Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?

Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?

Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?

ANG paninigarilyo ay hindi para sa mga nagnanais mabuhay nang mahaba at maligaya. Ang posibilidad na ang isang matagal nang naninigarilyo ay mamatay sa dakong huli dahil sa tabako ay 1 sa 2. Ang panlahat na patnugot ng World Health Organization (WHO) ay nagsabi: “Ang sigarilyo ay . . . isang produktong may katalinuhang ginawa na nagbibigay ng tama lamang na dami ng nikotina upang ang gumagamit nito ay mapanatiling sugapa habang buhay bago patayin ang tao.”

Kung gayon, ang isang dahilan upang huminto sa paninigarilyo ay sapagkat isinasapanganib ng paninigarilyo ang kalusugan at buhay. Ang paninigarilyo ay iniuugnay sa mahigit na 25 sakit na nagsasapanganib sa buhay. Halimbawa, isa itong pangunahing sanhi ng atake sa puso, istrok, talamak na brongkitis, empisema, at iba’t ibang kanser, lalo na ang kanser sa bagà.

Sabihin pa, ang isang tao ay maaaring manigarilyo sa loob ng mga taon bago tamaan ng isa sa mga sakit na ito. Samantala, hindi ginagawang kaakit-akit ng paninigarilyo ang isang tao sa iba. Inilalarawan ng anunsiyo ang mga naninigarilyo na kahali-halina at malulusog. Iba naman ang katunayan. Ang paninigarilyo ay nagpapabaho sa hininga at nagmamantsa ng kulay-manilaw-nilaw-kape sa mga ngipin at daliri. Ito ang nagpapangyari sa mga lalaki na mawalan ng kakayahan sa pakikipagtalik. Nagdudulot ito sa naninigarilyo ng ubo at pangangapos ng paghinga. Mas malamang na dumanas din ang mga naninigarilyo ng maagang pangungulubot ng mukha at iba pang problema sa balat.

Kung Paano Naaapektuhan ng Paninigarilyo ang Iba

Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Ang pag-ibig sa kapuwa​—at ang mga miyembro ng iyong pamilya ang pinakamalapit mong kapuwa​—ang isang matinding dahilan upang huminto.

Ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa iba. Hanggang kamakailan lamang, ang isang naninigarilyo ay maaaring magsindi ng sigarilyo saanman at makaaasang walang tututol. Subalit nagbabago ang mga saloobin sapagkat nauunawaan na ng mas maraming tao ang mga panganib sa paglanghap ng usok na mula sa sigarilyo ng iba. Halimbawa, ang isang di-naninigarilyo na asawa ng isang naninigarilyo ay 30-porsiyentong mas nanganganib na magkaroon ng kanser sa bagà kaysa kung siya ay asawa ng isa na hindi naninigarilyo. Ang mga anak na kapisan ng kanilang mga magulang na naninigarilyo ay mas malamang na magkaroon ng pulmonya o brongkitis sa unang dalawang taon ng buhay kaysa sa mga bata na nakatira sa mga tahanan na walang naninigarilyo.

Isinasapanganib ng mga babaing nagdadalang-tao na naninigarilyo ang kanilang hindi pa isinisilang na mga sanggol. Ang nikotina, carbon monoxide, at iba pang mapanganib na mga kimikal na nasa usok ng sigarilyo ay pumapasok sa daluyan ng dugo ng ina at tuwirang naipapasa sa sanggol sa bahay-bata. Kabilang sa mga resulta ang posibilidad na makunan, patay na pagsilang, at kamatayan ng mga bagong silang. Bukod pa riyan, ang panganib ng biglang pagkamatay ng sanggol ay tatlong ulit na mas mataas sa mga sanggol na ang kani-kanilang ina ay nanigarilyo noong panahon ng pagdadalang-tao.

Magastos

Ang isa pang dahilan upang huminto ay sapagkat magastos ang paninigarilyo. Tinataya ng isang pag-aaral ng World Bank na ang halaga ng pangangalaga sa kalusugan na dulot ng paninigarilyo ay nagkakahalaga ng mga $200 bilyon sa bawat taon. Mangyari pa, hindi kasali sa bilang na iyan ang halaga ng pagdurusa at kirot niyaong nagkasakit dahil sa tabako.

