng mahigit na 600,000 sa India at naging sanhi ng matinding taggutom sa timugang Aprika.

1982-83: Ang pangyayaring ito ang dahilan ng pagkamatay ng 2,000 at mahigit na $13 bilyong pinsala sa ari-arian, pangunahin na sa mga rehiyon sa tropiko.

1990-95: Tatlong sunud-sunod na pangyayari ang nagsama-sama na naging isa sa pinakamahabang yugto ng El Niño na naitala.

1997-98: Sa kabila ng unang malawakang tagumpay sa mga rehiyon may kinalaman sa patiunang pagtaya hinggil sa mga pagbaha at tagtuyot bunga ng El Niño, mga 2,100 buhay ang nasawi, at nagdulot ito ng mga pinsala sa buong daigdig na nagkakahalaga ng $33 bilyon.

[Mga dayagram/Mga mapa sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NORMAL

Takbo ng Walker Circulation

Malalakas na trade wind

Mainit na tubig sa karagatan

Malamig na tubig sa karagatan

EL NIÑO

Nagbago ng direksiyon ang mga jet stream

Mahihinang trade wind

Kumikilos nang pasilangan ang mainit na tubig

Mas mainit o mas tuyo kaysa sa karaniwan

Mas malamig o mas basa kaysa sa karaniwan

[Mga Dayagram/Mga larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

EL NIÑO

Ang pulang mga kulay sa globo sa itaas ay kumakatawan sa mas mainit na mga temperatura ng tubig kaysa sa normal

NORMAL

Naiipon ang mainit na tubig sa kanlurang bahagi ng Pasipiko, na nagiging sanhi upang pumaitaas sa silangan ang masustansiyang tubig na mas malamig

EL NIÑO

Ang mahinang mga trade wind ang siyang nagiging sanhi upang humugos pabalik sa silangan ang mainit na tubig, anupat nahahadlangang pumaitaas ang mas malamig na tubig

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

PERU

Binahang Sechura Desert

MEXICO

Bagyong Linda

CALIFORNIA

Pagdausdos ng mga putik

[Credit Lines]

Pahina 24-5 mula kaliwa pakanan: Fotografía por Beatrice Velarde; Image produced by Laboratory for Atmospheres, NASA Goddard Space Flight Center; FEMA photo by Dave Gatley