Ang tuwirang halaga ng mga sigarilyo sa isang naninigarilyo ay madaling kalkulahin. Kung ikaw ay naninigarilyo, paramihin mo nang 365 ang halaga ng salapi na ginugugol mo sa sigarilyo sa loob ng isang araw. Ipakikita niyan sa iyo kung magkanong salapi ang ginugugol mo sa isang taon. Paramihin mo ang bilang na iyan nang sampu, at makikita mo kung magkano ang magagastos mo sa sigarilyo kung maninigarilyo ka ng sampung taon pa. Ang resulta ay makagugulat sa iyo. Isip-isipin kung ano ang ibang magagawa mo sa gayon kalaking salapi.

Ligtas Bang Lumipat?

Ang industriya ng tabako ay nag-aanunsiyo ng mga sigarilyo na kaunti ang tar at nikotina​—na ipinalalaganap bilang banayad o suwabeng mga sigarilyo​—bilang isang paraan upang bawasan ang mga panganib sa kalusugan ng paninigarilyo. Gayunman, yaong lumilipat sa mga sigarilyong kaunti ang tar at nikotina ay naghahangad ng gayunding dami ng nikotina na gaya ng dati. Dahil dito, ang mga naninigarilyo na lumilipat ay karaniwang humihitit ng mas maraming sigarilyo, humihitit nang mas malalim at mas madalas, o humihitit nang higit sa bawat sigarilyo. Kahit na yaong hindi gumagawa ng mga pagbabago upang tumbasan ito, kaunti ang mga pakinabang na pangkalusugan kung ihahambing sa mga pakinabang ng lubusang paghinto.

Kumusta naman ang tungkol sa mga pipa at mga tabako? Bagaman malaon nang ipinalaganap ng industriya ng tabako ang mga pipa at tabako bilang mga sagisag ng katayuan sa lipunan, ang usok na inihahatid nito ay nakamamatay rin na gaya niyaong sa mga sigarilyo. Kahit na hindi nilalanghap ng mga naninigarilyo ang usok ng tabako o pipa, malaki pa rin ang panganib nila na magkaroon ng kanser sa labi, bibig, at dila.

Ligtas ba ang tabakong walang usok? Ito ay may dalawang anyo: ang snuff at nginunguyang tabako. Ang snuff ay isang pinulbos na tabako, na karaniwang ipinagbibiling nasa lata o supot. Karaniwan na, inilalagay ito ng mga gumagamit nito sa loob ng ibabang labi o pisngi. Ang nginunguyang tabako ay ipinagbibili sa mahahabang hibla, karaniwan nang nakasupot. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ito ay nginunguya, hindi sinisipsip. Ang snuff at ang nginunguyang tabako ay kapuwa nagiging sanhi ng mabahong hininga, mantsa sa ngipin, kanser sa bibig at lalaugan, pagkasugapa sa nikotina, puting mga singaw sa bibig na maaaring mauwi sa kanser, pag-urong ng gilagid, at pagkapudpod ng buto sa paligid ng ngipin. Maliwanag, ang pagsipsip o pagnguya ng tabako ay hindi isang matalinong alternatibo sa paghitit nito.

Mga Pakinabang sa Paghinto

Ipagpalagay nang ikaw ay matagal nang naninigarilyo. Ano ang nangyayari kapag ikaw ay huminto? Sa loob ng 20 minuto ng iyong huling sigarilyo, bababa sa normal ang iyong presyon ng dugo. Pagkaraan ng isang linggo, mawawala na ang nikotina sa iyong katawan. Pagkaraan ng isang buwan ang iyong pag-ubo, baradong sinus, pagkapagod, at pangangapos ng hininga ay mababawasan. Pagkaraan ng limang taon ang panganib na ikaw ay mamatay mula sa kanser sa bagà ay bababa nang 50 porsiyento. Pagkaraan ng 15 taon ang panganib na magkasakit ka sa puso ay mababawasan at magiging tulad sa isang taong hindi kailanman nanigarilyo.

Mas sasarap ang panlasa mo sa pagkain. Mas babango ang iyong hininga, katawan, at pananamit. Hindi ka na magkakaproblema o gagastos sa pagbili ng tabako. Makadarama ka ng tagumpay. Kung may mga anak ka, ang iyong halimbawa ay makababawas sa posibilidad na sila ay magiging mga naninigarilyo. Mas malamang na mabuhay ka nang mas mahaba. Isa pa, ikaw ay kumikilos na kasuwato ng kalooban ng Diyos, yamang sinasabi ng Bibliya: “Linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman.” (2 Corinto 7:1) Huwag mong isipin na huli na ang lahat upang ikaw ay huminto; kung hihinto ka agad, mas mabuti.

Kung Bakit Napakahirap Huminto

Mahirap huminto sa paninigarilyo​—kahit na para sa mga may matinding pangganyak. Pangunahin na, ito ay dahilan sa ang nikotina sa tabako ay lubhang nakasusugapang droga. “Kung uuriin ang pagiging nakasusugapa ng mga drogang nagpapabago ng isip, ang nikotina ay tiniyak na mas nakasusugapa kaysa sa heroin [at] cocaine,” sabi ng WHO. Di-tulad ng heroin at cocaine, ang nikotina ay hindi nagpapamalas ng malaking katibayan ng pagkalango, kaya madaling maliitin ang kapangyarihan nito. Gayunman ang bahagyang pagbuti ng pakiramdam na naidudulot nito ay nag-uudyok sa karamihan ng mga tao na patuloy na manigarilyo upang paulit-ulit na maranasan ang damdaming ito. Talagang binabago ng nikotina ang iyong pakiramdam; binabawasan nito ang iyong pagkabalisa. Gayunman, ang tensiyon na iniibsan ng sigarilyo sa isang bahagi ay dahil sa paghahangad sa nikotina mismo.

Mahirap ding huminto sa paninigarilyo sapagkat ang paninigarilyo ay isang bisyo sa paggawi. Bukod sa pagiging sugapa sa nikotina, ang mga naninigarilyo ay nagkakaroon ng madalas at paulit-ulit na mga rutin ng pagsindi at paghitit. ‘Isang bagay ito na ginagawa ng iyong mga kamay.’ ‘May pinagkakaabalahan ka,’ maaaring sabihin ng ilan.

Ang ikatlong salik na gumagawa ritong mahirap ihinto ay sapagkat ang tabako ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay. Ang industriya ng tabako ay gumugugol ng halos anim na bilyong dolyar taun-taon sa mga kampanya ng pag-aanunsiyo na naglalarawan sa mga naninigarilyo na kahali-halina, aktibo, malulusog, at matatalinong tao. Kadalasang sila’y ipinakikita na sumasakay sa kabayo, lumalangoy, naglalaro ng tenis, o nagsasagawa ng iba pang kaakit-akit na gawain. Ipinakikita ng mga pelikula at mga programa sa telebisyon ang mga taong naninigarilyo​—at hindi laging ang mga kontrabida. Ang tabako ay legal na ipinagbibili at madaling makuha sa halos lahat ng dako. Ang karamihan sa atin ay hindi kailanman malayo sa isa na naninigarilyo. Hindi mo matatakasan ang mga impluwensiyang ito.

Nakalulungkot, wala kang maiinom na pildoras upang alisin ang pagnanais na manigarilyo kung paanong naaalis ng isang aspirin ang sakit ng ulo. Upang magtagumpay sa mahirap na paghinto, ang isang tao’y dapat na nagaganyak. Tulad sa pagpapapayat, ito’y nangangailangan ng matibay na paninindigan sa loob ng mahabang panahon. Ang pananagutan upang magtagumpay ay nakasalalay sa tao na naninigarilyo.

[Kahon sa pahina 5]

Maagang Nagumon

Ipinakikita ng isang pag-aaral sa Estados Unidos na 1 sa 4 na kabataan na sumubok manigarilyo ang sa dakong huli’y naging sugapa. Kahawig ito sa dami ng pagkasugapa niyaong sumubok ng cocaine at heroin. Bagaman mga 70 porsiyento ng mga naninigarilyong tin-edyer ang nagsisising sila’y nagsimulang manigarilyo, iilan ang nagawang huminto.

[Kahon sa pahina 5]

Ano ang Nasa Usok ng Sigarilyo?

Ang usok ng sigarilyo ay mayroong tar, na binubuo ng mahigit na 4,000 kimikal. Sa mga kimikal na ito, 43 ang kilalang pinagmumulan ng kanser. Kabilang sa mga ito ang cyanide, benzene, alkohol ng kahoy, at acetylene (isang gatong na ginagamit sa mga sulo). Ang usok ng sigarilyo ay mayroon ding nitrogen oxide at carbon monoxide, kapuwa nakalalasong gas. Ang pangunahing aktibong sangkap nito ay nikotina, isang lubhang nakasusugapang droga.

[Kahon sa pahina 6]

Tulungan ang Isang Minamahal na Huminto

Kung ikaw ay isang hindi naninigarilyo na nakababatid sa mga panganib ng paninigarilyo, malamang na ikaw ay nasisiraan ng loob kapag ang iyong mga kaibigan at mga mahal sa buhay ay patuloy na naninigarilyo. Ano ang magagawa mo upang tulungan silang huminto? Ang paninisi, pagmamakaawa, pamimilit, at panunuya ay bihirang magtagumpay. Ni ang pagsesermon man. Sa halip na huminto, ang naninigarilyo ay maaaring umabot ng isang sigarilyo upang maibsan ang kirot ng damdamin na dulot ng mga paraang ito. Kaya sikaping unawain kung gaano kahirap huminto at kung paanong mas mahirap ito para sa ilan kaysa sa iba.

Hindi mo mapahihinto ang isang tao sa paninigarilyo. Ang panloob na lakas at pananalig na huminto ay dapat na manggaling sa tao na naninigarilyo. Kailangan mong humanap ng maibiging mga paraan upang patibayin at alalayan ang pagnanais na huminto.

Paano mo magagawa iyan? Sa tamang panahon, maaari mong ipahayag ang iyong pag-ibig sa tao at sabihin mo na nababahala ka sa kaniyang bisyo ng paninigarilyo. Ipaliwanag mo na naroroon ka upang alalayan ang anumang pasiyang huminto. Mangyari pa, kung madalas gamitin ang paraang ito, hindi na ito magiging mabisa at makahulugan.

Ano ang magagawa mo kung ang iyong mahal sa buhay ay nagpasiya nga na huminto? Isaisip na siya’y maaaring dumanas ng mga sintomas ng hirap na dulot ng paghinto, kabilang na ang pagkamagagalitin at panlulumo. Maaaring maging problema rin ang mga sakit ng ulo at hindi pagkakatulog. Ipaalaala sa iyong mahal sa buhay na pansamantala lamang ang mga sintomas na ito at na ang mga ito ay palatandaan na ang katawan ay nakikibagay sa isang bago at malusog na pagkakatimbang. Maging masayahin at positibo. Ipahayag kung gaano ka kaligaya sa kaniyang paghinto. Sa buong panahon ng paghinto, tulungan ang iyong mahal sa buhay na iwasan ang maiigting na kalagayan na maaaring humantong sa pagbalik niya sa dating bisyo.

Kumusta naman kung bumalik sa dating bisyo? Sikaping huwag magalit agad. Maging madamayin. Malasin ang situwasyon bilang isang karanasan sa pagkatuto para sa inyong dalawa, anupat ginagawang malamang na magtagumpay ang susunod na pagsisikap.

[Larawan sa pahina 7]

Ang industriya ng tabako ay gumugugol ng halos anim na bilyong dolyar taun-taon sa pag-aanunsiyo